Chapter 12: Malabagyo

779 48 26
                                    

Chapter 12

Malabagyo

Simbilis ng hanging pumaibabaw sa alapaap si Kisapmata nang bitiwan siya ni Sumiklab matapos nitong itali sa paa ng ibon ang sulat ni Ulan. Maikli lang ang nilalaman ng liham:

Parating na...

Nakatiimbagang tanaw ni Ulan ang lawin ni Rauyan hanggang sa hindi na niya ito makita. Nilinga niya ang kanyang mga kasama. Madaling-araw pa lang ay nakahanda na sila, at kasalukuyang naglalakbay palabas ng Makiyas. Dumaan muna sila sa balay ni Molavi upang humingi ng basbas bago tumulak patungo sa tagpuan kung saan sila magsasanib pwersa ng Mamamana. Ang mga sumama noon sa Apuyan ay hindi na kasali sa grupo ngayon, upang maranasan ng lahat ng kasapi ang makipagdigma sa hindi-kabisadong pook. Hindi pa sila lubos na nakararating sa tagpuan nang humara sa kanilang daanan ang Tagabantay. Ang lahat ay tumigil at nagbigay-galang kay Heulii.

"Ka Ulan," pabulong ng anito nang makalapit sa pangulo. "Alam mo na ang gagawin mo kapag nagipit kayo sa labanan." Naghahamon ang kulay pilak nitong mga mata. Tumango si Ulan. "Hindi ko kayo masasamahan sa Giraram at ako'y nakatali sa lupang ito bilang Tagabantay... ngunit ikaw ang pinagpala sa lahat ng Pinagpala ni Gurama-un."

"Naiintindihan ko, Heulii. Salamat."

"Mga alagad," tawag-pansin ng Tagabantay sa lahat. "Ipinararating ni Gurama-un ang kanyang basbas sa lahat ng naririto at handang mag-alay ng buhay para sa iba."

Naghiyawan ang kalalakihan. Lumuhod si Heulii at inilapat ang mga palad sa lupa.

"Singtulin ng hangin... sinlakas ng tubig... sintatag ng lupa! Makinig sa aking hiling... ipahiram ang kapangyarihan!"

Marami ang napasinghap nang bigla na lang dumaloy sa kanilang katawan ang gahum. Napalukso sina Sumiklab at Itum sa paggapang ng kapangyarihan sa kanilang katawan. Malakas na ungol ng hayop ang pinawalan ni Ulan kaya gumaya rin ang iba pang Pinagpala.

"Napakagandang pabaon, Tagabantay," may ngisi sa labi ni Ulan nang magsalita, nakatitig ang dilaw niyang mga mata sa kanilang anito.

"Panandalian lamang ito, mga Alamid, upang sa inyong paglalakbay ay makarating kaagad kayo ng walang hadlang. Pagdating ninyo sa Giraram ay sarili niyo nang kakayahan ang ipapamalas sa kalaban." Saglit natigilan ang kalalakihan, ngunit nakabawi rin agad at muling sumaya sa kakaibang pakiramdam. "Makinig..." nag-iba ang boses ni Heulii. "Ang inang lupa ay napakabuti sa atin.. ngunit malupit rin sa mga mapang-abuso. Huwag ninyong abusuhin ang gahum, mapanira ang kapalit nito." Lumapit ang Tagabantay sa anak ni Abalon. "Batid ko ang nilalaman ng kasingkasing mo, Alamid. Makinig ka sa mga namumuno bago ka gumawa ng hakbang. Maliwanag ba?"

"Uh.. opo." Atubili ang sagot ng binata. Naningkit ang mga mata ni Heulii at pinukulan ng matalim na titig si Abalon.

"Ako na ang bahala, Tagabantay." Ilang saglit silang naghamunan ng tingin bago tumango ang anito.

"Gabayan kayo ng Bathala."

"Heulii!" Tawag-pansin ni Kuntan sa asawa. Napalingon ang lahat sa kanya. "Magpapaalam lang ako sa kanya, mga kasama. Mauna na kayo."

"Ilang beses ka nang nagpaalam, hangal!" May tukso ang boses ni Alab sa kapatid.

"Tsk! Lakad na..." inip na wika ng Tagapagmana sabay tulak kay Alab.


May nakatarak na palaso sa lupa nang datnan ng mga Alamid ang tagpuang napagkasunduan. Napalinga-linga sila sa paligid ngunit walang nakita.

"Naririto na kami, Amila," inip na wika ni Ulan. Unang lumabas sa hitik na talahiban si Dahongpalay, may ngiting binati ang mga bagong-dating.

"Ka Ulan, marami akong matututunan sa mga Mamamana-u."

BabaylanWhere stories live. Discover now