"Hello? Bakit hindi ka pumasok? Hinahanap pa naman ni Sir Marco 'yong assignment mo," wika niya sa akin habang tila kumakain. Recess nga pala sa school ngayon.

Hindi ako sumagot at pinutol ko na ang tawag. Nag-block ako ng mga text message and call notifications dahil ayaw kong maabala at gusto kong mag-focus sa plano ko-ang hanapin siya.

Pagbangon ko ay alam kong handa na ako sa unang araw ng paglalakbay ko. Habang naghihilamos ako ay tila mayroong boses ng babae na bumulong sa akin. Napahinto ako sa aking ginagawa at pinakinggan nang mabuti ang boses pero bigla itong nawala. Ganoon na lamang ang aking pagtataka dahil mag-isa lang naman ako sa kuwarto, pero pinalagpas ko na lang iyon at nagpatuloy sa aking ginagawa. Hindi naman siguro ako minumulto sa unang araw ko rito. At mas lalong hindi naman siguro kasama sa binayaran ko ang pagdalaw ng multo sa aking kuwarto.

***

HINDI ko pa man naisasara ang pinto paglabas ko ng kuwarto, isang binata ang bumungad sa akin, tila papunta sa isang kuwarto habang tumatakbo. Sinundan ko siya ng tingin kaya napansin kong umiiyak siya.

"None of your business, Kiel," bulong ko sa 'king sarili.

Nagpatuloy ako sa paglalakad papunta sa kung saan ako puwedeng kumain ng agahan. Hindi ako kumain sa hotel dahil wala ako sa mood na kumain doon. Mabuti na lang at napansin ko kagabi na mayroon akong nadaanan na Jollibee katabi ng isang gasoline station na malapit lang sa hotel. Doon na lang ako kakain.

Pagdating doon, pumila kaagad ako at um-order ng breakfast meal. Dala ang tray na pinaglalagyan ng aking pagkain, naghanap ako ng puwedeng puwestuhan.

Medyo matagal pa bago ang tanghalian pero halos wala nang bakanteng upuan at lamesa. Sabagay, late na rin kasi akong mag-aagahan kaya napasabay ako sa maagang tanghalian.

Kahit natagalan, nakahanap naman ako ng mauupuan. Agad akong kumain subalit makalipas ang ilang minuto, may nagsalita malapit sa aking kinauupuan. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang binatang tumatakbo kanina sa hotel.

"Puwede bang makitabi sa 'yo?" magalang niyang tanong sa akin bitbit ang tray na may lamang pagkain.

Alam kong wala nang bakanteng upuan at lamesa kaya pinaupo ko na siya sa bakanteng upuan sa kabilang bahagi ng lamesang kinakainan ko. At nang magkaharap na kami, hindi ko maiwasang tingnan ang kaniyang pagkain dahil nakasawsaw sa chocolate sundae ang french fries.

Bakas pa rin sa kaniyang mukha ang lungkot mula sa kaniyang pag-iyak. May sugat siya sa kaniyang balikat pero may nakatakip namang bulak dito. Hindi ako makakain nang mabuti dahil nadi-distract ako sa kaniya, parang sobrang lungkot niya. Dahil dito, nilabanan ko ang aking hiya at naisipang kausapin siya, pero bigla siyang nagsalita bago ko pa maibuka ang aking bibig.

"Naranasan mo na bang masaktan?" tanong niya sa akin habang nakatingin sa kawalan.

Bigla akong nataranta dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Parehas kaming natahimik at nagpatuloy lang sa pagkain. Introvert ako pero nakikipag-usap naman ako kapag kinakausap. Kaya naman kahit matagalan, sinagot ko pa rin ang tanong niya.

"Hindi pa." Tiningnan ko uli ang pagkain niya. Weird.

"Iniwan kasi ako ng girlfriend ko, sinaktan niya ako," sabi niya habang kinakain ang sundae at pilit ngumingiti.

"Napansin nga kita sa hotel."

Napatingin siya sa akin. "Ikaw pala 'yon? Saan ba punta mo?" mabilis niyang tanong.

"Kararating ko lang dito. Hindi ko nga alam kung saan ako puwedeng pumunta," sagot ko sa kaniya at nagpatuloy sa pagkain.

"Mall? Baka gusto mong maglibot?" masigla niyang suhestiyon sa akin na tila ba hindi ko siya nakitang luhaan kanina.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now