Mama, laro lang po ako
Kasama ang mga kaibigan ko
Jan lang po ako, di lalayo
Di gaanong magtatatakbo
Mama, lalabas na po ako
Hinahanap na po ako ng aking mga kalaro
Alas kwatro na po, oras na ng aming paglalaro
Wag kang mag-alala, ako'y babalik po
Mama, laro lang po ako
Kabisado ko na po ang bilin mo
Magbabaon po ako ng bimpo
Pamunas ng pawis ko
Mama, pangako
Aalagaaan ko ang sarili ko
Para hindi tumahol na parang aso
Dahil sa pamatay na ubo
Mama, paalam na po
Simula na ng aming laro
Sabik na po akong manalo
Dito ay hindi ako magpapatalo
Mama, sa kalagitnaan ng aming paglalaro
May lumapit na mamang nakasumbrero
Gusto niya daw sumali sa amin
Naawa kami, kaya hinayaan namin
Mama, masaya siyang kalaro
Okay lang sa kanya, kahit lagi siyang talo
Mama, ang saya saya ko
Sana maulit ulit itong aming laro
Mama, laro lang po ako
Kasama ang mga kaibigan ko
Doon sa bahay ng bago naming kalaro
Wag kang mag-alala, ako'y babalik po
Mama, tapos na po kaming maglaro
Pero pinaiwan niya po ako dito
Sabi niya maglalaro pa daw po kaming dalawa
Mama, saglit lang po ah, uuwi din po ako maya-maya
Mama, pinahiga niya po ako
Sabi niya, parte daw po ito ng laro
Kaya sinunod ko po siya
Humiga ako sa kama niya
Mama, sabi niya pumikit daw po ako
Katulad ng sinabi niya, parte daw po ng laro
Wag ko daw pong idilat ang aking mga mata
Pero mama, naramdaman ko ang kamay niya sa aking hita
Naramdaman ko ang hangin sa aking katawan
Tila nawala ang aking kasuotan
Anong laro po ba ito?
Minulat ang mata, para makita ang nangyayari sa paligid ko
Mama, bakit po ito ang sa akin ay lumantad
Isang lalaking nakahubo't hubad
Anong klaseng laro po ito?
Bakit wala na din ang damit ko?
Mama, laro pa po ba ito?
Mama, natatakot na po ako
Mama, asan na po kayo?
Puntahan niyo po ako dito
Gusto lang naman pong maglaro
Gusto ko lang maging masaya habang bata pa ako
May mali ba sa bagay na ito?
Bakit kailangang mauwi dito?