"Ikaw na rin mismo ang gumawa ng sarili mong likha. Naitapon ko na kasi ang mga kagamitan ko noon."

"Sige po," sagot niya sa tinutukoy nitong mga kakatwang pigura ng mga anitong gawa sa putik at dayami na pinag-aralan nila kahapon. Akala pa nga niya nung una'y naglalaro lamang sila ngunit mahalaga pala ang mga likha sa pakikipag-usap sa mga anito.

"Huling habilin, Mac."

"Po?"

"'Wag masiyadong abusuhin ang kapangyarihan. Baka mauwi sa pagkabaliw."

"Ow," biglang kinabahan si Mac.

"Oo. Ang katawan kasi ng isang katalonan ang ginagamit nating daluyan ng kapangyarihan. Hindi na natin kailangan pang gumamit ng agimat para ipaloob ang taglay nating kalakasan."

Nagtaka si Mac nang tumahimik bigla ang kaniyang lola. Mariing nakatitig lamang sa kaniya.

"Ano po 'yon, La?" Maamos po ba 'ko? Naghilamos na po ako kanina."

Mahinang tawa ang tinugon ni Lola Nimpa. "Mami-miss ko ang mga ngiting 'yan, Mak-Mak."

"Bakit po?" Hindi niya nagustuhan ang tono nito. Parang may pumitik sa munting puso niyang nagsimula nang kabahan.

Arf! Arf! Naagaw ang atensyon nila ng sunod-sunod na pagtahol ni Jordan sa may labas ng pinto.

Tok. Tok. Tok. Gumuhit ang mga ngiti sa labi ni Mac.

"La, baka po si Ate at sina Kuya na 'yon. Kasama si Tatay," sabi niya na ipinamungay pa ang mga matang puno ng pananabik.

"Pagbuksan mo, apo."

Dali-daling tumayo si Mac at tinungo ang malaki nilang pintuan. Himalang tumigil na sa pagtahol si Jordan. Pagbukas niya ng pinto ay pumasok ang malamig na hangin. Bumungad ang madilim na harapan ng kanilang bahay. Katapat ng kanilang tarangkahan ang tahimik na kalsadang nalilinyahan ng ilang puno ng malunggay.

Napatigil siya. Sino ang kumatok? Luminga siya sa kanan at kaliwa ngunit wala namang tao.

Arf! Nilapitan niya ang nakataling si Jordan sa may gilid, katabi ng kulungan nito at lagayan ng mga tsinelas at sapatos.

"Sining nakita mo, Jordan?" tanong niya sabay himas sa ulo ng aso. Dinila-dilaan lamang siya nito. Baka guniguni ko lang. Pumasok na siyang muli sa bahay at isinara ang pintuan. Humarap siya sa may sala para balikan ang kaniyang lola.

"La, wala naman pong—" Nanlaki ang kaniyang mga mata't napasinghap nang malakas sa kaniyang nakita. Kaharap na ngayon ng kaniyang lola ang tatlong madilim na imahe, mga nilalang na nakasuot ng itim na kapote. Matangkad ang dalawa sa kanila habang ang nasa gitna na may hawak na gasera'y mababa ang taas.

Inalala niyang muli ang mga kwento sa kaniya ni Lola Nimpa at alam niyang ang mga ito ay mga Kumakatok. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Para siyang muling sumisid ng dagat ngunit ngayo'y wala ng gagabay sa kaniya.

Tumakbo siyang halos madapa sa kaniyang lola. Agad niyang niyakap ng mahigpit si Lola Nimpa at ibinaon ang mukha sa kandungan nito. "La, hindi. La, hindi po." Nagsimula na siyang umiyak na mas lalo lang lumakas nang ipatong ng kaniyang lola ang mga kamay sa kaniyang buhok.

"Mac, hindi mo kailangang malungkot. Tahan na."

"Hindi po pwede. Ayoko po. Ayoko!"

"Apo, hindi naman ako aalis sa tabi mo. Saglit lang akong magpapaalam pero patuloy ka pa rin naming gagabayan. Tahan na. Hindi ba't gusto mo ring maging matapang na mandirigma?"

Pinilit ni Mac na pigilan ang paghikbi. Bumangon siya't bumitaw sa pagkakayapos at humarap sa kaniyang lola.

Ipinunas ni Lola Nimpa ang kumot sa tumutulong uhog ni Mac.

BALETE CHRONICLES: Unang AklatWhere stories live. Discover now