Reincarnated as the Seventh P...

By Airosikin

795K 50.8K 72.1K

Book 2 of Reincarnated as the Seventh Princess (Trilogy) READING THE FIRST SEASON IS A MUST❗ Language: Filipi... More

Book 2 (Completed)
Kabanata LX
Kabanata LXI
Kabanata LXII
Kabanata LXIII: The Cryosail
Kabanata LXIV
Kabanata LXV (Part 1)
Kabanata LXV (Part 2)
Kabanata LXVI
Kabanata LXVII (Larong Pampalakasan Part 1)
Kabanata LXVIII (Larong Pampalakasan Part 2)
Kabanata LXIX (Larong Pampalakasan Part 3)
Kabanata LXX
Kabanata LXXI
Kabanata LXXII
Kabanata LXXIII
Kabanata LXXIV (Ang Kaarawan ng Bida)
Kabanata LXXV
Kabanata LXXVI
Kabanata LXXVII
Kabanata LXXVIII
Kabanata LXXIX
Kabanata LXXX
Kabanata LXXXI
Kabanata LXXXII
Kabanata LXXXIII
Kabanata LXXXIV
Kabanata LXXXV
Kabanata LXXXVI
Kabanata LXXXVII
Kabanata LXXXVIII
Kabanata LXXXIX
Kabanata XC
Kabanata XCI
Special Chapter: RATSP Christmas Edition
Kabanata XCII
Extra 1
Kabanata XCIV
Kabanata XCV (First Date?)
Kabanata XCVI
Kabanata XCVII
Kabanata XCVIII
Kabanata XCIX
Kabanata C
Kabanata CI
Kabanata CII
Kabanata CIII
Kabanata CIV
Kabanata CV
Kabanata CVI
Kabanata CVII (La Familia Agrigent)
Kabanata CVIII
Kabanata CIX
Kabanata CX (Ang Kaarawan ng Hari: Unang Bahagi)
Kabanata CXI (Ang Kaarawan ng Hari: Ikalawang Bahagi)
Kabanata CXII (Ang Kaarawan ng Hari: Huling Bahagi - 1 [Paubaya])
Kabanata CXIII: Ang Kaarawan ng Hari (Huling Bahagi - 2 [Alab])
Kabanata CXIV: Pag-amin
Kabanata CXV: Ang Kasagutan
Kabanata CXVI: Ang Pagsiwalat ng Katotohanan
Kabanata CXVII: Sandigan
Kabanata CXVIII: Ang Kaharian ng Naia (Unang Bahagi)
Kabanata CXIX: Ang Kaharian ng Naia (Ikalawang Bahagi)
Kabanata CXX: Ang Kaharian ng Naia (Huling Bahagi)
Kabanata CXXI: Aerwyna
Kabanata CXXII: Ang Pangako (Epilogue for Book 2)
Author's Note

Kabanata XCIII

9.9K 796 1K
By Airosikin

ELIANA'S POV

"Waa! Ang ganda-ganda mo, Mishal! Bagay na bagay talaga sa'yo ang kulay pulang damit! Ang bangis mo tingnan!" Namamanghang pahayag ni Aera habang pinagmamasdan niya si Mishal na inaayusan ngayon ni Leandra habang suot ang isa sa aking mga disenyo.

Sandali ko pang tinitigan si Mishal bago ako tumango-tango sa hitsura niya ngayon. Totoong bagay sa kanya ang kulay Burgundy na eleganteng bestida. Ilan sa pinagmamalaki nitong detalye ay contrast mesh, ruched, pagkakaroon ng ruffle hem at zipper sa likuran. Body con din ito at pa sweetheart ang datingan ng neckline. Puff sleeve rin ang manggas at pamermaid ang hulma sa bandang hem. Maganda itong suotin kung gusto nilang eleganteng tingnan tuwing tag-init at syempre kung gusto nilang kakaiba ang klase ng kanilang pananamit. Sexy rin itong tingnan at talagang bakat ang hubog ng katawan ng magsusuot nito.

"Ah. . . Hindi ba masyadong hapit sa katawan ang damit? Nakikita rin ang aking tuhod. Hindi ako sanay." Mahinhin na saad pa ni Mishal habang bahagyang tinatakpan ang kanyang katawan gamit ang mga braso.

Pilit niya rin ibinababa ang damit kaya bahagya itong nababatak dahilan para mapasimangot na lamang ako at kusa ko siyang pinatayo ng maayos. Baka masira naman. 

"Kung patuloy kang maiilang ay hindi mo maipapakita ang ganda ng damit. Umayos ka." Mahinahon kong sita habang inaayos ko rin ang kanyang tindig at postura.

Napakagat labi naman si Mishal dahil hindi na niya magawang sumagot sa akin hanggang sa dahan-dahan na rin siyang tumango bilang pagsang-ayon. Maganda naman kasi siya maging ang korte ng kanyang katawan na nababagay sa mga artista dagdag pa na kutis porselana rin ang taglay niya na mas lalong lumitaw dahil sa suot niya. Ang problema lang ay masyadong mahiyain si Mishal para mapalitaw ang natural niyang karisma.

At isa pa, wala rin naman siyang magagawa kundi ang maayos na ibalandra ang damit ko dahil siya mismo ang nagboluntaryo nito kanina. Ang una ko pa ngang pinakiusapan ay si Aera pero siya ang naunang magsabi na siya na ang magmomodelo ng aking damit at mamimigay ng iba pang flyers. Ang dahilan niya pa ay gusto niya lang daw ibalik ang utang na loob niya mula nang iligtas ko siya noon gayong hindi naman ako naghihintay ng kapalit. Pumayag na lang ako dahil syempre, tipid na sa modelo ang ginagawa niyang pabor sa akin. 

"Aaaah! Ang galing mo, Eliana! Ngayon lang ako nakakita ng ganito kaeleganteng damit! Hindi rin ito mahalay tingnan at talagang kaaya-aya sa mga mata. Hindi rin mabigat ang tela at hindi rin mainit sa pakiramdam. Ang ganda!" Napapabilib pa rin na saad ni Aera habang panay ang tingin nito sa suot ni Mishal.

Hindi ko naman siya sinagot at sa halip ay inabot ko sa kanya ang isang bestida na kulay berde at tiyak ko na babagay naman sa hitsura ni Aera. Nagtataka niya pa akong tiningnan bago ko siya tinaasan ng kilay.

"Ayokong magtatawag ka ng mga parokyano ng hindi suot ang disenyo ko. Magbihis ka na doon." Tamad kong saad sa kanya.

Nakita ko naman na kaagad nagningning ang mga mata ni Aera dahil sa tinuran ko. Mukhang kanina pa siya sabik na sabik na magsukat ng mga damit ko dito. Pero dahil alam niyang pagagalitan ko siya kapag basta niya na lang ginalaw ang mga gamit ko ay mas pinili na lang niya ang pumirmi muna. 

"Talaga?! Yay! Kanina ko pa talaga gusto isukat ang mga damit mo dahil ang gaganda talaga! Iingatan ko 'to! Pangako!" Tuwang-tuwa niyang saad at mabilis na rin niyang kinuha ang damit at hindi magkandaugaga sa pagtakbo tungo sa bihisan. 

Napailing na lang tuloy ako sa kalokohan ng babaeng iyon. Kanina pa siya nagpaparinig sa akin na magsusukat siya ng mga damit ko at imomodelo ang mga ito kaya pinagbigyan ko na lamang. 

Sandali kong inilibot ang paningin ko habang hinihintay matapos si Mishal para maibalandra ko na sila ni Daewon sa labas. Naayos na rin naman ang kaguluhan kanina kay Caitrionna dahil kusa na siyang pinabalik ng mga kawal ng Elior sa akademya dahil sa panggugulo na ginagawa niya. Si Sereia na rin ang nagsabi sa mga ito na siya na ang bahala magpaalam sa Maestra ng mga kaganapan pagbalik nila sa akademya. Habang ako naman ay isinantabi ko na lang ang mga nangyari kanina dahil ayoko naman malosyang sa pagbubukas ng botika ko. 

Habang nakatunganga ako ay nahagip naman ng paningin ko si Sereia na may tinitingnan na damit. Kulay mint green na maxi dress ito na mayroong split thigh. Malalim na V neck, butterfly sleeve, at glamorosa ang datingan nito. Hindi ko inaasahan na ganito ang tipo ng damit na gusto ni Sereia lalo na at kung umasta siya ay mas lalaki pa sa akin. 

Sandali ko pa siyang inobserbahan at makikita sa kanyang mga mata ang kinang at pagkamangha sa damit bagay na bihirang-bihira ko rin makita sa kanya dahil nagiging ganyan lang ang mga mata niya kapag espada o mga armas ang hawak niya. 

"Libre magsukat basta walang masisira." Biglang saad ko na nilakasan ko rin para marinig niya. 

Kita ko rin kung paanong napatalon siya sa gulat at mas mabilis pa sa kidlat na ibinalik ang damit sa sabitan nito. Sinamaan niya rin ako saglit ng tingin na para bang nahuli ko siyang may ginagawang masama bago patay malisya na nag-iwas ng tingin. Anong problema nito?

"H. . . Hindi ko naman gusto isukat." Nahihiyang saad ni Sereia habang nananatili pa rin ng tingin niya sa damit na ibinalik niya. "Hindi rin bagay sa akin ang ganoong klaseng damit." saad niya pa na hindi ko na halos marinig dahil pabulong na lang niya binitawan ang huling mga katagang iyon.

Hindi ko alam kung ako lang ba o kahihimigan ko rin ng kaunting lungkot ang tinig ni Sereia. Para bang ipinagkakait niya sa sarili ang maging masaya o para bang may pumipigil sa kanya na kung ano. Ang gulo ko di ba.

"Bakit naman?" Kunot noong tanong ko naman habang kunwari'y nasa malayo ang tingin ko.

"Dahil hindi ako kumportable at isa pa, mahirap makipaglaban ng ganoon ang suot." 

"Pero hindi ka naman palagi nakikipaglaban di ba? Uso naman siguro dumalo sa mga pagdiriwang ng ganyan ang suot." Kibit-balikat kong saad.

Totoong bihira kong makitang nakabestida si Sereia o mas magandang sabihin hindi siya halos nagbebestida dahil lahat ng damit niya ay palaging pantalon ang pang-ibaba. Hindi ko naman hinuhusguhan ang panlasa niya sa damit dahil kanya-kanya naman iyan ng pormahan.

"Ha. . ." Malalim niya munang buntong hininga. Para bang hirap na hirap siyang ipaliwanag ang nararamdaman niya. "Hindi bagay sa akin. Tiyak na pagtatawanan lang ako ng mga nakakikilala sa akin kapag nakita nila ako nakasuot ng ganyan kagandang bestida." Malungkot niyang saad.

Naging dahilan naman ang kanyang sinabi para kusa na lang akong mapalingon sa kanya. Naabutan ko naman siyang nananatili pa rin nakatingin sa damit na kinuha niya kanina at ibinalik habang pinapasadahan ito ng hawak.

"Ganyan ba kababa ang tingin mo sa sarili mo?" may halong inis na tanong ko.

Marahil ay napansin niya ang tono ng boses ko kaya bigla rin siyang napalingon sa gawi ko. Sandali pa kaming nagkatinginan na para bang pinakikiramdaman namin ang emosyon ng bawat isa.

"Hindi naman. Alam ko lang talaga na hindi bagay sa akin." Nakangising pahayag niya pero alam kong hindi ito ang pangkaraniwan na maangas na ngisi ni Sereia.

Sandali ko muna siyang tiningnan habang sinusubukan kong intindihin ang mga sinasabi niya. May malalim ba na dahilan kaya ganyan na lamang niya ipagkait sa sarili niya ang maging masaya?

Kung tutuusin ay wala pala ako masyadong alam sa buhay ni Sereia maliban sa kung ano siya ngayon at kung sino siya sa akademya. Dagdag lamang doon na mayroon siyang kapatid na palagi na lang tumpak ang mga sinasabi pagdating sa saloobin ng tao. Ano pa ba ang mayroon kay Sereia ang dapat malaman ng mga taong nakapaligid sa kanila?

"Ikaw ang bahala." Kibit balikat na sagot ko na lang. Umayos na rin ako ng pagkakatayo at bahagyang nag-unat. "Sinasabi ko lang sa'yo na hindi naman masama ang hindi pagkaitan ang sarili ng mga bagay na gusto mo." Makahulugang saad ko habang bahagya akong nakalingon sa gawi ni Sereia.

Dama kong nagulat siya sa sinabi ko at bahagyang natigilan. Mukhang iniisip niya rin ng mabuti ang sinabi ko ayon pa lamang sa kanyang pagkakatulala.

Ilang sandali lamang  ay marahan siyang kumurap at para bang pagdilat niya muli ng mga mata ay mas maaliwalas na ito kahit papaano. Sumilay din ang isang tipid sa kanyang mga labi habang malamyos na siyang nakatingin sa mga damit.

"Tatandaan ko 'yan." Mahinahong saad pa ni Sereia.

Hindi naman na ako sumagot at sa halip ay naglakad ako patungo sa kanyang kinatatayuan. Pinasadahan ko rin ng hawak ang mga nakahilerang damit doon.

"Nasaan na pala iyong kapatid mong daldalita?" Tutal naalala ko na kanina ang kapatid niyang madaldal, ipapasok ko na lang din sa usapan.

"Si Saena?" Nagtataka niya pang tanong. "Ang pagkakaalam ko ay mamaya pa siya pupunta pagka't may klase pa siya ng ganitong oras. Bakit mo pala siya hinahanap?"

Hindi ko muna siya sinagot dahil mabilis kong hinugot sa hilera ng mga damit ang bestida na hawak kanina ni Sereia. Pinasadahan ko muna ito ng tingin bago ako mag-angat ng tingin sa kanya.

"Wala naman. Bakit hindi mo rin tanungin sa kapatid mo ang tunay na nararamdaman ng puso mo. Baka mas kilala ka pa niya kesa sa sarili mo, Sereia." Seryosong pahayag ko at kusa ko na lang inabot sa kanya ang bestida na hawak ko.

Hindi niya naman inaasahan ang ginawa ko kaya saglit pa siyang natameme sa kinatatayuan niya. Ako na mismo ang nagkusa na ilagay sa kamay niya ang damit.

"Wala dapat yan sira pagbalik." Pabirong pagbabanta ko at kininditan ko pa siya bilang pang-aasar.

Hindi ko na hinintay pang sumagot si Sereia dahil tinalikuran ko na siya at dumiretso sa gawi ni Mishal. Sakto naman na tapos na siya ayusan ni Leandra.

"Handa na po si Prinsesa Mishal! Ang ganda-ganda niya po!" Nakangising pahayag ni Leandra habang ipinapakita ang hitsura ni Mishal.

Bagay na bagay talaga sa kanya ang damit ko at mas lalong lumitaw ang kaputian niya dahil dito. Mas nabigyang hubog din ang katawan niya kumpara sa mga damit na karaniwan niyang isinusuot. Bumagay din ang pagkakapusod ng kanyang buhok at mayroong naklaylay na ilang hibla na lalong nagpapaangat ng ganda niya.

"Iba talaga nagagawa ng damit ko." Komento ko pa habang halata na siguro sa ekspresyon ng mukha ko ang pagiging kuntento sa kinalabasan ng kanyang hitsura.

"H. . .Huwag niyo kong tingnan!" Nahihiya at namumulang saad ni Mishal habang tinatakpan niya pa ang kanyang mukha.

Napairap na lang tuloy ako sa kawalan dahil sa inaakto niya. Sayang ang porma kung hindi ibabalandra.

Hindi na ako nag-atubili pa at hinatak ko na siya palabas ng dressing room. May mangilan-ngilan na rin tao sa botika at maging sila ay napapatingin na rin sa gawi namin dahil sa ingay ni Mishal.

"S. . . Sandali lang, Eliana. Hindi pa ata ako handa magpakita sa iba ng ganito ang suot." Natataranta niyang saad habang patuloy pa rin siya sa pagpupumilit na tumigil sa paglalakad.

Pero dahil mas malakas ako sa kanya at halos palabas na rin kami ng botika ay wala na rin siyang iba pang nagawa kundi ang hayaan ako.

Kaagad hinanap ng mga mata ko si Daewon at sakto naman na namataan ko siya mula sa di kalayuan. May kumakausap sa kanyang dalawang babae na halatang kinikilig sa kanya habang siya naman ay nakasimangot na at tinuturo ang gawi ng botika namin.

"Eliana, tingin ko talaga ay hindi ako kumportable sa suot k---"

"Doon tayo." Tamad kong saad at nagdire-diretso na kami tungo sa kinatatayuan ni Daewon.

"Eliana!" Tili pa ni Mishal na nagpangiwi sa akin ng todo pero mas lalo ko lang binilisan maglakad. 

"Tsk. Di ba sabi ko nga na hindi ako nakikipag-kamay kung kani-kanino maliban na lang kung bibili kayo sa botika na iyon?! Bakit ba ang kulit niyo?!" Dinig ko pang pagsusungit ni Daewon habang kakamot-kamot ito sa kanyang ulo na  parang nagpipigil na ng inis. 

Sabay-sabay naman sila na napatingin sa amin ni Mishal nang huminto kami sa tabi nila. Hindi naman na nagbago ang ekspresyon ni Daewon habang ang dalawang babae ay halatang nagulat sa biglang pagsulpot namin.

Tiningnan ko lamang sila ng blangko sandali dahil mahirap na magmaldita sa parokyano bago ko tinuon ang pansin ko kay Daewon.

"Oh, may kasama ka na." Kaswal kong saad saka ko pinaayos ng tayo si Mishal na hiyang-hiya na sa tabi ko at nakayuko na lamang.

Sandali naman siyang binalingan ng tingin ni Daewon. Tinitigan ko pa ng mabuti kung may mababago man lang ba sa ekspresyon niya pero nandoon pa rin ang pagkabagot niya. Kamuntik na tuloy ako mapasimangot dahil dito. Hindi ba siya marunong kumilala ng maganda?! 

"Hindi pa ba ako sapat?" Masungit niyang tanong dahilan para mapakunot na lang ang noo ko.

Sandali pa akong nakipagtitigan kay Daewon para tingnan kung nagbibiro ba siya sa tanong niya at seryoso nga si totoy! Nagtatampo na ba 'to?!

"Pinagsasabi mo? Nagboluntaryo lang si Mishal tumulong. Drama nito." Irap ko pa sa kanya.

"Tss." Irap niya rin sa akin. Sandali niya pang tinitingnan si Mishal na hindi pa rin makatingin kay Daewon bago niya hinati ang tumpok ng papel na hawak niya.  "Oh." Tamad niya pang pahayag habang inaabot ito kay Mishal.

Saka lang nag-angat ng tingin si Mishal sa kanya ngunit hindi ata niya kinaya ang tingin ni Daewon dahil mabilis din siyang nag-iwas ng tingin.

"Hati tayo. Tutulong ka di ba?" Taas-kilay nang saad ni Daewon na halatang naiinip na sa pagkakalahad ng kamay niya.

Imbes naman na kunin ni Mishal ang dala niya ay ako ang nilingon ni Mishal na wari'y nagsusumbong sa akin.

"P. . . Pero, Eliana---"

"Tutulong ka di ba?" Pag-uulit ko pa sa saad ni Daewon habang nakapameywang na ako sa harapan niya.

Nagpapalit-palit naman ang tingin niya sa akin at kay Daewon at hindi na niya halos alam ang sasabihin. Kinuha ko naman na pagkakataon ito para talikuran na silang dalawa at nagsimula na ako maglakad paalis.

"Walang babalik sa loob hangga't hindi nauubos ang mga 'yan." Pahabol na saad ko pa habang maaliwalas na akong nakatingin sa aking botika na mayroon na rin mga mamimili sa loob.

*****

- MISHAL -

Sa bandang huli ay wala na rin nagawa si Mishal kundi ang manatili kasama si Daewon at gawin ang pamimigay ng mga flyers. Magmula nang iwan sila ni Eliana ay nagsimula na ulit si Daewon sa pamimigay ng mga papel sa mga dumadaang kababaihan at hindi man lang siya kinakausap nito. Hinayaan na lamang din siya ni Mishal dahil hanggang ngayon ay humugot pa rin ng lakas ng loob ang dalaga na ibalandra ang kakaiba at napakaeleganteng damit ni Eliana. Nanatili na lang siya sa isang tabi at panaka-nakang namimigay ng flyers sa ibang dumadaan.

Kanina pa rin niya pinapanood si Daewon lalo na kung gaanong buong pakikipag-usap nito sa ibang babae ay nakasimangot lamang ang binata o di kaya'y wala halos kaemo-emosyon o kagana-gana lalo na kapag nagiging malapit at makulit na ang ibang babae. May isa lang pagkakataon na hindi nakasimangot si Daewon makipag-usap sa iba at iyon ang kasalukuyang pinapanood ni Mishal.

"Aba'y may damit ba para sa edad ko sa botikang iyan?" Nakangiting tanong ng isang matandang babae na mukhang nasa 70's na rin ang edad. Binabasa nito ngayon ang flyer na inabot ni Daewon.

"Hindi ko lang sigurado. Pero magaling magtahi ang kapatid ko at iba't-ibang klase ng damit na ang nagagawa niya sa botika. Mayroon paniguradong babagay sa'yo." Mistulang nagmamalaking kapatid na saad pa ni Daewon habang kababakasan din ng kislap ang mga mata nito sa tuwing si Eliana ang napag-uusapan.

"Naku, iho, karamihan sa mga pumupunta sa botika ay mga dalaga at mga kababaihan na nasa kabataan pa nila. Matanda na ako para magsuot pa ng magagarbong damit."

"Ano naman kung matanda na?" Kunot-noo at inosenteng tanong ni Daewon dito. Kamuntik pang matawa si Mishal sa ekspresyon nito dahil halatang nililiteral talaga nito ang sinabi ng matanda. "May batas na bang pinagbabawalan kayong maggayak ng mga damit na hindi niyo karaniwan isinusuot?"

Natigilan naman ang matanda sa sinaad ni Daewon hanggang sa malamyos na itong napangiti sa sinabi ng binata.

"Ikaw talaga bata ka." Nakangiti pa rin na pahayag ng binata.

"Sige na, Inang. Sigurado ako na hindi ka pababayaan ng kapatid ko. Gusto mo ba ihatid kita doon?" Seryoso at sinserong paanyaya ni Daewon habang inaalalayan na nito ang Lola sa paglalakad.

"Aba'y hindi ako tatanggi kung ganyan ba naman kaguwapo ang aalalay sa akin." Natatawa pang saad ng matanda na hinayaan na rin si Daewon na alalayan siya patungo sa botika.

Kusa na lang tuloy napangiti si Mishal sa kanyang nasaksihan. Hanggang ngayon ay napapabilib pa rin siya sa mga surpresang nagagawa ni Daewon sa iba't ibang pamamaraan at isa na roon ang pagkakaroon ng malambot na puso sa mga nakatatanda sa kabila ng pagsusungit nito.

Tahimik lamang si Mishal na naglalakad kasabay si Daewon. Naisipan na rin kasi ni Daewon na mag-ikot sa bayan upang mabilis nilang maipamigay ang mga flyers na naghihikayat sa mga mamimili na magpunta sa botika ng Phoenix.

Hindi naman makapaniwala si Mishal na muli niyang makakasama si Daewon ng sila lang ulit dalawa dahil noong palarong pampalakasan pa ang huling pagkakataon na nakasalamuha niya ito. Hindi naman na ito ang unang beses na nagkasama sila at nag-usap pero nakakaramdam pa rin siya ng hiya hanggang ngayon. Aminado naman siya sa sarili niya na mahina talaga ang puso niya sa mga guwapo kahit pa guwapo ang kanyang kakambal.

At isa sa pinakahinahangaan niyang mukha sa akademya ay ang mukha ng bunsong lalaki ng mga Agrigent. Alam niya rin kasi na ekis na sa mga dapat niyang pagpantasyahan si Prinsipe Adelrick dahil nakatakda na ito maging hari at ang pipiliin ng mga magulang nito ang dapat nitong pakasalan habang si Caedmon naman ay kaibigan niya at mas boto pa siya kay Sereia para dito. At ngayon naman ay nandito si Daewon na bagama't may masalimuot na nakaraan ay angat na angat pa rin ang kakisigan.

Unang kita niya pa lang talaga sa mukha ni Daewon ay aminado na niyang nasa kauna-unahan na ito sa listahan niya ng mga magagandang lalaki. Mas lalo pa naging magandang lalaki si Daewon sa kanyang paningin dahil sa suot nito na halata rin si Eliana ang pumili.

"Pilay ka ba? Bakit ang bagal mo maglakad?"

Kamuntik naman mapatalon si Mishal nang bigla siyang sitahin ni Daewon. Gulat niya pang nilingon ang gawi nito at may kalakihan na nga ang agwat nilang dalawa kumpara kanina na halos magkatabi lang sila.

"P. . . Pasensya na, Prinsipe Daewon!" Natatarantang sagot ni Mishal dito.

Binilisan na rin niya ang kanyang paglalakad na halos lakad-takbo na ang ginawa niya para maabutan si Daewon.

"P. . . Pasensya na. . ." Pag-uulit pa ni Mishal habang hindi ito halos makatingin sa binata nang tuluyan na siyang makarating sa harapan nito. Yumuko rin siya sa kausap bilang pagpapakita niya ng respeto at pagpapaumanhin dito.

"Tsk." Dinig pa ni Mishal na pahayag nito bago tuluyang tumalikod. "Bilisan mo maglakad." Utos pa sa kanya ni Daewon.

Kaagad naman nag-angat ng tingin si Mishal at naglakad na ito sa tabi ni Daewon.

Buong akala ni Mishal ay naiinis na sa kanya ang binata kaya ganito na lamang ito magsungit sa kanya. Ngunit hindi niya namalayan na dadaan pala sila sa kumpol ng mga lalaki na kanina pa siya tinitingnan at halatang naaakit sa kanyang ganda. Mabilis din nakaramdam si Daewon sa mga tingin na ibinigay nito sa dalaga kaya hinintay niya talaga ito makahabol sa kanya at sinigurong maglalakad si Mishal sa kanyang tabi mismo.

"Ang ganda nung babae. Baka puwedeng matanong ang ---" Hindi na natuloy pa ng isang lalaki ang kanyang sinasabi ng bigla siyang lingunin ni Daewon ng may madilim na ekspresyon.

Halatang handa nang manakit ang ekspresyon ni Daewon dahil sa sama ng tingin nito sa mga kalalakihan lalo na sa lalaking nagsalita.

Napalingon naman si Mishal kay Daewon nang mapansin nito na tila ba may tinitingnan itong kung ano sa isang direksyon. Hindi niya naman malaman kung ano ito dahil hinaharangan ng buong rebulto ni Daewon ang gawing iyon.

"May problema ba, Prinsipe Dae---"

"Bilisan mo na lang maglakad. Tsk." Inis na sagot kaagad ni Daewon habang mas lalong bumusangot ang mukha nito.

Bumilis din ang lakad ng binata kaya walang ibang nagawa ang dalaga kundi ang pantayan ang bilis nito upang hindi muling mahuli.

Naitikom na lang din tuloy ni Mishal ang kanyang bibig. Pakiramdam niya aatakihin siya palagi kapag nakasasama ang binata lalo na at magkasing-sungit sila ni Eliana.

Sandali pang naglakad-lakad ang dalawa at kahit papaano ay nawala na rin ang pagka-ilang ni Mishal sa kanyang suot. Dagdag pa na mukhang hindi rin naman masyadong pinagtutuunan ni Daewon ang kanyang hitsura kaya mas naging kumportable na rin siya kasama ito.

"Prinsesa Mishal, ang ganda mo naman po sa suot mo! Saan niyo po nabili iyan?" Namamanghang tanong sa kanya ng mga mag-aaral ng akademya at mga mamamayan niya sa Thaewyr.

"Doon sa bagong bukas na botika." Turo naman ni Mishal sa gawi ng botika. "Hinihikayat ko na magpunta kayo doon dahil marami pang mas magagandang damit ang mabibili niyo sa murang halaga. Ang gaganda pa ng kalidad." Nakangiting pag-eendorso ni Mishal.

"Eeeh. Gusto ko po yung katulad ng suot mo! Kakaiba po ang estilo nito pero napakaelegante tingnan!"

"Baka sakali rin pong maging kasing ganda mo ako kapag ganyan din ang isinuot ko." Biro pa ng isa dahilan para matawa naman si Mishal dito. 

"Natural nang magaganda ang mga kababaihan ng Thaewyr." Mahinhin pang pahayag ni Mishal.

Sandali pa siyang nakipag-usap sa mga dalagita hanggang sa nahikayat na rin niya ang mga ito na magpunta sa botika.

"Ikaw si Stella di ba?"

Napukaw naman ni Daewon ang atensyon ni Mishal nang bigla itong magsalita mula sa di kalayuan. Natanaw niyang kinakausap nito si Stella na may dalang ilang kahon na naglalaman ng mga pagkain tulad ng mamon at mainit na tinapay.

Nakita rin ni Mishal kung paanong tila ba takot na takot na tiningnan ni Stella sa Daewon na para bang hindi masamang tao ito.

"A. . . Ano pong kailangan niyo, P. . . Prinsipe Daewon?" Nanginginig pa rin na tanong ni Stella habang dahan-dahan na rin itong umaatras palayo kay Daewon.

Kaagad naman nagtaka si Daewon sa pakikitungo ng dalaga sa kanya. Balak na sana niyang tanungin ito kung ayos lang pero kusa na lang napahinto si Daewon na para bang nagdalawang isip ito.

"Di bale na." Saad na lang ng binata at tuluyan na lang itong tumalikod kay Stella at naglakad palayo.

Hindi naman makapaniwala si Mishal sa kanyang nasaksihan lalo na at alam niyang halos lahat ay kaibigan ni Stella. Nakakasundo rin nito ang kahit na sino kaya nakapagtatakang ganito ito makitungo kay Daewon. Napaisip na lang tuloy siya kung may kinalaman ba ito sa nangyari noong pare-pareho silang nanganib sa kamay ng mga sindikato.

*****

ELIANA'S POV

"Mayroon pa po bang katulad ng suot mo? Kung mayroon pa po ay gusto ko po sana makakuha ng para sa laki ko." Nahihiyang saad ng isang dalaga habang tinitingnan nito ang suot kong bestida na kulay lilac purple.

Elegante at sexy tingnan ang solid tube dress ko na tinernohan ko ng simpleng mesh coat. Square neck din ito at hapit sa katawan kaya bakat na bakat talaga ang kurba ng kung sino man ang magsusuot nito at may pagmesh din ang dulong parte ng damit na aabot lamang sa aking tuhod ang haba.

Pang-lima na ito sa mga damit na isinusuot at ibinabalandra ko dahil ang naunang apat ay naubos na kaagad ang stock.

"Mayroon pa naman para sa sukat mo." Kaswal na sagot ko naman matapos kong tantsahin ang laki ng katawan niya sabay pitik ng aking daliri upang magtawag ng mag-aasista sa kanya.

Kaagad din kaming dinaluhan ni Vien at siya na mismo ang tumulong sa babae na maisukat ang hinihiling nitong damit. Sa pagkakaalala ko ay iyon na ang huling pares para sa damit na ito kaya kinakailangan ko na  naman magpalit ng panibago upang maibalandra rin ang sukat nito.

Sinasabi ko na nga ba at parehas lang din ang sistema sa mundong ito sa dati kong buhay na kung saan kapat isinuot at ibinalandra ang damit at kaaya-aya ito tingnan sa iba ay magiging patok at mabenta ito sa nakararami. Syempre dagdag pa na hindi pa sanay ang mga mata nila sa kakaibang estilo ng mga damit ko dahil wala namang nakaisip ng ganitong mga klaseng damit dito na bagama't kumportable at may ipinapakitang konting balat ay nagmumukha pa rin silang elegante tingnan.

Mabuti na lang talaga at hindi pa kumukupas ang mga kamay ko sa ganitong larangan. Maging ang talas ng paningin ko at ang bilis ko magkalkula ng sukat, estilo, at interes ng isang mamimili ay gamay ko pa rin. Iba talaga kapag mahigit labing dalawang taon din akong nasa larangan ng kalakalan noon.

Sandali ko naman inilibot ang aking paningin sa buong botika. Kung kanina ay wala halos tao dito, ngayon naman ay hindi na magkamayaw ang iba sa pagkuha ng mga stock na nakikita nilang binibili ng iba. Ang iba rin ay namamakyaw ng damit na katulad din ng suot nina Mishal at Aera at syempre sinasagad din nila ang premyo nila na makadaupang palad si Daewon na kung kanina ay todo simangot ay unti-unti na rin nagiging kumportable sa mga kababaihan.

Maganda na rin simula ito para bahagyang matanggal ang pagkailang at inis niya sa mga babae. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na halos sa akin lang siya kalmado habang sa iba ay kulang na lang ay bulyawan niya o di kaya'y sindakin niya sa takot.  Isa sa mga patunay na hindi na siya masyado agresibo sa mga babae ay nang ihatid niya ang isang matandang babae dito kanina. Hindi ko naman inaasahan na siya mismo ang gagawa noon kaya kung may cellphone lang sa mundong ito ay baka kanina ko pa siya kinukuhaan ng litrato upang may maipaframe naman si Adelrick sa dating tukmol niyang kapatid.

Napailing na lang tuloy ako sa iniisip ko at nang mapagtanto na kanina pa ako nakatunganga.

Babalik na sana ako sa loob nang mamataan naman ng mga mata ko ang pamilyar na rebulto ni Adelrick kasama sina Aeson, Saena, at Ellionoir. Nag-isip pa ako kung dapat ko pa ba silang batiin pero mukhang balewala na rin na nag-isip pa ako dahil kumaway-kaway na rin si Saena sa gawi ko.

"Nandoon si Prinsesa Eliana! Prinsesa Eliana!" Sigaw niya pa at hinatak na niya kaagad si Aeson palapit sa gawi ko.

Huminga muna ako ng malalik upang humugot ng lakas dahil mukhang mapapasabak na naman ako ng bunganga sa babaeng ito.

"Pagbati sa botika mo, Prinsesa Eliana! Grabe ang dami mo na kaagad mamimili!" Magiliw na saad ni Saena habang hindi ito magkamayaw kalilingon sa buong paligid. "Puwede ba ako magsukat ng mga damit, Prinsesa Eliana? Kapag nagustuhan ko ay bibilhin ko agad!"

"Bahala ka. Nandoon ang ate mo sa loob, nagsusukat ng mga damit." Tamad na turo ko naman sa silid kung saan nakatambak ang ilan pa sa mga damit.

"Talaga?!" Namamanghang pahayag ni Saena at para bang sabik na sabik itong makita ang kapatid niya. Tuwang-tuwa pa nito na nilingon si Aeson na mukhang napilitan lang sumama. "Teka lang, Aeson, babalikan kita ah? Pupuntahan ko lang si Ate! Sabay na kami magsusukat ng mga damit!"

"Kapag nasira ang damit, alam mo na ang gagawin ko sa'yo." Pahabol ko pang komento habang nagtatatakbo na siya na parang bata.

Minsan hindi ko rin maisip kung paano naging magkapatid ang dalawang iyon gayong magkaibang-magkaiba ang ugali nila. Mana siguro si Sereia sa sama ng loob este sa tatay niya.

Sunod ko naman pinagtuunan ng pansin si Aeson na naiwang nakatayo na lamang sa tabi ko. Halatang wala pang tulog ang kuya niyo dahil mukhang magdamag na naman itong nag-aral at nagbasa.

"Ikaw ba?" Taas kilay ko naman na tanong sa kanya dahilan para mabilis siyang umiling sa akin.

Wala pa man din akong sinasabi pero mukhang may sagot na agad siya.

"Bakit naman ako magsusukat ng mga damit na para sa mga babae---"

"Hindi mo ba ako babatiin?" Kaagad na pahabol ko bilang pang-asar sa kanya. Huwag kasi ako pangunahan.

Mabilis din siyang natigilan sa tinanong ko at parang gusto ko rin matawa sa reaksyon niya ngayon na halatang napikon na kaagad sa akin.

"Pero kung gusto mo magsukat, bakit hindi?" Kibit-balikat ko pang saad sabay ipinagkrus ko ang aking mga braso at nanghahamon siyang tiningnan.

Nilingon ko pa saglit ang gawi ni Adelrick at sayang din abala siya ngayon sa pakikipag-usap sa pesteng si Ellionoir. Nakipagtagisan din ng titigan si Aeson sa akin baka niya ako inirapan at nag-iwas ng tingin.

"Tsk." Komento niya pa na halatang nagpipigil na lang siya na pagsabihan ako.

Tumigil na rin ako sa pang-aasar sa kanya dahil baka mag-away pa kami dito. Pinagtuunan ko na rin ng pansin sina Adelrick na naglalakad na ngayon palapit sa gawi ko kasunod si Ellionoir na panay ang lingon sa paligid.

"Nakita ko sa labas si Daewon. Mukhang nalilibang naman siya sa ginagawa niya. Hindi ko rin aakalain na papayag siya na makipag-usap sa mga kababaihan nang ganoon kakaswal." Kaagad na bungad ni Adelrick habang natatawa pa. Panay din ang lingon niya sa labas na wari'y tinatanas si Daewon.

"Pinilit ko e." Kaswal din na sagot ko dahil totoo naman.

Mas lalo naman lumawak ang ngisi ni Adelrick dahil sa sinabi ko dagdag pa na mukhang kuntento na siya sa nakikita niyang pagbabago ng kapatid niya na noo'y napakamaldito.

"Maiba tayo. Masaya ako at matagumpay ang naging pagbubukas ng botika mo, Bunso. Hindi ako makapaniwala na negosyante na ang pinakabata kong kapatid. Parang dati lang ay nagpapakarga ka pa sa akin at nanghihingi ng ginto para pambili ng libro." Malamyos na pahayag ni Adelrick kasabay ng bahagyang paghaplos sa aking ulo.

Inabutan niya rin ako ng isang basket ng mga prutas bilang regalo. Tiningnan ko pa nga kung may kasamang pera kaso wala. Sayang.

"Kapag nakaipon na ako ay ibabalik ko na sa'yo ang ipinang-tubos mo dito." Kaagad na sagot ko habang inaabot kay Valerie, anak ni Vien, ang mga pagkain. 

"Huwag mo na muna isipin 'yon. Sa ngayon ay natutuwa ako at nagawa mo magkaroon ng isang napakalaking hakbang sa buhay mo. Ipagpatuloy mo lang ito, Bunso, nakasuporta lang kami sa'yo." Sinserong pahayag ni Adelrick habang inililibot niya ang paningin sa kabuuan. 

Hindi naman ako sumagot dahil muli, hindi ako sanay sa mga naririnig at nararamdaman kong sinserong suporta at aruga mula sa kanya. Tumango-tango na lamang ako sa kanya habang pasimpleng napapangiti dahil sa mga salitang nagmumula sa isang nakatatandang kapatid.

"Uhm. . ." Nabalik naman sa kawalan ng reaksyon ang mukha ko nang marinig ang mahinhin at nahihiyang boses ni Ellionoir. "Pagbati, Eliana. M. . . Masaya ako sa napagtagumpayan mo ngayon sa bagong bukas mong botika." Alangan at halatang naiilang na pahayag ni Ellionoir.

Hindi siya halos makatingin sa mga mata ko dahil mukhang dama niya pa rin sa pamamagitan ng aking tingin ang panlalamig na nararamdaman ko para sa kanya.

Hindi rin naman ako tumugon sa sinabi niya. Sa halip ay tinaasan ko lamang siya ng kilay.

"Bakit parang naiilang ka kay Eliana, Ellionoir? May problema ba kayo?"

Mukhang nahalata ni Adelrick na hindi maganda ang atmospera sa pagitan naming dalawa ni Ellionoir dahil sa pagpapabebe na naman nito.

Saglit pa kaming nagkatinginan ni Ellionoir na para bang hindi niya halos malaman ang gagawin.

"A. . . Ah wala naman, Kuya!" Natataranta at halatang ilang pa rin niya na saad. "Matagal din kami hindi nakapag-usap ni Eliana kaya medyo nahihiya rin ako. At isa pa, napakaganda niya sa suot niya ngayon kaya bahagya rin akong naiintimida." Dugtong niya pa habang nananatili pa rin malikot ang mga mata niya.

Kusa naman akong napatayo ng maayos dahil sa inaakto ni Ellionoir. Ipinagkrus ko na rin ang aking mga braso.

"Ikaw talaga. Kapatid mo 'yan, kaya ayos lang maging kumportable sa kanya kahit gaano pa kayo katagal hindi nakapag-usap." Pangaral naman ni Adelrick dahilan para mapaiwas na lamang si Ellionoir na halatang nakokonsensya.

Ngayong nandito na kami sa sitwasyon na ito. Mas tama bang isatsat na lahat ng hidwaan na namamagitan sa amin? Dapat ko naman bang gampanan ang pagiging sumbungerang kapatid? Ang magmukhang inaapi? Pero ako ba ang kakampihan ni Adelrick kung magiging ganon ang sitwasyon?

Sandali pa akong nag-isip ng mabuti habang pinapanood siyang matameme sa harapan ko. Pero alam kong hindi rin naman ako ganoon kababaw para isumbong siya kung kaya ko naman ako na sumupalpal sa kanya.

"Maiwan ko na kayo. Marami pa akong gagawin." Tipid at malamig na pahayag ko na lang dahil tingin ko ay hindi pa tamang sabihin ang mga dapat marinig ni Ellionoir.

Huling beses ko munang tiningnan si Adelrick bago ako tuluyang tumalikod sa kanila. Ngunit bago pa man ako makahakbang palayo ay bigla na lamang hinwakan ni Ellionoir ang braso ko.

"Ah, Eliana, s. . . sandali." Kinakabahan niyang saad.

Dama ko rin ang panlalamig ng mga palad niya na nanunuot sa balat ko. Ano na naman ang kailangan nito?

Nagbilang muna ako hanggang lima bago ko siya lingunin ng may nanlalamig na mga mata.

"Anong kailangan mo, Ellionoir?" Malamig na pagdidiin ko pa sa pangalan niya.

Nakita ko naman na tila ba dumaan ang kaba sa mga mata niya dahil sa tingin ko. Kusa rin siya napabitaw sa akin at hindi mapakaling nag-iwas ng tingin.

"A. . . Ah wala. P. . . Pasensya na." Kagat labi niyang saad habang humahakbang na palayo sa akin.

Tumabi rin siya kay Adelrick na pinapanood pala ang interaksyon namin ngunit sa pagkakataong ito ay nakakunot ang noo niya at para bang hindi niya nagugustuhan ang nakikita niyang pakikitungo namin ni Ellionoir sa isa't isa.

"Nag-aaway na naman ba kayo?"

Sabay-sabay naman kami napalingon sa nagsalita dahil hindi si Adelrick iyon kundi ang isa pang asungot na kapatid ni Eliana na ilang araw ko rin hindi nakikita.

Sandali muna kaming tiningnan ni Adelrick na para bang pinagsasabihan na niya kami gamit lamang ng mga mata niya bago lingunin ang bagong dating na batong tao.

"Caedmon, bakit ngayon ka lang?" Mahinahon na bati na ni Adelrick sa kapatid.

Tiningnan ko rin si Caedmon dahil ilang araw din kaming hindi nagkita at baka may nagbago naman sa mukha niya pero wala. Ganoon pa rin naman ang walang kaemo-emosyon niyang hitsura. Pero sa pagkakataong ito ay nakasuot siya ng kanyang uniporme sa akademya kaya mas lumitaw ang hitsura niya dahil sa gara ng suot niya. Binubuksan niya na rin ang ilang butones ng uniporme niya habang naglalakad palapit sa amin. Nasa isang bulsa lang din ang kanyang kamay habang ang buhok niya ay gulo-gulo na halatang bagong gising lang at hindi na nag-abala pang mag-ayos.

"Hinintay ko lang matapos ang klase ni. . . " Nilingon niya pa ang likuran niya bago tapusin ang sinasabi ngunit kaagad din siyang napatigil sa paglalakad nang mapansin na wala naman tao doon. "Nasaan na naman ba 'yon?" Nagtataka niya pang dugtong habang panay pa ang lingon niya sa paligid.

"May kasama ka ba?" Nagtataka na rin na tanong ni Adelrick na nakikilingon pa kahit hindi naman niya kilala kung sino ang nawawala.

Sa bandang huli ay nagkibit-balikat na lang si Caedmon at tumuloy na sa paglalakad.

"Nandyan lang siguro." Kaswal niyang pahayag bago tuluyang dumako sa akin ang kanyang tingin.

"Nag-aaway na naman ba kayo ni Ellionoir?" Hindi tanong ang dating ng kanyang sinabi kundi para bang may iba itong kahulugan. Na para bang alam niya kung bakit ganito ang interaksyon namin ni Ellionoir at binabantaan niya kami na umayos.

Hindi naman ako kaagad sumagot dahil hindi ko inaasahan na ganyan ang una niyang ibubungad na halos hindi ko rin alam kung ano ang ipapaliwanag ko. Ang hirap pasinungalingan ng taong ganyan tumingin - iyong tipong alam na alam na niya ang sasabihin ko bago pa man ito lumabas sa aking bibig.

Akmang ibubuka ko na sana ang bibig ko para magsalita nang bigla naman humarang si Ellionoir sa harap ko.

"H. . . Hindi po kami nag-aaway, Kuya!" Kinakabahang saad niya pa.  "Abala lang talaga si Eliana kaya hindi kami halos nagkakausap."

"Iyon ba talaga ang dahilan?" Malamig pang tanong ni Caedmon habang nagpapapalit-palit ang tingin niya sa akin at kay Ellionoir na napapaatras na lang din dahil sa intimidasyon.

"O. . . Opo, Kuya. Maayos po ang relasyon namin ni Eliana. Di ba, Eliana?" Saad pa ni Ellionoir at bahagya ko pang ikinairita nang bigla siyang lumingkis sa aking braso at malambing na lumingon sa akin.

Totoong napakaamo ng kanyang mukha maging ng kanyang ngiti. Pero alam kong hindi basta-basta matatago ng magandang pisikal na kaanyuan ang totoong ugali ng tao gamit lamang ng mga mata.

Hindi rin ako nagpatinag sa pakikipagtitigan sa kanya at pinantayan ko rin ito ng intimidasyon. Halatang binabantaan niya ako na huwag ikanta kay Caedmon ang mga katarantaduhan na nagaganap sa pagitan naming tatlo ni Zephyr.

Palihim pa akong sarkastikong napangisi nang unti-unti rin lumuwag ang kanyang pagkakahawak sa akin.

"Oo." Tipid ko na lang na saad sabay ipinagkrus ko na ang aking mga braso dahil baka makachansing pa si Ellionoir.

"Sigurado ka?" Sa pagkakataong ito ay sa akin na nakatingin si Caedmon at kababakasan ng pagdududa ang mga mata niya.

Hindi rin ako nagpatalo sa pakikipagtitigan lalo na nang salubungin ko ang nakakaintimida niyang tingin. Tila ba may kuryente nang namamagitan sa pagitan naming dalawa dahil sa talas ng tingin namin ngunit kaagad din itong natigil nang biglang magsalita si Adelrick. 

"Caedmon, huwag mo naman pakabahin ang mga kapatid natin. Tingin ko naman ay kung may gusot man sa pagitan nila ni Ellionoir ay maayos nila ito. Malalaki na ang mga kapatid nating babae at sigurado akong malalim na ang pag-intindi nila sa isa't isa." Kalmadong saad ni Adelrick habang sinusulyapan din kami ni Ellionoir.

Hindi naman kaagad sumagot si Caedmon sa kanya dahil mukhang kinakalkula niya pa ang sitwasyon bago ito palagpasin.

Mahigit dalawang minutong katahimikan tuloy ang nangibabaw sa aming apat na maging ako ay pinagpawisan dahil talagang napaka awkward ng tensyon na namamagitan sa amin.

Ilang saglit lamang ay dinig kong napabuntung hininga na lang si Caedmon. Maging ako ay napabuga rin ng hangin dahil pakiramdam ko ay kanina pa ako nagpipigil ng hininga dito. Pansin ko rin na napahawak din si Ellionoir sa kanyang dibdib na para bang naalisan din siya ng tinik dito.

Nagtataka talaga ako kung bakit sa buong pananatili ko dito ay sa dalawang tao lamang ako naiintimida. Isa ay dito sa taong batong ito at ang isa naman ay kay. . .

"Kumusta na ang negosyo mo?" Pag-iiba na ni Caedmon sa usapan at sa wakas ay mukhang tapos na kami sa isyu kanina.

"Mukhang mamalasin na. Dumating ka na--- aray! Ano ba!"  Inis kong saad dahil bigla na lamang niya binagsakan ng kung anong mabigat na bagay ang aking ulo. Gago talaga to!

"Oh." Kaswal niya pang saad habang inaabot na niya sa akin ang isang bag na naglalaman ng mabigat na kung ano na ibinagsak niya sa ulo ko. 

Padabog ko naman na kinuha ang bag at inis na binuksan ito.

"Anong gagawin ko di---"

Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko nang makita kung gaano karami ang salapi na nandito. Nanlalaki pa ang mga mata ko habang binibilang ko na gamit ng mga mata ko ang halaga na nandito.

"Nagtatahi ka ng mga pang-itaas na panlalaki di ba?"

Nabalik naman ang tingin ko kay Caedmon nang bigla siyang magtanong.

"Oo?" Nagtataka ko rin na saad. Ano naman sa kanya kung kaya ko rin magtahi ng damit panlalaki.

"Kailangan ko ng mga pito. 'yong kaswal lang. Ayoko ng mainit ang tela pero dapat makapal ito at hindi mabilis mapunit. Ayoko ng matingkad ang kulay at ayoko ng magarbo. Kailan ko makukuha?" Sunod-sunod niyang saad na halos magulantang ako sa dami ng sinabi niya. 

"Ha? Teka ang dami nitong ginto para lamang sa---"

"Kasama na dyan ang suhol na ayusin mo ang mga ipapagawa ko. Kailan mo matatapos?" Tamad na saad niya pa at parang gusto ko rin siyang kutusan dahil akala niya siguro ay gagaguhin ko ang damit niya kahit inis na inis ako sa kanya.

"Kailan mo kailangan? At para saan?" Seryoso kong tanong habang tinatawag ang isa sa mga anak ni Vien upang kunin ang salapi at ibigay ito sa kanyang ina. 

"Kung kailan mo matatapos, doon ko na lang kukunin. Para sa pang-araw araw ko. Bawal na ba ako magsuot ng simpeng kasuotan?" Masungit na niyang pahayag.

Inirapan ko rin siya bilang ganti dahil kailangan ko naman talaga alamin ang mga impormasyon na iyon!

"Oo na." Nakasimangot ko pa rin na saad habang inililista ang mga bibilhin niya sa listahan na palagi kong dala sa aking bulsa. "Pumunta ka bukas dito para masukatan ka."

"Hindi na. Kunin mo na lang kay Sereia ang sukat ko." Kaswal niya pang pahayag.

Kusa naman akong napatigil sa pagsusulat dahil sa narinig ko. Napaangat pa ako ng tingin sa kanya at alam niya kung gaano ko siya inaasar ngayon gamit lamang ng tingin ko.

"Huwag mo kong tingnan ng ganyan. Alam niya ang sukat ko dahil madalas ako kumuha ng mga armor sa Archelaos." 

"Ah. . ." Tatango-tango ko pang saad kahit na alam kong sa kaloob-looban ko ay gumagana na ang aking pagiging malisyosa. "Hindi ko naman tinatanong." May himig nang pang-aasar na saad ko.

"Tsk. Sige na, magtrabaho ka na." Pinagtulakan niya pa ako paalis kahit hindi pa ako tapos magsulat pero kaagad din siyang tumigil sa ginagawa niya nang biglang sumulpot si Leofwine na may dalang kung ano.

"Pagbati po sa mga prinsipe ng Cymopoleia. Prinsipe Adelrick at Prinsipe Caedmon. Nawa'y magsilbi kayong agos ng biyaya at kasaganahan ng Cymopoleia." Magalang na bati niya kina Adelrick at Caedmon.

Tinanguan naman siya ni Adelrick at nginitian habang si Caedmon ay masama ang pagkakatingin sa dala niya.

"Anong kailangan mo, Leofwine?" Kaswal na tanong ko habang naglalakad na ako palapit sa gawi niya.

"Ah. . . May dumaan po dito kanina na opisyal mula sa Umoewin. Ipinapaabot po pala ito ni Prinsipe Zephyr bilang pagbati sa pagbubukas ng iyong botika. Pinapasabi rin po niya na hindi raw po siya personal na makadadalo ngayon dahil abala po siya sa pag-aayos ng ilang paghahanda para sa kanyang kaarawan." Magalang na paliwanag ni Leofwine.

Malambing din ang pagkakangiti niya sa akin na para bang inaasar niya akong may nagbibigay sa akin ng bulaklak ngayon.

Hindi ko naman alam ang magiging reaksyon ko dahil hindi ko rin naman inaasahan na makadadalo si Zephyr ngayon pagka't hindi ko rin naman siya inimbita at hindi rin maayos ang kung ano man namamagitan sa amin. Pero nagpadala pa siya ng bulaklak na sigurado na naman akong matambak sa aking kuwarto.

Kunot-noo ko pang tiningnan ang dambuhalang bouquet na pinadala niya. Aminado ako na napakaganda nito at halatang hindi basta-basta ang mga bulaklak na nandito dahil kumikinang pa ito halos at kakaiba ang mga kulay. Pero tila ba may isang bulaklak doon na parang pamilyar sa akin ngunit hindi ko matandaan kung saan ko nakita. May ganyan ba kaming bulaklak sa Cymopoleia?

Aabutin ko na sana ang bouquet ng biglang may mga kamay nang nauna dito na kaagad itong hinablot palayo kay Leofwine. Nagulat din ako nang may biglang humatak sa akin palayo at kaagad akong binigyan ng panyo upang takpan ang aking ilong.

Anong nangyayari?

"Eliana, takpan mo muna ang ilong mo. Masama sa'yo ang amoy ng bulaklak ng Khataleya." Seryosong pahayag ni Adelrick na inilalayo pa rin ako sa kumpol ng bulaklak.

Bigla naman namutla si Leofwine dahil sa kanyang narinig at kaagad din akong dinaluhan at inalalayan.

"Hindi ko po alam, Prinsesa Eliana. Pasensya na po." Mangiyak-ngiyak niyang saad habang inalalayan pa rin ako umatras palayo.

"Wala kang kasalanan." Tipid na saad ko na lamang habang gulat pa rin ako na nakatingin sa kumpol ng bulaklak na hawak ni Caedmon.

Khataleya? Iyon ba ang ang bulaklak na parang pamilyar sa akin? Pero bakit naman ako bibigyan ni Zephyr ng bagay na makakasama sa akin? Ganoon na ba kasama ang loob niya sa akon at balak na niyang pagtangkaan ang buhay ko? At isa pa, hindi ko alam na masama pala sa katawan ko ang ganyang bulaklak, o sa ibang terminolohiya, mayroon akong allergy sa ganyang bulaklak.

Pero paano malalaman ni Zephyr ang bagay na iyon kung ako mismo ay hindi ko ito alam at possibleng hindi ko rin ito nabanggit sa kanya? Nagkataon lang ba talaga ito? O mayroong sadyang nagsabi sa kanya nito? 

"Balak ba ng gagong iyon patayin si Eliana?" Galit at malamig na saad ni Caedmon habang nagliliwanag na ng kulay asul ang kanyang mga mata at kamay.

Nagulat din ako nang maging yelo na ang bouquet hanggang sa gigil na gigil niya itong tinunaw gamit din ng kanyang kapangyarihan. 

"Pero baka nagkataon lang po iyon, Kuya. Kilala naman po ang Khataleya sa Umoewin at hindi maitatanggi na kaaya-aya talaga ito sa paningin." Mahinhin at talaga namang labis ang pag-arte na saad ni Ellionoir habang hawak pa nito ang braso ni Caedmon. Sinadya niya rin atang putulin ang kanyang sinasabi upang lingunin ako nang may kahabag-habag na tingin. "Sigurado po akong nagkataon lang ito, Kuya, di ba, Eliana?" 

Hindi naman ako sumagot sa kanya at sa halip ay mas lalo lamang tumalim ang aking tingin. Kusa na lang din kumuyom ang aking kamao at nagngitngit ang aking panga dahil sa labis na gigil na nararamdaman ko. 

Ganito ba ang gusto niyang laban? Iyong madumi? Hindi ko na kinakailangan pang alamin kung kanino nagmula ang impormasyon na iyon dahil mukhang nasa harapan ko na mismo ang salarin. 

"Bitawan mo ako." Malamig kong saad at ako na mismo ang bumitaw sa hawak sa akin ni Leofwine. Kinalma ko rin muna ang sistema ko dahil napapatingin na sa amin ang ibang mga parokyano at mukhang nababahala na rin sila. 

"Tsk." Galit na saad ni Caedmon saka marahas na inalis ang pagkakahawak sa kanya ni Ellionoir. Nilingon  niya rin ang gawi ko upang tingnan ang kalagayan ko. Inaasahan kong galit ang mga mata niya dahil sisisihin niya na naman ako sa aking katangahan ngunit nakapagtatakang naging malumanay na ito habang sinisipat ang aking mukha. 

"Caedmon, hindi tayo maaaring mambintang sa iba. Hayaan mong kausapin ko na lamang si ---"

"Hindi na kailangan, Kuya. Ako na." Galit niyang saad at hindi na niya inaasahan pang magsalita ang kahit na sino sa amin dahil kaagad na siyang naglakad paalis habang damang-dama ang gigil sa kanyang bawat hakbang. 

Ilang sandaling katahimikan ang nangibabaw sa aming lahat na nandito sa kumpol. Si Adelrick ay halatang problemado, si Leofwine ay umiiyak pa rin sa tabi ko, habang si Ellionoir ay kalmado lamang at inosenteng nakatingin sa paligid na nagdulot nang lalong pagtaas ng altapresyon ko. 

Sandali muna akong pumikit upang kalmahin ang aking sarili at pagkaraan ng limang segundo ay iminulat ko na ito. Sakto namang nagtama ang mga mata namin ni Ellionoir at alam ko na ang tingin na ibinibigay niya sa akin ay tila ba hinahamak ako. 

"Ha. . ." Buntong hininga pa ni Adelrick saka niya dinaluhan si Leofwine upang kausapin ito ng mga detalye malamang ay tungkol sa nagbigay ng bulaklak. 

"Ayos ka lang ba, Prinsesa Eliana? Mayroon po bang problema?" Nag-aalalang tanong ni Leandra sa akin na mukhang kagagaling lamang sa labas at ngayon niya lang nalaman ang mga kaganapan dito. 

"Humingi ka ng paumanhin sa mga parokyano. Sabihin mo ay may maliit lamang na hindi pagkakaintindihan dito." Malamig kong utos sa kanya habang ang mga mata ko ay nananatili pa rin kay Ellionoir at wala akong balak alisin ito. 

Hindi ko na rin hinintay pang sumagot si Leandra dahil dahan-dahan na akong naglakad palapit kay Ellionoir na inosente pa rin nakatingin sa akin at mukhang hindi pa siya natapos sa pakikipaglokohan dahil ikinubli niya ang kaba na nararamdaman niya sa pamamagitan ng pagngisi sa akin ng napakalambing. 

Nang tuluyan na akong nakalapit sa kanya ay tuwid akong tumayo sa kanyang harapan dahilan para bahagya akong magbaba ng tingin sa gawi niya dahil sa tangkad ko. Saglit pa kaming nagtitigan at sinisiguro kong hindi ako iiwas ng tingin hangga't hindi nabubura ang ngiti sa kanyang mga labi. 

"M. . . May problema ba, Eliana?" Kinakabahan na niyang tanong ngunit nandoon pa rin ang ngiti sa kanyang mga labi na kanina ko pa gustong-gusto burahin. 

Hindi naman ako kaagad sumagot dahil kinalkula ko muna ang mga salitang nais kong sabihin sa kanya. 

"Eliana, ayos ka lang b---" 

Hindi na niya natuloy ang kanyang sasabihin dahil unti-unting sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Hindi lamang ito basta ngiti ngunit ito na ata ang isa sa pinakasarkastikong ngiti na ipinakita ko sa ibang tao na halos magmumukha na itong ngiwi. Dahan-dahan ko rin inabot ang laso na parte ng aming uniporme. 

"Alam mo bang hindi ako mahilig makipaglaro, Ellionoir?" Malambing kong panimula habang marahang hinihimas ang tela ng kanyang laso. Unti-unti ko na rin itong hinihila paalis upang matanggal ang pagkakabuhol nito. 

Diretso ko rin tiningnan sa mga mata si Ellionoir na halata na ang kaba dahil sa tensyon na namamagitan sa amin. 

"Dalawa lang kasi ang nagiging resulta kapag nakikipaglaro ako. Una, ako ang nananalo at ikalawa. . ." Sinadya kong putulin ang susunod kong sabihin upang marahas at pasimpleng higitin ang kanyang laso palapit sa akin dahilan para mapalapit ako sa kanyang tenga. Dinig ko pang impit siyang napasigaw sa ginawa ko pero wala akong pakialam doon. ". . . at ikalawa, sisiguruhin kong ikaw ang matatalo." 

Dama ko ang paninigas ng kanyang katawan dahil sa sinabi ko pati na rin ang bahagyang pangangatog ng kanyang mga braso. Mas lalo naman akong napangisi dahil nakuha ko rin ang reaksyon na inaasahan ko sa kanya. Buong akala ko pa naman ay ipagpapatuloy niya ang pagngisi sa akin dahil kapag di ako nakapagpigil ay ako na mismo ang 

Tumayo na rin ako ng maayos sa kanyang harapan at muling ibinalik ang malambing na ngiti sa aking mga labi. Marahan ko rim ibinuhol ang kanyang laso habang sinusubukan hulihin ang tingin niya na halos paiyak na. 

Sa inis ko na hindi siya nakatingin sa akin ay inabot ko ang kanyang baba at marahas na hinarap sa akin. Kagat labi at namumula na ang kanyang mukha na napilitan siyang tumingin sa mga mata ko. 

"Kaya huwag kang magpapahuli sa mga katarantaduhan mo, Ellionoir." Banta ko habang marahas ko pa rin na ibinubuhol ang kanyang laso at pinandidilatan siya ng mga mata. "Dahil kapag nahuli kita sa akto, hindi lang kita paiiyakin kundi sisiguraduhin kong magtatanda ka sa mga ginagawa mong patalikod na pagtira sa akin, Ate." Pagdidiin ko pa sa salitang ate bago ko marahas na binitawan ang kanyang laso. 

"Eliana, Ellionoir, ayos lamang ba kayo?" Sakto naman na dumating si Adelrick sa gawi namin marahil ay tapos na siya sa ginagawa niyang pagtatanong kay Leofwine na hindi na siya dapat pa nag-abala. 

"Huwag kang mahihiyang maglibot sa botika, Ate. Ipaalam mo kaagad sa akin kapag may nagustuhan ka dahil namimigay naman ako at ayoko nang nakikipagkumpetensya." Makahulugan ko pang saad bago ako tuluyang tumalikod sa kanya at naglakad habang madilim pa rin ang aking ekspresyon. 

Sinasabi ko na nga ba at mas nakakatakot talaga kalaban ang taong inosente at nasa loob ang kulo dahil hindi ko alam kung kailan ba sila totoo o hindi o baka naman hindi talaga sila kailanman naging totoo sa iba maging sa kanilang sarili. 

*****

"Ha. . ." Malakas kong buntong-hininga sabay tanggal ng suot kong roba na terno sa aking damit.

Matapos ng naganap kanina kay Ellionoir ay nagpatuloy pa rin ang araw ko ngunit dahil mukhang sunod-sunod ang mga masasamang elemento na dumating sa botika ko ay napagdesisyunan ko munang lumabas at magpahangin sandali. Marami na rin ang tao sa loob pero hindi ko na kinakailangan problemahin iyon dahil mukhang kinakaya naman nila ang mga trabaho kahit pang alam kong baguhan pa lang ang halos lahat ng mga kasama ko sa pagnenegosyo maliban kay Vien. 

"Gusto kong magyosi." Mahinang bulong ko habang napapalingon na lang ako sa paligid upang maghanap nang mangangatngat. 

Hanggang ngayon pa rin talaga ay hindi pa rin namamatay ang bisyo ko na pagyoyosi. Hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin ng dila ko ang lasa non. Pero syempre, hindi ko puwedeng basta-bastang sanayin ang katawang ito sa pagyoyosi dahil wala naman yosi dito at mukhang napakaingat ni Eliana sa kanyang katawan dahil hindi ko man lang naramdaman noon na nalulong siya sa kahit anong masamang bisyo kahit pag-inom. Mukhang ako pa nga ata ang may masamang impluwensya sa batang 'to. 

"Pero bawi naman sa utak, Eliana, di ba?" Mahinang tanong ko rin sa sarili ko habang inuunat ang aking mga braso. Mukhang mas matalino naman ako kaysa sa orihinal na may-ari ng katawang ito. Mas mabait nga lang siya. Tsk. 

Habang naglalakad-lakad ako ay napansin ko ang isang pamilyar na dalaga na nakatayo sa may gilid ng aking botika. May kasama siyang dalawa pang alalay at mukhang may nagaganap na pilitan sa kanila dahil kulang na lang nila ay pagtulakan nila ang dalaga na pumasok sa loob. 

Ano na naman ba ang problema ni Neola? 

*****

-NEOLA-

"Prinsesa Neola, halos trenta minutos na po tayong nandito sa labas. Bakit ayaw niyo po bang pumasok?" Nagtatakang tanong ni Kara sa kanyang amo habang panay din ang tulak nito sa loob. 

Hindi naman nagpatinag si Neola sa kanyang kinalalagyan at mas lalo na lamang natuod dito. 

"S. . . Sinabi ko naman sa inyo na dadaan lang ako dito dahil pinilit ako ni Kuya. Hindi ko na kailangan pang pumasok." Pagdadahilan pa ng dalaga habang nakakapit din ito sa isa sa mga poste habang ang isang kamay ay hinihila rin ng kanyang alalay. 

"Pero, Prinsesa Neola, ilang araw ka nang nagpapabalik-balik dito dahil gusto mong makausap si Prinsesa Eliana di ba?" Paliwanag naman sa kanya ni Cheria na isa rin sa mga alalay ni Neola. 

Kaagad naman nakaramdam ng hiya si Neola dahil sa kanyang narinig, Hindi siya makapaniwala sa sarili niya na ilang araw na pala niyang pinipilit makausap ang kanyang kapatid gayong dati ay wala talaga siyang pakialam dito. Mas lalo lang din siyang nakaramdam ng hiya dahil magmula nang maligtas sila noon mula sa mga sindikato ay hindi na niya natukoy pa kung maayos na nga ba ang relasyon na namamagitan sa kanila bilang magkapatid. 

"H. . . Hindi ako nagpapabalik-balik dito!" Namumulang depensa ni Neola na hindi na halos alam kung saan pa titingin dahil sa pagkataranta. "Nagkataon lang talaga na kailangan kong bumili ng bagong mga damit k. . .kaya tinitingnan ko lang mula dito ang disenyo ng mga damit niya." 

"Bakit hindi ka na lang pumasok sa loob kung bibili ka pala ng damit ko?" 

Halos manigas naman si Neola s akanyang kinatatayuan nang makilala ang boses na nagmula sa kanyang likuran. Dahan-dahan niya pa itong nilingon at mas lalo lamang siyang nakaramdam ng hiya matapos matukoy na si Eliana nga ang kaharap niya ngayon. 

"Pagbati sa ikapitong prinsesa ng Cymopoleia, Prinsesa Eliana."  Magalang na bati nina Kara at Cheria kasabay nang marahang pagyuko kay Eliana na nakakrus lamang ang mga braso at nakatingin sa kanila. 

"Anong ginagawa mo dito, Neola?" Pagbabalik-tanong ni Eliana sa kapatid na hindi na halos magkandaugaga kahahanap ng mga salitang sasabihin sa kapatid dahil hindi ito sanay magpakita ng malasakit sa ibang tao. 

"N. . .Napadaan nga lang ako." Masungit na pahayag ni Neola habang nakaiwas pa rin ito ng tingin at hindi halos makatingin kay Eliana. 

Hindi naman kaagad sumagot si Eliana sa kanya dahilan para magtaka si Neola sa pananahimik ng kanyang kapatid. Dahil dito ay kusa na lang tuloy niya sinalubong ang tingin ni Eliana at parang nagsisi siyang ginawa iyon dahil mas lalo lang siyang nailang sa kapatid. Bumabalik sa kanya ang mga alaala na kung saan naging malambing at mabait siya sa kapatid na halos kilabutan na siya kapag naaalala ang mga iyon. 

"Kung wala ka palang kailangan ay aalis na ako." Kibit balikat na saad ni Eliana at akmang tatalikod na sana siya kay Neola nang bigla nitong hawakan ang kanyang braso upang pigilan. 

Halatang nagulat si Eliana sa ginawa ng kanyang kapatid ngunit maging ang reaksyon ni Neola ay ganoon din. Para bang hindi siya makapaniwala na nagawa niyang hawakan si Eliana sa sitwasyon na hindi niya halos alam ang sasabihin dito. 

"Ah! Hindi ko sinasadya." Natatarantang pahayag ni Neola na kaagad binitawan ang kamay ng kapatid at mabilis na tumuwid muli ng pagkakatayo. 

Nagtataka naman siyang tiningnan ni Eliana habang nakakunot pa ang noo nito dahil kakaiba talaga ang ikinikilos ni Neola sa araw na ito. Hindi naman maamin ni Neola ang kanyang mga nais sabihin sa kapatid kahit pa ilang gabi na siya hindi halos makatulog dahil sa pagnanais niyang makausap ito. Ngunit dahil madalas din silang abala ay hindi siya makahanap ng tyempo na nag-iisa lamang ito o abala. Hindi rin niya magawang maalis ang hiya na nararamdaman niya sa kanyang katawan. 

Saglit pang nakipagtitigan si Neola sa kapatid upang humugot ng lakas ng loob upang makausap ito. Panay din ang hinga niya ng malalim upang kalmahin ang kanyang sarili. 

"Kara, Cheria, maaari niyo ba muna kami iwan ng kapatid ko. May pag-uusapan lamang kami sandali." Seryoso at pormal na saad ni Neola sa mga katuwang na para bang nakahugot na ito ng sapat na lakas ng loob. 

Hindi naman magkamayaw sa tuwa ang dalawang dalaga at hindi na ito nag-atubili pang magpaalam. Mukhang alam din nina Kara at Cheria ang pinagdaanan ng kanilang prinsesa makaharap lamang ang kapatid. 

"Dito tayo." Pormal pa rin na saad ni Neola at nauna na itong naglakad patungo sa isang bakanteng batong upuan. 

Kahit tuwid na magsalita at tumindig ay alam pa rin ni Neola sa sarili niya na kinakabahan siyang makausap si Eliana lalo na ang patungkol sa mga pinagsasabi nila sa isa't isa noong nasa barko pa lamang sila. 

"K. . .Kumusta ang pakiramdam mo? Kailan ka pa nakalabas ng ospital?" Nahihiyang tanong ni Neola ngunit pinanatili niya pa rin ang masungit na hitsura upang hindi mahalata ang kaba na nararamdaman niya ngayong katabi na niya si Eliana. 

"Ayos lang. Noong nakaraang linggo pa." Tipid na sagot naman ng kanyang kapatid. 

Matapos ng tipid na usapan na iyon ay wala na muling nasabi pa si Neola dahil hindi na niya halos alam kung paano padadaluyin ang usapan. Hindi rin naman kasi siya sanay makipag-usap sa iba dahil sa ugali niyang mahiyain at masungit. Halos ang mga katulong niya lang din ang nakikipag-usap sa kanya at dahil madadaldal ang mga ito ay hindi na niya kinakailangan pang mag-isip ng mga paksa upang dumaloy ang usapan nila. 

Pero iba ang sitwasyon niya ngayon! Mukhang parehas na sila ni Eliana na hindi rin makipag-usap sa ibang tao lalo na sa kanya. Hindi naman kasi sila nagkaroon ng maayos na usapan maging noong bago pa ito mawalan ng alaala. 

Sandaling nangibabaw ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Si Neola ay abala na sa pakikipagtitigan sa kawalan habang si Eliana naman ay sandaling pumikit upang ipahinga ang kanyang mga mata at upang damhin ang malamig na simoy ng hangin. Aminado si Neola na hindi siya nakararamdam ng inis o pagiging hindi kumportable kasama si Eliana at tahimik lamang sila. Bagkus ay tila ba kumportable at magaan sa pakiramdam ang atmospera na namamagitan sa kanilang dalawa. 

"Bakit pala---/Naaalala mo---" 

Halos mapatalon naman si Neola nang sabay pa sila ni Eliana na nagsalita. Nagkatinginan din silang dalawa ngunit imbes na kakitaan sila ng pagtataray sa isa't isa ay sabay na lamang silang napangiti at nag-iwas ng tingin. 

"Ako na lang muna magsasalita." Mabilis na saad ni Neola na halatang nakahugot na ito ng lakas ng loob. 

"Hindi, ako na." Saad naman ni Eliana na halatang nakikipag-unahan ito sa kapatid. 

"Ako na. Mas importante ang sasabihin ko." Pagpilit pa ni Neola at halata na ang determinasyon sa mga mata nito dahil pakiramdam niya ay kapag tatagal pa ang kanilang usapan ay lalo lamang mawawala ang tapang na kanina niya pa iniipon. 

"Tsk. Bahala ka. Anong kailangan mo?" Kibit balikat na pahayag naman ni Eliana sabay dekuwatro at ipinagrkus ang kanyang mga braso. Prente rin itong sumandal sa kanilang kinauupuan saka inihilig ang ulo sa gawi ni Neola. 

Bigla naman niya pinagsisihan ang pagpupumilit na maunang magsalita dahil muli na naman siyang dinuggol ng pagkailang at kaba ngayong nasa kanya na ang buong atensyon ni Eliana. 

"N. . . Naalala mo pa ba ang mga sinabi ko sa'yo noong nasa barko tayo?" Nahihiyang tanong ni Neola habang hindi halos makatingin sa kausap. 

"Alin doon? Medyo marami 'yon." 

"Lahat ng 'yon." Seryosong pahayag na niya. 

"Oh? Anong meron?" Kunot-noo at nagtataka namang tanong ni Eliana. Mukhang naghihintay din ito ng paliwanag mula sa kanya. 

"Hindi mo ba hihingiin ang paliwanag ko? Ang pormal na paghingi ko ng kapatawaran sa---" 

"Hindi kita mapapatawad sa mga ginawa mo kay Eliana, Neola." Mabilisang sagot ni Eliana dahilan para matameme na lang si Neola dito. 

Hindi rin alam ng dalaga kung ano ba ang una niya dapat maramdaman sa ilang salita lamang na narinig niya. Ang matakot dahil baka hindi na sila magkaayos pa ni Eliana o ang magtaka dahil tila ba nagsasalita ang kapatid niya sa ibang perspektibo at ibang Eliana ang tinutukoy nito. 

"Wala akong karapatan gawin iyon at hindi ko alam kung magagawa ko pa 'yon." Makahulugang saad pa ni Eliana at nag-iwas na ito ng tingin na para bang mayroong malalim na iniisip. 

"A. . .Ano ang ibig mong sabihin? H. . . Hindi ko maintindihan." Nauutal at kinakabahan na tanong ni Neola. 

Hindi niya lubos maintindihan kung bakit parang ibang tao ang kausap niya ngayon at ibang Eliana ang pinatutungkulan nito. Nagkataon lang ba na ganito na magsalita si Eliana ngayon? 

"Hindi ko na maalala lahat ng ginawa mo sa akin, Neola." Muli siyang nilingon ng kapatid at diretsong tinitigan sa mga mata habang nakataas ang isang kilay nito. "Hindi ba mas mabuti kung hindi mo na uungkatin ang mga bagay na iyon ngayong hinihingi mo ang kapatawaran ko? Hindi ka ba natatakot na kamuhian kita kapag naalala ko pa ang mga ginawa mo sa akin?" 

"Alam kong may possibilidad na hindi mo na ako mapatawad dahil sa mga ginawa ko sa'yo. Pero hindi ko itatanggi ang mga kasalanan na ginawa ko noon dahil sinaktan kita mismo sa pisikal at emosyonal na aspeto." Malungkot na saad ni Neola na halos naging bulong na ito dahil sa hiya na nararamdaman niya. 

"Isa ka ba sa mga dahilan kung bakit ako nabagok?" Seryoso at diretsahang tanong ni Eliana habang ang mga mata nito ay hindi niya inaalis kay Neola. 

Mabilis din na tumanggi si Neola sa paratang nito kasabay ng sinsero at mariing pag-iling. 

"Hindi ko kailanman ninais magdulot ng kamatayan sa mga kapatid ko. Kahit gaano pa kalaki ang inis at galit ko sa'yo noon, hindi ko magagawang ilagay ka sa kapahamakan na buhay mo ang maisasaalang-alang." Paliwanag pa nito habang hindi rinn niya inaalis ang pagkakatingin sa mga mata ni Eliana. 

Sandali naman nangibabaw ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Mukhang tinatantsa ng kapatid niya kung nagsasabi siya ng totoo habang si Neola naman ay hindi na halos mapakali dahil sa bilis ng tibok ng kanyang puso at sa magkakahalong emosyon na nararamdaman niya ngayon. 

"Kung gayon ay sino ang tumulak sa akin, Neola? May alam ka ba sa nangyari sa akin noon kung bakit nawala ang alaala ko?" 

Hindi naman kaagad nakasagot ang dalaga dahil tila ba nanumbalik sa kanya ang alaala bago pa man mabagok si Eliana. 

Sa pagkakatanda niya ay naglalakad siya noong mga oras na iyon tungo sa hardin upang magpinta nang hindi niya inaasahan na masasaksihan ang pagtatalo nina Eliana, Caitrionna, at Sunniva malapit mismo sa bangin. Aminado siya na napangunahan siya ng kawalan ng pakialam sa mga nangyayari sa kanyang pamilya kaya hindi na siya nagtangka pang makialam o magsumbong man lang. At isa pa, natatakot din siya na baka gantihan ni Sunniva ang kanyang Mama Orianna kapag napag-alaman na siya ang nagsumbong sa mga ito. 

Bukod pa doon ay hindi niya rin naman nakitang tinulak nila mismo si Eliana sa bangin lalo na at umalis na siya bago pa lumala ang pagtatalo ng mga ito. Kinabukasan ay napag-alaman na lamang niya na malala na ang lagay ng kanyang kapatid at mas lalo pa siyang nakonsensya nang nalaman niya na nawalan din ito ng alaala. Hindi na maitatanggi pa ni Neola na naging duwag din siya ng mga oras na iyon. 

"Si Mama Sunniva at Ate Caitrionna ang huli kong nakitang kasama mo malapit sa bangin. Ang huli kong natatandaan bago ako umalis ay nagtatalo kayong tatlo at mukhang dehado ka sa kanila. Hindi ko na naisipan pang sumingit o tulungan ka dahil---"

"Alam ko na." Malamig na tugon ni Eliana dahilan para mapakagat-labi na lang si Neola dahil sa labis na konsensya na nararamdaman niya ngayon. "Kahit naman ipaliwanag mo pa ang saloobin mo noon, hindi ko rin naman mabibigay sa'yo ang kapatawaran na ninanais mo." 

Mistulang patalim naman na sumaksak sa puso ni Neola ang narinig niya mula sa kapatid. Naikuyom na lang din niya ang kanyang mga kamao upang hindi siya pangunahan ng kanyang emosyon at upang kalmado pa rin niyang mapaliwanag sa kapatid ang kanyang mga kahilingan. 

Sandaling nanahimik si Neola upang kalmahin ang kanyang sarili. Umayos din siya ng upo at humarap sa gawi kung saan papalubog na ang araw. 

"Lumaki tayong magkalayo ang loob sa isa't-isa at magkakumpetensya. Bawat kilos natin ay kinakailangan papabor kay ama o di kaya'y hindi dapat madudungisan ang pangalan ng mga Agrigent bilang perpektong pamilya sa mata ng mga mamamayan. Kahit kailan ay hindi tayo nagkasundo o nagpakita ng pagmamahal sa isa't-isa lalo na sa parte ko bilang nakatatandang kapatid mo. Itinatak ni Mama Orianna sa amin ni Kuya Caedmon na kailanman ay hindi namin kayo maaaring itrato bilang mga kapatid dahil iisa lang ang layunin namin at iyon ang makuha ang pabor at trono ni Ama at ang pamahalaan ang Cymopoleia. 

"Sa lipunang kinalakihan natin, Eliana, kung hindi mo makukuha ang pabor ng isang lalaking may mataas na katayuan sa lipunan ay hindi ka mabubuhay. Kung tayong magkakapatid na mga babae ay nakatatanggap na ng diskriminasyon sa mga tauhan natin, paano pa kaya ang mga kaganapan sa labas ng matayog nating tarangkahan? Hindi ko na maisip kung ano pa ang nangyayari sa mga kababaihan sa bayan, sa mga nayon, o sa mga liblib na bahagi ng Emperyo dahil alam kong mas nanaisin ko na lang ang mamatay kaysa danasin ang mga iyon. Kaya naman ginawa ko ang lahat upang kunin ang pabor ni Ama bilang may pinakamataas na katayuan sa lipunan at bilang tunay kong ama. Ginawa ko ang lahat para makita ko man lang sa mga mata niya na mahal niya rin ako bilang anak niya, na pantay-pantay tayo sa paningin niya. Kahit ang pagmamahal na lang ni Papa Dareios, sapat na sa akin." Hindi na mapigilan pa ni Neola ang panginginig ng kanyang boses kaya naman yumuko na lamang siya at mariing pumikit. Natatakot siya na baka ano mang oras ay lalandas na sa mga mata niya ang mga luha na kanina niya pa pinipigilan bumagsak. 

"Dahil ang totoo nyan ay hindi ko naman kailanman hinangad maupo sa trono o ang pamunuuan ang ano mang kaharian pagka't hindi ko rin naman magagawa iyon dahil babae ako. . ." Napakagat labi na lang dina ng dalaga nang sambitin ang mga katagang ito. 

Hindi siya makapaniwalang nagagawa nang lumabas sa kanyang bibig ang reyalidad ng mga kababaihan sa emperyo ng Elior. Kung gaano kababa at kahina ang tingin sa kanila na kinakailangan niya pang manlimos ng pabor sa iba para lang mabuhay. Pero hindi niya sukat akalain na ang lilimusan niya pa ng pagmamahal ay ang sarili niya mismong kadugo at pamilya. 

"Gusto ko lang maranasan magkaroon ng masayang pamilya, Eliana." Sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan pa ni Neola ang umiyak. Dahan-dahan na rin siyang nag-angat ng tingin kay Eliana at kasabay nito ay ang sunod-sunod na pagtulo ng luha sa kanyang magkabilang mga mata. 

"Hindi man kita sa ugali ko pero gusto ko rin maipadama sa inyo kung gaano ko kayo kamahal kahit unti-unting nilalason ang utak at puso ko ng mga paninira sa mga kapatid ko. Hangad ko lang din naman ay ang maramdaman ang tunay na pagmamahal mula sa isang kadugo. Kahit iyon lang, sapat na sapat na sa akin iyon. Ang mahalin kayo at ang mahalin niyo rin ako pabalik bilang isang pamilya ang nag-iisang hiling ko lang sa buhay kong 'to" Iyak niya pa habang hinahayaan na niya ang kanyang sarili lamunin ng labis na hinagpis at lungkot na ilang taon niya rin kinimkim. 

Wala nang pakialam pa si Neola kahit pa pinagtitinginan na siya ngayon ng ibang tao o kahit hindi na niya halos makita ang ekspresyon na ibinibigay ni Eliana dahil sa labis na luha na tumatabing sa kanyang mga mata. Ang nais niya na lamang ngayon ay maiiyak ang ilang taong emosyong na tinago at hinulma niya upang maging galit. 

"Pagod na ako, Eliana. Pagod na akong manlimos ng pagmamahal kay Ama. Pagod na akong sumunod sa mga kagustuhan ni Ina na labag naman sa aking kalooban. Nasasaktan na ako sa tuwing nakikita kong maayos na ang relasyon niyo ng mga kapatid natin habang ako ay hindi pa rin makausad sa pagiging makasarili at duwag ko. Ayoko na ng ganoon, Eliana. Ayoko na." Sa pagkakataong ito ay tinakpan na ni Neola ang kanyang mga mata gamit ng kanyang mga kamay. 

Mistulang bata ito na umiiyak at humahagulgol sa harapan ng kanyang nakababatang kapatid na mula pa kanina ay hindi nagsasalita at hinahayaan lamang siya sabihin ang mga nais niyang sabihin. 

"Kahit hindi mo ako mapatawad, Eliana, wala na akong iba pang magagawa kundi ang tanggapin ang tugon mo sa akin. Pero, sana, kung maaari lang, kung puwede. . ." Sinadya ni Neola putulin ang huli niyang sinasabi upang muling salubungin ang tingin ni Eliana kahit patuloy pa rin siya sa paghikbi. ". . .bigyan mo ako ng pagkakataon ituring kang kapatid." Bakas ang labis na pagmamakaawa, desperasyon, at lungkot sa tinig nito. Kahit sino marahil ang makaririnig sa boses at iyak ni Neola ay talaga namang mahahabag dahil damang-dama talaga kung gaano ito kabigat at katindi. 

Ilang sandali lamang ay naramdaman na ni Neola ang tila ba mainit na mga daliri na pinupunasan ang mga luha sa kanyang pisngi. Kusa naman nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang mapagtanto kung gaano na kalapit si Eliana ngayon sa kanyang tabi at mahinahon na nakatingin ng diretso sa mga mata niya. 

"Huwag ka na umiyak." Malamyos na saad ni Eliana habang patuloy pa rin ito sa pagpunas ng kanyang luha. 

Hindi alam ni Neola kung bakit naalala niya ang isang alaala na kung saan ganito rin ang ginawa sa kanya ni Eliana noong mga bata sila. Naabutan siya nito noon umiiyak matapos sampalin ng kanyang mama Orianna at matapos masabihan na sayang lamang at naging babae siya. 

Huwag ka na umiyak, Ate Neola. Kahit anong mangyari ay nandito lang ako sa tabi mo. Kahit ipagtabuyan mo ako, kahit kamuhian mo ako, mananatili pa rin akong si Eliana na nakababatang kapatid mo dahil pamilya tayo. Mahal ko ang pamilya ko at alam kong ganon ka rin, Ate. 

"Huwag kang kailanman mamalimos ng pag-ibig, Ate. Ang pag-ibig ay malayang ibinibigay ng mga taong karapat-dapat na mahalin ka at karapat-dapat tumanggap ng pagmamahal mula sa iyo." Seryosong saad pa ni Eliana sa kanya dahilan para muli na naman tumulo ang kanyang mga luha. 

Imbes na punasan ang kanyang mga luha ay dahan-dahan idinikit ni Eliana ang kanyang noo sa kapatid at marahang pumikit. "Dapat kang magpasya sa minutong ito na hindi na muling humingi ng pagmamahal, paggalang, at atensyon sa sinuman na dapat mong ipakita sa iyong sarili. Matapang ka at mabuti kang tao, Neola. Alam mo ang halaga mo at patunayan mo sa sarili mo kung gaano ka kahalaga na hindi mo kinakailangan mamalimos ng pagmamahal sa iba." 

Hindi rin alam ni Neola kung bakit pero kusa na lang niya niyakap si Eliana at malakas na umiyak dito. Ibinaon niya rin ang mukha sa leeg ng kapatid at dito niya iniyak lahat ng kinikimkim niyang galit at sakit hindi para sa ibang tao kundi para sa sarili dahil kung noon pa man ay nakita na niya sana ang halaga niya ay hindi na sana niya pinagtuunan ng atensyon kung paano kukunin ang pagmamahal ng kanyang ama at ina. 

Sana pala noon pa lang ay ipinakita na niya sa mga taong nagmamahal sa kanya ang pagmamahal na nais niya rin ipamahagi sa mga ito. 

Hinayaan naman siya ni Eliana umiyak habang marahan nitong hinihimas ang kanyang buhok. 

"Hindi naman ibig sabihin nang hindi kita mapatawad ay hindi na kita maaaring makilala, Neola. Sa buhay kong 'to, sa bagong pagkakataon na ibibigay ko sa'yo, hahayaan kitang muling mapalapit sa akin bilang kapatid at bilang kapatawaran mo na rin sa sarili mo."  Mahinang bulong pa ni Eliana dahilan para maramdaman niya na ngayon kung ano ba ang pakiramdam ng yakap ng isa sa mga kapatid niyang babae. 

*****

- ERYX - 

Hindi halos magkandaugaga si Eryx sa paglalakad para lamang marating ang botika ni Prinsesa Eliana. Sakto kasi kaninang paalis na siya ay nagpatawag ng biglaang pagpupulong ang kanyang ama kasama ang ilang miyembro ng konseho dahil sa tila ba pagkakaroon na naman ng paramdam sa Maura. 

Ilang araw na raw nila itong inoobserbahan at tingin nila ay may bago na naman itong binubuong plano dahil sa madalas na paglitaw ng tila ba itim na usok mula sa kaharian nito at ang panaka-nakang pagdilim ng kalangitan sa palibot ng Maura. Lubos na nababahala si Eryx sa mga kaganapang ito kaya naman kahit may iba siyang priyoridad para sa araw na ito ay inuna niya muna ang makipagpulong upang malaman ang susunod na mga hakbangin ng kanilang emperyo. 

Sa kasamaang palad ay inabot ng ilang oras ang kanilang pagpupulong dahilan para halos gabi na nang makaalis siya sa palasyo at kaagad na dumiretso sa botika. Halos lakad-takbo na rin ang ginawa niya nang makababa siya sa kanyang Mouflon para lamang maabutan ang pagbubukas nito o maging ang dalagang kanina niya pa ninanais makumusta. 

Habang tinatahak niya ang daan patungo sa Phoenix, ang botika ni Eliana, ay hindi niya naman sinasadya mahagip ng kanyang paningin ang isang pamilyar na rebulto ng dalaga na nagtatampisaw ng paa nito sa ilog hindi kalayuan sa kanyang kinatatayuan. Nakalaylay ang ginto at mahabang buhok nito habang sumasayad sa damuhan ang hibla ng suot nitong kulay dilaw na bestida na bahagyang may kanipisan. Bukod dito ay halos nagliliwanag ang makinis nitong balat sa liwanag na nagmumula sa buwan na bahagyang tinatanaw ng dalaga. 

Kusa naman napatigil si Eryx sa paglalakad nang masaksihan ang tanawin na ito. Hindi siya makapaniwala na ang babaeng kanina niya pa ninanais makita ay nandito na ngayon sa kanyang harapan at kalmadong nakatanaw sa kalangitan at sa maliwanag na buwan. 

Ilang sandali pang nakipag-talo si Eryx sa kanyang sarili bago niya mapagdesisyunan na lumapit dito. Kusa na rin niyang tinanggal ang suot niyang roba saka ito marahang ipinatong sa likuran ng dalaga. 

Dahan-dahan naman itong nag-angat ng tingin sa kanya dahilan para sumalubong ang nakabibighani at malamig nitong asul na mga mata. Bakas sa tingin nito ang magkahalong pagtataka at gulat nang tuluyan na silang magkaharap sa isa't isa. 

Sandali muna na inayos ni Eryx ang pagkakapatong ng kanyang roba sa likuran ni Eliana bago siya nagsalita. 

"Malamig na ang simoy ng hangin. Anong ginagawa mo dito?" Kalmadong tanong niya at kahit anong pilit niya na itago ang pag-aalala ay kusa pa rin itong nangibabaw sa kanyang tinig. 

Hindi naman kaagad sumagot si Eliana sa kanya. Bagkus ay tinitigan nito sandali ang kanyang mukha na tila ba sinisipat nito ang bawat anggulo at sulok ng kanyang hitsura bago umiwas ng tingin at bahagyang umiling-iling. 

"Ikaw? Anong ginagawa mo dito? Hindi mo ata suot ang maskara mo." Bakas ang tila ba pang-aasar sa tono ng dalaga dahilan para bahagyang mapangiti si Eryx dahil dito. 

"Hindi naman ako pumunta dito para magpatrol." Tipid na saad ni Eryx at naupo na ito sa kabilang bahagi ng upuan kung saan bahagya siyang nakatalikod kay Eliana.

"Kung gayon anong ginagawa ng prinsipe na katulad mo sa oras na ito? Himala at hindi ka nagkukulong sa opisina mo ngayon." 

"Dahil gusto kitang makita." Kusa na lang iyan lumabas sa bibig ni Eryx at halos huli na rin nang mapagtanto niya ang kanyang sinabi. 

Gulat naman siyang napaayos ng kanyang upo at mabilis na nilingon si Eliana na kunot-noo at nagtataka nang nakatingin ngayon sa kanya. Bigla naman siyang nakaramdam ng pag-init ng kanyang pisngi hanggang leeg dahil sa kahihiyan na inilalagay niya sa kanyang sarili. 

"A. . . Ang ibig kong sabihin ay gusto kita m. . . makita upang alamin kung maayos ba ang naging pagbubukas ng botika mo, kung wala bang naging aberya o problema." Pagdadahilan niya pa habang pinipigilan ang sarili na mautal at mas lalong mamula. 

Saglit lang din siyang nakatingin sa mga mata ni Eliana dahil siya na ang unang nag-iwas ng tingin dahil sa kahihiyan na nararamdaman. 

"Kung alam mo lang. . ." Buntong-hininga pa ni Eliana habang nilalaro pa rin nito ang tubig. 

Nakahinga naman ng maluwag si Eryx nang hindi na siya kinantsawan pa ng dalaga dahil sa naging kasagutan niya kanina. Baka mamaya ay baka kung ano pa ang kanyang maamin o masabi kahit alam niyang hindi pa siya handa sa kung ano mang depinisyon ng nararamdaman niya ngayon. 

"May nangyari bang hindi maganda kaya ka nandito?" Seryosong tanong naman ni Eryx sa kanya nang mapaghalatang malungkot ang tinig ng dalaga. 

"Wala naman. Nakakapagod lang makita at makasalamuha ang lahat ng kapatid ko sa iisang araw. Pakiramdam ko ay hinigop lahat ng lakas at katinuan ko." Pabiro pang pahayag ng dalaga habang ang atensyon nito ay nasa tubig pa rin. 

"Nagtalo na naman ba kayo ni Prinsipe Caedmon?" 

"Ha. . ." Muling buntong hininga ni Eliana. Dahan-dahan din itong tumingin sa kalangitan upang titigan muli ang buwan. "Hindi naman. Sadyang. . ." Pumikit pa ito sandali upang ikalma ang kanyang sarili bago magpatuloy sa pagsasalita. ". . .hindi lang ako sanay." Malungkot pa nitong dugtong. 

Hindi naman halos makasagot si Eryx dahil hindi niya rin alam ang konteksto ng pinagdaanan ng dalaga. Mukhang wala rin itong balak magkuwento sa kanya at hinahayaan lamang ang kanyang sarili na magkaroon ng panandaliang katahimikan. 

Nanatili lang din tahimik si Eryx habang pinapanood ang mga bituin at dinadama ang simoy ng hangin sa isang malamig na gabi. Bahagya rin nakasandal sa kanyang likuran ang dalaga kaya mas lalo lang siyang natuod sa kanyang kinauupuan. 

"Ikaw ba? Bakit ka ba nandito? Nandito ka lang ba talaga para kumustahin ang kalagayan ng botika ko? Huwag kang mag-alala, hindi naman kami gumawa ng kaguluhan sa bayan. Medyo lang, pero nalutas kaagad." May himig pa ng pagbibiro na saad nito marahil ay mayroon ngang naging aberya sa pagbubukas nito kanina. 

"Ang totoo nyan ay nais ng aking Ina bumili ng mga produkto mo." Diretsahang saad ni Eryx habang hawak ang sulat na ipinadala mismo ng kanyang ina kanina. 

"Ah. . ." Sandali naman umayos si Eliana ng pagkakaupo bago lingunin ang gawi ni Eryx. "Si Tita ba?" 

"Tita?" Naguguluhan at nalilitong tanong ni Eryx. 

"Sabi niya tawagin ko raw siyang Tita Hestia dahil lahat daw ng kaibigan mo ay Tita ang tawag sa kanya. Nakadaupang-palad ko siya kahapon lang. Mukhang alam niyang magkakilala tayo." Kibit-balikat at kaswal na kuwento ni Eliana habang mukhang inaalala nito ang mga kaganapan kahapon. 

"Magkaibigan tayo." Pagdidiin pa ni Eryx sa salitang kaibigan. "At tita. . ." naguguluhang saad pa nito. 

Hindi niya sukat akalain na aabot sa ganito ang pagkagusto ng kanyang ina kay Prinsesa Eliana na halos pinahintulutan na niya itong tawagin siyang Tita gayong ilan lamang ang mga babaeng nakatatawag sa Empress na Tita tulad na lamang nina Aonani at Mishal. 

"Bakit? Hindi ko ba siya dapat tawaging Tita? Sa totoo lang Empress lang din ang dapat kong tawag pero masyado siyang mapilit. Noong una nga ay Mama na kaagad ang suhestyon niyang  itawag ko sa kanya e sabi ko naman hindi mo ako nobya." 

"A. . .Ah. O. . .Oo." Napaawang na lang ang bibig ni Eryx sa gulat dahil sa kanyang mga narinig. 

Bigla na lang siya nakaramdam ng hiya dahil sa mga kalokohan ng kanyang ina na hindi na talaga nabawasan. Namroblema na tuloy si Eryx kung ano ang dapat ipapaliwanag kay Eliana kung bakit ninanais nitong matawag siyang Mama o Tita gayong wala rin siyang maisip na kahit anong salita dahil layunin lang naman ng kanyang ina na ganoon ang itawag sa kanya ng mga natitipuhan niyang manugang na babae. 

"Anong damit ang gusto niya? Bukas pa naman ata ang botika ko dahil wala pang alas-dyis. Pero hindi ko lang sigurado kung makakakuha ka ng damit ngayon dahil mukhang naubos na ang ---"

Akma sanang tatayo na si Eliana at isusuot ang kanyang sapin sa paa ngunit mabilis siyang pinigilan ni Eryx at muling pinaupo na bahagya niya naman ikinagulat. 

"Huwag ka munang tumayo. Basa pa ang mga paa mo." Seryosong pahayag pa ng Prinsipe. Inalalayan niya rin si Eliana na umikot paharap sa kanya. 

"Maupo ka muna dito. Pupunasan ko." Suhestyon pa niya at labis na ang pagpipigil niyang mailang dahil nakatingin sa kanya ang dalaga lalo na ng bigla siyang lumuhod sa harapan nito at naglabas ng isang malinis na tela. 

"Ha?! Bakit ikaw pa?!" Gulantang naman na pahayag ni Eliana at binabawi pa nito ang kanyang paa na pilit ipinapatong din ni Eryx sa isang tuhod naman nito. "Marunong naman ako magpunas ng sarili kong paa." Gulat pa rin na pahayag ng dalaga ngunit sadyang mapilit talaga si Eryx. 

"Maupo ka na lang." Seryosong pahayag pa ng binata at hindi na nito alintana ang pagpupunas ng paa ng isang dalaga. 

Kung tutuusin ay malinis naman ang paa ni Eliana kaya wala siyang nakikitang dahilan kung bakit naiilang ito. Nakita niya na rin ito noon pa man kaya hindi na sila naniniwala sa pamahiin na kiankailangan niya itong pakasalan kapag nakita ang kanyang talampakan. At isa pa, nag-aalala lang talaga siya dito na baka madulas pa ito kapag naglakad ng basa ang mga paa. 

Pilit pa rin binabawi ni Eliana ang kanyang paa pero dahil sa hinaba-haba nang pagpipilitan nila ni Eryx ay hinayaan niya na lang ito. 

Parehas naman walang nagsalita o kumibo sa pagitan nilang dalawa. Abala si Eryx sa ginagawa niyang pagpupunas at pagpipigil sa sarili na mamula lalo na at titig na titig ngayon si Eliana sa kanya at hindi man lang ito nakararamdam ng konting hiya upang bahagyang lumayo. 

"Nakuha mo ang mga mata mo sa Mama mo." Biglang saad ni Eliana dahilan para mapaangat ng tingin sa kanya si Eryx ngunit kaagad din ito nagbaba ng mata nang magsalubong ang tingin nila. "Parehas na berde, napakalalim, puro, at punong-puno ng misteryo. Pero mas may emosyon ang mga mata ng Empress." 

"Masayahing tao ang aking ina. Palagi rin siyang nakangiti at napakabuti niyang tao dahil mahal na mahal niya ang kanyang pamilya at ang kanyang nasasakupan." Mistulang ipinagmamalaki naman ni Eryx ang kanyang ina dahil sa tono ng kanyang boses. 

"Mukhang hindi lang ang mga mata mo ang namana mo sa inyong Ina." Bulong pa ni Eliana na hindi gaano narinig ni Eryx. 

"Ha?" 

"Wala. Hindi mo naman na talaga kailangan punasan ang paa ko." 

"Ayos lang." Kibit-balikat na sagot naman ni Eryx na halos patapos na rin sa kanyang ginagawa. "Mukhang kanina ka pa nakababad dyan. Bahagyang kumulubot na ang talampakan mo." dagdag komento niya pa. 

"Tapos na." Kaswal niyang sagot. 

Inalalayan niya pa ang dalaga magsuot ng sapin nito sa paa bago tumayo. 

Sabay na rin sila naglakad pabalik sa botika habang kaswal lamang ang distansya na namamagitan sa kanila. 

"Mabuti naman at nagawa mo pa akong dalawin kahit abala ka. Mukhang gusto mo nga talaga ako makita." Panimula pa ni Eliana na may himig nang pang-aasar. 

Gulat naman siyang nilingon ni Eryx at balak pa sana niyang depensahan ang kanyang sarili nang bigla na lamang hawakan ni Eliana ang kanyang pulu-pulsuhan at bahagya itong hinigit. 

"Gusto ko rin ipakita sa'yo kung paano nagsisimula ang plano natin sa botikang iyon dahil sa pagkakataong ito, kasama kita dito." Magiliw na pahayag pa ng dalaga at hinila na niya ang Prinsipe tungo sa direksyon ng kanilang botika. 

Habang pinagmamasdan ang likuran ng binibining ilang araw nang hindi nawawala sa kanyang isipan ay tanggap na niya sa kanyang sarili na ang bawat segundong nakasasama niya ito ay mas lalo lamang lumalalim ang kung ano man nararamdaman niya dito. 

>>>>>>>>>>>>>>>>>>>

Continue Reading

You'll Also Like

176K 4.2K 56
Bella isn't a trouble maker. She just wanted to be alone and not bothered by anyone but people just really like to get on her nerves that is why she'...
21.4M 698K 46
Ingrid is being stalked by a mysterious stranger. She thinks he's a psycho and is deeply afraid of him. However, her curiosity got the better of her...
307K 10.6K 97
[ COMPLETED ] NOTE: If you don't like a story with weak-to-strong character development, I advice you to skip this story. Si Charlotte ay isang mag-a...
72.5K 2.5K 31
Nine peculiars and gifted members of a gang. They're not your typical trouble makers, instead they fight for what is right. But did you know what ma...