Para sa lahat nang napapagod na.
Para sa lahat nang natatakot bumitaw.
Para sa lahat nang di alam kung saan magsisimula.
Para sa simula.
Sa pag-asa na matatagpuan sa bawat umaga.
Sa mga umaga na nalulunod ka sa kaba.
Sa patuloy na paghahanap ng pag-asa.
Para sa pag-asa.
Sa susunod na kabanata
na sana maging masaya
kahit wala ka na.
Ikaw na dating kasama
sa mga pangarap.
Kasama sa paglangoy at paglipad.
Para sa paglipad.
Sa masakit na kahapon
na ngayon ay aking kalasag.
Sa kasalukuyan na pinipili
ang maging matatag.
Para sa bukas.
Sa bukas na walang mga agam-agam.
Matangay man ng alon nang kabiguan.
Babangon pa rin sa pampang ng kalakasan.
Para sa muling paniniwala - sa pag-ibig.