Reincarnated as the Seventh P...

By Airosikin

801K 51K 72.1K

Book 2 of Reincarnated as the Seventh Princess (Trilogy) READING THE FIRST SEASON IS A MUST❗ Language: Filipi... More

Book 2 (Completed)
Kabanata LX
Kabanata LXI
Kabanata LXII
Kabanata LXIII: The Cryosail
Kabanata LXIV
Kabanata LXV (Part 1)
Kabanata LXV (Part 2)
Kabanata LXVI
Kabanata LXVII (Larong Pampalakasan Part 1)
Kabanata LXVIII (Larong Pampalakasan Part 2)
Kabanata LXIX (Larong Pampalakasan Part 3)
Kabanata LXX
Kabanata LXXI
Kabanata LXXII
Kabanata LXXIII
Kabanata LXXIV (Ang Kaarawan ng Bida)
Kabanata LXXV
Kabanata LXXVI
Kabanata LXXVII
Kabanata LXXVIII
Kabanata LXXIX
Kabanata LXXX
Kabanata LXXXI
Kabanata LXXXII
Kabanata LXXXIII
Kabanata LXXXIV
Kabanata LXXXV
Kabanata LXXXVI
Kabanata LXXXVII
Kabanata LXXXVIII
Kabanata LXXXIX
Kabanata XC
Kabanata XCI
Special Chapter: RATSP Christmas Edition
Kabanata XCII
Kabanata XCIII
Extra 1
Kabanata XCIV
Kabanata XCV (First Date?)
Kabanata XCVI
Kabanata XCVII
Kabanata XCVIII
Kabanata XCIX
Kabanata C
Kabanata CI
Kabanata CII
Kabanata CIV
Kabanata CV
Kabanata CVI
Kabanata CVII (La Familia Agrigent)
Kabanata CVIII
Kabanata CIX
Kabanata CX (Ang Kaarawan ng Hari: Unang Bahagi)
Kabanata CXI (Ang Kaarawan ng Hari: Ikalawang Bahagi)
Kabanata CXII (Ang Kaarawan ng Hari: Huling Bahagi - 1 [Paubaya])
Kabanata CXIII: Ang Kaarawan ng Hari (Huling Bahagi - 2 [Alab])
Kabanata CXIV: Pag-amin
Kabanata CXV: Ang Kasagutan
Kabanata CXVI: Ang Pagsiwalat ng Katotohanan
Kabanata CXVII: Sandigan
Kabanata CXVIII: Ang Kaharian ng Naia (Unang Bahagi)
Kabanata CXIX: Ang Kaharian ng Naia (Ikalawang Bahagi)
Kabanata CXX: Ang Kaharian ng Naia (Huling Bahagi)
Kabanata CXXI: Aerwyna
Kabanata CXXII: Ang Pangako (Epilogue for Book 2)
Author's Note

Kabanata CIII

11K 832 1.4K
By Airosikin

Eliana's POV

Isa na siguro sa pinaka-nakakatakot na karanasan ng isang tao sa buong buhay niya ay ang makita ang kanyang sariling katawan sa kalagayang pinaka-hindi niya hihilingin at inaasahan. Minsan iniisip ko rin kung napakasama ko ba talaga habang lumalaki at tumatanda ako para maranasan ang ganitong bangungot na imbes na nahihimlay na sana ako ay kailangan ko pang makita ang katawan kong naghihingalo, wala na halos buhay, at lantang-lanta na. Kung ibang tao siguro marahil ang nasa sitwasyon ko ngayon ay tuluyan na siguro silang nawala sa katinuan o bumigay.

"Bakit. . . Bakit hindi na lang nila hinayaan mamahinga ang aking katawan?" Lumuluhang saad ko habang hindi ko na halos alam ang gagawin ko ngayon para maibsan man lang ang pighati at kalituhan na aking nararamdaman.

Mas gugustuhin ko pa sana kung namatay na lang ang aking katawan at hindi na nila sinubukang isalba. Mas mabuti siguro kung hindi na nila pinipilit pa na mabuhay ako dahil. . . dahil wala naman na ako dyan. Hindi na iyan ang aking katawan.

Nilingon ko pa ang gawi ni Papa na kasalukuyang kinakausap ng mga doktor hanggang sa bigla na lang itong umiyak at tuloy-tuloy na lumuha. Bakit ba kailangan nilang paiyakin ang aking ama? Matanda na siya. Baka hindi na niya kayanin pang marinig kung ano man ang kalagayan ng katawan ko ngayon at baka mapaano pa siya. Bakit ba kailangan pa ni Papa maghirap ng ganito. Hindi pa ba sapat na nasaksihan niya sa ganitong sitwasyon si Mama, si Bran, tapos ngayon naman ay ako. . .

"I'm so sorry, Mr. Villanueva. This is the best that we can do. I do not want to give you false hope which is why I'm telling you now that Ms. Villanueva's chance to gain consciousness is zero to none." Dinig ko pang pahayag ng doktor dahilan para mas lalo lamang akong maawa sa aking sariling katawan.

"B. . . Bakit ba lumalaban pa ang katawan ko? Bakit hindi na lang nila ako hinayaang mamatay noong binaril ako?" Sunod-sunod kong tanong kay Tamina na tahimik lang sa aking tabi at kahit alam kong matalino siya at alam niya halos ang lahat ay hindi niya pa rin magawang sumagot sa aking katanungan hanggang sa naramdaman ko na lang na hinawakan niya ako sa balikat.

"Marahil ay patuloy na lumalaban ang katawan mo dahil alam niyang buhay ka pa, Yvonne. Maaari rin namang may mga bagay ka pang nais mong matapos sa mundong ito bago mo ito tuluyang lisanin. . ." Pahayag pa ni Tamina at dama ko ang pakikisimpatiya niya sa akin kahit na ito ang pinakahuling emosyon na kailangan ko ngayon.

Muli kong ibinalik ang aking paningin sa sarili kong mukha at mas lalo lang akong nakadama ng awa at lungkot dahil alam kong pagod na pagod na rin ang aking katawan. Sandali pa akong pumikit upang punasan ang aking mga luha

"Please. . . Please do everything you can for my daughter." Umiiyak pa na saad ni Papa dahilan para mabilis naman akong mapalingon sa gawi niya. "Magbabayad ako kahit magkano. Kung kinakailangan kong ubusin ang pera ng kumpanya ko ay gagawin ko just. . . Please. . . Please don't take my daughter." Nakita ko pa kung paanong humawak pa si Papa sa uniporme ng mga doctor na nandoon at mas lalo itong lumuha ng todo-todo dahilan para mapasinghap na lang ako at mapatakip ng aking bibig dahil sa labis na awa na nararamdaman ko para sa aking ama.

"Please, not my child, not my Yvonne. Please don't take my Yvonne away. Please not my baby girl. I love her so much. Please I beg of you." Muling palahaw ni Papa hanggang sa nakita ko na lang na tila ba nawalan na ito ng malay dahil sa labis na emosyon na nararamdaman.

"Mr. Villanueva! Nurse! Nurse!" Nagkakagulong sigaw pa ng mga doktor na agad dinaluhan si Papa na wala ba talagang malay at salo ng isa pang doctor.

Hindi na ako nakatiis pa na daluhan ang aking ama kahit gaano pa kasakit ang gagawin kong paghakbang para lamang maalalayan siya. Matanda na ang papa ko. Baka kung ako pa ang mangyari sa kanya dahil sa labis niyang pagmamahal sa akin kahit na wala naman na ako sa katawang iyon.

"P. . . Papa, Papa! Papa, nandito ako! Papa!" Humahagulgol na sigaw ko pa habang inaalalayan ko ang aking sarili na maglakad palapit sa pinto pero bago pa man ako makalayo ay mabilis na akong hinatak ni Tamina pabalik sa kanya.

"Yvonne, kailangan na natin umalis."

"Paano si Papa?! Nahimatay ang aking ama. Baka kung ano na ang mangyari sa kanya. . . Matanda na siya, Tamina kaya hayaan mo naman akong daluhan siya. Bitawan mo ako at kailangan ko siyang puntahan!" Natataranta at para bang hindi ko na halos makilala ang sarili kong boses dahil sa labis na pagkapaos at panginginig nito na damang-dama ko na ang pananakit ng aking lalamunan.

Sinubukan ko rin magpapasag upang kumawala kay Tamina pero mas lalo niya lang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa akin at wala talaga siyang balak na pakawalan.

"Tumigil ka na, Yvonne! Ano pa bang magagawa mo sa iyong ama ngayong hindi ka naman na niya nakikita o nararamdaman?! Pinapahirapan mo lang ang sarili mo!" Galit na niyang pahayag sa kanya dahilan para mapasalampak na lang ako sa sahig at mariin na umiling habang hawak pa rin niya ang isa kong braso.

"P. . .Pero hindi pa ako nakakapagpaalam kay Papa." Umiiyak na saad ko pa habang marahas ko rin pinupunasan ang aking mga luha na panay lang ang pag-agos sa aming magkabilang pisngi. "H. . . Hindi ko pa nasasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Bitawan mo na ako, Tamina." Muli kong sinubukang kunin ang aking braso pero hinila lamang ako ni Tamina patayo at marahas na hinarap sa kanya habang nakahawak siya sa magkabilang braso.

Bakas sa mga mata niya ang tila ba awa para sa akin na isa sa mga emosyon na ayaw na ayaw kong nakikita kapag tinitingnan ako ng ibang tao. Pero alam kong sa pagkakataong ito ay hindi ko na maitago pa ang kahinaan ko dahil tila ba hindi ko na halos alam ang gagawin o mararamdaman ko lalo na at hindi ko man lang malapitan ang aking Papa na siyang pinakagusto ko lang makapiling sa mga oras na ito.

"Yvonne, gustuhin ko man na magtagal ka pa dito ay hindi na kakayanin ng kapangyarihan ko na suportahan pa tayong dalawa lalo ka na sa mundong ito." Pilit na ipinapaintindi ni Tamina sa akin ang aming sitwasyon pero mistulang nabablangko na lang ang aking utak at para bang wala na akong naiintindihan pa sa mga sinasabi niya. "Hindi na ito ang mundo na kinabibilangan ng kaluluwa mo. Bumalik ka na sa Elior, Eliana." Nagmamakaawa niya pang pahayag at hindi ko alam kung sinadya niya bang sambitin ang pangalan ni Eliana para tuluyan akong matauhan.

Pero sa bandang huli ay nagmatigas pa rin ako at mariin na umiling sa kaniya.

"P. . .Pero si Papa. . ." Nakita ko pa kung paanong isinakay ang aking ama sa stretcher at idineretso ito sa emergency room ng ospital.

Sinubukan ko pang iangat ang aking kamay kahit alam kong napakaimpossible na mahawakan ko pa ang aking ama dahilan para mapasalampak na lamang ako sa sahig at patuloy na umiyak. Ayoko na. Gusto ko na lang din maglaho. Gusto ko na lang din magpahinga. Pagod na ako. Pagod na pagod na ako.

"Tama na, Eliana." Muling saad ni Tamina na dahan-dahan na akong inalalayang tumayo pero nagmatigas pa rin ako. "Wala na tayong oras. Tumayo ka na dyan. Hinihintay ka na ng pamilya at mga kaibigan mo sa Elior. Kapag nanatili pa tayo dito ay maaaring maipit ang kaluluwa mo sa dimensyon kung nasaan nananatili ang mga ligaw na kaluluwa. Kapag nangyari iyon ay hindi ka na rin makababalik pa maging sa katawan ni Elia---"

Hindi na natuloy pa ni Tamina ang kanyang sinasabi dahil bigla na lang tila ba nagsimulang gumuho ang aming kapaligiran. Mas mabilis pa sa alas kuwatro na nagsimulang dumilim ang aming kapaligiran habang tila ba mga piraso lamang ng puzzle na gumuguho at unti-unting natatapyas.

Pero hindi ko alam kung bakit imbes na gumalaw o mataranta man lang ay nanatili lamang ako sa aking kinalalagyan. Namamanhid na ako at hindi ko alam kung tama pa bang ipagpatuloy ang buhay ni Eliana sa kabila ng kaalaman ko na nabubuhay la ang katawan ko sa dati kong mundo. Hindi ko na alam. Hindi ko na talaga alam.

"Sinabi ko naman sa'yo na umalis na tayo!" Sigaw pa ni Tamina sa akin na nagsimula nang magpakita ng kanyang kapangyarihan at dahan-dahan kaming pinalibutan ng isang kulay red-violet na bula hanggang sa lumutang na lamang kami sa ere.

Bago pa man din kami tuluyang mahulog sa isang walang katapusang kadiliman ay mabilis nang umandar ang sinasakyan naming bula ng liwanag at umandar ito ng napakabilis sa kung saang dimensyon na tanging kulay abo lamang ang makikita sa paligid at napakaraming orasan.

"Napakatigas ng ulo mo, Yvonne!" Galit pa rin na saway sa akin ni Tamina habang nananatili pa rin siyang kumokontrol sa kanyang kapangyarihan at alerto na niyang minamaniubra ang aming kinalalagyan. "Hindi mo ba alam na kung tuluyan kang nasama sa pagguho ay hindi ka na makababalik pa sa kahit saang katawan at mananatili ka na lang na ligaw na kaluluwa?!" Dagdag talak niya pa sa akin habang ako naman ay tulala na lamang sa kawalan at wala na akong gana pang makipag-argyumento o sumagot sa kanya.

Nagpatuloy lamang sa pagsasalita si Tamina habang ako naman ay nananatiling walang kibo at blangko lamang na nakatingin sa kawalan. Unti-unti na rin kami lumalapit sa isang tila ba hindi kalakihang butas na mayroong nakasisilaw at mainit na liwanag.

Pero bago pa man kami makaapak dito ay may bigla na lamang pumulupot na tila ba pulang usok sa aking kanang binti at walang kahirap-hirap na hinila ako sa kung saan.

"Yvonne!" Sinubukan pa akong abutin ni Tamina gamit ng kanyang sariling kamay ngunit hindi na niya ako naabutan lalo na at hindi ko rin halos inilahad ang kamay ko dahil hindi ko na rin ito halos maramdaman.

Pumikit na lamang ako at hinayaan ko na lamang na dalhin ako ng pulang usok na mistulang latigo sa kung saan dahil baka sa pagkakataong ito ay tuluyan na rin akong mamahinga.

*****

Mga patak ng tubig, walang amoy ang kapaligiran, at basang kapaligiran. Ang tatlong iyan ang una kong mga naramdaman, naamoy, at narinig nang tuluyan akong magkaroon ng kamalayan sa aking kinalalagyan matapos kong mahulog mula sa sinasakyan naming bula ni Tamina kanina.

Dahan-dahan ko naman iminulat ang aking mga mata at ang tanging sumalubong sa akin ay kadiliman maliban na lamang sa tila ba pulang liwamag na nagmumula sa bandang dulo ng kinalalagyan kong espasyo kung saan matatanaw din ang tila ba matatayog at naglalakihang mga rehas na nababalutan pa ng tila ba kulay lila at asul na mga boltahe ng kuryente.

Mistulang nagkukusa naman ang aking katawan upang lapitan ito kaya naman marahan na lang akong tumayo mula sa pagkakasalampak ko sa malamig at basang sahig. Blangko ang mga mata at namamanhid ang pangangatawan kong tinungo ang rehas na ito na mistulang may kinukulong na bilanggo.

Habang papalapit ako ng papalapit dito ay unti-unti kong nararamdaman ang tila ba napakalakas na enerhiya na nagmumula rito na ngayon ko lamang naramdaman sa buong buhay ko. Wala itong kasing tulad dahil sa kauna-unahang beses ay nanuot sa aking buong pagkatao kung gaano nakaiintimida at nakakapanindig balahibo ang enerhiya na nagmumula sa loob ng bilangguan.

Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad palapit dito hanggang sa makarinig na lang ako ng tila ba nakapapanindig-balahibong tawa mula sa loob nito. Sandali ko pang pinakinggan ang tono ng boses nito at doon ko lamang napagtanto na tila ba pamilyar na pamilyar ito sa akin. Dahil ang boses na ito ay walang iba kundi pagmamay-ari ng babaeng paulit-ulit ba bumubulong sa akin.

"Ξέρω ότι θέλεις να με γνωρίσεις, Υβόννη" (I know you want to meet me.) Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ko rin ang kanyang boses mula sa aking tenga mismo at hindi sa aking isipan.

Ibang-iba ito kumpara sa tuwing naririnig ko siya sa aking isip dahil mas malinaw ang boses niya ngayon, mas nakaiintimida, mas nakakakilabot, at dama pa rin ang tila ba panlalamig at kawalan ng emosyon dito na mahihimigan ng tila ba poot at galit.

Nakakabigla rin na sa pagkakataong ito ay naiintindihan ko rin ang mga sinasabi niya tulad na lamang nitong mga nakaraang eksena naming dalawa na para bang pamilyar na pamilyar na sa akin ang lenggwaheng ito.

"S. . . Sino ka? Nasaan tayo?" Pilit ko naman pinakakalma ang aking boses kahit na sa loob ko ay labis-labis na kaba ang aking nadarama.

Dahan-dahan naman akong naglakad palapit sa mga rehas at ganoon na lamang ang pagkabigla ko nang maaninag mula wa kadiliman ang isang babae na nakagapos ng kadena ang mga kamay maging ang kanyang magkabilang binti at leeg habang siya ay nakalupaypay sa ere. Hindi ko halos maaninag ang iba pang parte ng kanyang katawan tulad ng kanyang buhok o mga mata dahil madilim ang parte na kanyang kinalalagyan. Pero sa kabila ng kadiliman ay maaaninag ko pa rin na wala siyang kahit anong saplot sa katawan at ang mahabang-mahaba niyang buhok na abot talampakan ang nagsisilbing tabing sa kanyang katawan.

Mas lalo rin akong napasinghap nang bukod sa mga kadenang nakakabit sa kanya ay may mga nakatusok pang kung anong bakal sa iba't-ibang parte ng kanyang katawan at may nakadugtong pang kadena mula dito dahilan para mas lalong mabatak ang kanyang postura.

Siya na ba ang babaeng palaging kumakausap sa akin? Bakit ganyang ang kanyang hitsura?! Bakit para bang sinadya na maging ganyan ang kanyang kalagayan? Na para bang napakadelikado niyang nilalang na kinakailangan siyang ikulong sa ganitong pamamaraan.

"Είμαι εσύ, και είσαι εγώ, Υβόννη. Οι τρεις μας συμπεριλαμβανομένης της αγαπημένης μας Ηλιάνας."
(I am you, and you are me, Yvonne. The three of us including our darling Eliana.) Dinig ko pang saad niya saka siya bahagyang tumawa.

"H. . . Hindi ko lubos maintindihan." Litong-lito ko namang saad habang patuloy akong naglalakad palapit sa kanyang rehas.

Paanong iisa kaming tatlo gayong magkakaiba naman ang pinagmulan naming mundo lalo na siya. Sino ba siya? Bakit sa kabila ng kawalan ko ng alaala o impormasyon sa kanya ay dama kong may koneksyon kami sa isa't-isa.

"Δεν χρειάζεται να τα καταλαβαίνεις όλα Υβόννη. Απλά πρέπει να χρησιμοποιήσετε τη δύναμή μου. Να νιώσω τα συναισθήματά μου, τον πόνο μου, τον θυμό μου, τη θλίψη μου. Απλά πρέπει να είσαι εγώ, Υβόννη. Να πολεμάς για χάρη μου μέχρι να είσαι έτοιμος να γίνεις το σκάφος μου."
(You do not need to know and understand everything, Yvonne. You just need to use my power. To feel my emotions, my pain, my anger, my sadness. You just need to be me, Yvonne. To fight for my sake until you are ready to become my vessel.) Makahulugang saad niya pa at para bang sa isang iglap ay bigla na lang lumitaw ang tila ba kulay pulang sinulid mula sa aking dibdib at kumonekta ito sa kanyang dibdib.

Sinubukan ko pa itong hawakan o putulin ngunit hindi ko man lang ito maramdaman at tumatagos lamang ang aking mga daliri at kamay. Konektado ba ang buhay namin? Ang mga puso namin? Pero paano? At bakit?!

"Ikaw ba ang nagdala sa akin sa m. . . mundong ito? Sa mundo ni Eliana?" Malamig kong tanong sa kanya at tila ba umuusbong ang pagkamunhi sa aking puso dahil siya ang may pakana ng lahat ng ito.

"Ήθελες να ζήσεις, Υβόννη. Σου εκπλήρωσα την επιθυμία σου. Είμαστε και οι δύο χρεωμένοι ο ένας στον άλλον"
(You wanted to live, Yvonne. I granted you your wish. We are both in debt with each other.) Tila ba sa akin niya dinidirekta ang katarantaduhan na siya ang gumawa dahilan para umusbong lalo ang galit ko sa kanya.

"Hindi sa ganitong paraan ko gustong mabuhay ulit. Hindi ko ito gusto! Ikaw! Ikaw ang nagdala sa akin dito!" Gigil na gigil na dinuro ko pa siya at sinigawan pero nananatili lamang siyang nakayuko at walang kibo. "Dapat hinayaan mo na lang ako mamatay! Anong karapatan mong paglaruan ang buhay ko gayong hindi naman kita kilala?! Wala akong kahit kailan hiniling mula sa'yo! Wala tayong ugnayan sa isa't-isa!" Sigaw ko pa at para bang gusto kong sabunutan ang aking sarili dahil mas lalo lamang gumugulo ang aking isipan sa aking mga nalalaman.

Bakit nga ba hiniling ko mabuhay noong mga panahong malalagutan na ako ng hininga?! Ganoon na lamang ba ako kadesperada para lumapit sa demonyo na katulad niya?!

"Είμαι εσύ, είσαι εγώ, οι τρεις είμαστε ένα."
(I am you, you are me, the three of us are one.) Muli niyang pag-uulit dahilan para mas lalo na lamang akong mapikon.

"Putang ina hindi ako ikaw o si Eliana! Ako si Yvonne! Yvonne ang pangalan ko! Hayaan mo nang magpahinga ang katawan ko! Ibalik mo na si Eliana sa nararapat niyang katawan! Ayoko na! Ayoko na. . ." Napasalampak na lamang ako sa basang sahig dahil sa labis labis na emosyon na aking nararamdaman.

Bakit ba kasi ako? Bakit ako pa?

"Χρησιμοποίησε τη δύναμή μου, Υβόννη. Εάν παρεκκλίνετε από τη μοίρα σας, θα υποστείτε τις συνέπειες. Θα πάρω το σώμα σου, ακόμα και την ψυχή σου, και θα ξανασηκωθώ για να καταστρέψω ή να κυβερνήσω και τον κόσμο σου και να φτιάξω έναν δικό μου. Μαζί θα εκδικηθούμε το παρελθόν."
(Use my power, Yvonne. If you deviate from your fate, you will suffer the consequences. I will take your body and even you soul, and I will once again rise to destroy or rule both your world and make one for my own. Together, we shall avenge the past, and without me nor my power, you can never achieve your desires)

"Ano na naman ang binabalak mo?! Sino ka ba?! Hindi ko kailangan ng kapangyarihan mo. Hindi kita kailangan!" Galit ko pang sigaw at marahas na akong tumayo sa aking pagkakasalampak upang sugurin siya.

"Γέμισε την καρδιά σου θυμό και πόνο, Υβόννη. Μαζί, θα ανέβουμε στην κορυφή και θα κυβερνήσουμε τόσο τον κόσμο σας όσο και αυτόν τον κόσμο. Δεν θα είστε στο ίδιο επίπεδο με κανέναν εκτός από τον εαυτό σας."
(Fill your heart with anger and pain, Yvonne. Together, we will rise to the top and rule both your world and this world. You will be on par with no one but yourself.)

"Hindi ko kailangan 'yan?! Ibalik mo na lang sa dati ang lahat! Ibalik mo na sa dati ang lahat. . " Pakiusap ko sa kanya habang halos namamanhid na ang buong sistema ko kaya wala nang lumalabas na luha sa aking mga mata.

Halos pigil-hininga ko rin pinagmasdan kung paanong dahan-dahan siyang nag-angat ng paningin sa akin dahilan para tuluyan ko nang masilayan ang mga mata niya na kulay lila sa kanan at pula sa kaliwa.

"Θα έρθει η στιγμή που εσύ κι εγώ μπορούμε να γίνουμε ένα, αλλά μόνο ένας από εμάς θα ζήσει και θα επιβιώσει"
(The time will come that you and I can be as one but only one of us shall live and survive.) Makahulugan niyang pahayag pero tinakpan ko na ang aking tenga at malakas din na sumigaw.

"Tama na!!!" Puno ng hinanakit at kalituhan na saad ko pa kasabay nito ay ang biglaan na lamang paglitaw ng kulay pula at ube na kapangyarihan sa aking inaapakan na unti-unti nang bumabalot sa akin.

*****

- TAMINA -

Halos dumugo na ang ilong ni Tamina dahil sa labis niyang paggamit ng kanyang kapangyarihan mahanap lamang ang katawan ni Yvonne sa dimensyon na pinaglaglagan nito. Malaki ang possibilidad na napunta ito sa kung saan pero hindi naman sa lugar na namamagitan sa mga patay at buhay pagka't tila ba pamilyar ang pulang usok na bumalot sa paa nito kanina.

Muli niyang pinaigting ang kapangyarihan niya sa kanyang bolang kristal na halos nagkakaroon na ito ng bitak para lang magising ang kaluluwa ni Yvonne na nananahan na sa kaloob-looban ng katawan ni Eliana ngunit tila ba may pumipigil ditong napakatinding kapangyarihan para hindi niya halos magawang mahawakan ito. Na para bang may iba pang nakatira sa katawan ni Eliana at ito mismo ang humaharang sa kaluluwa ni Yvonne na makabalik sa ulirat.

"Hindi ko susukuan ang kaluluwa ni Yvonne ngayon. Ibalik mo na siya!" Sigaw pa ni Tamina at muli niyang pinaliwanag ang kanyang mga kamay maging ang kanyang mga mata ng magkahalong kulay pula at ube.

Hindi na rin niya magawang punasan ang dugo na tumutulo mula sa kanyang ilong at hindi na niya halos ininda pa ang muling panunumbalik ng kanyang orihinal na hitsura dahil sa labis niyang paggamit ng kanyang kapangyarihan. Ilang segundo lang ang nakalipas ay bigla na lang nagsimulang umikot ng napakabilis ang bolang kristal ni Tamina habang halos nagkukumawala ang kapangyarihan sa loob nito hanggang sa bigla itong sumabog ng napakalakas at maging si Tamina ay tumilapon sa malayo.

Nagkanda-sira sira rin ang mga bote na kanyang koleksyon at maging ang ilan niyang ahas ay tumilapon palayo dahil sa napakalakas na enerhiya na nagmula sa kanyang bolang kristal. Kasabay din nito ang bahagyang pagyanig ng kanyang buong kuweba at ang pagkakabitak ng sahig at ng kanyang dingding.

Maya-maya lamang ay narinig na niya ang pag-ubo at tila ba pag-ahon ng kung sino mula sa kanyang maliit na lawa. Mabilis naman na nagtungo si Tamina dito at nakahinga naman siya ng maluwag nang makita ang katawan ni Eliana na mayroon nang buhay at panay ang ubo ng tubig habang nakahawak ito sa dulong bahagi ng lawa.

Dahan-dahan itong nag-angat ng tingin kay Tamina at bagama't sigurado niyang si Yvonne na ang nasa katawan nito ay hindi niya naman mapigilan kilabutan dahil ngayon lang siya nakakita ng mga mata na ganito kalamig at halos wala nang makikitang sigla o buhay.

*****

- MAESTRO -

Malalim na ang gabi nang mapagdesisyunan ni Maestro na lumabas na ng kanyang silid pagka't kanina niya pa nararamdaman ang tila ba kakaibang enerhiya na nagmumula mismo kung nasaan si Tamina. Pero ang mas labis niyang ikinababahala ay ang malaking posibilidad na si Eliana na nga mismo ang lumapit dito at kusang nagtanong patungkol sa mga bumabagabag sa kanya. Nag-aalala lang naman siya sa dalaga pagka't dama niya ang labis na kalituhan sa mga mata ni Eliana patungkol sa kapangyarihan na tinutukoy nito na labis naman niyang pinaniniwalaan.

Sakto namang paglabas niya ng kanyang silid ay siya rin paglabas ni Prinsipe Eryx sa silid na tinutuluyan nilang tatlo nina Aspen at Aidan. Sabay pa silang nagulat sa isa't-isa lalo na si Eryx na muntikan nang makalimutan na iba ang anyo ng Maestro sa mga oras na ito.

"Hindi kita agad nakilala, Maestro. Pasensya na." Kaagad na saad ni Eryx at bahagyang yumuko sa Maestro upang magbigay ng magalang na pagbati.

Kahit naman mas bumata ang hitsura ni Maestro ay nandoon pa rin kuwela nitong pag-uugali na palagi lamang tumatawa kahit sa maliliit na bagay kahit pa ngayon na nagkakagulatan pa sila ni Eryx na mukhang alam na ng Maestro kung sino ang nais nitong puntahan.

"Saan ka naman pupunta sa dis-oras ng gabi, Prinsipe Eryx? Hmmm?" Naghihinala at wari'y may himig ng pang-aasar na pahayag ng Maestro sa kany dahilan para mapaiwas na lang ng tingin ang binata at nahihiyang napahawak sa kanyang batok.

"Magpapalamig lang po sana ako sa labas. Hindi po kasi ako makatulog. . . o mas madaling sabihin na marami po ang bumabagabag sa aking isipan kaya gusto ko munang makalanghap ng sariwang hangin." Pag-amin naman ni Eryx sa Maestro na halos ikalawang ama na rin ang turing sa kanya ng binata.

Bigla naman sumagi kay Mageius ang possibilidad na baka madaan ito sa silid kung nasaan si Tamina at maaaring nandoon din si Eliana kaya mas minabuti na rin niyang samahan muna ang binata na magpalamig ng ulo.

"Ikaw ba, Maestro? Saan ka po ba pupunta?" Balik-tanong naman ni Eryx sa kanya dahilan para matawa na lamang ang Maestro sabay akbay sa binata.

Pero parang nagsisi siyang umakbay pa siya dahil sa katawan niya ngayon ay mas natangkaran na siya ni Eryx na halos kailangan niya pang tumingkayad para lamang maabot pa ito. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw niya talagang makita ng kanyang mga mag-aaral ang hitsura niya noong kabataan pa niya pagka't hindi rin naman siya katangkaran at mukha talaga siyang babae noon.

"Saktong-sakto at balak ko rin magpalamig muna hanggang sa dalawin na ako ng antok. Maaari mo ba ako samahan maglakad-lakad, Prinsipe Eryx?" Paanyaya niya pa sa kanyang mag-aaral at hindi naman na nagdalawang isip pa si Eryx na sumang-ayon sa kanya.

Tahimik at malamig ang buong kapaligiran at tila ba sanay na ang dalawa sa mga ahas na nagkalat sa paligid habang parehas nilang dinadama ang katahimikan na namamagitan sa kanila. Hindi naman na ito ang unang beses na nakasama ni Maestro sa ganitong mga kaswal lamang na sandali dahil natural lang naman kay Eryx ang pagiging mapag-kumbaba at simple.

"Pasensya na pala kagabi at hindi namin kayo kaaagad napuntahan ni Prinsesa Eliana. Napakahirap naman kasi tukuyin kung anong butas ba ang nalaglagan niyo at naisip ko rin na hindi magandang maghiwa-hiwalay pa kami. Hindi ko rin kasi maramdaman ang enerhiya mo buong magdamag iho dahil mukhang nawalan ka talaga ng malay." Panimulang saad naman ni Maestro na ikinatango na lamang ni Eryx dahil mukhang naiintindihan niya naman ang sitwasyon na kinaharap nila.

"Ayos lang, Maestro. Naiintindihan ko naman kung gaano kadelikado ang bawat sulok ng kuweba na ating pinagdaanan." Kaswal na pahayag ng binata dahilan para bigla tuloy naisip ni Maestro na bahagyang asarin si Eryx upang maiba naman ang ekspresyon nito.

"Kumusta naman ang unang gabi na magkasama kayo ni Prinsesa Eliana?" Makahulugang tanong sa kanya ng Maestro habang nakangisi pa ito ng nakakaloko at malisyosong tinitingnan ang magiging reaksyon ni Eryx.

Hindi naman siya nagkamali dahil bigla na lang itong napatigil sa paglalakad at bakas sa kulay berde nitong mga mata ang labis na gulat at hiya sa kanyang tanong. Mas lalo tuloy napuno ng kuryosidad si Maestro malaman ang mga kaganapan sa pagitan ng dalawa dahil hindi naman magiging ganito ang reaksyon ni Eryx kung walang nakahihiyang alaala ito na hinding-hindi niya makalilimutan.

"Bakit gulat na gulat ka, Prinsipe Eryx?" Natatawang pahayag pa ni Maestro na halos umalingawngaw sa buong kuweba ang halakhak nito dahilan para mas lalong mahiya si Eryx at mapaiwas na lang ng tingin. "Hindi ba't si Prinsesa Eliana naman ang kasama mo magdamag sa lugar na iyon? O baka hindi mo rin naalala dahil mukhang nawalan ka nga talaga ng malay. . ." Dagdag tanong niya pa habang kinikindatan si Eryx ng makahulugan.

"W. . .Wala naman pong m. . .masyadong nangyari sa amin ni Prinsesa Eliana. . ." Nauutal at hindi na halos makatingin ng diretso na pahayag ni Prinsipe Eryx. Kung maliwanag nga lang ang paligid ay baka kitang-kita na rin marahil ang pagsisimula nitong mamula.

"Oh? Bakit parang dismayado ka pa, Prinsipe Eryx? Hmmm?" Natatawang pang-asar naman ni Maestro dahilan para mariin naman na umiling sa kanya si Eryx habang sinasabayan pa ito ng kanyang mga kamay.

"H. . .Hindi po. Wala talagang nangyari sa amin, Maestro. N. . .Natulog lang kami." nahihiyang saad pa rin ng binata pero hindi pa rin tumigil ang Maestro at inilapit pa nito ang mukha kay Eryx na napapakagat-labi na lamang.

"Bakit namumula ka kung natulog lang kayo, Prinsipe Eryx? May iba pa bang kaganapan bukod sa pagtulog lang?"

"W. . .Wala na po talaga, Maestro." Sinserong pahayag ni Eryx. "Hindi ko magagawa kay Eliana ang ano mang ikapapahamak niya." Seryosong dagdag niya pa para matawa muli ang Maestro pero sa pagkakataong ito ay natutuwa siya sa ipinapakitang sinseridad mismo ni Eryx na hinding-hindi na talaga maaalis sa binata.

"Biro lang, biro lang." Marahan pang tinapik ni Maestro ang balikat ni Eryx dahil baka kapag mas inasar niya pa ito ay bigla na lang ito tumakbo pabalik sa kanyang silid at magkulong dulot na rin ng kahihiyan. "Alam ko naman na malaki ang respeto mo sa mga kababaihan lalo na at si Prinsesa Eliana ang iyong kasama kaya alam kong hindi mo iisipin na gumawa ng ano mang kalokohan." Kampante pang pahayag ni Maestro pero tahimik na lamang si Eryx at kinakalma ang kanyang sistema.

"Tiyak ko rin na hindi palalagpasin ng magkakapatid na Agrigent ang sino mang magtatangkang saktan ang kanilang bunsong babae. Mukhang mahaba-haba pa ang lalakbayin, Prinsipe Eryx." Natatawa pang pahayag ng Maestro na hindi na mawari ang magiging reaksyon ni Caedmon oras na may hayagan nang magpaalam dito na nais manligaw o pumorma sa kanyang mga kapatid.

"Maestro naman. . ." Nahihiya pa rin na pahayag ni Eryx habang hindi na ito halos mapakali at panay na ang hawak sa batok.

Sandali pang nag-asaran ang dalawa hanggang sa nakuntento na rin si Maestro sa katatawa nang bigla naman magtanong s akanya si Eryx.

"M. . . Maestro, maaari po ba ako magtanong ng katanungan na bahagyang. . .personal?" Bahagyang nagdadalawang-isip pang tanong ni Eryx kahit pa alam niya naman na palagi naman ayos sa Maestro ang ano mang katanungan.

"Oo naman, Prinsipe Eryx! Malakas ka sa akin, ikaw pa ba!"

Sandali pang nag-isip si Eryx at humugot ng lakas ng loob habang panay din ang sulyap nito sa buwan sa labas bago tuluyang magtanong.

"Naranasan niyo na po ba ang umibig?" Seryosong tanong ng binata sa kanya dahilan para bahagya na lang tuloy matigilan ang Maestro dahil sa tinagal-tagal niya nang nagtuturo sa akademya ay ngayon lamang may nagtanng sa kanya ng ganito kapersonal.

"Napakapersonal nga ng iyong katanungan!"Natatawa niya pang saad ngunit nanatili lamang seryosong naghihintay ng kasagutan si Eryx sa kanya. "Hindi ko inaasahan na si Prinsipe Eryx Alastair, ang mag-aaral ko na hindi ko sukat akalain na mauugnay sa ganitong mga paksa ay nagtatanong na patungkol sa pag-ibig. Parang gusto kong maiyak dahil sa wakas ay nagbibinata ka na talaga, Prinsipe Eryx." Umakto pa ang Maestro wari'y nagpupunas ng luha habang tinatapik-tapik ang likod ni Eryx.

Napasimangot na lamang tuloy si Eryx dahil dito at para bang may iba pang naalala si Mageius na dalaga sa uri ng pagkakasimangot ngayon ni Eryx na hindi naman siya kailanman sinimangutan noon. Mas lalo na lang tuloy siya natawa ng malakas dahil sa simpleng pamamaraan ay naiimpluwesyahan na rin ito ni Eliana.

"Biro lang, biro lang. . . Hmmm pag-ibig? Napakasimpleng salita pero napakaraming maiuugnay na karanasan at kahulugan." Dahil sanay ang Maestro na humahawak sa kanyang balbas kapag nag-iisip ay natawa na lang siya nang walang makapang buhok dito dahilan para si Eryx ay bahagyang mapangiti na lamang din sabay iling.

"Alin bang pag-ibig ang nais mong maranasan, Prinsipe Eryx? Kung ang pag-ibig din naman na nararamdaman para sa pamilya ay syempre naranasan ko na iyan. Lahat ng mga mag-aaral ko ay itinuturing ko bilang aking mga anak kaya ang pagmamahal ko sa inyo ay katumbas na ng isang pamilya. Mayroon din naman na platonic na pag-ibig na naranasan ko na rin sa aking mga kaibigan at kapwa. Pero mukhang ang uri ng pag-ibig na nais mong malaman ay ang romantikong uri ng pag-ibig tama ba?" Nilingon pa ni Maestro si Eryx na tumango naman sa kanya.

"Kung gayon ay. . . Oo naman, Eryx." Nakangiting pahayag ng Maestro sabay tingin nito sa buwan habang tila ba may inaalala itong kung sino. "Naranasan ko na rin magmahal ng iba at ng lubos na halos handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kanya kahit pa hindi pa siya handang suklian ito ay masaya na akong hinahayaan niya akong manatili sa kanyang tabi at kayang-kaya ko siyang protektahan at suportahan." Malambing pang ngumiti ang Maestro habang tila ba may pinatutungkulan na talaga ang mga sinasabi nito.

Halata naman sa ekspresyon ni Eryx na mas lalo siyang napuno ng kuryosidad sa sinabi ng Maestro. Pasimple pa siyang napahawak sa kanyang puso wari'y mapapakiramdaman niya talaga ito. Napangiti naman ang Maestro sa kainosentahan ng kanyang mag-aaral.

"Ano po ang pakiramdam ng ganyang pag-ibig, Maestro?" Determinadong tanong ni Eryx sa kanya dahilan para mas lalo talagang matuwa ang maestro sa mga tanong niya. Para talaga sa mga guro ay wala na silang iba pang kaligayahan kundi ang kuryosidad ng kanilang mag-aaral na alamin ang kasagutan sa mga praktikal na katanungan.

"Masaya sa pakiramdam, Prinsipe Eryx." Nakangiting pahayag ng Maestro at napahinto pa ito sa paglalakad saka humarap sa binata. "Dahil ang ganitong uri ng pagmamahal ay nangangahulugan lamang na handa at bukal sa iyong kalooban na ibigay ang buong puso mo sa taong iyong iniibig ng walang hinihintay o inaasahang kapalit mula sa kanya. Dahil desisyon mong ibigay ito sa kanya ng libre kahit malaki ang posibilidad na hindi ka niya suklian o hindi pa siya handang magmahal muli." Tinapik pa ng Maestro ang kanyang balikat . "Dahil ang pagmamahal ay malaya, Prinsipe Eryx. Malaya kang ibigay ito at malaya naman siyang tugunan ito pero nasa inyo na lang ang desisyon kung kanino ito ibibigay at kung paano ito tutugunan."

"Hindi po ba masakit kapag hindi natutugunan ang pagmamahal, Maestro?"

"Siguro ay sa ganyang edad mo ay iisipin mo rin na kapag nagmahal ka ng tao ay dapat niya rin ito tugunan. Pero doon ka nagkakamali, Prinsipe Eryx, dahil ang ganoong klaseng pag-ibig ay nakasasakal. Ayaw mo naman sigurong masakal sa'yo ang kapares mo hanggang sa tuluyan na itong bumitaw sa'yo, di ba?" Tumawa pa ng malakas ang Maestro wari'y may naalala itong kung ano. "Hindi ito maganda para sa parehong nasa relasyon dahil palagi ka na lang maghihintay ng kapalit sa iyong kapares na para bang ginagamit niyo lang ang isa't-isa."

"Pero. . ." Tatango-tango naman na pahayag ni Eryx at nagmistulang inosenteng bata talaga ito na nagtatanong. ". . . masaya ka po ba sa ganitong klase ng pag-ibig?"

Sandali naman hindi nakasagot ang Maestro upang tanungin din ang kanyang sarili. Masaya nga ba siya? Marahil ay Oo dahil alam niya na kumpleto na siya kapag naipaparanas sa tinitibok ng kanyang puso ang ganitong pagmamahal.

"Para sa akin ay masayang-masaya na ako kapag nagagawa kong suportahan ang taong iniibig ko kahit pa ang pananatili lang sa kanyang tabi o tahimik na pagmamasid sa kanya at kapag kinailangan niya ng tulong sa mahihirap na pagsubok ay nandyan ako. Masaya pa rin ako na may limitasyon sa mg bagay-bagay ang aming relasyon dahil bago ka naman maging kasintahan ay isa ka munang indibidwal na may sariling isip at puso. Alam ko rin kung paano irerespeto ang mga desisyon niya at gayon din siya sa akin. At higit sa lahat. . ." Sinadyang putulin ng Maestro ang kanyang sinasabi upang muling tingnan ng diretso ang mga mata ni Eryx sa pag-asang mahuhuli nito ang babaeng nasa isip ng binata sa pamamagitan lamang ng kanyang mga mata.

". . . alam mo sa sarili mo na siya lamang ang kayang magpasaya sa'yo, magbigay init sa puso mo, pagaanin ang iyong kalooban, at alam mong ligtas ka kapag kasama siya kaya bilang tugon ay ayaw mo rin siyang nakikitang nasasaktan, umiiyak, at gagawin mo ang lahat para lang maprotektahan ang kanyang magandang ngiti na nagsisilbing liwanag para sa'yo." Seryosong payo sa kanya ni Mageius dahilan para tila ba mapaawang na lang ang mga labi ng Prinsipe at tila ba dumaan ang kislap sa mga mata nito wari'y mayroon nang pinatutungkulan ang kanyang mga sinabi.

Mahigit ilang minuto rin nangibabaw ang katahimikan sa dalawa dahilan para matawa na lang muli ang Maestro sa pagkatameme ng kanyang mag-aaral. Napaiwas na lang din ito ng tingin wari'y nahihiya sa naging pananahimik.

"Natahimik ka ata, Prinsipe Eryx? May naaalala ka bang kung sino sa mga sinasabi ko?" Nakangisi pang saad ng Maestro dahilan para muli siyang lingunin ni Eryx sabay inilagay nito ang kamay sa bandang dibdib at marahang nilukot ang tela ng kanyang damit na nandito.

"Gusto ko rin maranasan ang ganyang, pag-ibig, Maestro." Seryoso at sinserong pahayag ng binatang Prinsipe dahilan para hindi na talaga niya mapigilan ang tahimik na ipagmalaki ang kanyang mag-aaral. "Iyong puno ng respeto, iyong totoo, walang hinihintay na kapalit, at hangarin lang namin ang kasiyahan at kaligtasan ng isa't-isa."

"Dito mo pakiramdaman, Prinsipe Eryx." Turo pa ni Maestro sa kanyang dibdib. "Dahil oras na tumibok na iyan, wala na halos magagawa ito. . ." Sunod naman na itinuro ng Maestro ang noo ng binata nang may ngisi sa mga labi.

". . .at lalalim na lang ang nararamdaman mo hanggang sa hindi ka na makakaahon pa." Umayos naman ng tindig ang Maestro at muli silang nagpatuloy sa paglalakad habang nasa likod ang mga kamay nito. "Ika nga nila, tanga raw ang mga taong umiibig, pero hindi ba mas magandang sabihin na hindi talaga kayang diktahan ng isang tao ang kanyang puso at nararamdaman." Kumindat pa ang Maestro sa kanya dahilan para makita naman sa ekspresyon ni Eryx ang tila ba kalinawan sa mga bagay-bagay at marahil ay sa mga nararamdaman nito.

Akmang sasagot pa sana si Eryx sa kanya nang bigla na lang sila nakarinig ng malakas na pagsabog na nagmula sa pangunahing silid ng kuweba kung saan natitiyak ng Maestro na kinalalagyan ngayon nina Tamina. Mabilis din naman lumapit ang Maestro kay Eryx upang protektahan ito kasabay nang pagpapalabas niya sa kanyang tungkod bilang sandata.

Nasundan pa ang malakas na pagsabog ng pagyanig ng buong kuweba at tila ba malakas na puwersa ng hangin dahilan para parehas na lang silang mapapikit.

"Anong nangyayari, Maestro?" Nababahalang tanong ni Eryx na nagsimula na rin lumiwanag ng ginto ang berdeng mga mata.

Mabilis naman umayos ng tindig ang Maestro at hindi na ito nagsayang pa ng oras na tunguhin ang silid na pinagmulan ng pagsabog.

"Sigurado akong kapangyarihan ni Tamina ang puwersa na iyon." Kinakabahan din na pahayag ng Maestro habang patuloy pa rin nila tinatakbo ang distansya na namamagitan sa puwesto nila kanina at sa silid ni Tamina.

Nang akmang bubuksan na nila ang dambuhalang pinto ng silid ay kusa na lamang ito marahas na bumukas wari'y mayroong sumipa mula sa loob. Kaagad din bumungad sa kanila ang dalaga na basang-basa mula ulo hanggang paa at tumutulo pa ang tubig mula sa damit at buhok nito. Hindi man lang din sila tinapunan ng tingin ni Eliana dahil tila ba wala ito sa sariling tuloy-tuloy na naglakad paalis habang nakayapak pa ang mga paa nito at hindi alintana ang lamig ng atmospera.

"Eliana, kailangan mo sabihin sa akin ang nakita mo! Paano natin paliliwanagan ang---" Hindi na rin natuloy ni Tamina ang kanyang sasabihin nang mapansin niya ang presensya ng dalawang lalaki na gulat lamang din sa kanilang nasaksihan.

"Tamina, ano ang nangyayari dito?" Nagtataka at nag-aalalang tanong naman ng Maestro sa matandang babae na bakas pa rin ang dugo sa kanyang ilong at ilang galos mula sa pagkakatilapon sa mga basag na bubog ng bote.

Hindi rin sumagot sa kanya si Tamina at para bang hirap itong isalaysay ang nangyari lalo na at nasa harapan nila si Eryx na gulat at nag-aalala lamang na nakatingin kay Eliana na patuloy pa rin sa paglalakad.

Pinagmasdan naman nila pareho kung paanong mabilis itong sinundan ni Eryx ngunit bago pa man mahawakan ng binata si Eliana ay mabilis nitong tinabig ang kanyang kamay.

"Huwag mo akong hawakan. Hayaan mo muna akong mag-isa." Tila ba nakakapanindig balahibo ang panlalamig sa boses ni Eliana at kahit bahagyang madilim ang paligid ay tanaw din ng Maestro kung gaano kablangko at kawalan ng emosyon ang mga mata nito wari'y nasaksihan ang isang hindi kaaya-ayang pangyayari.

Hindi naman makita ng Maestro ang reaksyon ni Eryx dahil nakatalikod ito sa kanyang gawi ngunit dama rin niya ang gulat ng binata na bahagya na lang naikuyom ang kamao dahil wala itong nagawang kahit ano.

Pare-pareho na lamang nilang gulat na tinanaw ang dalaga na patuloy pa rin na naglalakad na parang wala sa sarili hanggang sa bigla na lang nagsimulang habulin ito ni Eryx. Kaagad naman kumilos si Tamina at pinigilan ito dahil mukhang naiintindihan niya kung ano ang nararamdaman ngayon ni Eliana.

"Hayaan mo muna siya mag-isa, Prinsipe Eryx." Pakiusap pa nito habang si Eryx naman ay bahagyang nakalingon sa kanya. "Tingin ko ay mas kailangan ni Prinsesa Eliana ngayon 'yon." Dagdag saad pa ni Tamina habang kababakasan talaga ng totoong pag-aalala ang mga mata nito.

Sandali naman hindi nakatugon si Eryx sa kanya wari'y nag-iisip ito ng gagawin. Muli niya rin tinanaw ang gawi ni Eliana na tuluyan nang nakalabas ng kuweba at hindi na nila tanaw ang rebulto nito.

"Pasensya na, Nana Tamina." Mahinahong tugon ni Eryx habang dahan-dahan nito tinatanggal ang pagkakahawak ng matandang babae sa kanyang braso. "Kapag hinahayaan ko si Eliana na mag-isa sa ganoong kalagayan ay mas lalo lamang ako mag-aalala. Babantayan ko na lamang siya mula sa malayo." Kalmadong dugtong pa nito at hindi na hinintay pa ni Eryx ang tugon ni Tamina dahil mabilis na rin ito tumakbo palayo upang sundan ang dalaga.

Dinig naman ng Maestro na napabuntung-hininga na lamang ang matandang babae sabay sapo ng ulo nito at mukhang nakakaramdam na rin ng hilo. Kaagad naman itong sinalo ng Maestro nang tuluyang mawalan ng balanse ang babaeng ahas na mukhang naubos na rin ang lahat ng enerhiya.

"Tingin ko ay kailangan mo na rin magpahinga, Tamina." Kalmadong pahayag pa ng Maestro at hindi na ito nagdalawang isip pa na buhatin si Tamina wari'y isa itong prinsesa. "Maraming salamat sa tulong mo kay Eliana. Pero tingin ko naman ay nasa mabuting kamay siya ngayon. Hayaan muna natin magpalamig ng ulo ang Prinsesa." Dugtong pa nito habang tinatahak nila ang daan pabalik sa silid ni Tamina na hindi naman kalayuan sa pinanggalingan nilang silid.

"Mageius. . ." Nanghihinang saad naman ni Tamina habang nakasandal na ito sa dibdib ni Maestro. "Nababahala ako sa kapangyarihang taglay ni Eliana. Tingin ko ay. . ." Dahan-dahan din ito bumangon upang makaharap si Mageius na seryoso pa rin naman na nakikinig sa kanya. ". . .hindi dapat magamit at makawala iyon sa mundong ito."

*****

Eliana's POV

Hindi ko na alam kung ilang minuto o oras na ba ako naglalakad dahil dama ko nang namamanhid na ang talampakan ko. Blangko ang aking mga mata at kusa na lamang gumagalaw ang aking katawan tungo sa hindi ko rin alam kung saan ang aking patutunguhan. Pakiramdam ko ay wala na akong puwede pang puntahan. Pakiramdam ko ay wala na akong mundo na dapat kalagyan. Nalilito na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko.

Kahit walang sapin ang aking paa at damang-dama ko na ang mga sugat at pagdurugo dito ay tuloy-tuloy lamang akong naglakad. Kahit ilang beses na akong nadapa, natisod, at natapilok ay nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad na para bang ikamamatay ko kapag nanatili pa ako sa kuwebang iyon.

Habang naglalakad ay muling nanumbalik sa akin lahat ng mga narinig at nalaman ko sa loob lamang ng halos isang oras. Sa loob ng isang oras ay halos nawala ako sa katinuan at tila ba nakalimutan ko na lahat ng hangarin at gusto kong gawin sa buhay na ito.

Ms. Villanueva's chance to gain consciousness is zero to none

Paulit-ulit na umaalingawngaw sa aking isipan ang mga narinig ko sa ospital magmula nang malaman ko na buhay pa ang katawan ko. Pero kung wala na rin naman itong pag-asa pang muling makaligtas sa kamatayan, bakit ba pinipilit pa nila akong buhayin?! Bakit ba hindi na lang nila ako hayaang mamahinga para naman matanggap ko na ng buo ang panibagong buhay ko. Pero sino nga bang niloko ko? Ako rin naman ang nagpumilit malaman ang dati kong buhay dahil hanggang ngayon ay nakakabit pa rin sa akin ang lahat ng ugnayan na mayroon ako doon na hindi ko ata kayang bitawan.

Please, not my child, not my Yvonne. Please don't take my Yvonne away. Please not my baby girl. . .I love her so much. Please I beg of you.

Muling nanumbalik sa akin ang mga salitang lumabas sa aking ama kanina at hindi ko na halos mapigilan pa ang muling mangilid ang aking mga luha.

"Ah!" Mas lalo lamang akong naluha nang muli na naman akong madapa at sa pagkakataong ito ay sumubsob na ako sa buhanginan sa dalampasigan ng dagat.

Nagsimula na lang ako humikbi habang kinukuwestyon ang aking sarili kung bakit iniwan ko na lang ng ganoon si Papa. Hindi man lang ako nakahingi ng tawad sa kanya. Hindi ko man lang nasabi kung gaano ko siya kamahal, kung paanong malaki rin ang galit ko sa kanya dahil nawalan na siya ng pakialam sa akin at tanging si Ate Ysabela na lang ang pinapaburan niya. Gusto ko siyang kuwestyunin kung bakit ngayon lang niya sinasabi ang lahat ng iyon sa akin?! Kung kailan katawan ko na lang ang nandoon.

Halos araw-araw ko hinihiling noong nabubuhay pa ako na muli kong marinig ang mga salitang iyon. Pero hindi niya man lang halos masabi muli sa akin. Bakit ngayon lang, Papa? Bakit ngayon lang?

Sinubukan ko muling tumayo mula sa aking pagkakasalampak at gegewang-gewang akong naglakad tungo sa dagat na dinig na dinig ko ang malakas na hampas ng alon.

I am you, and you are me, Yvonne. The three of us including our darling Eliana.

Habang naglalakad ay muling sumagi sa aking isipan ang isa pa sa mga kailangan ko na naman problemahin. Ang babaeng palaging bumubulong sa akin. Ang pinagmumulan ng malakas na kapangyarihan sa aking katawan na para bang sa tuwing magagalit ako ay siya na halos ang kumokontrol sa aking buong pagkatao. At ano pa ang sabi niya? Iisa lang kaming tatlo nina Eliana at siya? Hindi ba napakasakim niya at kailangan niya pa ako idamay. Hindi ko naman ginusto 'to. Hindi ko naman ginustong mapunta sa mundong hindi ko alam kung karapat-dapat ko pa bang pamuhayan.

You wanted to live, Yvonne. I granted you your wish.

Pero niloloko ko lang ata ang sarili ko. Napakaipokrito pakinggan na nagsisisi akong nabuhay akong muli gayong ito naman ang kahilingan ko. Ginusto kong mabuhay muli, pero sana man lang, hindi sa ganito kasakit na paraan.

You just need to be me, Yvonne. To fight for my sake until you are ready to become my vessel

Vessel? Sisidlan ng ano? Ng putang inang kaluluwa niya?! Para mapunan ang katawang ito?! Bakit?! Sa anong dahilan at kailangan ako pa? Bakit ako pa?!

"Bakit ako pa?" Lumuluhang tanong ko habang patuloy pa rin ako sa paglalakad palapit sa naglalakihang mga alon na tila ba musika sa aking pandinig at tinatawag ako.

"Ayoko na. . ." Dagdag bulong ko pa habang marahas kong pinupunasan ang mga luha ko at para bang gusto ko na lang magpahinga dahil hindi ko na alam kung ano ang iisipin at gagawin ko.

Kung mabubuhay pa ako dito para sa babaeng iyon, bakit pa at paano naman ang aking Papa? Kung babalik naman ako, paano naman at paano naman ang mga naiwan ko ditong alaala?

"Ayoko na. . . Ayoko na. . . Ang sakit-sakit na. Hindi ko na alam ang gagawin ko. . ." Hagulgol ko pa at napaluhod na lang ako sa buhanginan at patuloy na inilabas ang aking mga hinanakit. Halos naibaon ko na lang ang aking kuko dito at dahan-dahan itong kinahig.

Malakas ko rin sinuntok ang aking dibdib upang kahit papaano ay mamanhid naman ito. Pero wala. Lalo lang itong sumasakit ng todo na nahihirapan na ako huminga at magpatuloy hanggang sa tila ba natauhan na lang ako at blangko ang mga mata na napatingin na lang ako sa dagat.

Kung mamamatay ba ako dito. . . Tuluyan na kaya akong makakapahinga? Hindi ko na siguro kakailanganin pang mamili. Hindi ko na kailangan pang maging sisidlan ng babaeng nasa loob ng katawan ko. Hindi ko na maiisip pa ang naiwan kong katawan. Napakaduga naman kung ang totoo kong katawan ay lumalaban pa habang ako ay nakikinabang sa katawan ng iba.

"Kung mawawala ba ako. . .mawawala na rin sakit at kalituhan?" Wala sa sariling naitanong ko na lang sa hangin. Marahan na lang din akong napapikit upang damhin ang lamig ng paligid na para bang nakikiayon ito sa aking nararamdaman.

Dahan-dahan na rin akong tumatayo sa aking pagkakasalampak sa buhanginan at wala sa sariling nagpatuloy na lang ako sa paglalakad kahit pa labis na ang hapdi sa aking talampakan.

Ang bawat hakbang ko ay mabigat sa aking puso pero mistulang manhid na ang aking utak para makapag-isip pa ng tama. Baka nga mas tamang tuluyan ko na rin lisanin ang katawang ito at baka sa pagkakataong ito ay hindi ko na kailangan mamroblema kung paano ako babalik sa dati kong buhay o dapat pa ba akong bumalik doon o dapat bang magpatuloy na lang ako bilang si Eliana. . .

At sa aking bawat hakbang tungo sa madilim na dagat na mayroong naglalakihang alon, bigla na lang sumagi sa isip ko ang mga taong naging mahalaga sa akin sa buhay kong ito at ang mga linyang ibinato nila sa akin dahilan para labis kong maramdaman ang mga emosyon na hindi ko sukat-akalain na dito ko pa mararanasan. Kahit pa hindi ako ang orihinal na nagmamay-ari ng katawang ito.

Kung hindi dahil kay Eliana ay baka tinapos ko na talaga ang buhay ko!

Kung paanong naranasan kong iligtas ang buhay ng kapatid ni Eliana kahit pa hindi ko ito napagtagumpayan sa dati kong buhay bilang si Yvonne.

Mag-iingat ka, bunso. Sana pagpalain ang paglalakbay mo at sana ay marami kang matutunan dito dahil hindi mo ito nagawa noong bata ka hanggang sa magdalaga ka kaya naman nang malaman ko na isasama ka ni Maestro ay pumayag na ako basta hindi ka mapapahamak.

Kung paanong naranasan ko ang tunay na pagmamahal at pagmamalasakit mula sa isang kapatid na wagas kung mag-alaga at magpahalaga sa kanyang kapwa. Kahit hindi ako si Eliana, kahit hindi ako ang totoong kapatid nila.

Sinabi ko naman sa'yo na patigilin mo na 'yan sa manliligaw dahil masasaktan ka lang. Matuto kang makinig ka, Eliana.

Kung paanong sa buhay kong ito ay naranasan kong mapagsabihan at piliting malayo sa kapahamakan gayong sa dati kong buhay bilang Yvonne ay kahit ikamatay ko pa ang isang gawain ay hindi man lang nagkaroon ng pakialam ang aking kapatid.

Pero, sana, kung maaari lang, kung puwede bigyan mo ako ng pagkakataon ituring kang kapatid.

Kung paanong sa mundong ito ay nagawa kong makipag-ayos sa isang kapatid bago pa man mahuli ang lahat. Kung paanong narinig ko ang kapatawaran mula sa isang kapatid na buong akala ko ay hinding-hindi ko na mararanasan. Kung paanong naranasan ko magkaroon ng isang ate kahit pa sandali lamang.

Napasigaw na lamang ako dahil sa mga boses na naririnig ko sa aking isipan na mas lalo lang nagpapahirap at nagpapabigat sa aking isipan. Bakit bumabalik lahat ngayon ng alaala sa akin? Kung paanong muli kong naramdaman na nabuhay ako sa mundong ito muli. Ayokong aminin. . . Hindi dapat ako masyadong nagpakampante.

Nandito lang kami palagi para sa'yo, Prinsesa Eliana.

Kung paanong may mga babaeng nakatitiis pa rin sa aking ugali at tunay akong inaalagaan, pinoprotektahan, at inaasikaso sa kabila ng katotohanan na baka alam na nila na hindi ako ang totoo nilang amo.

'Bakit hindi mo man lang iniisip ang sarili mo, Ate Eliana? Bakit ang hilig mo umuwi ng maraming sugat? Bakit gusto mo palagi kami nag-aalala sa'yo?'

Naranasan ko rin dito kung paanong magkaroon ng nakababatang kapatid na tunay na mag-aalala at magmamalasakit sa akin. Hindi ko nagawang magpaka-ate kay Brandon noon kaya ngayon naman ay bumabawi ako sa batang lalaki na kahit hindi ko kadugo ay ipinararamdam sa akin ang pag-aalala at malasakit.

Babalikan kita, Eliana. Pangako.

Kung paanong sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman ko na hindi ako pababayaan ng iba kahit gaano pa kadelikado ang sitwasyon at ang aming kalagayan.

Ah... pasensya na po sa bunganga ko. Noong sinabi po kasi ni Stella na gising na po si Eliana ay nagmadali na po talaga ako dito.

Dahil sa mundong ito, nagkaroon ako ng kauna-unahang kaibigan sa kabila ng pagkakaiba namin ng pag-uugali at madalas namin na hindi pagkakasundo. Kung paanong dito ay nagawa kong iligtas ang aking kaibigan pero sa dati kong buhay ay nabigo ko si Castiel at inilapit pa siya sa kapahamakan. Bakit ba sa mundong ito na lang ako nakakabawi? Ito na ba ang pampalubag-loob ko dito?

Hindi mo naman kailangan gamitin ang kapangyarihan sa kasamaan, Prinsesa Eliana. Minsan ginagamit din ito upang mapasaya ang ibang tao.

Dito ko rin naranasan ang matuto ng mga bagay na wala sa orihinal kong buhay. Na sa kabila ng pagkakaroon ng malakas na kapangyarihan ay mahalaga pa rin ang kasiyahan ng isang tao. Na kahit pa walang kapangyarihang taglay ang dating Eliana ay hindi ito naging hadlang sa akin upang hanapin muli ang aking sarili.

Tandaan mo palagi na hindi ka dapat magpapakorner dahil marami pang maaaring galaw ang iyong kalaban kung mananatili ka sa iyong puwesto, Eliana. Lumaban ka.

Lalo rin nadagdagan ang kaalaman ko sa pakikipag-laban kumpara noong mag-isa lang din ako nagsasanay at tila ba walang direksyon ang buhay ko sa pakikipag-away dahil noon hindi ko rin alam kung bakit nga ba kailangan kong matutong lumaban o maging malakas. Pero ngayon alam ko na kung para kanino ako kailangan lumaban.

Ang buhay ng tao ay hindi basta-basta napapalitan, Eliana. Kaya naman hindi mo ito basta-basta dapat pinaglalaruan.

Dito rin ako nagkaroon ng isa pang ama na handa akong gabayan at turuan ng mga bagay tungkol sa buhay. Kung paanong mukhang hindi ko na ito maisasakatuparan ngayon dahil isasakripisyo ko na naman ang buhay na ito.

Ipinapangako ko po na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para makatulong sa pagpapaunlad ng inyong negosyo!

At ang dati kong pangarap nilang si Yvonne ay muli ko nang natutupad dito ng paunti-unti kasama ng mga taong mapagkakatiwalaan at maaasahan ko. Pero sa pagkakataong ito, masaya ako sa ginagawa ko.

. . . susundan ko ang yapak mo kaya maaari mo ako gamitin bilang iyong sandata kahit pa ang hangarin mo ay ang maupo sa trono bilang Emperatris.

Dahil may mga taong umaasa sa akin at napakalaki ng tiwala na magsilbi akong ehemplo sa kanila kahit alam kong hindi ako karapat-dapat sa atensyon na iyon.

Pero kung darating man ang panahon na hindi na talaga manumbalik sa'yo ang alaala mo ay handa akong gumawa ng panibagong alaala kasama ka.

Muli na lang dumaosdos ang aking luha ng maalala si Abraham. Ang kaibigan ni Eliana at ang pagmamahal na mayroon siya para kay Eliana. Ngunit ngayon ay ako ang tumatanggap nito at hindi ko man lang magawang masabi sa kanya ang katotohanan na hindi ko na alam kung nasaan ang kaluluwa ng babaeng tunay na minamahal siya. Pero sa kabila nito ay purong kabutihan at pasensya pa rin ang ipinapakita sa akin ni Abraham na halos muling nanunumbalik ang tiwala ko sa ibang tao.

Kaya naman sana, Prinsesa Eliana, alalayan mo rin ang aking anak at gabayan mo siya bilang kaibigan niya.

Pero, Eliana, hindi mo kailangan mahalin ang taong hindi kayang iparamdam sa'yo na kaya ka niyang mahalin ng buong-buo.

At kahit hindi ko man lang masyado naranasan magkaroon ng ina sa parehas kong buhay noon at ngayon, may mga babae pa rin akong nakilala na parehas ang init at kabutihan ng isang tunay na ina kahit hindi ko naman sila kaano-ano.

Maraming salamat po sa katapangang ipinakita niyo po sa amin. Utang na loob po namin ang buhay namin sa inyo, Prinsesa Eliana!

Kung sa dati kong buhay ay hindi ko pagtutuunan halos ang mga isyu na kinakaharap ng mga kababaihan. Pero dito, dito mismo sa mundong ito ay naranasan ko kung paano lumaban, mangatwiran, at patuloy na manindigan para sa mga kababaihan na karapat-dapat din maranasan ang pantay na karapatan. At higit sa lahat. . .

Hangga't hindi mo pa napagtatanto ang pangarap mo maaari ba akong manatili sa tabi mo para samahan ka?

Sa pagkakataong ito ay bigla na lang ako napatigil sa paglalakad nang halos dama ko na ang tubig sa aking talampakan. Bakit nga ba ngayon ko lang naalala? Bakit ngayon ko lang napagtanto ang lahat ng mga taong dumating sa buhay ko? Bumalik lamang ako sa dati kong buhay pero nakalimutan ko na ang lahat ng mayroon ako sa kasalukuyan at ang katotohanang. . .

"Unti-unti ko nang minamahal ang mundong ito maging ang mga tao dito. . ." Lumuluha kong saad na halos napapikit na lang ako dahil sa wakas ay naisatinig ko na rin ang hindi ko maamin sa sarili ko magmula nang maranasan ko ang napakaraming bagay gaano man kaikli ang panahon na pananatili ko dito o kahirap ang sitwasyon na kinalagyan ko dahil hindi ko na maitatanggo na napamahal na rin ako dito sa Elior.

Sa pagkakataong ito ay sumigaw na ako ng sumigaw ng napakalakas habang inilalabas lahat ng emosyon na naipon sa akin. Gusto ko pagkatapos nito ay muli kong mamalditahan sina Aera, Sereia, at Mishal. Gusto ko pagbalik ko ay muli na naman akong bubuwisitin nina Leandra at Stella. Gusto ko muling bulabugin nina Adelrick, Caedmon, Daewon, at Neola. Gusto ko muli matuto kasama sina Maestro, Aidan, at Aspen, ang maramdaman muli ang lambing ni Cainon, ang makita muli ang saya ng mga kababaihan, ang muling maramdaman ang lambing at aruga ng isang ina, at higit sa lahat. . .

Ilang sandali lamang ay naramdaman ko na lang na tila ba may humila sa akin ng buong puwersa at mahigpit na lamang ako niyakap dahilan para muli ko na naman maamoy ang pamilyar niyang bango at maramdaman ang mainit niyang yakap. Pero nakakainis dahil sa ikatlong pagkakataon ay muli na naman niya akong makikita sa ganitong sitwasyon.

"Hindi mo na kailangan masaktan at umiyak mag-isa, Eliana. Nandito na ako. Nandito na ako palagi sa tabi mo." Dinig ko pang marahang bulong ni Eryx sa aking tenga habang dama ko rin ang tila ba lungkot sa kanyang boses.

Hindi ko rin alam kung bakit labis na kaginhawaan ang naidulot ng kanyang mga sinabi sa akin dahilan para tugunan ko na lamang ang kanyang yakap at nanginginig kong isinubsob ang aking mukha sa kanyang dibdib. Sa pagkakataong ito, gusto ko na lang makaramdam ng maituturing kong tahanan at wala na atang mas ligtas pa sa bisig at yakap ni Eryx.

Marahan niya naman kinalas ang pagkakayakap sa akin upang hawakan ang magkabilang pisngi ko at tingnan ang aking mukha. Bumungad naman sa akin ang kanyang berdeng mga mata na puno ng pag-aalala na halos tumatagos na ito sa aking puso.

"Hindi ko alam kung anong nangyari, Eliana, at hindi ko sigurado kung kailangan mo marinig ang mga salitang ito ngayon pero. . ." Marahan niya naman pinunasan ang mga luha na dumadaloy pa rin sa aking mga mata bago niya ipagpatuloy ang kanyang mga sinasabi. "Hindi ka na nag-iisa, Eliana. Ano mang laban ang piliin mo, ano mang landas ang tahakin mo, ano mang desisyon ang gawin mo, palagi mong tatandaan na mayroon nang nakaalalay at nakasuporta sa'yo. Nandito lang ako, nandito lang kami, Eliana." Mahinang bulong niya pa at muli naramdaman kong niyakap niya ako ng mahigpit na para bang ipinapadama niya sa akin na handa niya akong protektahan ano man ang mangyari.

Dahan-dahan na lamang akong napapikit dahil bahagya ko nang naramdaman na bumibigat na ang talukap ng aking mga mata at dama ko na rin lalo ang pagod sa aking katawan. Maging ang utak ko rin ay pagod na dahil mistulang nawala na lamang ang kung ano mang kumukulob dito.

Naramdaman ko naman na binuhat na lang ako ni Eryx sa kanyang mga bisig sabay marahan niyang isinandal ang aking ulo sa kanyang dibdib.

"Uuwi na tayo, Eliana." Malamyos niya pang saad at muli masasabi ko talaga sa sarili ko na ito na nga ang bago kong tahanan.

*****

- MAESTRO -

Sandali munang pinakatitigan ni Mageius ang nahihimbing na mukha ni Tamina na bumalik na sa pagkadalaga ang hitsura nito bago niya dahan-dahang iniyuko ang kanyang ulo at marahan itong hinalikan sa noo. Hindi na rin siya nagtagal pa sa loob ng silid nito upang hayaan ang babae na makapahinga pagka't bakas sa hitsura nito na labis din ang nilabas ni Tamina na kapangyarihan para lamang marahil masagot ang mga katanungan ni Eliana.

Sakto namang paglabas niya ng silid ni Tamina ay naabutan niya naman ang tatlo niyang mag-aaral na nakatayo sa may pasilyo at halatang hinihintay ang kaniyang pagbabalik. Sabay-sabay naman na nag-angat ng tingin sa kanya sina Mishal, Aspen, at Aidan nang marinig nito ang pagbukas at sara ng pinto ng silid.

"Maestro, ano po ang nangyari? Bakit bigla na lang po kami nakadama ng malakas na enerhiya dito sa baba?" Bagama't inaantok pa rin ay hindi mawawala ang pag-aalala sa mga mata ni Aspen.

"Ano po ba ang nangyayari, Maestro? Nakita niyo rin po ba si Eliana? Wala na siya sa kanyang kama noong magising ako kaya nag-aalala na ako sa kanya at baka kung ano na ang nangyari. . ." Mangiyak-ngiyak naman na tanong ni Mishal at bakas talaga ang pangamba sa mga mata nito.

"Wala rin si Eryx sa kuwarto namin noong nagising kami ni Aspen." Mistulang pupungas-pungas at inaantok pang saad ni Aidan.

"Kumalma muna kayo, mga bata." Napapabuntung-hininga na lang na saad ng Maestro dahilan para sabay-sabay naman siyang lingunin ng tatlo at tiningnan pa siya mula ulo hanggang paa.

Doon lamang niya napagtanto na halos mukhang magkakaedad nga naman sila kaya nakakahiya naman na tawagin silang mga bata lalo na at mukhang mas bata pa halos ang hitsura niya ngayon sa kanila.

"Ah. . . Eh. . . Ang ibig kong sabihin ay Mishal, Aspen, at Aidan." Napapakamot ulo na lang na pahayag ni Maestro. "Kapangyarihan ni Tamina ang nagdulot ng pagsabog na iyon pagka't inaayos niya rin ang salamin kanina at---"

Hindi na natuloy pa ni Mageius ang kanyang sasabihin nang bigla na lang magbukas ang harang ng kuweba at tuloy-tuloy na pumasok si Eryx habang karga ang pamilyar na dalaga sa mga bisig nito. Pare-parehas naman silang gulat na napatingin dito habang nananatili namang seryoso ang mukha ni Eryx at halata ang pagkadisgusto nito sa mga sugat na natamo ni Eliana.

Nauna na rin lumapit si Mishal sa kanila na nag-aalalang napabulalas na lamang. "Ano ang nangyari kay Eliana, Prinsipe Eryx? Ayos lang ba siya? Bakit siya basang-basa at puro sugat ang kanyang paa!" Natatarantang saad pa ni Mishal at sinundan na lang nito si Eryx na bahagya na rin basa ang damit at puro buhangin ang sapatos.

"Prinsesa Mishal, maaari mo bang palitan ng damit si Eliana?" Mahinahong pakiusap naman ni Eryx kay Mishal na ikinatango naman kaagad ng dalaga. "Kukuha lang ako ng mga panggamot sa sugat at papanhik na rin ako sa kuwarto kapag tapos mo nang bihisan si Eliana." Dagdag pa ni Eryx habang naglalakad pa rin ito tungo sa kinalalagyan ng silid nina Eliana.

Ngunit nang madaan si Eryx sa tabi ni Maestro ay sandali itong tumigil sa paglalakad at nagsalita. "Tingin ko ay kailangan natin mag-usap mamaya, Maestro." Makahulugan pang pahayag ni Eryx wari'y naiintindihan naman ito ng Maestro.

"Naiintindihan ko, Prinsipe Eryx. Asikasuhin mo muna si Prinsesa Eliana." Mahinahong pahayag ng Maestro at tinapik pa nito ang balikat ng binata na nagpatuloy na sa paglalakad.

Mukhang may kutob naman na si Maestro na patungkol kay Eliana ang pag-uusapan nila. Pero kahit ano pa ang itanong sa kanya ni Eryx ay hindi naman niya maaaring basta sagutin ito dahil kawalan na rin ito ng respeto sa mismong nagmamay-ari ng mga sikreto. Matalinong bata si Eryx kaya hindi na nagtataka si Maestro na labis-labis ang kuryosidad nito at ang galing nito mag-obserba lalo na kapag mahalaga sa kanya ang tao. Pero muli, tanging si Tamina lamang o si Eliana ang makakasagot ng mga tanong niya.

Naiwan naman sina Aspen, Aidan, at Maestro sa kanilang mga kinatatayuan na para bang mga bata ito na hindi sinali sa laro. Sabay-sabay pa silang nagkatinginan tatlo bago sabay-sabay din bumuntung-hininga hanggang sa mauna na lamang nagsalita si Aidan.

"Tara, inom." Paanyaya pa nito at bago pa man makatugon ang dalawa sa kanya ay nauna na itong pumanhik sa kusina ni Tamina at hinalukay ang nga nakita niyang mga alak doon.

Mas lalo na lang tuloy napabuntung-hininga ang Maestro dahil alam niya sa sarili niya na hindi oras ngayon para magpakalango siya sa alak pagka't alam niyang kinabukasan ay kinakailangan na nila muling bumalik sa akademya pagka't ayos na rin ang salamin. Pero ang inaalala niya ay kung sa pagkakataong ito ay handa na rin ba si Eliana bumalik sa akademya sa kabila ng mga nalaman nito sa kanyang pagkatao.

*****

Eliana's POV


Dahil sa mainit na sinag ng araw na tumatama sa aking mukha ay hindi ko na rin napigilan pa ang aking diwa na magising na ng todo kahit gusto ko pang magpahinga dulot na rin ng labis na pananakit ng aking ulo at ang hapdi ng aking mga mata.

Dahan-dahan naman akong naupo sa tingin ko'y pamilyar na matigas na kama sa kuweba ni Tamina. Sinubukan ko rin alalahanin ang mga nangyari kagabi habang kinukusot ko ang aking mga mata at bigla na lang ako napadilat ng todo nang mapagtanto kung sino ang huli kong kasama kagabi at kung ano ang mga nangyari 'yon.

Sakto namang pagmulat ko ng mga mata ay bumungad sa akin si Mishal na nakaunan sa aking mga binti at hawak pa ang ilang mga benda at bulak na tila ba may ginagamot ito. Nakaupo rin ito sa batong upuan at para bang napasalampak na lang siya dito dahil sa pagod. Tulog na tulog din siya at mukhang nakatulog lamang siya habang hawak ang mga iyon.

Sunod ko naman nilingon ang aking kaliwa at mas lalo naman akong nagulat nang makita si Eryx na nakaupo sa isang batong upuan, nakakrus ang mga braso at nakayukong natutulog. Mukhang nakatulog na rin siya sa ganitong posisyon at hindi ko na maisip kung gaano na siya nangangawit sa ganyang sitwasyon dahil mukhang hirap na hirap din siya.

Bukod sa kanilang dalawa ay nandito rin sina Aidan at Aspen na magkatabing natutulog sa kama ni Mishal habang si Aidan ay may hawak pang bote ng alak sa tabi at si Aspen naman ay may hawak pang mga bulaklak sa kanyang kamay at ang iba ay nakakabit pa mismo sa kanyang palad. Ngayon ko lang din napansin na napuno na ng bulaklak ang buong paligid na para bang sinadya nilang lagyan ito ng mga palamuti at lagyan ng konting buhay at kulay man lang. May mga bulaklak din sa gilid ng lamesa ko at sa may bintana.

Hindi ko tuloy alam kung kuwarto pa ba ito o lamay sa dami ng bulaklak na nandito.

Sandali naman akong natulala upang alalahanin lahat ng kaganapan kahapon at kagabi. Hanggang ngayon ay masakit pa rin ang ulo at mga mata ko na hindi ko na ipinagtaka dahil grabe naman ang naging pag-iyak ko kagabi. Malinis at tuyo na rin ang aking suot na mukhang si Mishal na mismo ang nagpalit, at maging ang mga paa ko ay maayos nang nakabenda na kagabi lamang ay panay ang pagdudugo.

Hindi ko alam kung bakit pero kusa na lamang akong marahang napangiti kahit ang sakit-sakit pa rin ng aking mukha. Paano ko nga ba naisipan kagabi na lisanin at iwan ang ganito kainit na atmospera? Kung tuluyan siguro akong sumuko kagabi ay hindi ko na siguro kailanman mararanasan pa ang ganitong pakiramdam na pagmulat pa lang ng aking mga mata ay dama ko na kaagad ang pagpapahalaga na mayroon sila para sa akin.

Muli kong nilingon ang gawi ni Eryx upang gisingin na siya dahil naaawa na talaga ako sa puwesto niya. Pero napansin ko naman na mayroong nalaglag at sumabit na bulaklak sa kanyang buhok kaya inuna ko muna itong abutin upang alisin sana. Pero hindi ko pa man tuluyang naaabot ang bulaklak ay bigla na lang nagmulat ng mga mata si Eryx at diretsong-diretso na tumingin sa akin.

Sandali pa kaming nagkatinginan bago ako mabilis na umayos ng upo habang siya naman ay napabalikwas na lamang ng tayo wari'y gulat na gulat.

"M. . .Magandang umaga, Eliana." Nahihiya niyang bati sa akin habang hindi pa siya halos makatingin ng diretso sa mga mata ko.

Tumango naman ako sa kanya habang sinesenyas ko na lamang ang bulaklak na nasa kanyang ulo at siya na ang bahala magtanggal. Sinunod niya naman ito habang nasa akin na ang kanyang paningin.

"K. . . Kumusta na ang pakiramdam mo, Eliana?" Panimulang pangungumusta niya sa akin dahilan para bigla naman ako mapahawak sa aking noo dahil may nakadikit na kung anong dahon dito.

"May sinat ka kagabi at ang sabi ni Aspen ay mabisa raw 'yan pampababa ng temperatura." Paliwanag niya naman nang mukhang nahalata na niya ang pagtataka sa aking mukha.

Balak ko na sanang sumagot sa kanya at magtanong kung anong nangyari kagabi nang maramdaman ko naman na gising na rin si Mishal sa aking tabi na pupungas-pungas pa.

"Eliana? Gising ka na ba?" Hihikab-hikab niyang pahayag sabay ibinaba na niya ang hawak niyang mga benda ay bulak at malamyos na ang mga mata niya na tumingin sa akin.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" Idinikit niya pa ang palad niya sa aking noo upang tingnan ang aking temperatura at nang masigurong ayos na ako ay saka lamang siya ngumiti sa akin.

"Mabuti naman at ayos na ang pakiramdam mo, Eliana. Nag-alala ako sa'yo nang nalaman ko na wala ka na sa kama mo tapos madadatnan ko na lang na puro sugat na ang paa mo at basang-basa na ang buong da---"

Hindi na natuloy pa ni Mishal ang kanyang mga sinasabi nang bigla ko naman ipinatong ang aking kamay sa kanyang ulo at marahan itong hinimas. "Salamat, Mishal." Mahinahon ko pang saad dahilan para kaagad naman mamula ang kanyang pisngi at malambing na ngumiti sa akin.

"Ah. . . Nakatulog ako. Hindi ko na natapos pa ang pagdedekorasyon ng silid!" Pare-pareho naman kaming napalingon kay Aspen nang mapagtanto na gising na pala siya at mangiyak-ngiyak na nakatingin sa mga bulaklak na nasa kanyang mga kamay.

Mukhang tama nga ang hinala ko na nagbalak nga silang punuin ng bulaklak ang silid na ito.

"May pinaglalamayan ba kayo? Bakit napakaraming bulaklak?" Tanong ko naman sa kanilang lahat at napasandal na lamang ako sa aking kama sabay ipinagkrus ang aking mga braso.

"Ah. . . Ang sabi ng Maestro ay baka raw malungkot ka paggising mo kaya ibinilin niya sa amin na pasayahin ka kahit papaano ngayong umaga. Wala naman magaling sa amin magpatawa kaya---"

"Tara, Prinsesa Eliana, inom." Hindi na natuloy pa ni Aspen ang kanyang sinasabi nang magising na rin si Aidan na hawak pa rin ang bote ng alak at inilapag ito sa aking tabi. "Sabi ko naman sa inyo na alak lang ang katapat ng lungkot. Sige na, Prinsesa Eliana, uminom ka na at--- aaaaah! Huwag mo kunin 'yan, Eryx!" Napasigaw na lang din si Aidan nang agawin na ni Eryx ang bote ng alak mula sa kamay niya at naglakad na ito patungo sa pinto.

Sakto namang pagbukas niya ng pintuan ay bumungad sa amin ang Maestro na akmang kakatok na sana pero dahil naunahan siya ni Eryx sa pagbubukas ng pinto ay nasa ere na lamang ang kanyang kamao. Mabilis niya rin naman itong ibinaba upang hindi mapahiya sabay tumikhim-tikhim. Mukha tuloy siyang binatang umaastang matanda sa hitsura niya na yan.

"Magandang umaga! Mabuti naman at gising na kayong lahat. Bumaba na kayo at mag-agahan dahil kailangan na rin natin umalis dito at mahaba-haba pa ang byahe natin." Nakangiting pahayag ni Maestro at hindi ko talaga maitatanggi na ang aliwalas ng hitsura niya ngayon lalo na at bagets na bagets ang kanyang dating.

Sunod naman siyang bumaling sa akin at sandaling sinipat ang aking mukha bago muling malamyos na ngumiti dahilan para mas lalo tuloy siyang naging makinang sa paningin. Nakita ko pa na kilig na kilig si Mishal sa tabi ko habang titig na titig kay Maestro. Jusko mahiya naman siya lolo na niya 'yan.

"Magandang umaga, Eliana. Ayos na ba ang pakiramdam mo? Kumusta naman ang umaga mo?"

"Hindi na maganda, nakita na kita e." Masungit na tugon ko naman sa kanya saka siya pabirong inirapan.

"Ayan! Mas sanay ako kapag minamalditahan mo ako dahil mas dama ko na ikaw na ikaw nga 'yan." Tawa niya pa ngunit natunugan ko pa rin ang tila ba makahulugan niyang pagkakasabi nito para maghinala ako na may alam din siya tungkol sa katotohanan ng aking pagkatao.

Pero hindi ko na masyadong problema iyon dahil si Maestro naman ito, isa sa mga taong naging dahilan kung bakit mas pinili kong manatili sa mundong ito at gawin ang nararapat pagka't kamuntik ko nang makalimutan na kapag nasimulan ko na ang isang bagay ay gagawin ko ang lahat matapos lang ito.

*****

Kasalukuyan naman kami ngayon na nasa pangunahing silid na kahapon lang ay nandito rin ako. Pansin ko agad ang kalat sa buong paligid at tila ba pinsala na dulot nang naganap na ritwal kagabi na kabilang din ako.

Nakaupo naman si Tamina na nasa dalagang anyo sa kanyang butong trono habang tila ba may mahabang stick sa bibig nito na bahagyang umuusok. Hindi ako sigurado kong sigarilyo ito dahil masyado itong manipis kung ikukumpara sa tabako na nakita ko na minsan sa opisina ng Maestro. Nakataas din ang isa niyang binti sa hawakan ng trono at prente siyang nakasandal dito habang may ahas sa kanyang balikat at kandungan.

Nananatili naman kaming nakamasid sa kanya at hinihintay ang kanyang sasabihin dahil siya ang nagpatawag ng pagpupulong na ito bago kami umalis. Hindi rin siya sumabay sa agahan dahil naging abala siya sa pag-aayos ng iba niyang kagamitan na maaari pa sanang magamit.

"Tamina, sasabihin mo na ba sa amin kung ano ang lagay ng Maura ngayon at kung. . . ayoko man lumabas sa bibig ko ito ngunit kung malaki ang posibilidad ng digmaan?" Paunang saad naman ni Maestro marahil ay hindi na rin niya kinakaya ang angas ng dating ni Tamina ngayon sa harap niya.

Sandali naman hindi sumagot si Tamina upang magbuga ng usok mula sa kanyang bibig saka niya eleganteng tinanggal ang stick sa kanyang bibig at malamig ang mga mata na tumingin ng diretso sa akin. Hindi naman ako nagpadaig sa tingin niya at tiningnan ko rin siya ng parehas na intensidad dahilan para tipid na lang siya mapangisi.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" Kaswal na tanong niya naman sa akin na bahagya ko pang ikinagulat dahil hindi ko inaasahan na kukumustahin niya pa ako o pakikitunguhan ng maayos matapos ng lahat ng nangyari kagabi.

"Buhay pa naman. . ." Kaswal na tugon ko rin sa kanya dahilan para muli na naman siyang mapahithit sa kanyang stick. Hindi niya ba sasagutin ang tanong ng Maestro?

Ilang sandali lamang ay tumayo na siya mula sa kanyang pagkakaupo saka naglakad tungo sa dambuhalang salamin na nakakabit sa dingding sa likod ng kanyang trono. Kasunod naman nito ay ang tila ba pagpapaliwanag niya muli ng kanyang mga hintuturo at marahan itong ginalaw-galaw.

"Mahina pa ang kapangyarihan ko dulot na rin ng pag-aayos ko ng salamin ng akademya at ang naging kaganapan kagabi. . ." Makahulugan niya pa akong tiningnan pero hindi ko na siya pinagtuunan pa ng pansin dahil hindi na niya kailangan ipaalala iyon pagka't tutupad naman ako sa usapan naming dalawa.

"Hanggang dito lamang ang kaya kong ipakita sa inyo. . ." Muli niyang pinilatik ang kanyang daliri dahilan para tila ba magkaroon ng usok ang salamin na sa simula ay kulay pula at ube hanggang sa naging itim na ito.

Sandali pa kaming naghintay ng mga imahe na lalabas dito at ganoon na lang ang gulat ko nang tila ba lumitaw sa salamin ang kabuuan ng kaharian ng Maura na tila ba nagmula ito sa perspektibo ng kung anong nilalang na nakasabit sa puno. Tiningnan ko pa sandali si Tamina at nagsisimula na rin mag-iba ang hugis ng kanyang mga mata wari'y katulad ito ng sa ahas.

Halos hindi ko naman maalis ang paningin ko dito dahil sa kauna-unahang pagkakataon nakakita ako ng kaharian na maihahalintulad ko sa impyerno. Itim ang lupa nito na bahagyang may kulay lila na usok na mukhang nakalalasok. Itim na itim din ang kalangitan na tanging mga kidlat lamang ang makikita. Napapalibutan din ito ng mga sumasabog na bulkan dahilan para ang ilog nito ay magmistula nang dagat ng apoy.

Pero ang labis kong ikinababahala ay tila ba wala itong hangganan dahil sa lawak nito. Gaano ba kalaki ang Maura at gaano ba karami ang mga mamamayan nila?

"Ang nakikita niyo ngayon ay ang nakikita ng aking kampon na ahas na nagawang makapuslit sa Maura. Basta hangga't may ahas ay magagawa kong makita ang lahat. . ." Makahulugang pahayag niya pa at muling nagliwanag ang kanyang mga mata na para bang nakikipag-ugnayan siya sa ahas.

Nagsimula naman gumalaw ang ahas sa mabilis na paggapang at panay ang lusot at pasok nito sa mga kakuhayahan.

Nanatili naman kami lahat pigil-hininga na nanonood lamang sa salamin at hinihintay ang susunod naming masasaksihan. Tuloy-tuloy lamang ito gumagapang hanggang sa tila ba huminto na lamang ang ahas sa paggalaw at nagsimula ito magkikisay wari'y nalalason.

"Ah!" Dinig ko pang napasigaw din si Tamina kasabay ng tila ba pagpapakawala niya rin ng 'hiss' na maihahalintulad sa ahas. Napahawak na lang din siya sa mga mata niya at bahagyang pumikit.

"Tamina!" Kaagad naman siyang dinaluhan ng Maestro lalo na nang bigla na lamang dumugo ang kanyang mga mata na para bang natusok ito.

Nakita ko naman sa salamin ang tila ba imahen ng babae na mistulang ang anino nito ay mayroong malaking bulaklak sa likuran at para bang nakatingin ito sa gawi ng ahas. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa salamin at hindi ko alam kung bakit pero napahawak na lang ako sa aking dibdib ng tila ba makaramdam ako ng emosyon dito na hindi ko pa tukoy kung ano o bakit para bang malungkot ito?

Hindi na namin natuloy pa ang panonood nang bigla na lang ipitik ni Tamina ang kanyang daliri at bumalik na sa dati ang kanyang salamin. Nanatili naman nakaalalay sa kanya ang Maestro habang siya naman ay pinapatakan lamang ng kung ano ang kanyang dumudugo na mga mata.

"Pamilyar ang kapangyarihan na naramdaman ko sa kung sino man ang lumason sa aking ahas." Bakas ang tila ba galit at pangamba sa tinig ni Tamina habang panay ang kurap niya sa kanyang sugatan na mga mata. "Sa lakas ng kapangyarihan niya ay mukhang naramdaman niya ang aking presensya kaya maging ako ay naapektuhan nito." Makahulugan niya pang saad at nilingon niya pa si Mageius wari'y nangungusap ang mga mata nilang dalawa.

"Prinsipe Eryx, tingin ko ay kailangan mo nang ipagbigay-alam ito sa iyong ama at maghanda na ng agarang imbestigasyon sa kaharian ng Maura." Lingon pa ni Maestro kay Eryx na nasa aking tabi at seryosong-seryoso na rin ang ekspresyon.

"Naiintindihan ko, Maestro. Aalamin ko rin ang naging resulta ng pag-iimbestiga nina Caedmon pagbalik natin ng akademya." Pag-sang-ayon niya pa dito.

"Pero, Tamina, ano ba ang naramdaman mo? Possible bang. . ." Hindi halos magawa ni Maestro na ituloy ang kanyang sinasabi dahil tila ba hirap na hirap itong kumpirmahin ang kung ano man hinila niya.

Nilingon naman ni Tamina si Eryx at sa pagkakataong ito ay bahagya na rin maayos ang kanyang mga mata.

"Prinsipe Eryx, pamilyar ka ba sa pitong mandirigma ng Tartaros?" Makahulugan niyang pahayag at hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang nagtaasan ang aking balahibo nang marinig ko ito kasabay ng tila ba pagsibol ng matinding kaba at pangamba sa aking puso dahil sa hindi malamang dahilan.

Hindi naman kaagad nakasagot si Eryx dahil mukhang maging siya ay napaisip din dito.

"Madalas ko silang mabasa bilang isa sa mga misteryo ng ating emperyo. Ang pitong mandirigma na dating tagapagtanggol ng Elior sa mga nilalang ng tartaros. Pero hindi ba, matagal na silang patay kaya paanong madadawit ang pangalan nila dito?" Naguguluhan namang pahayag ni Eryx kay Tamina na mukhang nagsisimula na rin itong pangamba.

Nanatili naman tahimik ang tatlo sa tabi namin habang ako naman ay wala halos masabi dahil lahat ng aking naririnig ay hindi pamilyar sa akin.

"Makinig ka sa akin, Prinsipe Eryx. . ." Sandali pang naglakad palapit sa amin si Tamina bago magpatuloy ng kanyang sinasabi. ". . .ang kapangyarihan ng isang mandirigma sa Tartaros ay katumbas na ng kapangyarihan ng isang kaharian pagka't ang kapangyarihan nila ang pinaka-puro sa lahat at nagmula pa sa kanilang may likha." Makahulugang pahayag niya pa at para bang labis ang pag-aalala dito ni Tamina na napapahithit na lang siya ng sigarilyo."Huwag naman sana magkatotoo ang kutob ko pero ilang araw ko nang nararamdaman ang napakalakas na enerhiya sa Maura na halos umaabot na ito sa kabilang dulo ng emperyo. Paniguradong dama na rin ito ng mga mamamayan ng Elior na mayroong malakas na mga kapangyarihan at pandama lalo na ang mga hari at ang Emperador mismo. At iisa lamang ang ibig sabihin kapag nagsisimulang magtipon ang isang kaharian ng malalakas nitong mga kawal at mandirigma. . ." Isa-isa niya naman kaming tiningnan bago huminto ang mga mata niya kay Mageius na bakas na rin ang labis na pamomroblema at ang mas lalong pag-iisip ng malalim.

"Kung gayon po ba ay hindi na po malayong magkaroon ng pandaigdigang digmaan?" Nahihiyang tanong ni Aspen na para bang natatakot pa siyang sumingit sa usapan ng mga bigatin.

"Depende iyan sa kung ano ang pakay ng mga taga-Maura kaya nagsisimula na naman itong kumilos. Pero kung sakali man na magsisimula na ito ng digmaan ay nararamdaman kong halos kasing-lakas na ng mga kaharian ng Elior ang puwersa na taglay nila. Hindi lang dahil sa pitong mandirigma kundi dahil. . . nararamdaman ko nang may pakay sila." Makahulugang saad ni Tamina at hindi ko alam kung bakit labis na kaba ang naramdaman ko dahil sa mga salitang iyon.

Ano naman kaya ang pakay ng kahariang iyon na kinakailangan pa nilang magsimula ng pandaigdigang digmaan?

"Prinsipe Eryx, kailangan na natin magpulong kasama ang Emperador upang pag-usapan ang napakahalagang isyung ito. Huwag na tayo mag-atubili pa at kailangan na natin bumalik sa akademya. . ." Suhestyon naman ni Maestro at sandali pa silang nag-usap ni Tamina na mukhang ayos na ayos na talaga.

Nanatili naman akong tulala habang nakatingin sa salamin na kanina lamamg ay pinapanood namin. Hindi ko alam kung bakit pero hindi maganda ang kutob ko sa tinutukoy nilang pitong mandirigma ng Tartaros kasabay na rin ng tila ba emosyon sa nangingibabaw sa aking puso noong narinig ko sila. Ano ba ito? Galit? Takot? Pangamba? Lungkot?

"Maraming salamat sa iyong tulong, Nana Tamina." Nabalik lang ako sa reyalidad nang biglang magsalita si Eryx sa aking tabi na marahang nakayuko kay Tamina. "Habang buhay po namin itong tatanawing utang na loob sa 'yo." Dugtong niya pa habang walang pag-aalinlangan pa rin siyang magalang na nakayuko kay Tamina.

Malambing naman na ngumiti si Tamina sa kanya habang nasa pagitan na ng mga daliri nito ang stick na hinihithit niya.

"Kung hindi ko lang makikita ang guwapo mong mukha ay hindi ako magpapakita sa inyo." Malanding saad niya pa at kinindatan pa si Eryx.

"Salamat po, Nana Tamina!" Sabay naman na bati nina Aspen at Mishal na yumuko rin sa kanya.

"Sana manatili ka pa rin dyosa sa susunod nating pagkikita, Nana." Saad pa ni Aidan na nakakagulat at yumuko rin ito kay Tamina.

Mukhang malaki ang respeto nila sa babaeng ito na hindi na rin nakakagulat dahil sa kapangyarihang taglay niya.

Malamyos naman na tiningnan ni Tamina isa-isa ang apat bago sa akin huminto ang kanyang mga mata.

"Mamaya na lalabas si Prinsesa Eliana." Seryosong saad niya na hindi ko na rin ipinagtaka dahil mukhang may kailangan pa siyang sabihin sa akin matapos ng nangyari kagabi. "Hintayin niyo na lang siya sa labas at may kailangan lamang kami pag-usapan." Seryoso niya pa rin na dugtong at naglakad na siya pabalik sa kanyang trono upang maupo dito.

Nauna na rin naman lumabas sina Mishal at Maestro dala ang salamin na maingat na nilang nilalagay sa bag ng Maestro habang si Eryx ay hindi pa rin umaalis sa aking tabi.

"Eliana, hihintayin ka na lang namin sa labas." Pahayag pa sa akin ni Eryx na ikinatango ko naman.

Nang tuluyan na silang nakalabas ay kaagad ko namang narinig ang boses ni Tamina.

"May namamagitan ba sa inyo ni Prinsipe Eryx?" Tila ba naghihinala niyang saad pero tamad ko lamang siya tiningnan.

"Wala ka nang pakialam doon." Mataray kong pahayag. "Anong kailangan mo?" Dugtong ko pa sabay ipinagkrus ko na rin ang aking mga braso. Hindi naman siya mukhang matanda ngayon kaya di masyado nakakakonsensya malditahan.

"Ha. . ." Napapabuntung-hininga niyang saad sabay hithit muli sa kanyang stick. Matapos kitang gawan ng pabor ay ganito mo na ako pagsasalitaan."

"Kinagat mo ko kagabi, hindi ba natural lang iyon?" Nakangiwi ko pang saad sabay hawak sa aking balikat na may marka na ngayon ng dalawang tila ba kulay red violet na nunal.

"Pilosopo. . ." Pabuga ng usok niyang pahayag.

"Anong sasabihin mo?" Taas-kilay ko naman na tanong dahil masyado na kaming ginagawa paligoy-ligoy at nangangawit na ako sa pagtayo.

"Namulat kang walang malakas na kapangyarihan, Yvonne, na halos umasa ka na lang sa pisikal mong lakas." Panimula niya naman dahilan para mas tumalim ang aking tingin dahil maski ito ay alam niya sa pagkatao dito. "Nagamit mo na ang kapangyarihang nagtatago sa kaloob-looban mo di ba? Kahit hindi ko sigurado kung kailan pero ayon pa lang sa reaksyon ng katawan mo kagabi ay mapaghahalataan nang nagamit mo na ito. Wala iyan sa katawan ni Eliana noon. Mukhang sa'yo mismo 'yan galing, Yvonne. At didiretsuhin na kita, huwag na huwag mong gagamitin ang kapangyarihan na iyan." Seryoso niyang saad sa akin dahilan para matigilan na lang ako.

Paanong huwag kong gamitin? Hindi ko nga alam kung paano ito mapapalabas at kusa na lang lumalabas na para bang may sarili siyang buhay.

"Anong ibig mong sabihin? Kusa na lang ito nagkukumawala sa aking katawan kapag. . ."

"Kapag nagagalit ka, tama ba?" Dugtong niya pa dahilan para lalo akong mabahala at hindi na ako nakasagot pa dahil totoo.

Napatingin na lang ako sa aking palad at marahan itong naikuyom. Aaminin ko na natatakot ako sa kapangyarihang ito dahil bukod sa hindi ko alam kung paano ito kontrolin ay para bang sa tuwing ginagamit ko ito ay nawawala ako sa sarili at hindi ko na alam ang ginagawa ko. Natatakot ako na baka kahit mga taong importante sa akin ay hindi ko magawang protektahan.

"Paano ko makokontrol ang kapangyarihan ko kung ganoon?" Seryoso kong tanong habang kababakasan ng labis na determinasyon ang aking boses. Kung kailangan ko magsanay ay gagawin ko, kung kailangan ko paghirapan ito ay ayos lang. Ayoko lang na ang nilalang na iyon ang kokontrol sa katawan ni Eliana dahil ako ang nandito.

"Alam mo ba kung ano ang nag-uudyok sa isang nilalang na gumawa ng kamalian kahit pa alam niya ang tama at nararapat?" Humithit pa siya sandali ng kanyang sigarilyo habang ako naman ay nananatiling nakikinig sa kanya. "Iyon ay dahil sa dalawang bagay, Yvonne. Ang galit at pagnanasa." Makahulugan niya pang pahayag dahilan para makaramdam naman ako ng tila ba pinatatamaan din ako sa mga sinabi niya.

"Ang mga kalakip na galit at pagnanasa na mga iyan ang naging lason sa utak at puso ng tao dahilan para mabalot ang mundong ito ng tila ba kasakiman at kasamaan. Galit ang ugat, na nagbubunga ng pagnanasa." Saad niya pa dahilan para mapahawak na lang ako sa aking puso dahil kahit ayokong aminin ay sa tuwing lumalabas ang kapangyarihan na iyon ay ang dalawang iyon ang aking nararamdaman at nangingibabaw sa aking pagkatao.

Pagnanasa na makapanakit at makapaghiganti na nag-ugat sa galit na nangingibabaw sa akin. Pero hindi ko sigurado kung kanino nakadirekta ang galit at pagnanasa ng paghihiganti na iyon. At sino ba sa aming tatlo ang mas nangingibabaw ang ganoong emosyon.

"Hindi mo pa nasasagot ang tanong ko. Paano ko makokontrol ang mga ito?" Bagama't seryoso ako na matuto nito ay hindi ko alam kung mapagtatagumpayan ko nga ba ito lalo na sa ugali ko pa lang na mabilis uminit ang ulo at brutal.

"Nalalapit na ang pangwakas na paligsahan sa akademya tama ba? Tingin ko ay hindi malabong mapabilang ka doon at wala kang ibang pagpipilian kundi ang lumaban na para bang nakasalalay ang buong buhay mo doon." Nakangisi niyang pahayag.

Tama siya. Wala rin naman akong pagpipilian sa pangwakas na paligsahan dahil iyon ang tutukoy kung karapat-dapat ba akong manatili sa akademya o hindi. Kapag hindi ko rin napagtagumpayan ang paligsahan na iyon ay tuluyan na akong makukulong sa palasyo ni Dareios kasama ang mga madrasta ko.

"Babalikan kita ilang linggo ngayon. Sa mga panahong wala ako ay subukan mo muna kontrolin ang galit mo at sa muli natin pagkikita. . ." Bumuga muna siya ng usok sa kanyang bibig sabay salumbaba at diretso sa mga mata akong tiningnan. ". . . gagawin natin ang lahat mapalabas ang kakayahan mo bilang isang Agrigent, ang salamangkero ng anyo ng tubig." Makahulugan niyang saad kaya napahawak na lang din ako sa bracelet na bigay ni Daewon sa akin.

Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nakaramdam din ng pananabik sa aking sistema dahil possible rin ba na kaya kong gumamit ng kapangyarihan ng tubig? Pero kung oo, sana ay noong umpisa pa lang ay ginamit na ng totoong Eliana kung alam niya at kung mayroon siyang kapangyarihan.

"Bakit hindi pa ngayon? Bakit kailangan pa kitang hintayin?"

"Nasira ang bolang kristal ko dahil sinubukan kong bawiin ang kaluluwa mo na bigla na lang kinuha ng kung sino sa katawan mo. Kailangan ko gumawa ng bago dahil iyon ang medium ng aking kapangyarihan." Bagot niyang paliwanag at tumayo na siya sa kanyang kinauupuan sabay lakad palapit sa akin.

"Mabilis lang ito, Eliana. Habang wala ako ay bakit di ka muna mag-saya sa nalalapit na kaarawan ng iyong ama?" Makahulugan niyang pahayag nangunot naman ang noo ko.

Kaarawan ni Dareios? Wala naman akong pakialam.

Sabay na kaming nagtungo sa labas kung saan naghihintay na sina Maestro. Habang naglalakad ay itinali ko rin ang buhok ko sa isang maayos na pusod dahil mukhang isa na namang mahaba-habang byahe ito.

Saktong paglabas naman namin ay naabutan ko sila na nagtitipon sa tabi at tila ba may kinakausap na sino. Nagtataka ko naman itong tiningnan dahil bahagya itong natatakpan ni Mishal na bahagyang nakayuko.

"Talaga? Sasama ka sa amin pabalik ng akademya?" Magiliw pang tanong ni Mishal sa kung sino man maliit na nilalang ang niyuyukuan niya doon.

Nang tuluyan na kaming nakalapit sa kanila ay sabay-sabay naman silang napalingon sa amin at nagkaroon na rin ako ng pagkakataon na makita kung ano o sino ang kanilang pinagkakaguluhan.

"Vesper, nagpakilala ka na ba sa kanila?" Tanong naman ni Tamina sa batang babae na nakangiti sa amin.

Maaliwalas at mukhang bibo ang batang ito lalo na at matamis ang kanyang pagkakangiti dahilan para lumitaw ang kanyang mga pangio na maliit pa. Kulay rosas ang mga mata niya at maging ang kanyang buhok ay kulay rosas din na may halong kulay ube at nakadalawang tali ito. Maliit lang siya at kung ikukumpara ang edad niya sa ibang bata at mukhang kaedad niya lang si Cainon. Maganda rin ang mukha niya at makinis pa ang kanyang balat na hindi pa kababakasan ng mga kaliskis.

"Yohoo!" Magiliw niyang bati sa akin at mas lalo lang siya ngumiti ng todo dahilan para makita ang malalim niyang biloy sa kanang pisngi.

"Tamina, hindi ba ay pinagkakatiwalaan mong kaagapay si Vesper? Bakit isasama mo siya---"

"Marami na akong hindi nalalaman sa akademya, tingin ko panahon na para magpadala ng isa sa mga mata ko doon.'' Dahilan niya pa habang makahuluhan naman silang nagkatinginan ni Vesper na para bang nangungusap ang kanilang mga mata.

"Tara na! Mukhang may bago na namang makakalaro si Cainon! Tiyak ko na matutuwa ang batang iyon. . ." Natatawang saad ng Maestro at nanguna na ito sa paglalakad tungo sa direksyon ng mataas na sikat ng araw.

Mula dito ay wala akong kaalam-alam na mas titindi pa ang mga pagsubok na aking kakaharapin kasabay ng kung paano dumarami ang mga taong nakikilala ko sa buhay na ito at kung paanong dahan-dahan ko nang nasasagot ang ilan kong mga katanungan. At alam ko rin na matapos ng nangyari kagabi ay kailangan ko pa rin ipagpatuloy hanggang dulo ang buhay sa katawan ni Eliana.

》》》》》

Continue Reading

You'll Also Like

176K 7.6K 54
Zheinna, the only girl in Melendev's family. A lonely girl who lives in peace together with her family. But, they don't know what really zheinna is...
307K 10.6K 97
[ COMPLETED ] NOTE: If you don't like a story with weak-to-strong character development, I advice you to skip this story. Si Charlotte ay isang mag-a...
1.9M 49K 164
Frankie (Epistolary with narration)
Enigma Academy By Kyujiii

Mystery / Thriller

68.2K 2.5K 37
The Beautiful, Genius, Mysterious, and Cold personality Mackenzie Wilton... her life is almost perfect. Pero magiging perpekto pa ba ang buhay niya o...