23: NAGPA-SHORT HAIR LANG BROKEN NA AGAD?

4 2 0
                                    

"W-What the?" Kahit kailan napaka-OA talaga mag-react ng mga kaibigan ko. "Oh? Bakit parang nakakita kayo ng multo?" tanong ko pa sa kanila.

"Hoy Sherlyn, nag-break ba kayo ni Yuward?" usisa naman ni Joy habang si Precious nama'y hinawak-hawakan pa 'tong bagong gupit kong buhok.

"Hindi naman siguro lahat ng babae kapag nagpagupit, broken." Kung saan-saan ko pa pinaling yung buhok 'ko para damhin ang gaan sa pakiramdam.

Ang presko pa rin pala talaga kapag maikli yung buhok mo. First time kong magpa-short hair, no'ng una ayaw pa ni mama dahil gusto niyang paabutin ito hanggang sa bewang ko.

Grabe naman kasi yung hanggang bewang, hindi ko alam pero para sa'kin mas komportable na 'ko ngayon. Nakakadagdag angas rin kasi 'to tsaka isa pa, wala namang masama kung may gusto kang baguhin sa sarili mo hindi ba?

Hinawakan ako ni Joy sa magkabilang balikat. "God, bagay na bagay sa'yo yung ganiyan. Hindi kagaya dati na parang ang payat payat ng mukha mo sa mahabang buhok. Saan ka nagpagupit by the way?" Kinuhanan pa niya 'ko ng litrato.

"Diyan lang sa kanto."

Tumikhim naman si Precious saka seryoso akong tiningnan. "Yung tanong ko hindi mo pa sinasagot." Sa aming tatlo kasi, siya yung bihasa na sa mga kung anu-anong isyu sa lovelife kaya madali siyang makahalata. Magaling rin siyang mag-advice kaya sa kaniya kami unang-unang humihingi ng tulong.

Napakamot ako sa batok, "Hindi kami naghiwalay 'no," sabi ko na lang.

Hindi naman sa broken ako o ano, pero nagtatampo lang ako kay Yuward. Ewan ko ba do'n sa lalaking 'yon. Member siya ng dance group sa baranggay namin, araw-araw siya kung mag-practice kaya ako naman todo support pa rin sa kaniya. Wala mang text o tawag akong natatanggap mula sa kaniya, ayos lang sa'kin dahil sanay na rin naman ako.

Hindi nga lang rin maalis sa isip ko yung performance nila kagabi sa plaza. Bwisit kasi, bakit dikit na dikit siya do'n sa ka-partner niyang babae kulang na lang maghalikan sila. Siguro nga nakalimutan niyang nanonood ako, sa bagay mas maganda sa'kin yung babaeng nakasayaw niya't naging dahilan siguro para mas mag-focus siya sa stage.

Parang nalalaswaan pa nga ako sa performance nila kagabi?

Iyon na 'yon? Akala ko pa naman bonggang-bongga dahil halos dalawang buwan silang nagsasanay.

Binalik ko ang tingin kay Precious na parang nananatiya pa. "Hindi kami naghiwalay..." pag-uulit ko. "Dahil ngayong gabi mismo, ako ang makikipaghiwalay sa kaniya," desidido kong sabi at inilapit nila ang mukha sa'kin sabay ngisi.

"Aba ang tapang mo na ngayon ah. Epekto na ba 'yan ng short hair?"

"Kung sa tingin mo hindi mo na deserve masaktan sa mga paulit-ulit na panggagago niya sa'yo, maganda nga sigurong makipaghiwalay ka na muna."

Parang may kung ano sa loob ko na nagtutulak sa'kin na ituloy ang plano ko. Hindi ko alam pero nato-toxic-an na 'ko sa relasyon namin. Kapag nagtatampo ako, nagtatampo rin siya. Ending, ako ngayon ang lalabas na may mali, ako yung manunuyo.

Kaya pwede ba? Hindi ako pinanganak para suyuin ang isang lalaking aarte-arte. Ang laki ng pinagbago niya, na pakiramdam ko'y parang obligasyon na lang niyang kausapin ako.

Huminga ako nang malalim habang nakakuyom ang mga kamao.

Masakit man para sa'kin, baka pwede namang ako na lang muna? Na sarili ko naman. Dahil pagod na pagod na 'ko sa kai-intindi sa kaniya. Kung talagang seryoso siya sa'kin hindi niya rin sana ako binibigyan ng dahilan para unti-unting mawala yung tiwala ko.

"Support kami sa'yo bestie, sasamahan ka namin. Nasaan ba siya?" tanong ni Joy habang sinusuklay ang buhok ko. Nagkibit-balikat na lang ako saka nagpatuloy kumain ng ice cream.

Nasa tabi kami ng kalsada para maghintay ng masasakyang pedicab papuntang plaza.

"Alam mo na ba yung mga sasabihin mo kung sakaling magkita kayo mamaya?" singit naman ni Precious.

Gustuhin ko mang kumalma pero hindi ko magawa.

"Mas mabuti na lang siguro kung maghiwalay na muna tayo..." usal ko habang nakatingin kay Joy. Ini-imagine ko pa lang na si Yuward itong kaharap ko, para akong maiiyak.

"Baka siguro sawa ka na? Baka siguro pagod ka na? O baka naman siguro may mahal ka nang iba?" Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung mga salitang binibitiwan ko, basta't ang alam ko lang, ito na ang huling beses na iiyakan ko siya.

"Huwag kang mag-alala dahil pinapalaya na kita. Mahirap man para sa'kin pero nasasaktan ako na makitang hindi ka na naging masaya sa'kin. Sinubukan kong higitan ang pagmamahal mo kaso parang kulang pa rin e..."

"Hindi na ako hihingi ng oras, hindi na 'ko magpapakatanga,hindi na 'ko manlilimos ng pagmamahal, hindi na 'ko iiyak dahil hindi na kita-"

"Hindi mo na ba 'ko mahal baby?" Nasa kalagitnaan ako nang paglalabas ng sama ng loob nang masagi ko ng tingin si Yuward na may dala-dalang isang bouquet ng bulaklak at human-size na teddy bear na matagal ko nang pinag-iipunan.

Nananalasa sa mukha niya ang pagod, matamlay ang ngiti niya, hanggang sa kinabig niya ko't binalot sa mainit niyang yakap.

"Say that once more baby, and I'll set you free..." Binalingan ko ang mga kaibigan kong sumusuntok-suntok pa sa ere.

Napabuntong-hininga ako't kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. Nahihirapan ako sa ganitong sitwasyon, hindi ko rin alam kung hanggang saan ko kayang lumaban.

"Hindi na 'ko manghihingi ng oras sa'yo, hindi na rin ako magiging kagaya nang dati. Nagdududa ako sa pagmamahal na binibigay mo ngunit gayumpama'y maiintindihan kita, iintindihin kita..." Sunud-sunod na pumatak ang mga luha ko.

"Dahil mahal kita."

Saktong pagkasabi ko niyon ay naghagalpakan sa katatawa ang mga kaibigan ko. Hindi ko na lang sila pinansin.

"Sabi na tapang-tapangan e. Hindi ka talaga broken, marupok ka!"

"Awit sa short hair mo bestie, ang rupok mo pa rin."

PLAGIARISM IS A CRIME. 
@jay.destro

That Golden Boy: Collection of Random Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon