04

102 5 0
                                    

Hindi maalis-alis sa isip ni Zuriel ang mukha ni Gray nang makita siya nitong may ka-dinner date sa restaurant. Pakiramdam niya ay may ipinahihiwatig ang tinging ipinagkaloob nito sa kanya. Hindi naman niya mawari kung ano iyon.

Alam niyang inis ito sa kanya. Malakas din naman ang pakiramdam niya bukod pa nga sa may dahilan naman siya kung bakit umabot siya sa ganoong konklusyon.

Minsan lang siyang binati nito nang magpunta siya sa coffee shop nito. At iyon ay noong unang magkita lang sila. Hindi na iyon nasundan pa. Madalas siya sa Gray’s kaya alam niya kung gaano ito kagiliw sa ibang regular customers... maliban sa kanya.

Hindi rin nakaila sa kanya na alam nito ang mga first names ng mga regular customers ng

Gray’s... maliban uli sa kanya. Nakikipag-usap ito sa mga iyon at nakikipagbiruan pa nga kung minsan. And again, maliban na naman sa kanya.

Talagang napag-isip siya nang husto nito. Ano ba ang nakita nito sa kanya at ganoon na lamang ang nadaramang inis nito sa kanya? Na-justify ang konklusyon niya nang siya na mismo ang lumapit at makipag-usap dito.

Nawala ang ngiti sa mga labi nito nang mag-angat ito ng mukha at mukha niya ang tumambad dito. At dahil nga sa inis na iyon, hindi na nito napansin na masyado na itong naging obvious sa pagpapakitang naiinis ito sa kanya.

Alam din naman niyang wala ang atensiyon nito sa hawak na magazine. Nagkunwari lamang itong masyadong absorbed sa binabasa. Mukha ngang hindi nito namalayan nang malipat sa

“Ten Things on How to Get the Attention of a Man” ang pahina.

At doon siya nakakita ng pagkakataon upang inisin ito. Pulang-pula ang mukha nito nang marinig ang sinabi niya. At alam niyang sa ginawa niya, nadagdagan pang lalo ang inis nito sa kanya.

Mas mabuti na rin iyon. At least, may alam na siyang dahilan kung bakit ito naiinis sa kanya.

Hindi tulad dati na wala siyang kaide-ideya.

Kanina, nakita niya ang ginawang paglapit nito at ng kasama nito sa mesa sa gawing dulo ng restaurant. Malayo ang puwesto nila ni Katie roon kaya hindi niya alam kung bakit parang nagbulungan ang mga nasa katabing mesa ng pakay nina Gray at ng kasama nito.

Nakita pa niyang lumuluhang naunang umalis ang kasama nitong babae na sinundan naman ng dalaga. At parang kilala pa nga niya ang kasama nito. If he was not mistaken, si Miles iyon, ang assistant manager ng Gray’s.

Bakit ba hindi maalis-alis sa isip niya si Gray? Naaalala pa niya nang unang makita niya ito.

Tila sandaling huminto sa pagtibok ang puso niya nang makita ang ngiting nakapagkit sa maamo at magandang mukha nito.

Pakiramdam pa nga niya noon ay exclusive lamang ang mga ngiting iyon para sa kanya.

Hindi niya maipaliwanag ang nadamang paninibugho nang makita niyang nginitian din nito ang lalaking customer na pumasok kasunod niya.

At hindi na niya muli pang makita ang mga ngiting iyon patungkol sa kanya. Kung hindi nakayuko ay kung anu-ano naman ang ginagawa nito sa tuwing pumupunta siya sa Gray’s.

Alam niyang may nangyari dito na kung ano kung kaya’t parang naging ilag at inis ito sa kanya. He could feel it. At panahon na siguro para malaman niya kung ano iyon.

Cappuccino Kind Of Love | Claudia Santiago जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें