Sa Pagdating Ng Takip-Silim

193 16 13
                                    

Nawa sa pagdating ng takip-silim sa aking buhay,
Wala akong kahit isang bagay na pinagsisisihan.
Isang bagay na hindi ko ginawa
Isang pagkakataon na hinayaang makalagpas.

Nawa sa pagdating ng takip-silim sa aking buhay,
Naranasan ko na ang mga bagay na nais kong maranasan.
Mga karanasan na habang buhay kong hindi malilimutan,
Mga karanasan na sa aking ala-ala'y babalik-balikan.

Nawa sa pagdating ng takip-silim sa aking buhay,
Napuntahan ko na ang mga lugar na nais kong marating.
Mga lugar na mag-iiwan ng bakas sa aking puso't isipan,
Mga lugar na makapagbibigay ng ngiti sa aking labi kapag aking naalala.

Nawa sa pagdating ng takip-silim sa aking buhay,
Masasabi kong ako'y naging matagumpay.
Matagumpay hindi lang dahil sa mga materyal na bagay
Matagumpay dahil naibalik ko lahat ng suporta at pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa akin,
Matagumpay dahil ang buhay ko ay naging isang magandang inspirasyon sa iba,
Matagumpay dahil natagpuan at nakamtam ko ang tunay na kaligayahan.

Nawa sa pagdating ng takip-silim sa aking buhay, nanatiling buo at hindi natinag ang aking pananampalataya.
Nawa, ako ay kuntento, may kapayapaan, at anumang sandali na kunin ako ng Maykapal, ako ay handa.

Nawa mangyari ang lahat ng ito, sa pagdating ng takip-silim, sa aking buhay.

RealisasyonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon