[10]

77 12 13
                                    

"Hala! Bakit ka pumasok?" Gulat na tanong ni Zie pagkaupong-pagkaupo ko pa lamang sa kaniyang tabi.

Ilang araw nang nakaburol si Papa at salitan lamang kami ni Alice sa pagbabantay sa kaniya. Medyo marami-rami ring mga tao ang bumibisita bawat araw.

Umuwi rin ang iba naming mga kamag-anak upang makiramay at tinulungan din nila kami sa pag-aasikaso sa mga bisita.

Napagpasiyahan kong pumasok ngayon dahil hindi na ako makahabol sa mga pinag-aaralan. Nagpaalam naman ako sa mga prof namin noong nakaraan at pumayag naman silang h'wag muna akong pumasok.

Kaya lang naman ako pumasok ngayon upang umattend ng kahit isang klase man lang at upang tanungin si Zie tungkol sa mga lesson at kung may mga report bang gagawin. Kailangan kong maghabol. Ayokong bumagsak.

Ilang araw na kaming puyat at pagod ngunit pilit naming kinakaya kahit pakiramdam ko ay babagsak na ang katawan ko ano mang oras mula ngayon.

"Wala, eh. Kailangang maghabol, ano-ano na nga pala ang mga ginawa niyo noong wala ako? May reports ba?Research? Or anything?" Sunod-sunod kong tanong sa kaibigan ko.

Hindi siya sumagot at seryoso lamang akong tiningnan. Napataas naman ang kilay ko sa kaniya at hinintay ang sasabihin niya.

"H'wag mo munang intindihin 'yung lessons. Kierre naman, magpahinga ka naman kahit ngayon lang." Alam kong naaawa na siya sa kalagayan ko ngayon.

Umiling ako sa kaniya at ngumiti. "Ano ka ba? Okay lang ako, 'no. Ayokong mahuli kaya sabihin mo na 'yung mga kailangang gawin, please?" Nagmamakaawa kong wika kaya naman napabuntong-hininga na lang siya at napatango.

Sinabi niya na ang mga napag-aralan nila sa mga araw na hindi ako nakapasok. Sobrang dami pala, hindi ko alam kung kakayanin kong matapos agad ang mga 'yon.

"Last day na nga pala ni Tito ngayon, 'no?" Mahina niyang tanong sa akin habang naglalakad kami palabas ng building namin. Uwian na kasi.

Saglit akong tumingin sa kaniya at tahimik na tumango.

Huling araw na pala niya, paano ko kaya ipagpapatuloy ang buhay ko ngayong wala na siya?

"Didiretso na ako sa chapel, Kierre." Saad ni Zie.

"Bakit? Hindi ka muna uuwi?" Takang tanong ko.

"Oo, sumabay ka na sa 'kin. Tutulong din ako sa inyo. Alam kong mas maraming tao ang dadating ngayon dahil huling araw na."

"Sige." Hinila na niya ako patungo sa parking lot kung saan naroon ang kotse niya. Binuksan ko ang pinto ng shotgun seat at sumakay roon.

Agad din siyang nagmaneho kung saan nakaburol si Papa. Pagkarating namin doon ay mas marami ng tao kumpara kaninang umaga. Alas siyete na rin kasi ng gabi kaya nagsisidatingan na ang mga bisita.

Pumasok kaagad ako at sumunod sa akin si Zie. Agad kaming tumulong sa pag-aasikaso sa mga bisita. Binigyan namin sila ng kanilang makakakain. Nagbigay rin sila ng mga abuloy at pinasalamatan namin sila nang sobra dahil doon. Malaking bagay na 'yon para sa amin.

Umupo ako sa tabi ni Mama at humilig sa balikat niya nang makaramdam na ako ng sobrang pagkapagod. Hinaplos-haplos niya ang buhok ko habang niyayakap niya ako.

Gusto kong umiyak pero wala na akong mailabas na luha. Akala ko nga hindi na mapapagod ang mga mata ko kakaiyak.

Alam mo 'yung pakiramdam na wala ngang inilalabas na luha ang mga mata mo pero 'yung damdamin mo, ang bigat-bigat na?

Tumayo ako pagkatapos ng ilang saglit upang hanapin ang kapatid ko. Si Zie naman ay abala pa rin sa pag-aasikaso sa ibang mga bisita. Sobra din akong nagpapasalamat sa kaniya dahil sa pagtulong niya sa amin.

Is There a Lifetime? (Oliveros Series #1) Where stories live. Discover now