Chapter 12

6.7K 88 85
                                    

Oras na mapatay niya si Amanikable ay mawawala na ang sumpa ng imortalidad na ipinataw sa kanya. Mamamatay na rin siya sa wakas at magkikita na silang muli ni Miguel sa kabilang-buhay.

Minasdan niya ang mukha ng natutulog na lalaki. Sa tuwing nakikita niya ito ay hindi maiwasang may kumudlit na kirot sa kanyang puso. Itinuring niya itong malapit na kaibigan ngunit ipinagkanulo nito ang taong pinakamamahal niya. Kung nalaman sana niya ang totoo, hindi siya papayag na makasal silang dalawa ng lalaki.

Hindi niya kailanman mapapatawad si Amanikable at hindi rin niya mapatawad ang sarili sa pagkamatay ni Miguel.

Kung hindi niya inibig si Miguel, marahil ay hindi namatay ang lalaki. Kung sana ay hindi niya nakilala si Malakas, hindi manamatay si Miguel. Kung natuklasan niya nang mas maaga ang tunay nitong pagkatao, disin sana ay hindi siya masasaktan ng ganito. Pinagkatiwalaan niya ito ngunit hindi niya inakalang ito mismo ang magtatraydor sa kanya.

Nanginginig ang mga kamay na hinaklit niya ang suot na kuwintas na nakasabit sa kanyang leeg. Nabalot iyon ng liwanag at naging isang matalim na punyal.

Mahigpit niyang hinawakan ang punyal at itinutok sa tapat ng dibdib ng lalaki. Napakahimbing ng tulog nito. Itinaas niya sa ere ang hawak na patalim at inundayan ng saksak ang walang-malay na lalaki.

Paalam na sa 'yo, Amanikable!

Bigla siyang naalimpungatan. Habol ang hininga na agad siyang napabalikwas ng bangon. Nagpalinga-linga siya sa buong paligid upang hanapin si Henry, ngunit wala na ito sa kanyang tabi. Nangunot ang kanyang noo nang hindi niya ito mahagilap kahit na saan. Naipikit niya ang mga mata at saka pilit na inalala ang mga nangyari nang nagdaang gabi.

Panaginip lamang ba iyon?

Noon bumukas ang pintuan ng banyo at iniluwa ang lalaki na nakatapis lang ng tuwalya. Napamaang siya sa gulat at halos malaglag ang kanyang panga nang makita ang itsura nito. Napalunok siya.

Hot at sexy, iyon ang mga unang kataga na pumasok sa isip niya nang sandaling tumulo ang mga patak ng tubig mula sa basa nitong buhok at naglandas pababa sa matipuno nitong dibdib. Marahas na naipilig niya ang ulo. Kinurot niya ang braso at kinastigo ang sarili para palisin ang malalaswang ideya na naglalaro sa isip, ganoon pa man aminado siyang makalaglag-panty ang katawan nito.

Muli niyang kinurot ang sarili at muli siyang napa-aray sa sakit. Nagtama ang mga tingin nila ng lalaki at nag-init ang magkabila niyang pisngi sa kahihiyan.

"Good morning," kaswal nitong bati sa kanya nang makalapit. "Mabuti naman at gising ka na, kamusta ang tulog mo?"

Napasimangot siya. "Sobrang sama ng tulog ko, muntik na akong binangungot dahil katabi kita," aniyang sinungitan ang lalaki para itago ang pagka-asiwa.

"Talaga? Kaya ba ang sarap ng hilik mo kanina habang natutulog ka?" tugon nitong may pilyong ngiti sa mga labi.

"Letse ka! Hindi kaya ako humihilik!" Naiirita niya itong dinuro ng daliri.

Natawa ang lalaki. "Hindi ka na mabiro, ang bilis mo pa rin talagang mapikon."

"Tse! Ang aga mo kasing mambuwisit. Baka hindi kita matantiya, lumayo ka nga sa 'kin!" Naiinis niyang taboy.

"Pasensiya ka na, baka nakakalimutan mong nasa loob ka ng kuwarto ko. Kung meron mang kailangang umalis dito, ikaw 'yon." Napalis ang ngiti sa mga labi nito at naupo ito sa ibabaw ng kama.

Napaurong siya hanggang sa sumandal ang likuran niya sa matigas na bagay. Natatarantang tinangka niyang bumaba subalit maagap nitong itinukod ang mga kamay sa ulunan ng kama at nakulong siya sa pagitan ng mga bisig ng lalaki.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon