Chapter One

1.1K 54 7
                                    


TUYO ang mga mata ni Alfonso habang nakatingin sa buhaghag na lupa sa kaniyang paanan sa sementeryo kung saan inilibing ang kaniyang ama’t ina. Kagaya ng huling kahilingan ng mga ito noon ay magkasama sa iisang kabaong ang dalawa. Hanggang sa huling sandali ay naipakita pa rin ng mga magulang niya ang pagmamahal ng mga ito sa isa’t isa. Pagmamahalan na hindi lang siya ang saksi kundi maging ang lahat ng nakatira sa Baryo Masinag.

Hindi inaasahan ng lahat ang kamatayan ng mga magulang ni Alfonso. Malakas pa ang dalawa. Sadyang biglaan ang nangyari.

Sakay ng owner-type jeep ang dalawa nang isang ten-wheeler truck ang nakabanggaan nito. Nawalan daw ng preno ang truck tapos lasing pa ang driver. Dagdag pa na gabi. Madilim. Sira pa ang headlights ng sasakyan ng mga magulang ni Alfonso. Magdadala kasi ng bigas ang mga ito sa baranggay hall para i-donate sa biktima ng nakaraang bagyo.

Naitakbo pa sa ospital ang dalawa. Sinubukan pang i-revive ng mga doktor. Pero hindi na nagawang manalo ng mga ito sa pakikipaglaban sa kamatayan.

Tatlong gabi na pinaglamayan ang mga magulang niya sa bahay nila. Marami palaging tao. Marami ang nakiramay. Noong buhay pa kasi ang mga ito ay wagas ang kabaitan. Hindi madamot lalo na kapag may nangangailangan ng tulong. Bukal ang puso sa kapwa kaya marami ang nagmamahal sa dalawa.

“'Tol, tara na?” Isang mahinang tapik ang naramdaman ni Alfonso sa kaliwang balikat.

Huminga siya nang malalim. Tumango-tango si Alfonso at humarap sa kaibigan at kababata na si Toper. “Tara na nga. Mukhang uulan, e.” Nagpatiuna na siya sa paglalakad.

Sumakay siya sa motor na regalo ng mga magulang niya noong nakaraang tao. Sinorpresa siya ng mga ito sa ika-tatlumpung kaarawan niya. Nag-iipon kasi siya ng pambili ng motor pero hindi niya inaasahan na uunahan siya ng mga magulang niya sa pagbili.

Tuwang-tuwa siya nang ibigay sa kaniya ang motor. Nag-iisang anak kasi siya kaya buhos talaga ang pagmamahal ng mga ito sa kaniya. Menopause baby siya. Walang nag-akala na makakabuo pa ang ina at ama niya dahil sa edad ng mga ito.

Maya maya ay sumakay na rin si Toper sa likuran niya. Pinaandar na niya ang motor ang inihatid ang kaibigan sa bahay nito.

“Kapag kailangan mo ng kausap, 'tol, tawag ka lang. Maraming alak sa bahay,” anito.

“Salamat, 'tol.” Pilit na ngumiti si Alfonso saka umalis.

Eksaktong pagkadating niya sa bahay ay bumuhos ang ulan. Nawala ang init ng katanghalian at napalitan iyon ng lamig ng hangin. Parang may paparating na naman na bagyo.

Sumalubong sa kaniya ang katahimikan ng kabahayan. Wala na ang malakas na tugtog ng kaniyang ina tuwing ganitong araw ng Linggo. Ugali na nitong makinig ng mga lumang awitin tuwing Linggo sa isang radio station.

Wala na ang malakas na halakhak ng tatay niya sa tuwing inaasar nito ang nanay niya. Mabiro kasi ito.

Pakiramdam ni Alfonso ay may maitim na ulap na nakasaklob sa kaniya habang nakatayo sa gitna ng salas. Biglang bumuhos ang luha niya na parang nakikipagpaligsahan sa buhos ng ulan. Napahagulhol siya na parang bata. Hinayaan niya ang sarili na umiyak.

Simula kasi sa aksidente, burol hanggang sa libing ay hindi umiyak si Alfonso. Iniisip niya kasi na hindi totoo ang lahat. Iniisip niya na panaginip lang na patay na ang ama’t ina niya.

Pero ngayong nandito na siya sa bahay at mag-isa ay doon lang tumiim sa utak niya ang lahat.

Wala na ang ama’t ina niya. Ulilang lubos na siya.

“Inay… Itay…” Hagulhol ni Alfonso.


-----ooo-----


Trust Me, This Is LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon