Ang pagbabago sa buhay ni Nelya (Pang-pito)

9.4K 137 42
                                    

Nakailang beses na akong umubo at bumahing sa paglilinis ng kwartong tinutulugan namin ni Andrew. Dalawang araw lang kaming hindi nakapaglinis ay puro alikabok na ang kwarto at nakakapangati. Isama mo pa ang binukbok ng anay sa pader kaya maraming lupa at anay akong winalis. Namumula na nga ang mga braso ko sa kakamot. Kailangan na talaga namin tumawag ng pest control para lasunin ang mga anay kung hindi baka magiba na talaga itong bahay.

Napakamot ako sa tenga ko dahil pakiramdam ko naman ay may gumapang na langgam dito. Ang kati-kati.  Pagkatapos ng masaganang pagkamot ko ay hinaplos-haplos ko ang tenga ko dahil nag-init ito. Palagay ko ay namumula na rin ito.

“Ang hikaw ko,” nasambit ko na lang ng makapa ko na wala na ito sa butas ng tenga ko.

“Naku, nasaan ka na?” tumingin agad ako sa sahig pero hindi ko ito nakita. Ang tanging naaninag ko lang ay ang turniyo nito sa may sahig na madali kong sinundan ng tingin para hanapin din ang hikaw ko. Kailangan ko iyong mahanap dahil regalo iyon ni Inay.  Tiningnan ko ang sahig sa palagid ko, sa may kama at ang buhok ko ngunit wala doon ang hikaw ko.

“Sa ilalim ng kama,” sambit ko sabay luhod at silip ko sa may ilalim ng malaking kahoy na kama na tinutulugan namin ni Andrew. At hindi nga ako nagkamali nakita kong kuminang ang maliit na diamanteng hikaw ko at nakahinga na lang ako ng maluwag. Malulungkot talaga ako kapag nawala iyon dahil bigay iyon ni Inay.

 

Inabot ko ito ng kamay ko pero hindi ko pa rin naabot kaya pumasok pa ako sa looban ng malaking kama at nakita ko ang hikaw ko na nakaipit sa awang ng kahoy na sahig. Marahan ko iyon kinuha dahil nag-aalangan akong mahulog pa ito sa loob ng awang dahil malaki ito. Pero gaya ng inaasahan ko nahulog nga ang hikaw ko sa awang.

“Aray!” napahawak na lang ako sa ulo ko dahil napaahon ako bigla sa pangyayari at nalimutan ko na nasa ilalim ako ng kama. Sinubukan kong abutin ng hinliliit ko ang loob ng awang ng sahig pero hindi ito makaabot hanggang dulo. Pagkakataon nga naman!

 

Mabilis akong umalis sa ilalim ng kama at kinuha ang cutter na gamit ko kanina. Pumasok ulit ako sa ilalim ng kama at pinasok ko ang cutter sa awang pero hindi ko pa rin nakuha ang hikaw ko.

*Krak

Nanlaki ang mga mata ko ng masira ang kahoy na sahig ng pag-ahon ko bigla ng cutter. Iniangat ko ang nasirang piraso ng kahoy at sinilip ang loob para sa hikaw ko pero hindi ko pa rin iyon nakita. Sinubukan kong inuga ang katabing kahoy na nasira rin at madali rin itong bumigay dahil siguro sa luma na ang kahoy na sahig. Halos limang pulgada na ang laki ng nabutas ko pero wala akong nakitang hikaw ko sa loob ng sahig. Ang hindi ko inaasahan makita ay isang maliit na kahon na gawa sa kahoy. Inabot ko iyon at pagkatanggal ko nito ay nakita ko ang hikaw ko sa ilalim pala ng kahon na mabilis kong kinuha.

Naupo ako sa kama habang dala-dala ang kahon na kahoy na nakita ko sa ilalim. Nakakatuwa namang may nakita akong bagong bagay sa tagal kong pamamalagi sa kwarto kong ito. At sino naman talaga ang makakapagsabing mayroon palang bagay sa ilalim ng sahig.

Hinawi ko ang alikabok sa kahon at nangibabaw ang halos madilim na pulang kulay ng kahoy ng kahon. May nakaukit sa takip ng kahon na salitang ‘mi tesoro’ at napaisip ako sa ibig sabihin noon.

I am his Accidental WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon