Terra Incognita(Ang Hiwaga Ng...

By araavinante

46.6K 1.4K 84

In a land of superstitions and mysticism, and in the midst of a clash between good and evil, can love be pos... More

AUTHOR'S NOTE
BLURB
PROLOGUE
Chapter 1.1
Chapter 1.2
Chapter 2.1
Chapter 2.2
Chapter 3.1
Chapter 3.2
Chapter 4.1
Chapter 4.2
Chapter 5.1
Chapter 5.2
Chapter 6.1
Chapter 6.2
Chapter 7.1
Chapter 7.2
Chapter 8.1
Chapter 8.2
Chapter 9.1
Chapter 10.1
Chapter 10.2
Chapter 11.1
Chapter 11.2
Chapter 12.1
Chapter 12.2 (Final Chapter)

Chapter 9.2

1.2K 39 1
By araavinante

 Kinaumagahan ay ipinatawag ni haring Samael sina Jewel at Azrael. Madilim ang anyo ni haring Samael nang humarap sila rito. Katabi nito sa upuan si reyna Elfira. Matapos ang magalang na palitan ng mga pagbati ay pinaupo na sila nito sa dalawang upuan na laan para sa kanila ni Azrael.

"Nakakabahala ang mga nangyayari sa buong Terra Incognita, Azrael. Ibinalita sa akin kanina ni heneral Zadkiel na ilan sa ating mga kawal at manggagawa ang nagtataglay din ng mahiwagang sakit na katulad ng dumapo sa mga bata. May pangambang patuloy na kumalat ito kung hindi ito agad mapipigilan."

"Ano ang ulat ng mga manggagamot, mahal na hari?" may pag-aalalang tanong ni Azrael.

"Ayon sa kanilang pagsisiyasat, isang uri nang mapanganib na insekto ang nakapasok sa ating kaharian. Ito ang nagdala nang mahiwagang sakit sa mga mamamayan dahil sa kagat nito."

Lihim na nakahinga nang maluwag si Jewel nang hindi ibinintang ng hari sa kaniya ang dahilan ng pagkakasakit ng mga Piritay. Kung ganoon ay tama si Elisha. Maililipat lamang ng isang halik ang diumano ay lason na taglay ng laway niya.

"Paanong nangyari iyon? Kahit pinakamaliit na kulisap ay hindi makakapasok sa Ellora kung wala tayong pahintulot?" tanong muli ni Azrael.

"Sinadyang pinadapo ang insekto kay Pashnar noong gabing sumugod sa labas ng Terra Incognita ang mga Dalaketnon. Bumaon ito sa balat ni Pashnar kung kaya nakalusot sa Ellora," singit ni reyna Elfira.

"Nasiyasat na rin ba kung ano'ng uri ng insekto ang tinutukoy mo, mahal na hari?"

"Oo. At ang nakalulungkot, padala ito ng ating mga kaaway. Naisahan nila tayo." Lalong dumilim ang anyo ng hari.

"Kung ganoon, hindi totoong galing sa laway ni Jewel ang sakit na nagpapahirap sa atin ngayon?" May bahagyang tuwa sa tinig ni Azrael nang muling magsalita.

"Tama ka, Azrael," sagot ni reyna Elfira. Pagkuwa'y bumaling ito sa kaniya. "Paumanhin, Jewel. Hindi namin sinasadyang pagbintangan ka."

Bahagya siyang ngumiti dahil sa kababang-loob ng reyna. Nagkaroon tuloy siya ng lakas ng loob na magtanong. "Puwede ko po bang makita ang mga may sakit?"

Tumango ang hari. "Oo. Azrael, maaari mo siyang dalhin sa bahay-pagamutan."

Kapwa nagtataka man sa biglang pagbabago ng trato sa kaniya ang hari at reyna ay hindi sila nag-aksaya ni Azrael ng panahon sa pagpunta sa bahay-pagamutan. Ngunit ganoon na lang ang panlulumo nilang dalawa nang makitang halos mapuno ng mga pasyente ang buong bahay-pagamutan. May mga bata, matatanda, manggagawa at kawal na naroroon. Bawat isa ay pinahihirapan ng mahiwagang sakit. Naroon pa rin si Kael na binabantayan ni Elisha.

NIlapitan niya ang mag-ina upang kumustahin. Maya-maya ay dumating si heneral Zadkiel. Bakas ang pangamba sa mukha nito.

"Hindi puwedeng tumagal nang ilang araw ang pagtuklas sa lunas sa sakit na ito, prinsipe Azrael. Lalo na ngayong nahaharap tayo sa napipintong digmaan. Kukulangin tayo ng mga mandirigma."

"Alam ko, heneral," sagot ni Azrael. "Ngunit habang sarado ang Ellora ay hindi tayo mapapasok ng mga Dalaketnon kaya ligtas pa rin ang buong Terra Incognita."

"Napasok na tayo, prinsipe Azrael. Una ay isang mapanganib na insekto, ano pa ang susunod?"

"Kailanman ay hindi makakapasok ang mga Dalaketnon sa ating kaharian maliban na lang kung..." Biglang natigilan si Azrael sa pagsasalita.

Ipinagpatuloy ito ni Zadkiel. "Maliban na lang kung iimbitahan sila ng isang Piritay o malalaman nila ang sikretong orasyon upang bumukas ang Ellora."

"Si Elyana..." tila wala sa loob na bigkas ni Azrael.

"Si Elyana?" tanong ni Zadkiel. "Nakita ko siya kanina. Parang patungo siya sa hangganan ng ating lupain."

"At ano naman ang gagawin niya roon?"

"Hindi ko alam. Gusto mo bang pasundan ko siya?"

"Oo. At pagbawalan siya na makalapit sa Ellora."

"May mga bantay na nakatalaga roon. Pero maaaring magpilit si Elyana na makalapit sa Ellora kung iyon talaga ang pakay niya." May pag-aalala sa tinig ni Zadkiel. Agad nitong tinawag ang isang kawal upang utusan.

Naging abala naman si Jewel sa pagmamasid sa mga maysakit at pakikipag-usap sa mga manggagamot. Tumuon ang pansin niya sa mga palatandaan ng karamdaman ng mga Piritay na kahalintulad ng isang mapanganib na sakit ng mga taga-lupa dala ng kagat ng isang uri ng lamok.

Dengue. Bilang isang alagad ng medisina ay batid niya ang mga sintomas ng mga sakit na dala ng mga hayop at insekto. Pero maaaring ang lason na inilagay ng mga Dalaketnon sa insekto ang dahilan ng karamdaman ng mga Piritay at hindi ang virus na taglay nito. At sa kung anumang dahilan ay nakahalintulad nga ito ng sakit na yellow fever o mas kilala sa tawag na dengue.

At kung tama ang hinala niya, ang pagbaba ng platelet count ng mga pasyente ang magiging dahilan ng kamatayan ng mga ito. Pero iyon ay kung sakaling may pagkakatulad ang mga katangian ng dugo ng tao at ng dugo ng mga Piritay. At kailangang malaman niya iyon sa lalong madaling panahon.

Nang ipinabatid niya iyon kay Azrael ay agad itong nagpatawag ng pulong kasama ang lahat ng mga manggagamot, mga babaylan at mga siyentipiko sa buong kaharian. Ilang saglit pa ay kaharap na nila ang mga ito. Gamit ang tapang at talino ay ipinahayag niya sa mga manggagamot ang kaniyang obserbasyon na agad namang ikinonsidera ng mga ito.

"Walang masama kung pag-aaralan namin ang iyong mga pahayag, taga-lupa," wika ng pinuno ng mga siyentipiko. Nauubos na ang aming panahon at nakahanda kaming sumugal sa anumang posibleng lunas sa mahiwagang karamdamang ito."

Inis na sumingit si Azrael sa usapan. "Jewel. Jewel ang kaniyang pangalan at hindi taga-lupa. Iniuutos kong tawagin ninyo siya sa kaniyang pangalan."

"Paumanhin, mahal na prinsipe," nahihiyang sabi ng siyentipiko.

"At kung sakaling tama ang iyong hinala, Jewel, magiging madali ang paghahanda ng lunas dahil lahat ng halamang-gamot sa buong mundo ay naririto sa aming kaharian," dugtong naman ng pinuno ng mga manggagamot.

Nakahinga siya nang maluwag dahil sa positibong sagot ng mga kaharap. "Kilala ko ang halamang-gamot na puwedeng inumin upang muling maibalik sa normal ang bilang ng puting selula ng dugo ng mga pasyente."

"Magaling," singit ng pinuno ng mga babaylan. "Habang pinag-aaralan ng mga siyentipiko at ng mga manggagamot ang iyong mga pahayag ay inaanyayahan kitang samahan ako sa taniman ng mga halamang-gamot. Mahalagang maihanda agad namin ito bago lumabas ang resulta ng gagawing pag-aaral."

Napatayo siya sa sobrang kasiyahan. "Isa pong malaking karangalan na inyong pagtiwalaan ang isang hamak na taga-lupang katulad ko," halos naiiyak na wika niya.

Ginagap ni Azrael ang isa niyang kamay at mahigpit na pinisil iyon. Nang tiningnan niya ito ay madamdamin itong ngumiti. Halos malunod ang puso niya sa kaligayahan. Bago ang damdaming ito para sa kaniya at labis niya itong ikinasisiya kahit batid niyang isang engkanto ang pinag-uukulan.

Napailing siya. Alam niyang hindi dapat. Hindi sila magkauri ni Azrael. Pagkatapos nang lahat ng ito, umaasa siyang makababalik pa siya sa sariling mundo at muling makakapamuhay ng normal. Ituturing na lang niyang isang panaginip ang lahat ng mga naging karanasan niya rito sa Terra Incognita.

Gamit ang talino at diskarte ay napaglalangan ni Elyana ang mga bantay ng Ellora. Inalok niya ang mga ito ng isang inuming may pampatulog. Nang makatulog ang mga ito ay inusal niya ang orasyon na siyang magbubukas sa Ellora. Nang makalabas ng lagusan ay agad din niyang inusal ang dasal na magsasara naman dito.

Hindi na siya nagulat sa nabungaran pagkalabas na pagkalabas niya mula sa Ellora. Isang hukbo ng mga Dalaketnon ang naroroon kasama ang prinsipe ng mga ito.

"Hindi kami nagkamali. Isang ina ang lalabas ng Ellora upang humanap ng lunas para sa sakit ng kaniyang anak," nakangiting wika ni Yurik.

"Hindi para sa isang anak ang dahilan kung bakit naririto ako. Kaligtasan ng buong Terra Incognita ang hangad ko. Ibibigay ko sa inyo ang mutya na siyang dahilan ng pagkakasakit ng aming mga mamamayan."

"Magaling," palatak ni Yurik. "Ngunit paano? Alam mong hindi siya ibibigay ng inyong prinsipe?"

"Problema ko na iyon. Dadalhin ko siya rito ngayon din. Bigyan ninyo ako ng ilang minuto."

"Puwede mong buksan ang Ellora para sa amin upang kami na ang kumuha sa mutya," suhestiyon naman ng heneral ng mga Dalaketnon na si Maalik.

"Hindi ako hangal, heneral. Wala kayong gagawin kundi ang maghintay sa pagbabalik ko." Pagkasabi noon ay muling umusal ng dasal si Elyana upang bumukas ang Ellora. Pagkapasok na pagkapasok sa lagusan ay mabilis naman niyang inusal ang dasal na magsasara rito. Kilala sa pagiging tuso ang mga Dalaketnon kung kaya kinakailangan niyang maging maingat.

"Ang Euphorbia hirta," bulalas ni Jewel nang makita ang halamang-gamot na hinahanap. Narito siya ngayon sa malawak na taniman ng mga halamang-gamot kasama ang pinuno ng mga babaylan. Kilalang-kilala niya ang halamang ito dahil sa pag-aaral na kanilang ginawa na magkaklase tungkol sa mga katangian nito bilang lunas sa dengue.

"Pakuluan ninyo ang mga dahon at tangkay nito pagkatapos ay ipainom sa pasyente," sabi niya sa pinunong babaylan pagkatapos kumuha ng kumpol ng halaman.

"Salamat, Jewel. Kung ito talaga ang lunas sa nasabing karamdaman, madaling manunumbalik ang lakas ng mga pasyente sa oras na makainom sila nito," wika ng babaylan habang inaabot mula sa kaniya ang kumpol ng halaman. "Halika na. Maaaring may resulta na ang pag-aaral ng mga siyentipiko at manggagamot."

Ngunit bago pa nakahakbang si Jewel upang sumunod sa babaylan ay biglang sumulpot sa likuran niya si Elyana. Sa isang iglap ay nahawakan nito ang braso niya at kinaladkad siya nito. Malakas ang Piritay kung kaya hindi siya makawala kahit nagpipiglas siya.

"Saan mo siya dadalhin, Elyana?" gulat na tanong ng babaylan.

"Wala kang pakialam," angil nito. "Pagkatapos ng gagawin ko sa kaniya ay siguradong pasasalamatan ninyong lahat ako." Iyon lang at parang walang anumang binitbit siya nito habang mabilis na tumatakbo.

Habang parang kidlat sa pagkilos si Elyana ay umuusal ito ng isang dasal. Nakita niya ang hugis bilog na liwanag na unti-unting lumalaki habang palapit sila. Sa isang iglap ay lumusot sila rito. Pagtapak ng mga paa niya sa lupa ay alam niyang nasa ibang mundo na siya. Wala na siya sa loob ng Terra Incognita.

"Magaling, Piritay. Meron ka palang isang salita."

Napaigtad si Jewel. Pamilyar sa kaniya ang tinig na iyon. Nang tingnan niya ang nagsalita ay nakita niya si Yurik sa unahan ng isang hukbo ng mga Dalaketnon. Mas nakakatakot ang anyo nito kesa noong una niyang makita ito.

"Kumusta ka, aming mutya?" sarkastikong tanong ni Yurik sa kaniya.

"Kunin n'yo na siya at umalis na kayo," utos ni Elyana.

"Paumanhin, Piritay. Ngunit meron pa kaming kailangan bukod sa kaniya," makahulugang sagot ni Yurik.

"Ano iyon?" kinakabahang tanong ni Elyana. Bago pa nakasagot si Yurik ay umatake mula sa likuran nito ang isang Dalaketnon. Hawak ang isang palakol ay tinaga ng Dalaketnon ang gulugod ng Piritay. Agad itong bumagsak sa lupa. Habol ang hininga.

"Ang Terra Incognita, Piritay. Matagal nang pangarap ng aking ama na burahin sa daigdig ng mga engkanto ng inyong kaharian," nakangising wika ni Yurik. "Magaling, heneral Maalik," baling nito sa Dalaketnon na tumaga sa likod ni Elyana. "Ngayon ay malaya na tayong makakalusob sa Terra Incognita."

Kahit naghihingalo ay sinikap ni Elyana na usalin ang dasal na muling magsasara sa Ellora. Ngunit nalagutan na ito ng hininga bago pa nito natapos ang dasal.

Bumaling si Yurik sa isang Dalaketnon. "Dalhin sa ating kaharian ang mutya at maghanda para sa isang pag-aalay. Babalik kaming lahat bago lumitaw ang bughaw na buwan dala ang ulo ni haring Samael at prinsipe Azrael."

Binuhat si Jewel ng isang Dalaketnon at mabilis itong nagpalipat-lipat sa sanga ng mga puno. Habang papalayo ay kitang-kita niya nang pumasok sa Ellora ang mga Dalaket.

Continue Reading

You'll Also Like

178K 7.2K 65
Tumahimik ang buhay ni Car noong tumuntong siya sa college. Akala niya mature na tao na ang mga makakasalamuha niya. And then someone pulled the tri...
Sweet Return By ara

Teen Fiction

2.6K 521 37
Jeanette enrolled at San Antonio University, unaware that she would encounter a man who would turn her school year into a nightmare. But is it just h...
1.9M 182K 206
Online Game# 2: MILAN X DION
5.4K 214 41
"Isa ba akong laruan sa paningin mo? There are lots of men surrounding you, play with them, not with me. I am enough of someone like you." - Sky Fonr...