I am his Accidental Wife

By _Isabelle_

402K 6.7K 2.4K

Ang kwento ni Nelly at kung paano niya pagtatakpan ang mga patung-patong na kasinungalingan at kalokohan na n... More

I am his Accidental Wife
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-una)
Ang kalokahan ni Nelya (Pangalawa)
Ang kalokahan ni Nelya (Pangatlo)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-apat)
Ang kalokohan ni Nelya (Pang-lima)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-anim)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-pito)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-walo)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-siyam)
Ang kalokahan ni Nelya (Pang-sampu)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-una)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pangalawa)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pangatlo)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-apat)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-lima)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-pito)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-walo)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-siyam)
Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-sampu)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-una)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pangalawa)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pangatlo)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-apat)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-lima)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-anim)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-pito)
Si Nelya at ang kanyang kapalaran (Pang-walo)
Si Nelya at ang Kanyang Kapalaran (Pang-Siyam)
Si Nelya at ang Kanyang Kapalaran (Pang-Sampu)
Si Nelya at si Andrew
Si Nelya at si Andrew
Si Nelya at si Andrew - Noon Unang Panahon (Unang bahagi)
Si Nelya at si Andrew - Noong Unang Panahon (Ikalawang Bahagi)
Si Nelya at si Andrew - Noon Unang Panahon (Ikatlong Bahagi)

Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-anim)

10.1K 159 53
By _Isabelle_

“Inay…Itay…nasaan na kayo?” tumingin-tingin ako sa paligid ng sementeryo pero hindi ko sila makita sa huling pwestong pinag-iwanan ko sa kanila pitong taon na ang nakakalipas. Sinalubong ako ng mga bagong nitso na nakaangat sa lupa at hindi ko na makita ang lapida ng Inay at Itay ko na nakalatag lang sa damuhan.

Napatingin ako sa daan kung saan nakatigil pa rin ang sasakyan ni Andrew at mukhang hinihintay niya akong makita ko muna ang pinaglibingan ko sa mga magulang ko bago umalis pero ang masama ay hindi ko na makita. Nakatingin lang siya sa akin na tila naguguluhan sa kinikilos ko. Sinenyasan ko na siya na umalis na siya pero mukhang ayaw niyang umalis.

Sa pagkakaalala ko kasi ay kauna-unahan ang lote ng aking Itay kung saan doon na rin naman sinama ang katawan ni Inay. Wala pang ibang mga nitso o ibang puntod dito noon at ngayon ay para na nga silang kabute na dumami at wala ng mapaglagyan.

“Hindi mo ba natatandaan kung saan sila?” napalingon naman ako at nakita ko si Andrew na nasa likuran ko na. Sinabi ko na ngang umuwi na siya pero mukhang wala siyang balak na iwanan ako dahil sa nangyayari.

“Kung kagaya pa rin sana ito noon nakaraang pitong taon matatandaan ko, pero hindi na. Sorry ha, hindi kasi ako ang sekretarya ni Kamatayan para malaman kung gaano karaming papatayin niya sa pitong taon.” Nakangiwi kong sabi sa kanya at umiling lang siya sa akin. “Sana nga hindi sila natabunan ng ibang libingan dito.”

“Hindi pwedeng tabunan ang pinaglibingan ng magulang mo, Nelly. Respeto nalang nila sa mga namatay. Kung ginawa nila iyon pwede mo silang idemanda.” Hindi nalang ako umimik sa sinabi niya. Demanda agad ang nasa isip.

Naglakad nalang ulit ako para hanapin ang libingan nila Inay at Itay na sana nga ay mahanap ko sa dami ng libingan sa harapan ko.

Sumulyap ako kay Andrew at naghahanap rin siya. Napangiti nalang ako ng ‘di sadya. Malamang na hindi niya makita ang Inay at Itay ko, hindi niya kasi alam ang pangalan nila. Hinayaan ko nalang siya sa ginusto niyang gawin.

“Nelly!”

Tumingin ako sa pagtawag sa akin ni Andrew sa parte ng sementeryo na may puno ng Alatiris at napakaraming damo. Sinenyasan niya akong lumapit sa kanya. Kumunot nalang ang noo ko baka kasi kung anong gumapang doon sa amin sa taas ng damo.

“Bakit?” tumayo lang ako malapit sa kinaroroonan niya.

“Ronell at Gina ba ang first name ng mga magulang mo?” nanlaki ang mata ko sa sinabi niya at agad na lumapit sa kintatayuan niya kung saan may tinititigan siya sa may damuhan.

“Itay! Inay!” nakita ko ang lapida ng aking Inay at Itay na napapaligiran na ng mahahabang damo at meroon pang puno ng Alatiris sa gilid. “Kayo talaga ‘tay, ‘nay pati ba naman dito nakikipagtaguan kayo?” biro ko pa para lang hindi mahabag si Andrew sa nangyari sa libingan ng mga magulang ko. Pero sa totoo lang nalungkot ako sa itsura nito. Pitong taon din naman hindi ko sila nadalaw at mukhang ang maintenance na binabayaran ko sa Memorial Park na ito ay walang saysay.

“Wala bang care taker itong memorial park na ito? Hindi man lang nila tinabasan ng damo ang libingan tapos nagpatubo pa sila ng puno. Kausapin nga natin ang nangangalaga nito.” Nakakunot ang noo ni Andrew na tila naiinis. Nakutuban ko na ganito ang magiging reaksyon niya.

“Ito naman. Singkwenta pesos lang kada buwan ang bayad ko dito kaya ganito siguro ang serbisyo. Atleast, hindi nila tinabunan ng ibang libingan diba?”

“Nelly ‘yon nga ang masama nagbabayad ka tapos ganito lang. Kakausapin lang namin natin baka pwedeng kahit minsan sa isang buwan tabasan naman nila ng damo. Aba eh, mukhang pamamahayan na ng ahas itong libingan ng mga magulang mo.”

“Okey,okey,relax, ako na lang po ang kakausap. Okey po ba ‘yon? Iwanan na muna kita diyan ha baka hindi ko na naman matunton ito kapag umalis ka.”

Tumango nalang ito pero nakakunot ang noo niya. Mukhang gustung-gusto niyang siya ang magreklamo sa nangangalaga ng sementeryong ito.

“Kailangan mo ba ng payong? Alam mo na baka masira ang balat mo diyan?” pagbibiro ko sa kanya pero hindi nalang siya kumibo. Pinag-aapak niya ang mga damo sa may libingan ng mga magulang ko.

Pinuntahan ko ang opisina ng sementeryo at andoon ang isang uugod-ugod na caretaker. Agad siyang humingi ng paumanhin sa akin at kinuha ang mga gamit niya at sinakay sa kartilya. Sa bagal kumilos ng matanda dahil sa katandaan ay inabot ata kami ng isang oras bago matunton si Andrew na nakatayo pa rin sa may libingan ng mga magulang ko habang ang mga damo na kanina ay nakatayo ay nakalupagi na sa lupa.

Nakatingin si Andrew sa matanda matapos ay tumingin sa akin. Umiling lang ako sa kanya pagbababala na huwag niyang pagalitan ang matanda.

“’tay, pahiram nalang po ng mga gamit niyo at ako nalang po ang maggagapas ng damo. Ibabalik ko nalang po pagkatapos.” Kinuha ni Andrew ang kartilya at binigay naman sa kanya iyon ng matanda.

“Pasensya na kayo ha, kung hindi lang sana ako nagkasakit ay hindi ako ganito kabagal kumilos. Pasensya na talaga,”paghingi pa ng tawad nito. Tumango nalang ako sa kanya. Naawa nalang ako sa matanda.

“Okey lang po ‘tay. Dapat po kasi nagreretiro na kayo,” sabi ko sabay ngiti sa matanda. Tumingin lang sa akin ang matanda na para bang may inaalala sa mukha ko. Napansin ko ang tila paglaki ng mata niya na parang may naalala siya.

“May kamukha ka, ineng. Kamukhang-kamukha mo.” Natigilan ako. Pati ba naman sa sementeryo may kamukha ako?

“Si señorita. Señorita Selya. Hindi ako maaring magkamali. Kamukhang-kamukha mo siya.  Hindi mo ba siya kamag-anak? May malaking musoleo ang mga Valdez dito,” sabi pa nito sabay turo sa may kanan parte ng sementeryo kung saan nandoon ang naglalakihang musoleo.

Natahimik nalang ako at umiling.  Kilala ko ang mga Valdez at tama ang matanda, kamag-anak ko nga sila. Ang totoo siya ang Lola ko sa tuhod pero ayoko ng magkwento kung bakit hindi doon nakalibing ang mga magulang ko gayundin si Inang, ang Lola ko. Kahit din naman ako ay walang kaalam-alam sa kwento kundi sa bersyon lang ng Inay ko.

“Ah, ganoon ba. Siguro ay nagkataon lang ang pagkakahawig niyo. Mabuti naman kung ganoon,” sabi ng matanda matapos ay sumenyas sa amin na mauuna na. Ngumiti nalang ako sa matanda at nagpaalam matapos ay humarap kay Andrew na nakatingin sa akin na nagtatanong.

“Bakit?” iyon ang bungad niya sa akin.

“Bakit ang alin?” pagmamaang-maangan ko pa.

“Lola mo sa tuhod si Señorita Selya na tinutukoy ng matanda. Bakit sinabi mo na hindi? Mukhang siya lang naman ang tinutukoy ng matanda na kamukha mo.”

“Andrew, kung may mga bagay ka na hindi sinasabi sa ibang tao gayundin ako,” salita ko sa kanya na nakangiti. Hindi naman malaking kawalan sa akin sabihin iyon pero gaya nalang ng paalaala ng Inay ko kailangan na namin kalimutan ang masamang nakaraan. Kaya nga ayaw na niya akong pabalikin sa libingan niya, kaya nga ayaw na niya akong pabalikin sa Cavite. Pero alam kong imposible ang gusto ng Inay ko, imposible. Kasing imposible na hindi ko pagnasahan si Andrew. Ay! Ano ba Nelly?!

Nagkibit balikat lang si Andrew sa akin matapos ay nagtabas na ng damo. Kinuha ko din ang isang karet at tinulungan ko siya sa ginagawa niya. Alam kong dapat ay hindi ko siya kasama pero masaya ako at nandito siya. Ang weird lang kanina ay nakipaghagaran pa ako sa kanya para hayaan niya ako mag-isa ngayon naman ay natutuwa akong makasama siya.

“Ako nang gagawa. Doon ka nalang muna sa kotse,” salita nito habang nagtatabas ng damo.

“Anong tingin mo naman sa akin baldado?” paghahamon ko pa sa kanya.

“Mangangati ka mamaya,” natawa na lang ako sa sinabi nito.

“Eh di kamutin. Napakalaking problema ba ang pangangati?”

Narinig ko ang pagbuga niya ng hangin at sa palagay ko ay naiinis niya sa hindi ko na naman pagsunod sa kanya.

“Nauuhaw na ako. Bumili ka na lang maiinom diyan sa may labas. Sige na.” At inutusan pa ako. Pero alam ko ang intensyon niya sa pag-uutos niya sa akin na ‘yon. Ayaw niya lang akong pagtabasin ng damo. Hindi ko tuloy mapigilan ngumiti dahil sa simpleng pagtatago niya ng mabuti niyang intensyon.

“Okey,” sumang-ayon na lang ako sa kanya at binalik ko ang karet sa kartilya. Pinahiran ko ng kamay ko ang pawis sa mukha at at batok ko. Katirikan ng araw ay naggagapas kami.

“May towel ako sa kotse gamitin mo na,” inabot niya sa akin ang susi ng kotse pati na rin ang perang pambili ng tubig. Tumingin ako sa kanya ng inabot niya sa akin ang pera at palagay ko ay hindi siya tatanggap ng ‘hindi’ sa sagot ko kaya kinuha ko na rin.

“Nelly,” naglakad na ako palayo sa kanya ng tinawag niya ako. Tumingin lang ako sa kanya dahil baka may iuutos na naman siya. “Mag-ingat ka, okey?” nakatingin siya sa akin na para bang alalang-alala siya. Gusto kong matawa sa ekspresyon ng mga mata niya pero may naramdaman akong kakaibang saya sa nakita ko. Tumango na lang ako at tumalikod ulit saka ngumiti sa sarili ko. Anong nangyayari sa akin?

 

Pagbalik ko ay sinasako na ni Andrew ang mga damo. Malinis na ang libingan ng mga magulang ko at kita ko na ang lapida nito. Hindi ko mapigilan mapangiti. Ganito nga siguro ang mga lalaki, mabilis kumilos, efficient kumbaga.

“Thank you,” lumapit ako sa kanya at inabot sa kanya ang towel at tubig. Ngumiti lang siya sa akin matapos niyang kunin ang mga inabot ko.

Naupo ako sa may tapat ng nitso ng mga magulang ko. Binuhusan ko ng iniinom kong tubig ang lapida nila.

“Inay, bago ka magreact diyan, gusto kong sabihin sa iyo na may kasama ako. Alam kong ayaw mo na ako padalawin dito pero kung hindi kayo pala namin dinalaw baka maging kagubatan na ang libingan niyo.”Napangiti tuloy ako. Sumulyap ako kay Andrew na abalang nagpupunas ng pawis niya.

“Si Andrew po ang kasama ko ‘nay at ‘tay at siya po ang naglinis nito. Ang bait niya no?” At gwapo pa bulong ko malapit sa puntod nila.

“Kamusta na po kayo diyan? Nagmamahalan pa rin ba kayo?” alam kong para akong baliw na nakikipag-usap sa isang loteng lupa pero wala akong pakialam. “Sa palagay ko nga ay nagmamahalan pa rin kayo, nagbunga nga eh. Kapatid ko na ba itong puno ng Alatiris?” napatingin na lang ako sa puno na hitik sa mapupulang bunga. “Akalain mo ba naman pati hanggan libingan nagbunga pa ang pagmamahalan niyo.”

“N-nelly” napatingala naman ako sa pagtawag ni Andrew at nandoon na siya sa tapat ko.

“Hmm?”

“Sasauli ko na itong mga gamit.” Tumango ako. “A-at gusto mo bang hintayin kita sa kotse?” tumingin muna siya sa puntod ng mga magulang ko saka tumingin sa akin.

“Okey na, Andrew, salamat. Mauna ka na. Maggbabyahe na lang ako pauwi.”

Tumingin lang sa akin si Andrew na tila natigilan. Inalis niya rin ang tingin sa akin at tumingin na naman sa puntod ng mga magulang ko, umupo at tumikhim.

“’nay, ‘tay, ako po si Andrew. Hindi pa po tayo nagkakakilala pero pinapauwi na po ako ng anak niyo.” Napakurap na lang ako ng mata sa sinabi niya.

“Okey,” pailing-iling akong tumingin kay Andrew. “Inay, Itay, si Andrew po, ahm, ka-kasama ko po sa bahay.” Hirap kong salita dahil na rin sa di ko alam kung ano ba kami ni Andrew. Friends? Friends with benefits? Well, the ‘benefit’ part is way different from the common connotation.

“Kasama sa bahay?” tumingin lang sa akin ng makahulugan si Andrew at hindi ko alam ang ‘kahulugan’ ng tingin niya. “Akala ko ba mag-asawa tayo?” Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Andrew.

“Shh!” pigil ko pa sa kanya. “Baka may makarinig.” Tumingin-tingin pa ako sa paligid baka may napadaan akong kakilala at at maitsismis na mag-asawa na kami ni Andrew.

“Sino naman ibang makakarinig?” mapang-asar pa niyang tanong sa akin.

“Ano ba, Andrew! Nasa harap tayo ng magulang ko at hindi dapat puro kalokohan ang mga pinag-sasabi natin.”

Nagkibit-balikat lang siya sa akin. Naiinis ako. Ano bang gusto niya aminin ko sa puntod ng mga magulang ko na siya ang aking ‘fake husband?’ Ang alam ko ang pagpapanggap namin ay kapag kaharap lang ang pamilya niya pero sa mga magulang ko?

“Fine!” pagtitimpi ko sa gusto niyang ipagawa ko sa akin. Hindi naman big deal na sabihin ko sa libingan ng mga magulang ko ang kalokohan ko na nagresulta sa akin na makasama siya. Inayos ko ang sarili ko sa pagkakaupo. Tiningnan kong mabuti si Andrew at kahit alam kong pinipigilan niya ang pagngiti niya halata naman dahil sa nakakurbang paitaas na dulo ng kanyang labi.

“Inay , Itay,” tumingin ako kay Andrew na nakangiti na ng malaki sa akin. Huminga na lang ako ng malalim. Ayoko na ngang maalala ang pinagagawa kong kalokohan pero ito si Andrew ay nasisiyahan pa.  “Inay, Itay, s-si Andrew po, siya po ang asawa ko----“

*Swoosh!

Napahawak na lang ako sa may puntod ng mga magulang ko at hindi ko natapos ang pagsasalita ko dahil biglang lumakas ang hangin. Napatungkod ang kamay ko sa lapida dahil nadala ako nito at muntikan na akong masubsob sa libingan ng mga magulang ko.

“Ano yon?”  Tumunghay ako at napansin ko na lang na nakahawak sa magkabilang braso ko si Andrew. “Anong nangyari?” tanong ko kay Andrew at nakatingin lang siya sa akin.

“No idea,” salita ni Andrew sabay ng paglunok niya.”Okey ka lang ba? Nasaktan ka ba?” pinagmasdan naman niya ang mukha ko at talagang nag-aalala siya. Umiling lang ako sa kanya. Ano ba iyon nangyari kanina? Weird! Huwag mo naman sabihin…Inay…Itay…naku huwag po. Nagparamdam po ba kayo sa akin? Huwag niyo naman akong takutin ng ganyan.

 

“Malakas lang siguro ang hangin,” sabi ko at kunwari’y binabalewala at umayos na ulit ako sa pagkakaupo ko.

“Wala ngang kahangin-hangin kanina.”

“Aba malay ba natin. May manaka-nakang malakas na hangin. Tingnan mo wala na ngayon.” Ayoko ng bigyan ng kahulugan ang nangyayari at tatakutin ko lang ang sarili ko.

“Ngayon mo lang kasi sila dinalaw kaya ganyan. Nagtatampo sila sa’yo,” sabi niyang nakangisi sa akin. Aba, balak pa akong takutin!  Umirap na lang ako sa kanya kasing ngiting-ngiti ang loko.

“Hayaan niyo po ‘nay, ‘tay, magmula ngayon papaalalahanan ko po si Nelly na dalawin kayo. Promise po ‘yan.” Nakatingin lang ako kay Andrew sa sinabi niya na hindi makapaniwala.

Kinilabutan ako. Nanayo ang balahibo ko ng humangin naman ng malamig sa paligid ko ngunit banayad. Ramdam kong may dumamping malamig na hangin sa balat ko at hindi ako nagbibiro. Tiningnan ko si Andrew pero mukhang hindi man lang niya naramdaman.

“…multo.”

“Multo?! Nasaan?” tumayo agad ako at lumapit kay Andrew. “Nasaan na ‘yon multo?” humawak ako sa braso ni Andrew at nagsumiksik sa kanya.

Narinig ko na lang ang di ko inaasahan marinig mula kay Andrew. Tumawa siya.

“Ano ba?! Pinagloloko mo ko eh! Sabi mo may multo!” pinagpapalo ko pa ang braso niya pero hindi ko pa rin inaalis ang paghawak sa kanya.

“Wala akong sinabing may multo ha. Sabi ko mukha kang nakakita ng multo. Ano bang nangyayari sa’yo Nelly?” Ganoon?! Ano nga bang nangyayari sa akin? Mula ng makilala ko itong lalakeng ito marami ng kababalaghan nangyayari sa akin.

 

“Alam mo Andrew may mali sa mga nangyayari.”

“Mali?”

“Hindi kaya may sa engkanto ka? Kanina iyon malakas na hangin tapos ngayon malamig na hangin naman. Tapos sa bahay, sa bahay, kakaiba ka tumingin sa akin na hindi ko maintindihan. Ano ka ba? May lahi ka bang engkanto o may lahi kang aswang o baka naman magnet ka ng masasamang espiritu? Umamin ka nga!”

Tahamik lang si Andrew sa sinabi ko at tumingin lang sa akin ng taimtim. Maya-maya pa ay nakita ko ang kakaibang tingin niya sa akin doon sa bahay! Ito na nga bang sinasabi ko! May sa engkanto nga ata ang lalaking ito!

Pero sandali lamang ang katahimikan niya at nabasag iyon ng nagpakawala siya ng malakas na pagtawa. Humiwalay na ako sa kanya dahil hindi niya mapigilan ang pagtawa niya.

“Anong problema mo? Seryoso kaya ako!” naiinis na ako sa lalakeng ito ha.

“A-adik ka ba, Nelly?” sabi niya patigil-tigil sa bawat pagtawa niya.  Tiningnan ko lang siya ng masama. At ako pa ang adik ngayon? Siya naman may lahing engkanto.

“A-no bang hinithit mo kagabi kaya ka ganyan?” hindi pa rin tumigil sa kakatawa ang lalakeng may lahing laman lupa.

“Seriously, Andrew, naguguluhan ako. Ano bang nangyayari? Sa bahay? Sa atin? At sa tingin mo?”

“Ha?! Anong sinasabi mo? Anong nangyari sa atin? May nangyari na ba? Wala pa ngang nangyayari sa’tin unless na lang kung gusto mo?”

“Ano?” anong pinagsasabi ni Andrew?

“Wala,” tumikhim lang siya at tumigil na sa kakatawa. “Alam mo kanina pa akong umaga naguguluhan sa sinasabi mong mata ko. Ano bang meroon sa tingin ko? Paliwanag mo nga kung paano kita tingnan?”

Paano nga ba? Hindi ko alam kung paano ilarawan ang tingin niya sa akin at ang epekto nito. Paano nga ba?!

 

“Ka…ka…kakaiba, okey?!  Hindi ko mapaliwanag.”

“Ang alam ko kakaiba talaga ang kulay ng mga mata mo para sa isang pinoy pero wala akong ideya sa tingin na sinasabi mo. Tinitingnan lang kita sa paraan gusto kitang tingnan at kapag kailangan ko, wala naman mali doon di ba?”

Tumango na lang ako sa sinabi niya. Totoo naman ang mga sinabi niya. Pero kasi…

“Hay, Nelly, sige na. Kanina mo pa gustong kausapin ang Inay mo diba? Iiwan na lang kita dito.” Nag-alinlangan naman ako sa sinabi niya. Iiwan niya ako? Parang ayoko na atang maiwan dito.

“Te-teka…huwag mo akong iwan.” Hinablot ko ang braso niya dahil nagsimula na siyang maglakad.

“Di ba ayaw mo akong isama dito?”

“Huwag ka na muna umalis. Di-dito na lang muna tayo.”

Tumigil lang si Andrew at tumingin sa akin. That look again!  Tumungo na lang ako. No more thinking of what that look means. Iwasan mo na ngang tingnan ang mga mata niya Nelly!

“Sige na, meroon naman akong paraan na kausapin ang Inay ko na hindi mo ako maririnig eh.”

Nagkibit-balikat lang sa akin si Andrew

……………

Dear Inay, (Si Itay next time ko na lang susulatan kaya sabihin mo Inay na huwag na siyang magtampo)

 

Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa Inay. Kilala mo na si Andrew diba, Inay? Siya lang naman iyon nagpakilala kanina. Alam kong sinusubaybayan mo ang pangyayari sa buhay ko at alam kong alam mo na rin kung sino si Andrew. Gustuhin ko man sabihin mag-asawa kami talaga Inay pero hindi. And that leads me to the question: Kayo ba ang malakas na hangin ng pinakilala ko si Andrew bilang asawa ko?  Kung kayo nga huwag na huwag niyo ng gagawin sa akin iyon Inay. Hindi po magandang biro.

 

Ngayon, okey ito na po ang sinadya ko. Nandito po ako dahil naguguluhan ako. Oo, Inay at sa palagay ko rin po alam niyo na kung bakit ako naguguluhan.

Tumigil ako sa pagsusulat ng liham ko at tumingin kay Andrew na nakahiga lang sa may lilim na damuhan malapit sa puno ng Alatiris. Nakapikit siya at mukhang tulog.

Yes, Inay ang gwapo niya no? Akalain mo bang may makakasama akong ganyang lalake sa bahay. Hay! Alam mo Inay, palagay ko mabuting tao si Andrew kahit hindi ko pa siya lubusan kilala, kaso marami siyang tinatago. Hindi ko alam kung bakit niya tinatago basta alam kong may mga tinatago siya sa akin at wala siya talagang balak na sabihin pero hindi ulit ito tungkol sa tinatago ni Andrew.  Ang problema ko ay nagsimula kaninang umaga, sa kwarto ko. Opo, magkasama kaming matulog huwag niyo na akong pagalitan. Matanda na po ako! Ang problema ko po ay iyon minsanan pagtingin-tingin  sa akin. Hindi po ba meroon iba’t ibang tingin ang mga tao; May tingin ng galit, tingin ng malungkot, tingin ng may tinatago at tingin ng masaya to name a few pero sa pagkakataon po na magkakatinginan kami at matitigan ko ang kanyang mga mata wala po sa nabanggit kong tingin ang meroon sa mga mata niya. Susubukan kong ipaliwanag Inay sa abot ng makakaya ko. Ganito po kasi iyon, para po bang ang tingin niya kasi sa akin ay parang tingin niyo po sa akin kapag nag-aalala, tapos may halong saya, may halong nangangarap at may kurot. Kurot sa puso ba ‘Nay! Parang ganoon ba. Kapag tinitingnan niya ako ng ganoon, hindi ko na alam ang gagawin. Nagpapanic ako. Paano kasi hindi ko alam kung anong klaseng tingin iyon. Kung titingnan niya pa ako ng galit alam ko pa kung paano ang pakiramdam na dapat kong maramdaman pero the way na tingnan niya ako ngayon at nadadalas Inay ha, naguguluhan ako. Hindi ko alam paano suklian.

Alam kong hindi niyo  na masasagot ang mga katanungan ko sa buhay Inay. Pero gusto ko lang ibahagi  ba. Baka kasi sabihin niyo nahuhuli na kayo sa balita. Alam ko kasi Inay na ikaw ang may mahawak ng sagot sa lahat ng tanong ko noong bata ako pero dahil wala na kayo i-seshare ko na lang. Hindi naman po kinakailangan na sagutin niyo. Please lang Inay huwag na huwag kayong gumawa ng nakakagimbal para sagutin ang tanong ko. Please! I know, I’ll figure something out. Matalino kaya ako. Sabi niyo nga mana ako sa kapit-bahay natin na matalino., di ba? Basta ang mahalaga nasabi ko sa inyo.

 

Oo nga pala, nanaginip na naman ako ng masama kagabi Inay. Pero alam mo Inay, hindi na naulit. Sinabi ko kasi sa kanya ang buong kwento. Pinilit niya kasi akong sabihin sa kanya. Hindi naman pinilit talaga, pero alam mo Inay hindi ako makatanggi sa mga mata niya. Kitang-kita ko talaga doon ang pag-aalala niya at iyon kagustuhan niyang malaman ‘yon gumugulo sa isip ko. Sinamahan niya akong matulog, Inay. Alam mo bang ‘yong presence niya ang nagpapakalma sa akin?

 

Ano pa ba, masaya naman ako sa buhay ko Inay. Hindi man po kasing saya ng nabubuhay kayo pero masaya po. Lalo na po at nandito si Andrew. Hindi man po kami magkasundo kung minsan, marami man po kaming tinaatago sa isa’t isa pero masaya po akong kasama siya. Siguro, pwede ko na rin sabihin kaibigan ko na siya kahit minsan ay pinagnanasahan ko siya. Pero joke lang Inay. Well, sa totoo lang Inay, sino po bang hindi magnanasa sa lalakeng iyan?  I mean, mali po pala ang word na ‘pagnanasa’, ‘gusto’ ata ang tamang termino. Gusto ko po si Andrew, Inay. Basta, gusto ko po siya at malulungkot ako kung sa huli na aarte akong hindi ko na siya kilala gaya ng sinabi niya. Malulungkot po talaga ako doon. Nakakalungkot.

 

Sige po Inay. Pagpasensyahan ninyo na po ako sa paggambala sa katihimikan niyo. Alam kong ayaw niyo na ako pabalikin dito pero imposible Inay. Imposible ang hiling niyo Inay. Hindi ko pwedeng kalimutan ang nakaraan ko Inay, maganda man o hindi. Parte kasi iyon ng pagkatao ko at hinding-hindi ko dapat kalimutan ang naging parte ng kung sino ako. Kaya asahan niyong pupuntahan ko pa rin kayo rito. Alam niyo naman, matigas ang ulo ko!

 

Ingat po kayo dyan.

 

Nelly

 

Binasa ko ulit ang liham ko kay Inay at hindi ko maitatangging puro si Andrew ang naisulat ko. Baka nga mauta na ang Inay ko.

Tiniklop ko ng sulat ko ng maayos saka  ko hinalikan matapos ay inilagay ko ito sa maliit na hukay na ginawa ko sa tabi ng puntod ng mga magulang ko. Nagsindi ako ng posporo at sinunog ang sulat ko. Pinagmasdan ko ang sulat ko habang unti-unti siyang kinain ng apoy habang ang usok nito ay unti-unting tumaas at sumama na sa hangin. Napangiti ako. Ramdam ko naman ang paggaan ng dibdib ko.

Napatingin ako sa kinahihigaan ni Andrew at nakatingin lang siya sa akin na para bang manghang mangha sa ginawa ko. Maya-maya pa ay lumapit na siya sa akin.

“That’s how you communicate with them?”

“Oo at hindi.” Tinaasan niya lang ako ng kilay sa sagot ko.

“Oo-- kasi nagsulat ako ng mga gusto kong sabihin sa Inay ko. Lahat ng mga iniisip ko…iyon bang mga worries ko. Hindi-- dahil alam kong maaring hindi naman totoong makuha nila ang ang sulat ko. Patay na sila diba?”

“So bakit kailangan gawin mo pa rin? “

“Kasi gumagaan ang loob ko. Therapy na rin kumbaga. Para kasi sa akin the best therapy sa worries mo ang pagkausap mo sa mga taong mahal mo. Ganoon kasi kami ni Inay dati. Noon dati alam kong may solusyon siya sa lahat ng problema ko pero ngayon wala na siya alam kong ako na dapat ang gumawa ng solusyon sa worries ko. Pero ganoon pa rin ang proseso sasabihin ko pa rin sa kanya kahit walang sagot. It makes me feel better.”

“You could tell your worries to me, Nelly.”

Natigilan ako sa sinabi ni Andrew. Naalala ko naman ang ginawa kong pagkukwento ko sa kanya kagabi ng panaginip ko. Gumaan ang pakiramdam ko ng sinabi ko ito sa kanya at dahil na rin sa pagtulog ko kasama niya hindi na ako nanaginip pa ng masama. Ang sarap lang sa pakiramdam ng ginawa niya. Para lang siyang si Inay na may ganoon siyang kakaibang koneskyon sa akin. May ganoon lang siyang paraan para mapagaan ang loob ko. Para bang pagmamahal lang ng Inay ko. Para bang pagmamahalan namin ng Inay ko. Pagmamahal. Pagmamahal?

Nagulat ako ng kinuha ni Andrew ang notebook ko na sinulatan ko ng liham ko kay Inay at may isinulat din siya dito. Titingnan ko sana pero tinakpan niya ng kamay niya.

“No peeking,” sabi pa nito sabay ngiti. May isinulat siya doon ng mabilisan matapos ay tiniklop niya at sinilaban din. “There.” Nakangiti niyang sabi sa akin.

“Anong sinabi mo sa Inay ko?”

“Sabihin mo muna ang sinabi mo?” Umiling na lang ako. Talagang palitan pa kami. Itong si Andrew talaga ayaw paiisa.

 

“Sige na,” pangungulit ko pa. Na-curious naman ako sa sinulat niya. Lalapit pa sana ako sa kanya pero tumayo na siya.

“Ayoko nga. Madaya ka, ako sasabihin ko tapos ikaw hindi.” At talagang balak pa akong iwan. Nagsimula na siyang maglakad palayo sa akin. Tumayo na ako at hinabol siya. Hinawakan ko ang braso niya at yumupyop ako doon.

“Sige na.”

“Hay, Nelly. Ano bang gagawin ko sa’yo?” Tumingin lang siya akin at ngumiti. Sinuklian ko lang din ng mas matamis na ngiti ang binigay niya. Ginawa ko iyon para umamin siya.

“Please?” pangungulit ko pa.

“I asked her if I could take her place as someone that you tell your worries to.” Natigilan ako sa sinabi niya. Nakatingin lang ako sa kanya at hindi makapaniwala sa mga sinabi niya, “And I’m hoping she’ll agree. And I’m hoping you will let me.”

 ~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Thanks for reading!


Isabelle

 

Continue Reading

You'll Also Like

21 0 2
Mellisa had always been a fan of the romance novel "The Red Tulips." She spent countless nights immersed in its pages, captivated by the plot, fascin...
Babaylan By Ann Lee

Historical Fiction

1.3M 79.5K 48
Standalone novel || Mula sa pamilya ng historians at archaeologists, lumaki si Cyrene na may malawak na kaalaman sa kasaysayan. Ngunit sa hindi inaas...
233K 11.7K 57
16 year old Alaina lived a rather short life. at age 16, by an unknown person, she was stabbed. And that was when her unreasonable life began. She wa...
358 14 12
"Ang manatili pa sa tabi mo ang nais ko ngunit ito rin ang magiging dahilan ng paghinto ng mundo ko." Ang mawala sa piling mo ang iyong mahal ang pin...