Chapter 10: Huling Sayaw

68 16 7
                                    

Ito na ang ating huling sandali
Hindi na tayo magkakamali
Kasi wala nang bukas
Sulitin natin ito na ang wakas

Pagkatapos ng Graduation Ceremony ko ay agad akong pumunta sa ospital. Dala-dala ko pa yung toga ko. Sinamahan na rin ako ng pamilya ko para makita na rin si Jerry. Nakilala na ni Jerry yung pamilya ko nung grumaduate ako nung high school. Kaya nag-alala rin sila nung nalaman nilang naospital si Jerry.

Pagdating ko dun ay parang walang pinagbago. Hindi pa rin gising si Jerry at halos mawalan na ng tulog sina Tita at Lili. Hinayaan kong mag-usap sina Mama at Papa kasama si Tita. Si Lili naman, pinatulog ko muna dun sa may long bench. Ako na muna ang magbabantay kay Jerry.

Hinawakan ko ang kamay ni Jerry saka sinimulan siyang kausapin kahit na mukhang hindi naman niya ako maririnig. "Jerry, graduate na ako. Proud ka ba sa'kin?" Matagal ko siyang tinignan, as if waiting for his reply. Yumuko ako para itago yung luhang namumuo sa mga mata ko. "Jerry, gising ka na, please."

Tahimik akong humihikbi nang maramdaman kong hinigpitan ni Jerry yung hawak niya sa kamay ko. Agad na napaangat ang ulo ko para tingnan kung gising na nga siya. Malimit niyang sinubukang buksan ang mga mata niya. "Lili, gising na si Jerry," paggising ko sa kapatid niya.

Agad na bumalikwas sa pagkahiga si Lili saka tinignan kung gising na nga ba si Jerry. Mabilis niyang binalita yun sa nanay niya. Narinig din yun nila Mama at Papa kaya pumasok din sila agad.

Nginitian ko siya saka pinisil ang kamay niya. Tinaas ko yung graduation cap ko saka binalita sa kanya, "Graduate na 'ko."

Kita kong mas lumawak pa ang ngiti niya sa balita ko sa kanya.

_____

Pagkatapos i-check ng doktor ang vitals ni Jerry ay agad niyang kinausap si Tita sa labas. Umuwi muna sina Mama at Papa para ayusin ang unit ko. Bumili naman ng makakain si Lili para makakain na rin kami.

Mahina ko siyang sinuntok sa braso niya. Hindi naman siya umaray kaya alam kong hindi siya nasaktan. "Bakit hindi mo sinabi sa'kin 'to, ha?"

"Sorry," panimula niya. Isang salita palang 'yon pero naiiyak na agad ako. "Ayoko kasing makita mo akong nahihirapan."

"Sana sinabi mo na lang nang maaga. Edi sana sinamahan kita hanggang sa dulo," sabi ko sa kanya na may halong pagtatampo.

Nakita ko siyang umiling. "Ayokong samahan mo ako hanggang sa dulo kasi alam kong magkaiba ang dulo nating dalawa." Mas lalo kong hindi napigilan yung mga luha ko. "Nung una, hindi ko pa matanggap eh. Pero nung sinabi mo sa akin na mahal mo siya, doon ko na-realize na tama lang na pinakawalan kita dati. Ikaw man ang habang-buhay ko, pero iba yung iyo. May iba kang dapat makasama sa panghabambuhay mo. At naiintindihan ko 'yun."

Hindi ko mapigilan ang pagbuhos ng luha ko kasi hanggang sa huling sandali, kapakanan ko pa rin ang iniisip ni Jerry. Wala na akong ibang masabi sa kanya kaya niyakap ko na lang siya. Hindi ko pa rin maisip kung paano ako nakahanap ng ganitong pagmamahal mula sa isang tao.

_____

"Saan tayo pupunta?" tanong sa akin ni Alex.

"May ipapakilala lang ako sa 'yo," sabi ko sa kanya. Sinundo namin siya nina Kino at Tina sa unit niya.

Pagkasara ng pintuan sa back seat ay binati agad nila si Alex. "Hello, Alex! H'wag kang mag-alala. Hindi mo kailangang matakot. Kami lang 'to," sabi ni Tina sa kanya.

"Oo nga. Hindi naman 'to kidnap. Wag kang mag-alala," biro pa ni Kino na hindi naman talaga nakatulong.

Hinawakan ko ang kamay ni Alex saka siniguradong magiging ayos lang ang lahat. Tahimik lang ako habang nasa daan. Si Kino at Tina lang ang nagdadaldalan. Paminsan-minsan ay sumasabay si Alex kaya nakita ko naman na nawala na yung kaba niya kanina. Pero nung mapansin niyang sa ospital kami nag-park, agad siyang napatingin sa akin.

"May sakit ka ba?" gulat niyang tanong sa akin.

Napangiti ako sa ipinakita niyang concern sa akin. Umiling ako saka ngumiti sa kanya. Pagka-park namin ng sasakyan ay agad kaming pumunta sa kwarto ni Jerry. "Sino may sakit?" patuloy na pangungulit ni Alex hanggang sa makarating kami sa kwarto ni Jerry.

Pagkabukas ko ng pintuan ay nakita kong gising na si Jerry. Sinalubong ko siya ng ngiti saka pinapasok sina Alex. Natahimik si Alex nung hindi niya ma-recognize kung sino ang binibisita namin.

"Alex, meet Jerry. Siya yung ex ko," pagpapakilala ko kay Jerry sa kanya. "Jerry, meet Alex. Siya yung future fiancé ko."

They shook their hands pagkatapos ko silang ipakilala sa isa't isa. "It's nice to finally meet you," sabi pa ni Jerry habang nakikipagkamayan kay Alex.

Mabilis na binati nina Kino at Tina si Jerry saka lumabas din sa kwarto para bigyan kami ng privacy. Kita ko pa rin sa mukha ni Alex yung pagkalito niya. Iniisip niya siguro kung bakit ko siya dinala rito. Nag-request kasi si Jerry na ipakilala siya sa kanya. Habang binabantayan ko kasi siya, nakukwento ko sa kanya si Alex.

"Salamat, ha?" panimula ni Jerry. "Salamat sa pagtulong mo kay Chona. Ingatan mo siya," bilin niya na para bang naghahanda nang magpaalam kaya mabilis ko siyang sinita.

"Hoy! Ano ka ba! Bakit parang nagpapaalam ka na agad?" Tumawa siya sa sinabi ko. Nag-joke ba ako?

"Pinapaubaya lang kita sa kanya. May sinabi ba akong paalam?" Sinamaan ko siya ng tingin kasi nakuha niya pang maging sarcastic. Kung wala lang 'tong cancer eh kanina ko pa 'to sinaktan!

"Salamat din." Gulat ako nang sabihin ni Alex yun. "Hindi ko siguro siya makikilala kung hindi dahil sa'yo."

Pagkatapos nun ay lumabas muna ako para hayaan silang mag-usap. Actually, pinalabas nila akong parehas. Kakakilala palang nila sa isa't isa, parang close na sila agad? Tama ba 'yon?!

Habang naghihintay na papasukin ulit ako ni Alex ay umupo muna ako dun sa tapat ng kwarto ni Jerry. Sakto namang bumalik na si Lili mula sa campus niya. May suot kasi siyang ID kahit na naka-civilian. May inasikaso siguro.

Sakto namang pinapasok na ulit ako ni Alex sa kwarto kaya sinabayan ko na si Lili. Pero pinigilan ako ni Alex saka hinila ako palabas.

"Anong problema, Alex?" Kita ko sa mukha niya ang pag-aalala. Ano bang pinag-usapan nila kanina?

"Ako pa rin ba ang mahal mo?" diretsahan niyang tanong.

"Ano ba namang tanong yan, Alex? Syempre, oo!" Agad-agad niya akong niyakap nang marinig niyang sigurado ako sa sagot ko. "Ano bang sinabi sa'yo ni Jerry at natanong mo sa akin 'yan?"

Umiling siya. "Sa aming dalawa na lang 'yon. H'wag kang magagalit sa kanya. Ako lang 'yun." Niyakap ko siya nang mahigpit para patunayan na hindi nagbago yung nararamdaman ko sa kanya kahit na nawala yung galit ko kay Jerry.

Nanatili kami sa ganung pwesto nang biglang may doktor at mga nurses na tumatakbo papasok sa kwarto ni Jerry. Parehas kaming napabitaw sa isa't isa saka pumasok sa kwarto ni Jerry.

"Kuya!" sigaw ni Lili habang umiiyak.

Mabilis ding pumasok si Tita mula sa labas habang may hawak na plastic. Sinubukan niyang itago yung kaba niya sa amin sa paglagay niya ng kamay niya sa bibig niya. Pansin kong hindi niya na napigilan ang pagnginig ng katawan niya.

Toot!

Kung gaano katahimik si Tita ay ganun kalakas ang hagulgol ni Lili. Tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng kanyang mga luha. Kasabay nun ang pagsigaw niya sa Kuya niya. Kahit na ang hirap humanap ng pag-asa sa sitwasyong ito, kita ko na mayroon pa rin siya katiting na pag-asa sa bawat sigaw niya. Habang tumatagal, kasabay na nauubos ito ang paghina ng boses niya. "Kuya, lumaban ka, please," bulong niya, tila napagod na sa pagsigaw niya.

Toot!

Huli kong tinignan si Jerry. Halata kong pagod na ang katawan niyang lumaban. Pagod na siyang lumaban. Tapos na siyang lumaban. At sa pagsuko niya, sabay-sabay naming sinuko ang natitirang pag-asa sa puso naming makakasama pa namin siyang muli.

"Time of death: 12:51."

Hatid Sundo (Karaoke Nights, #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon