Chapter Fourteen

393 34 12
                                    

MASAKIT at mahirap para kay Alfonso na lisanin ang Baryo Masinag. Sa lugar na iyon siya isinilang, nagka-isip, nagkaroon ng mga kaibigan at napakaraming magagandang alaala ang meron siya sa payak na lugar na iyon. Kumbaga, kalahati ng buhay niya ay nasa Baryo Masinag. Ngunit nang sabihin ni Ligaya sa kaniya na nais na nitong umalis sila sa Baryo Masinag dahil natatakot ito kay Ronnie ay walang pagdadalawang-isip siyang pumayag. Hindi na siya nag-isip pa. Oo agad ang naging sagot niya.

Mabilis silang nag-empake ng mga damit at ilang mahahalagang gamit. Dumaan sila sa banko sa bayan upang i-withdraw ang lahat ng perang meron siya sa banko. Nasa two hundred thousand pesos din iyon. Iyon ang gagamitin nila para muling mag-umpisa. Balak niya na iwanan muna sa pangangalaga ni Toper ang sakahan at ang bahay niya.

Sa ngayon ay papalubog na ang araw. Malapit nang gumabi.

Lulan sila ni Ligaya ng bus papunta sa Maynila. Doon nila naisipang bumuo ng panibagong buhay. Malaki ang Maynila. Mahihirapan si Ronnie na hanapin sila. Isa pa, hindi nito siguro iisipin na doon sila pupunta at magtatago.

Nasa tabi ng bintana si Alfonso habang nakamasid siya sa labas. Kumportableng nakahilig ang ulo ni Ligaya sa balikat niya. Natutulog ito. Air-conditioned bus ang sinakyan nila para hindi mainit.

Ipinaling niya ang ulo sa asawa at hinaplos ang pisngi nito. Gumalaw si Ligaya at pupungas-pungas na nag-inat.

“Pasensiya. Nagising pa kita,” aniya.

Matamis itong ngumiti nang makita siya. “Malapit na ba tayo? Nasa Alabang na tayo?” Iyon ang agad nitong tanong.

Gumanti siya ng ngiti. “Hindi ko alam sa totoo lang. Alam mo naman na hindi ako lumuluwas ng Maynila, 'di ba? Pero sinabi ko sa kundoktor na sabihan ako kapag Alabang na,” sabi ni Alfonso.

“Hayaan mo, kapag nasa Manila na tayo ay igagala kita para alam mo ang lugar doon. Sa mga mall at iba’t ibang pasyalan! Kagaya ng ginawa mo sa akin sa Baryo Masinag.”

Lumungkot ang mukha ni Alfonso nang marinig ang pangalan ng lugar na kaniyang sinilangan.

Napansin iyon ni Ligaya. Umalis ito sa pagkakasandal sa kaniya at kinuha ang isa niyang kamay. “Alfonso, sorry kung kailangan nating umalis sa Baryo Masinag. A-alam kong mahirap para sa iyo ang desisyon ito pero natatakot talaga ako kay Ronnie lalo na’t kayang-kaya niyang gumamit ng tao para lang mapaghiwalay tayong dalawa at para makuha niya ako. Natatakot ako sa mga pwede pa niyang gawin.” Puno ng sensiridad nitong sambit. Dama niya na mula sa puso ang mga binitiwan nitong salita.

“Lahat ay gagawin ko para sa iyo, Ligaya. Ganiyan kita kamahal…”

“Ang totoo, nakokonsensiya ako dahil nasa Baryo Masinag at sa bahay mo doon ang alaala ng mga magulang mo. Pakiramdam ko tuloy ay inilayo kita sa kanila. Napaka makasarili ko, Alfonso. Kung pwede nga lang na mag-isa akong umalis pero hindi ko na kaya na hindi kasama, e.”

“Hindi naman ako papayag na iiwanan mo ako. Ikaw na lang ang meron ako, Ligaya. Kahit saan ka magpunta ay sasamahan kita at poprotektahan. Isa iyan sa ipinangako ko sa Diyos nang pakasalan kita.”

Umayos sa pagkakaupo si Ligaya. Umusog ito palapit pa. “Speaking of magulang… Ano bang pakiramdam ng may magulang na kasama mong lumaki? Ako kasi hindi ko iyan naranasan. Alam mo ang kwento ng buhay ko, 'di ba?” Halatang iniiba ni Ligaya ang kanilang usapan na masyado nang seryoso at malalim.

“Siyempre, masaya. Lalo na at nag-iisa akong anak. Buhos ang atensiyon at pagmamahal nila sa akin. Pero hindi nila ako pinalaki na sunod sa luho. May limitasyon pa rin. Saka hindi kami mayaman.”

“Sana all talaga, 'no? Hindi talaga fair ang mundo.”

“Totoo iyan. Hindi patas ang mundo sa ating lahat. Pero nasa atin na kung paano natin tatanggapin ang bagay na iyan. Kikilos ba tayo para makawala sa paghihirap o wala tayong gagawin. Ano’t ano man ang mahalaga ay wala tayong tinatapakan at ginagamit na tao. Isa iyan sa bagay na palaging ipinapaalala ng nanay ko sa akin noong buhay pa siya. Huwag na huwag tayong gagamit ng tao para sa pansariling interes.”

Trust Me, This Is LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon