Chapter Seventeen

346 35 9
                                    


PAGKADINIG ni Alfonso sa pangalan ni Ronnie na paulit-ulit na sinasambit ni Ligaya ay mahigpit niya itong niyakap upang pakalmahin ito. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Si Ronnie ang tumawag sa cellphone ni Ligaya?

Nang bahagyang humupa ang emosyon ni Ligaya ay pinaupo niya ito sa salas at ikinuha ng maiinom na tubig. Kitang-kita niya ang panginginig ng kamay nito habang umiinom.

Maya maya ay nagsalita na ito ng maayos. “Si Ronnie… tumawag siya. A-ang sabi niya, malapit na daw kaming magkita. Alfonso, natatakot ako. Ang totoo ay parang nakita ko siya kanina sa may palengke. Nakatingin siya sa akin pero inisip kong namalik-mata lang ako kasi nawala siya bigla. Baka totoong siya iyon! Baka alam niya na kung nasaan tayo!”

Ginagap ni Alfonso ang isang kamay ni Ligaya. “Tinatakot ka lang niya. Hindi niya malalaman kung nasaan tayo. Okay?”

Umiling si Ligaya. “Hindi natin dapat minamaliit si Ronnie. Kahit saan tayo magpunta ay matutunton niya tayo, Alfonso. Ayokong idamay ka niya. Mabuti pa ay isuko ko na ang sarili ko sa kaniya para matapos na ang lahat ng ito—”

“Iyan ang hindi ko hahayaan na mangyari!” Hindi napigilan ni Alfonso ang pagtaas ng boses. “Ligaya, hindi ko makakaya na mawala ka sa akin dahil sa isinakripisyo mo ang sarili mo. Kung mamamatay ako sa pagprotekta sa iyo ay wala akong pakialam. Mag-asawa tayo, magkasama nating haharapin si Ronnie.”

“Sorry, Alfonso. Nadamay ka pa sa gulo ng buhay ko…”

“Ano ba ang gusto mong gawin? Gusto mo bang umalis na tayo dito para makampante ka?”

“Hindi ka ba napapagod sa akin?”

“Hindi, Ligaya. Kaya magsabi ka kung gusto mong lumipat ulit tayo. Walang problema sa akin.”

“Hindi ko alam. Hindi pa ako makapag-isip ng maayos. Napaka hayop talaga ng Ronnie na iyon!”

Tumango-tango siya. “Sige. Mabuti pa, magpahinga ka na lang maghapon. Ipahinga mo ang isip mo at saka ka magdesisyon kung aalis na tayo dito. Ako na muna ang bahala sa ihawan natin mamaya.” Isang halik sa labi ang iginawad niya kay Ligaya sa pag-asang mapapawi niyon ang pangamba sa dibdib nito na dulot ng takot nito kay Ronnie.

Bagaman at hindi siya nagpapakita ng takot kay Ligaya ay may pangamba rin siya sa nangyayari. Kung siya ang tatanungin ay aalis na sila dapat ngayon dito ni Ligaya. Magpapakalayo-layo silang dalawa. Sa isang lugar na walang makakakilala sa kanila, isang lugar na hindi sila matutunton ni Ronnie…


-----ooo-----


HINAYAAN muna ni Alfonso na makapagpahinga si Ligaya kaya mag-isa siya sa pwesto nila ng ihawan. Kailangan iyon ni Ligaya. Ramdam niya na sobra itong balisa dahil sa muling pagpaparamdam ni Ronnie.

Habang abala siya sa paglalagay ng uling sa ihawan ay may naramdaman siyang taong lumapit. Nakatayo ito sa harapan niya.

“Ano pong sa inyo? Tamang-tama po at kakabukas pa lang—” Pag-angat ng mukha ni Alfonso ay nagulat siya. “Marites!”

Tama. Ang kababata niya ang nasa harapan niya ngayon. Sa hitsura nito ay mukhang wala pa itong maayos na tulog. Namumugto ang mga mata at nangingitim ang paligid niyon.

“Alfonso—”

“Paano mo nalaman kung nasaan ako?”

“Si Toper—sa kaniya ko tinanong. Pero huwag kang magalit sa kaniya. Pinilit ko siyang sabihin kung nasaan ka.” Napakagat sa labi niya si Marites.

Tama nga si Ligaya. Hindi niya dapat sinabi kahit na kanino kung nasaan sila.

“Umalis ka na. Sana ay tanggapin mong si Ligaya ang mahal ko. Kahit na ginawan mo ako ng hindi maganda ay irerespeto pa rin kita bilang isang babae at dating kaibigan.”

Trust Me, This Is LoveWhere stories live. Discover now