7 PM

116 6 7
                                    

Habang tumatagal ang biyahe namin ni manong ay paganda ng paganda ang mga nadadaanan namin. Lalong lumalaki ang mga bahay, lumalawak ang mga hardin, at lalong nagsimahalan ang mga naka-paradang sasakyan. Ang mga dilaw na ilaw na nagmumula sa mga malalaking bahay ay parang planadong nag-kalat dahil sa pagkapantay-pantay ng mga ito. Kumutitap ang mga liwanag ng mga nagmukhang libu-libong alitaptap na walang katapusang umagos sa labas ng mga bintana ng sasakyan namin. Para akong nasa napaka-kumportableng spaceship na mabilis nilagpasan ang mga bituin na gawa sa magaganda at may-class na mga kandila.

Sinubukan kong imagine-in ang bahay nina Kimberly de la Vega. Malamang ay meroon itong swimming pool. Mayroon siguro silang hardin. Sigurado meron silang aso. Ilang kasambahay kaya ang meron sila? Malamang dalawa... o tatlo. Sa pagpasok namin sa malaking gate ay sigurado mayroong dalawa o tatlong kotse doon na nakaparada , at kaunting hakbang lang mula doon ay sasalubungin ako ng isang pinto na bubungad sa isang malaking Living Room.

Naputol lang ang pananaginip kong gising noong huminto kami sa isang guardhouse sa gate ng village nila. Pinalibutan kami ng limang guwardiyang naka-blue na uniform at itim na beret. Kapansin-pansin din na armado silang lahat ng mga mahahabang baril. Sinilip nila ang loob ng van at kinausap si manong. Sinilip nila ang baba ng sasakyan gamit ang isang salamin sa dulo ng isang mahabang bakal, at pinaamoy sa dalawang aso ang bawat sulok ng van. Nang natapos na nilang gawin ang lahat ng iyon, ay kinawayan kami ng isang guwardiya sa harap namin para magpatuloy papaasok ng village. Walang imik si manong at nagpatuloy magmaneho na parang walang nangyari, siguro dahil ilang beses na niya iyon ginagawa sa araw-araw na pagda-drive.

Inalala ko ulit si Kimberly de la Vega at ang kanyang napakatamis na mga ngiti. Siya ay kabilang sa angkan ng mga sobrang sikat na mga artista. Mas alam pa ng bawat Pilipino ang istorya ng buhay ng pamilya nila kaysa sa buhay ng mga bayani, kahit hindi man ito itinuturo sa mga eskwela, at walang textbook na dedicated na nagdi-discuss tungkol dito. Ang lolo ng lolo niya ay sikat na artista na sa bansang Spain noong panahon pa ng mga Kastila, at nanirahan sa Pilipinas para ipakalat ang sining nila dito. Ang mga kamag-anak nila ay kabilang sa mga pinakaprominenteng miyembro ng entertainment industry sa bansa bilang mga artista, pero ang iba ay mga direktor, producers, writers, at talent managers din.

Paminsan ay nasasangkot din ang pamilya nila sa ibang mga eskandalo, na mukhang normal naman atang mangyari sa mga artista. Kahit si Kimberly de la Vega mismo ay naging sentro ng sunod-sunod na eskandalo noong nakaraang taon, bago siya lumipat sa eskwelahan namin.

Naramdaman kong umangat ng kaunti ang nguso ng van. Sumampa ang sasakyan paakyat sa rampang papasok sa bahay nina Kimberly de la Vega, na hinarangan ng gate na kasing haba ng tatlong van na pinagdikit-dikit mula harap hanggang likod. Para pagbuksan kami, naghiwalay mula sa gitna ang mabigat na bakod na gawa sa makakapal na bakal. Dahan-dahang umandar ang van namin pasulong habang tinahak ang mahabang kalsada patungo sa circular driveway sa harap ng bahay nila. Ang gitna ng rotonda ay may isang malaking fountain na nagbuga ng tubig pataas, na sinalo naman ng mga nakaukit sa bato na mga anghel at leon. Ang bahay nila, kung matatawag mo pa itong isang bahay, ay parang isang modernong kastilyo na pinaliwanagan ng maraming puti at dilaw na ilaw na nakatutok dito mula sa lahat ng anggulo.

Sumandal ako paharap papunta sa tabi ni manong at halos mangalay ang leeg sa pabalik-balik na paglingon ko sa buong kapaligiran. Sa magkabilang gilid ng bahay ay may hindi bababa sa sampung kotse na iba-iba ang tipo at brand. Ang paligid ay napuno ng mga nakapormang halaman na hanggang leeg ang taas at mukhang maingat na ipinlano. Hindi hinayaan ng mga matingkad na berneng bermuda grass na makita ang lupang pinagtaniman sa kanila.. Gusto ko sana sabihing 'WOW' pero walang lumalabas na tunog mula sa bibig ko, na nakanganga dahil sa pagkamangha ko sa lawak at ganda ng bakuran... pa lang.

Paglabas ko ng sasakyan ay may nakaabang na sa akin na naka-uniform na maid, na kinamusta ako at parang tuwang tuwa na nakita ako. Pinapasok niya ako sa isang napakalaking pinto at inalalayan papunta sa isa sa tatlo nilang malalaking Living Rooms. Kasya siguro ang buong batch ng grade 12 ng eskwela namin sa laki ng Living Room na pinagdalhan sa akin. Paano pa kaya ang ibang Living Rooms? Pupuntahan daw ako ni 'mam Kimmy' kaya pinaupo niya muna ako at malambing na sinabihan na maghintay lang daw sandali.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon