Chapter 29: BINHI

519 33 30
                                    

CHAPTER 29

BINHI

Isa siyang malakas na diyos at may malaking nasasakupan sa sansinukubang biyaya ng Makagagahum sa Tanan. Sinasamba ang ngalan niya ng bawat mandirigmang nagnanais manalo sa laban, kinaiinggitan ng mga kapwa diyos na gaya niya'y mula sa Manlilikha ng Lahat. Napapasakanya ang mga malalakas at karapat-dapat na mangungubat kung nasawi ang mga ito sa digmaan, bagkus, may sarili siyang sandatahang lakas na wala sa ibang diyos. Dahil sa kanyang mga mandirigma'y nawili sa lupa si Gurama-un. Lalo't nagbuo ng malakas na angkang pandigma ang tribung Pugo-ulo at tinawag itong Alamid. Natuwa ang diyos nang sambahin siya ng mga kasapi ng angkan kaya pinagpala niya ang iilan sa kanila. Hindi ito nagustuhan ng Manlilikha at ilang beses na siyang pinabantaang parurusahan. Ngunit sa bawat likha niya ng Pinagpala'y bumubusilak ang papuri ni Gurama-un sa sarili... nakalimutang may mas makapangyarihan sa kanya.

Hindi man siya makawala sa hawlang tirahan sa kasalukuya'y tumatakbo pa rin ang mga plano sa isip ni Gurama-un ng mga sandaling iyon.

"Raka..." Mahina lamang ang tawag sa alamid na alaga. Maya-maya'y walang ingay na lumapit ang hayop sa kanya. "Patawarin mo ako sa aking gagawin." Hinimas niya ang ulo ng alamid. Nagpakita ito ng pangil. "Ipinapangako ko'ng magkikita tayong muli."

Malakas na ungol ang ganti ni Raka.

Inilublob ng diyos ang hintuturo sa tubig na nakalagay sa pabilog na sisidlang iniwan ng utusan sa kanya kanina. Inikot-ikot niya ang daliri sa tubig hanggang sa umikot mag-isa ang likido at naaninag niya ang mukha ng kapatid.

"Kam..."

"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo pa itong gawin, igsuon. Nakakulong ka dahil sa mga taga-lupa."

"Nais mo ba'ng umatras sa usapan, Kamat-ayon?" Mahinahon lamang ang boses ngunit takot na natahimik sandali ang diyos ng kabilang buhay. Pagkuwa'y napabuntunghininga ito at muling tinitigan ang kausap.

"Nakahanda na ang lahat," anang diyos. Ang tubig sa sisidla'y naging maliit an ipo-ipo... hanggang sa lumaki ng lumaki!

Napangiti si Gurama-un.

"Raka, ngayon na!"

Hapong nakatulog ang mag-asawa matapos ang pag-iisang katawan ng gabing iyon. Bagama't may alinlangan sa mga mata ni Ulan sa tuwing magtatalik sila'y buo na ang pasiya ng babaylang magkaanak muli. Ilang buwan na rin silang naghihintay ngunit hindi pa rin pinanghihinaan ng loob ang asawa. Maging si Ulan at panaka-naka na rin umuusal ng dasal na sana'y matuwa sa kanila ang mga diyos at pagbigyan ang mag-asawa.

"Amila..."

"Hmmm..."

"Amila..."

"Ano?" Inaantok na wika ng babaylan. Muling bumulong ang tinig, mas malakas at wari'y nainip sa kanyang pagwawalang-bahala. Nagmulat ng mata si Amila at nilinga ang Alamid. Naghihilik sa kanyang tabi ang asawa. Kunot-noong nakiramdam ang Mamamana bago muling ipinikit ang mga mata.

"Amila...!"

"Huh!" Napabalikwas ang babaylan. Kakaiba ang boses na nagdala ng malamig na kidlat sa kanyang laman.

Laking gulat niya nang mapansing nakaluhod na siya sa dalampasigan ng ilog. Kumabog ang dibdib ng babaylan. Hindi maalala kung paano siya nakarating sa ilog sa gitna ng gabi. Akmang tatayo na sana siya nang maaninag ang mga dilaw na mata... hanggang sa magkahugis alamid ang papalapit na anyo sa kanya.

"Sino ka?" May takot na ngayon ang boses ni Amila. Hindi siya makagalaw mula sa pagkakaluhod na tila may pumipigil sa kanyang katawan. Umungol ang alamid at patakbong nilusob ang babaylan!

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon