Chapter 40

4.7K 49 15
                                    

Nang mga sandaling iyon ay kumirot sa sakit ang kanyang dibdib at naalala niya ang lahat ng pagkakamaling nagawa niya kay Henry. Mataman niyang tinitigan ang kaharap at malalim siyang napahigit ng hininga. Umasa siya na mawawala ang kirot, ngunit lalo lang nanikip ang kanyang dibdib. Bigla siyang nag-iwas ng tingin upang itago ang nararamdaman.

"Saan mo pa gustong pumunta at mag-date?" tanong niya nang makabawi. "Sabihin mo lang sa akin at pupuntahan natin lahat ng lugar na gusto mong puntahan at pasyalan."

Nakangiting ibinaling ni Henry ang tingin sa kanya. "Talaga?" anitong hindi naniniwala. "Okay lang sa 'kin kahit saan. Ikaw, saan mo pa ba gustong pumunta?" balik-tanong nito sa kanya.

Bahagya siyang napailing. "Huwag kang madaya, ako kaya ang unang nagtanong kaya sagutin mo na lang ako, puwede?"

"Hindi ko sasagutin 'yang tanong mo hanggang hindi mo sinasagot 'yong tanong ko." Nang-asar siya nitong nginitian.

"Henry!" Parang bata na napapadyak siya sa inis at saka ito pinukol ng masamang tingin.

Isang pilyong ngiti lang ang itinugon nito at pinagsalikop ang mga braso sa ibabaw ng dibdib upang makipagtagisan ng tingin sa kanya. Wala sana siyang balak na magpatalo pero sa huli ay nagpasiya siyang pagbigyan na lang ito kaysa mauwi na naman sa pag-aaway ang usapan nilang dalawa.

"Okay fine, panalo ka na," aniyang itinaas ang dalawang kamay tanda ng pagsuko. "Gusto kong mamasyal sa Intramuros at Luneta at maglakad-lakad sa Manila Bay," tugon niyang nanunulis ang nguso sa inis. "Masaya ka na?"

Natatawang umismid si Henry. "Para ka namang bata niyan e, date ba talaga 'yong pupuntahan natin o school field trip?"

Kaagad namang nalukot ang mukha niya. "E, kung huwag na lang kaya nating ituloy 'tong date na 'to," banta niya.

Naaaliw namang natawa si Henry. Ginagap nito ang kanang kamay niya. "Kahit kailan, hindi ka talaga mabiro. Huwag ka nang magalit sa akin," anitong banayad na pinisil ang kanyang palad. "Hindi importante kahit saang lugar pa tayo pumunta, basta magkasama tayong dalawa, wala ng ibang mahalaga sa akin kundi ikaw." Banayad na pinisil nito ang kanyang ilong.

Tila naumid ang kanyang dila at may paro-paro na nagliparan sa loob ng kanyang sikmura. Naantig ang kanyang kalooban sa mga binitiwang salita ng lalaki. "Huwag mo nga akong binobola at baka hindi kita matantiya," aniyang binawi ang kamay.

Napapailing namang napangiti si Henry. Muli nitong ginagap ang kamay niya at saka pumara ng sasakyan. Isang taxi ang huminto, agad naman itong nilapitan ng lalaki at binuksan ang pinto. "Tayo na," anito at inginusong sumakay na siya sa loob.

"Saan tayo pupunta?"

"Sa Intramuros," ani Henry na sa drayber nakatingin.

Wala masyadong trapik kaya maluwag ang mga kalsada. Mabilis lang ang naging biyahe nila at wala pang labinlimang minuto ay nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Nang makababa ng taxi ay agad na inilibot ni Fate ang paningin sa buong paligid.

Isang pamilyar na damdamin ang pumuno sa kanyang kalooban nang masilayang muli ang kabuuan ng Intramuros. Matagal na panahon din siyang namalagi sa lugar na ito, tatlong daang taon na ang nakaraan. Malungkot siyang napangiti habang nililibot ng tingin ang buong paligid. Napakalaki na nang ipinagbago ng buong lugar mula nang huling beses siyang napadpad rito.

Nawasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang Intramuros nang bombahin ng mga Amerikano ang buong lugar upang bawiin ito sa mga Hapones. Matapos ang giyera ay unti-unting ipinaayos ng gobyerno ang nasirang mga istruktura sa loob ng siyudad upang ipreserba at gawing pook-pasyalan.

Isang kalesa ang nirentahan ni Henry upang masakyan nila sa kanilang pamamasyal. Nag-ikot sila mula sa kalye ng Muralla kung saan madadaanan ang mga kolehiyo at unibersidad sa loob ng siyudad hanggang sa kalye ng General Luna kung saan matatagpuan ang Manila Cathedral at San Agustin Church.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon