Cappuccino Kind Of Love | Cla...

By write4funlol

2K 80 1

Na-judge mo na agad ang pagkatao ko without even knowing me. That's not fair. In court, the suspect cannot be... More

02
03
04
05
06
07
08
09
10
11
12
13
14
15
Epilogue

01

378 10 1
By write4funlol

Chapter 1

Nangangaligkig sa ginaw si Milgray habang tinatahak ang daan patungo sa Session Road kung saan naroon ang Porta Vaga Mall. Sa unang palapag ng mall na iyon nakatayo ang coffee shop na pag-aari niya at ng Tita Susie niya, ang bunsong kapatid ng kanyang papa. Mag-iisang taon pa lamang ang naturang mall kaya ganoon din ang edad ng kanilang coffee shop.

Gray’s Coffee Shop was originally born in Makati. Nang mag-click iyon ay nagtayo siya ng isa pang branch sa Ortigas. Noong nakaraang taon, isinuhestiyon ng Tita Susie niya na magtayo sila ng branch sa Baguio dahil may bagong tayo raw na mall doon. Napapayag naman siya nito nang sabihin nitong sososyo ito sa kanya.

Ang tita niya ang namamahala ng branch doon at binabalitaan na lamang siya nito. Isang beses pa lamang niyang nadalaw ang naturang coffee shop at iyon ay noong buksan iyon. Ngunit dulot ng masakit at hindi inaasahang pangyayari sa buhay niya, she sought solace in Baguio.

Hindi naman banyaga ang lugar na iyon sa kanya. Doon siya nagtapos ng kolehiyo. Nagtapos siya ng Commerce major in Management sa St. Louis University. Kaga-graduate pa lamang niya nang mamatay ang kanyang papa. Malaking halaga ang iniwan nito sa kanya at iyon ang naging puhunan niya upang maitayo ang Gray’s Coffee Shop.

Nag-asawang muli ang kanyang mama sa isa ring mayamang negosyante na tulad din nito.

Ang inaanak ng stepfather niya, si Marlon, ang napili ng kanyang mama upang mapangasawa niya na mahigpit naman niyang tinutulan. Nobyo na niya noon si Ralph, vocalist ng isang banda na madalas nagpe-perform sa mga kilalang bars sa Maynila.

Alam niyang kaya siya inirereto ng mama niya kay Marlon ay dahil malaki ang pagkadisgusto nito kay Ralph. Ngunit dahil masama ang loob niya sa kanyang ina dahil sa muling pag-aasawa nito, idagdag pang mahal niya ang nobyo, binale-wala niya ang paalala ng kanyang ina. At upang lalo pa itong galitin, niyaya niyang pakasal si Ralph. Noong una ay nag-alinlangan pa ito, ngunit nang takutin niyang hindi na siya magpapakita pa rito ay napapayag din niya ito. Wala na siyang pakialam kung siya man ang lumabas na atat na atat na makasal dito.

Galit na galit ang kanyang mama nang sabihin niya ang balak nila ni Ralph. Ngunit sinabi niyang kahit walang basbas nito ay magpapakasal pa rin siya sa nobyo. Hanggang sa itinakda nga ang kanilang kasal.

Isang araw, bago iyon, kahit na marami ang nagsabi sa kanya na hindi dapat magkita ang bride at groom ay pumunta pa rin siya sa condo ni Ralph. Excited na siyang sabihin dito kung ano ang regalo ng Ninong Regan niya—best friend ng kanyang papa—para sa kanilang kasal.

Round-trip ticket iyon patungo sa Paris. Pati ang hotel na tutuluyan nila ay sagot ng Ninong Regan niya.

Gamit ang duplicate key na ibinigay ni Ralph sa kanya, agad na tinungo niya ang silid nito.

Alam niyang naroroon ito dahil tumawag siya bago siya nagpunta roon, bagaman hindi niya sinabing pupunta siya roon. It was supposed to be a surprise visit. Ngunit siya ang nasorpresa.

Bahagyang nakaawang ang pinto ng silid ni Ralph. Bubuksan na lamang siya iyon nang marinig niya ang hagikgik ng isang babae...

“Honey, ano kaya ang sasabihin ni Milgray kapag nalaman niyang ako ang kasama mo rito sa ibabaw ng kama to think na ikakasal na kayo bukas?” narinig niyang malanding tanong ng babae.

“Let’s not talk about her, Lindy,” narinig niyang tugon ni Ralph. “Mahal na mahal ako ng gagang 'yon para maghinala. Siya pa nga ang nagpumilit na makasal kami. Dahil alam kong malaki ang mapapala ko sa kanya, pumayag ako. Tingnan ko lang kung ano ang mararamdaman ng mama niyang akala mo’y kung sino kapag nalimas ko na ang kabuhayan ng kanyang anak.”

Kasunod niyon ay narinig niya ang pagtatawanan ng mga ito. Nanginginig man ang buong katawan ay nagawa pa rin niyang sumilip sa nakaawang na pinto.

Nakita niyang nakapatong ang hubo’t hubad na si Lindy—isa ring vocalist ng banda nina Ralph—sa hubad ding katawan ng kanyang nobyo. Hinahalik-halikan nito ang dibdib ni Ralph.

Marahas na itinulak niya pabukas ang pinto na ikinagulat ng dalawang talipandas.

“Pa’no bàyan? Mukhang hindi na matutuloy ang plano ninyo,” nakataas ang kilay na wika niya. Siniguro niyang walang mababasang anuman sa kanyang mukha kahit pa nga damang-dama niya ang labis na sakit sa kanyang dibdib.

“G-Gray...?” natatarantang bigkas ni Ralph. Akmang babangon sana ito ngunit pinigilan niya ito.

“Don’t bother, Ralph, hindi rin naman ako magtatagal. I just want to tell you na huwag na huwag ka nang magpapakita pa sa akin. Sa oras na lumapit ka sa akin, even ten steps away, I swear, gagawin ko ang lahat para mawalan ka ng career at trabaho. Kilala mo naman siguro kung ano ang kayang gawin ng pamilya ko sa isang basura at lintang katulad mo,” kalmado ngunit matigas na turan niya. “I’ll go ahead. Continue what you’re doing.” Iyon lang at umalis na siya ng lugar na iyon.

Nagmaneho lamang siya nang nagmaneho pagkagaling ng condo ni Ralph, walang partikular na patutunguhan. Nang mapagod ay itinabi niya ang kotse sa gilid ng daan at doon pinakawalan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan sa pagpatak.

Pagkatapos niyon, parang walang nangyari na sinabi niya sa kanyang mama na hindi na matutuloy ang kasal. Wala siyang anumang ibinigay na dahilan. Pagkatapos ikansela ang dapat ikansela, nagpasya siyang umakyat sa Baguio at manatili sa bahay ng Tita Susie niya roon...

Dama niya sa kanyang mukha ang malamig na dapyo ng hangin. Kalagitnaan ng Enero, at talagang napakalamig sa Baguio sa ganoong buwan. Nadaanan niya ang cathedral at pababa na siya sa Session Road. Hindi na siya gumagamit ng kotse papunta sa coffee shop dahil malapit lang naman ang Session Road buhat sa bahay ng kanyang Tita Susie na nasa Upper General Luna.

Magdadalawang buwan na siya sa Baguio at masasabi niyang kahit paano ay nalilibang naman siya, lalo pa at lagi siyang nasa coffee shop.

Eksaktong kabubukas lamang ng mall nang dumating siya. Binuksan niya ang coffee shop na nasa bungad lamang ng naturang mall. Ilang sandali pa, isa-isa nang nagsidatingan ang pitong empleyado nila. Pagkaraan ng ilang minuto pa, mga regular customers naman nila ang isa-isang nagsidatingan.

Sa mahigit isa at kalahating buwan na naroon siya, halos kilala na niya ang mga regular customers nila. At tulad ng dati, unang dumating si Mang Edgar. Isa itong retiradong sundalo.

Biyudo na ito. Maaga itong nagdya-jogging, pagkatapos ay dumidiretso na sa Gray’s.

“Good morning, Mang Edgar,” nakangiting bati niya rito nang makaupo ito sa mesa malapit sa counter. Iyon ang paboritong puwesto nito.

“Good morning, Gray,” ganting-bati nito. Tulad niya, alam na rin ng mga kasama niya kung ano ang madalas order-in nito kaya hindi na nito kailangan pang um-order. Darating na lamang sa mesa nito ang umuusok na black coffee at cinnamon roll.

“Have you read the papers today?” tanong nito.

“Hindi pa ho, eh,” sagot niya.

“Bagsak na naman ang piso,” komento nito, pagkatapos ay binuklat ang dalang diyaryo.

Kasunod na dumating ang magnobyong sina Grace at Carlo. Dumaraan muna ang mga ito sa Gray’s bago pumasok sa unibersidad kung saan nag-aaral ang mga ito.

Isa sa mga sekreto kung bakit nagpapabalik-balik ang mga tao sa coffee shop niya sa Manila ay ang pakikipag-kaibigan niya sa mga ito. Sinisiguro niya na matatandaan niya ang first names ng kanyang mga customers.

Alam niyang ganoon din ang ginagawa ng Tita Susie niya dahil ito mismo ang nagpayo sa kanya niyon nang simulan niya ang negosyo. Close na close sila ng tita niya kaya nga mas pinili pa niyang magkolehiyo sa Baguio kaysa sa Maynila. Gusto niyang makasama ito.

Pati sa kanyang Tito Gabriel na asawa nito ay malapit din siya. Ganoon din sa nag-iisang anak ng mga ito na si Glen. Lamang ay sa Canada ito namimirmihan. Naroon ang trabaho nito.

Halos sunud-sunod na dumating ang iba pang regular customers nila. Si Nestor na may stall din sa mall na iyon, si Maggie na madalas katagpuin ang textmate nito roon, sina Lizzie, Donna,

Chris at Jane na pawang mga college students, at si Mrs. Montano na palaging iba ang kulay ng kuko sa tuwing pupunta roon.

Saulado na rin niya ang oras ng pagpunta roon ng mga customers nila. Sumulyap siya sa relo.

Alas-dos na pala. Kay bilis na lumipas ang oras. Nag-e-enjoy kasi siya sa kanyang ginagawa.

Bumukas ang pinto. Tumunog kasi ang chime na nakasabit doon. Hindi na niya kailangang tingnan kung sino ang pumasok na iyon. Mula nang tumulong siya sa Tita Susie niya sa Gray’s, hindi pa pumapaltos ang oras ng pagpasok ng taong iyon sa coffee shop sa ganoong oras kapag weekdays.

Pinilit niya ang sariling huwag mag-angat ng mga mata mula sa binabasang magazine. Ayaw.niyang makita ang taong iyon. Sigurado siyang kung may kasama man ito, tiyak niyang babae na naman iyon.

At hindi ito nag-uulit ng babaeng kasama. Sa tuwina ay iba-ibang mukha ang nakikita niyang kasama nito. Sa lahat ng regular customers ng Gray’s, ito lamang ang bukod-tanging hindi niya binabati.

Magiliw ang mga kasamahan niya sa lalaki ngunit malaki ang pagkadisgusto niya rito. He somehow reminded her of Ralph, kahit pa nga wala namang pagkakatulad ang mga ito pagdating sa pisikal na anyo. Limang talampakan at pitong pulgada lamang ang taas ni Ralph samantalang ang lalaking iyon, ang hula niya ay humigit-kumulang na nasa anim na talampakan.

Kung si Ralph ay palaging naka-rugged outfit, ito naman ay disente palagi ang suot. Madalas na naka-slacks at long-sleeved polo ito, may nakapatong na coat pa nga kung minsan. At kahit nakasimpleng sweatshirt lamang ito ay mukha pa ring dignified ito. Kapag weekends naman, madalas na nakamaong lamang ito kapag pumupunta roon.

So physically, there was no similarity between him and her bastard ex-fiancé. Sa pagiging babaero, iyon, doon niya nakikita ang pagkakapareho ng mga ito. Kapwa hindi kontento sa isang babae ang mga ito.

Ang mga lalaking tulad ng customer nila ay iyong tipong may nakalagay na sticker sa noo na “GUWAPO AKO” o kaya naman ay “BIYAYA AKO SA KABABAIHAN.” Alam kaya ng mga babaeng isinasama nito sa coffee shop nila na hindi lamang ang mga ito ang dinadala ng lalaki roon? Malamang na hindi.

“Hi, good afternoon,” anang tinig ng isang lalaki.

Inihanda na niya ang matamis na ngiti na karaniwang nakikita ng kanyang mga customers, saka siya nag-angat ng mukha.

“Good after—” Natigil siya sa gagawing pagbati nang mapagsino ang lalaking nasa harap niya. Hindi niya napigilan ang pagkunot ng noo kasabay ng pagsalubong ng mga kilay.

“Bitin ang bati natin, ah,” biro nito, using that charming smile of his na madalas na nakikita niyang ginagamit nito sa mga babaeng ka-date nito.

“Anything I can do for you, Sir?” pormal ang mukhang tanong niya.

“Gray, right?”

“Tell me kung ano ang order mo para mai-serve ko na.”

“Now, I can safely conclude that it’s me, or shall I say, something in me that you don’t like. Have we met before, Gray?” kalmanteng tanong pa nito sa kanya na tila kung sinong anak ng hari.

“What made you think na aabalahin ko pa ang sarili ko dahil sàyo? And no, we haven’t met before. Now, may I take your order please?”

“Whoa! Sa tono mo pa lang, kahit sino ay sasabihing you have something against me,” pangungulit pa rin nito.

Shit! Bakit nga ba ganoon ang inakto niya? Lumapit lang naman ito at binati siya, bakit bigla na lamang siyang parang bulkang nagsiklab? Mabuti na lamang at iilan lamang ang mga tao roon.

“Look, I’m sorry. Can I take your order, please, Sir?” mahinahon nang wika niya.

“It’s Zuriel,” anito. “I believe na lahat ng regular customers ay kilala mo by their first names, why should I be excluded? I practically live here.”

“Sorry, I didn’t catch your name,” sabi na lamang niya. Alam naman niyang “Zuriel” ang pangalan nito dahil naririnig niyang iyon ang itinatawag ng mga empleyado nila rito.

“Now you know,” nakangiti pa ring wika nito. “Cappuccino please.”

Pagkatapos na maibigay niya ang order nito ay muli siyang nagyuko ng ulo. Ang akala niya ay aalis na ito ngunit sa buong pagtataka niya ay nanatili lamang ito sa counter.

“Do you need anything else?” tanong niya.

“This will do.”

“Bakit nandito ka pa?” hindi napigilang tanong niya.

“I want to sit here, is that a problem?”

Sa halip na sagutin ito ay nagyuko na lamang uli siya ng ulo. Pakiramdam niya ay sinasadya nitong doon pumuwesto para inisin siya. Hindi tuloy siya makapag-concentrate sa binabasang magazine.

What was it about him that irritated her? Para bang ang init-init ng dugo niya rito. Iisa lamang ang alam niyang sagot: hindi pa rin siya nakaka-recover sa ginawa ni Ralph sa kanya kaya pati ang mga lalaking sa tingin niya ay walang pakundangan sa damdamin ng isang babae ay galit na galit na rin siya.

Weird, but that was how she felt.

“Pamangkin ka pala ni Tita Sue,” narinig niyang bigkas nito.

Hindi siya kumibo.

“‘Ten Ways on How to Get the Attention of a Man,’” may kalakasang sabi nito.

Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita niyang sa magazine na binabasa niya ito nakatingin. Nang tingnan niya ang nakabuklat na pahina ay ganoon nga ang nakalagay roon.

Nag-init ang mga pisngi niya. Hindi niya namalayang nailipat na pala niya ang pahina at sinabi nito ang title ng article na akala nito ay binabasa niya.

Sa totoo lang, wala naman talaga sa naturang magazine ang atensiyon niya kundi na kay Zuriel. Pinapakiramdaman niya ang lahat ng ikinikilos nito. Wala sa isip niya ang ginagawang pagbuklat-buklat sa magazine.

“From what you’re doing, you wouldn’t get the attention of a man, any man for that matter. On the contrary, you’re giving them the wrong signal. You’re asking them to back off,” ngiting- ngiting pahayag nito.

Continue Reading

You'll Also Like

1.8K 90 11
Franco was a PA. He had been a PA for more than three years. Hindi na ito na-promote-promote. Paano naman ito mapo-promote kung ganoong parang wala n...
3.8K 132 12
Hindi malaman ni Shantana kung matatawa,o maiinsulto sa kondisyong hinihingi ni Ricardo Riego kapalit ng iniaalok nitong tulong sa kanya. Magsama ra...
2.4K 133 14
A novel written by the only Rose Tan Nagpanggap na fortune teller si Cookie. Dahil doon ay nakabangga niya si Roger Pelaez. Iniwanan ito ng fiancée...
7.5M 211K 46
Rogue Saavedra, the arrogant city's young billionaire, becomes stranded on an unknown island. There he meets an illiterate jungle woman, Jane, who is...