Chapter 24: DUKOT

524 40 11
                                    

Chapter 24

Dukot

Lumipas ang mga araw at linggo, ngunit nanatili sa anyong-Alamid si Ulan. Nais niyang magbago ang kapalaran at muling maging tao. Higit sa lahat, nais niyang makapiling ang babaylan nang hindi naka-anyong hayop. Sa bawat araw na walang pagbabago sa kanya'y dinadaga ang dibdib ni Ulan... na baka balang araw ay talikuran siya ng kanyang mga Alamid at mas masaklap kung maging si Amila'y magbagot at magbago ang pintig ng puso. Sa kanyang paghuna-huna habang naglalakad ay hindi na namalayan ng pangulo'ng napagawi na pala siya sa dalampasigan ng ilog na malaya na ngayong pinagsasaluhan ng magkaratig-tribu. Dahan-dahang lumapit sa tubig si Ulan, tanaw ang mukhang nagbalik-titig sa kanya sa tubig. Isang hayop na hindi likas sa kagubatan ng Hiyas ang nakatitig sa kanya. Dati-rati'y bumubukal sa kanyang dibdib ang matinding kasiyahan kapag nakapalit-anyo siya... ngunit hindi na ito ang nararamdaman ni Ulan ngayon.

Umalingawngaw sa kapaligiran ang galit na ungol ng Alamid. Ilang ulit itong kumawala sa hangin, hanggang sa mabulabog ang kagubatan at nagsiliparan ang mga ibong nagulat sa hinagpis ng isa sa makapangyarihang nilalang ng Sinagbato.

Hindi niya sinasadyang pukawin ang natutulog na diyos.

Nahapo si Ulan at pahingal na tumigil sa kanyang pag-ungol. May silbi ba ang kanyang mga sigaw? Alam niyang malayo ngayong sa lupa si Gurama-un, kaya hindi niya ito mapukulan ng galit na tanong. Nauhaw ang Alamid at uminom ng tubig sa ilog.

Isang mukha ang naaninag niya sa tubig!

Napaatras si Ulan, hindi makapaniwala sa kanyang nakita.

Gurama-un?

Sabik na bumalik sa tubig si Ulan, hinagilap ang imahe ng diyos. Muli itong nagpakita sa kanya... ngunit kaagad kinabahan ang Alamid. Kamukha man ng sinasambang diyos ang nakangisi sa kanya ngayo'y hindi ito si Gurama-un.

At huli na ang lahat para lumikas sa tubig ang Alamid. Mala ipo-ipo ang humigop sa kanya patungo sa ilalim ng lupa hanggang sa magdilim ang lahat at wala na siyang maalala pa.

Sa ganitong tagpo siya nakita ni Amila nang sundan nito ang kanyang mga ungol kanina.

Natigagal ang babaylan sa nakita bago pa man nito nakuhang sumigaw...

"Ulaaaaan!"

Patakbong nilusob ni Amila ang ilog, sumisid at nagpaikot-ikot ang tingin sa buong katubigan ngunit bigo siyang makita ang Alamid. Galit siyang umahon, muling iginala ang tingin sa pag-asang masilayan ang anyo ng kabiyak... gahilum lang ang tubig na para bang walang kababalaghang nangahitabo. Kumirot ang dibdib ng babaylan, hindi maiwasang mangilid ang luha sa matinding emosyon. Batid niyang hindi pangkaraniwan ang pagkawala ni Ulan... bagkus, alam na niya kung kanino susunod na tutungo. Akmang lalakad papunta sa Tagabantay si Amila nang maramdaman niya ang malakidlat na hanging dumampi sa kanyang balat. Kasunod nito ay ang paglitaw ni Agaw-Kislap sa kanyang harapan.

"Nilamon ng ilog si Ulan," paasik na wika ng Mamamana. Nagataas ng kilay ang anito.

"Nabati ko rin ang kakaibang gahum na lumatay sa ilog. Nakita mo ba kung ano o sino ang kumuha sa Alamid?"

"Hindi, Kaka. Bigla na lang siyang pumailalim. Tulungan mo akong mahanap si Ulan!"

"Maghilum ka, Amila. Tiyak kong malalaman ni Heulii ang buong pangyayari."

"Sa kanya rin ako papunta bago ka dumating," anang babaylan, may takot ang tinig.

"Halika na."

Nanlaki ang mga mata ng Tagabantay sa hindi inaasahang balita mula sa mga panauhin pag-akyat ng mga ito sa kanyang balay. Nangalisag ang kanyang balahibo sa paraan ng paglaho ni Ka Ulan.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon