8 PM

108 6 8
                                    

Dahan-dahan akong inikutan ng makailang beses ni Tita Rej habang tinitingnan mula ulo hanggang paa. Nakatayo lang ako, mata lang ang gumagalaw, habang pakiramdam ko ay sinuri niya ang buong pagkatao ko, pati na din ang kaluluwa.

Mula sa aking likod ay hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pagkatapos ay idinulas ang kanyang malalambot na kamay sa tagiliran ko. Maselan niyang idinulas ang mga palad at daliri sa katawan ko, tinahak magmula sa tagiliran ng aking mga dibdib hanggang sa aking mga baywang. Pagkatapos noon ay maingat niya akong niyakap ng maluwag sa bandang taas ng aking mga hita, na sinundan niya naman ng pagpatong ng kanyang mga kamay sa ang aking puson. Sa ilang sandali ay idinulas niya naman ang mga palad sa tagiliran ng aking balakang hanggang sa umabot ang mga ito sa aking mga puwet.

Ito ang unang beses na mahawakan ako ng isang lalaki sa maseselang bahagi ng katawan ko pero wala akong naramdamang pagkailang o malisya. Ang nakikita ko sa salamin ay isang matipuno at maitsurang lalaki na hinihipuan ako, pero ang nararamdaman ko na humahaplos sa akin ay isang mapagmahal na ate.

Pumunta si Tita Rej sa harapan ko at dahan-dahang ini-angat ang panga ko gamit ang mga daliri at maingat na inilingon ang ulo ko ng magkabilaan. Tiningnan niya ako sa mata at sinabing "I know what will make you look your best!"

Sa isang iglap pagkatapos niya sabihin iyon ay dali-dali siyang pumunta sa mga naka-hanger na mga damit at pinadaan ang dulo ng mga daliri doon na parang ginitara ang mga dulo ng hile-hilerang mga tela. May hinahanap siya habang kumakantang nakasara ang mga labi at minsanang patalon-talon.

Parang bagyo sa bilis, pumunta si tita Rej sa iba't-ibang sulok ng walk-in-closet. Kinuha niya ang isang hagdan na gawa sa makintab na bakal na hanggang leeg ko ang taas. Inabot niya ang isang kulay itim na tela mula sa second level ng mga naka-hanger na damit. Kumaripas siya sa isa pang banda ng walk-in-closet at ngayo'y kumuha naman ng isang itim na bag na may gintong kadena na strap. Mabilis niyang sunod na pinuntahan ang isang drawer, binuksan ito, at mula doon ay bumunot ng mga hikaw.

Inilapag niya ang mga nakuha sa isang lamesang de-gulong. Nilapitan niya ako na halos tumatakbo at nagmadaling hubarin ang mga damit ko nang may pag-iingat na parang iniwasang huwag magusot ang mga ito. Noong panty at bra na lang ang natira kong mga saplot ay hinila niya ang lamesa papunta sa akin at iniutos niyang isuot ko ang mga kinuha niya. Lumuwa ng kapiraso ang papel na isiningit ko kanina sa pagitan ng bra at dibdib ko, na agad ko naman ibinalik sa pagkakatago.

Nang matapos ako ay pinaupo niya ako sa silya sa gitna ng ga-bahay na aparador. Binuhat at pagkatapos ay binuksan niya sa lamesa ang isang malaking maleta na dala-dala niya kanina. Tumambad sa amin ang samu't-saring mga make-up, lipstick, brush, pabango, at lahat ng uri ng pampaganda, na napakaayos ng pagkakalagay.

Mabilis niyang pinintahan ang mukha at leeg ko gamit ang iba't ibang brush at pampakulay. Pakiramdam ko ay isa akong canvas na pinipintahan ng isang maestro na pintor. Ang buhok ko ay inayusan niya din, pinainitan at inispray-han ng mga produkto. Wala pang limang minuto ay natapos na niya na ang kanyang obra maestra. Hinawakan niya ang kamay ko at dahan-dahang pinatayo, inalalayan papunta sa tapat ng salamin sa harap ko, at iniunat ang kabila niyang kamay patungo sa direksyon ng repleksyon ko para ipresenta sa akin ang likha niya.

Tumingin pabalik sa akin ang isang babaeng halos hindi ko nakilala, na sumabay ang bawat kurap at paghinga sa may-ari ng repleksyon. Ako iyon, pero mas pinaganda pa.

Napaka-elegante ng haltered little black dress na nagtapos ang haba ilang inches mula sa taas ng tuhod ko. Lalo pa itong pinaganda ng mga bulaklaking lace applique sa harapan. Niyakap ng damit ang katawan ko, habang sinundan nito ang hubog ng malulusog kong dibdib at puwet, at bawat kurba ng aking mga baywang at balakang. Ang gintong hoop earings na pwede maging pulseras sa laki ay bumagay sa gintong kadena ng itim na bag, na kumportable namang sumandal sa aking tagiliran.

Love in 24H (Filipino)Where stories live. Discover now