Chapter 27

6.1K 73 72
                                    

"Sinungaling!" Isang malakas na sampal ang pinadapo ni Fate sa kaliwang pisngi ng hindi man lang nakahumang si Henry. Kapwa natulos sila sa kanilang kinatatayuan ng mga sandaling iyon.

Ilang saglit na naghinang ang mga tingin nila ng lalaki bago naagaw ng nagliliwanag na buwan ang atensiyon ng babae. Tila nabato-balani ang pakiramdam ni Fate habang pinagmamasdan ang mahiwagang bilog na buwan na nasa likuran ni Henry.

Umihip ang malamig na simoy ng panggabing hangin. Kasabay niyon ay ang paglukob ng kakatwang pakiramdam sa kalooban ni Fate. Isang malamyos na nanghihibong tinig ang nagsimulang bumulong sa may punong-tainga ng dalaga.

Patayin mo na siya. Niloko ka niya at pinaglaruan. Tandaan mong inagaw niya ang lahat ng dapat ay sa iyo, siya ang dahilan ng pagkamatay ng taong pinakamamahal mo...

Nagtagis ng mariin ang mga bagang ni Fate sa narinig. Bago pa siya makapag-isip ay mabilis na niyang nasakal sa leeg si Henry.

...saksi ang buwan sa iyong pagdadalamhati at paghihinagpis. Saksi ang buwan sa mapait mong kasaysayan. Ngayon na ang oras ng iyong paghihiganti, patayin mo na siya!

Sa isang iglap ay mabilis na nagsalimbayan sa isipan ni Fate ang mga mapapait na alaala ng nakaraan na pilit niyang ibinaon sa limot ng napakahabang panahon. Parang piniga ang kanyang puso at halos sumabog ang dibdib niya sa nadaramang sakit.

"Mamatay ka na!" ani Fate na itinulak si Henry hanggang sa malaglag silang dalawa sa sinasakyang gondola.

Nabalot ng itim na liwanag ang kuwintas ni Fate, tanda iyon na nagising na ang nahihimlay na kapangyarihan ng Kasanaan sa loob ng babae. Gumapang iyon sa buong katawan niya at kasabay niyon ay ang pagsanib ng Kasanaan sa dalaga.

Nangitim sa poot ang mga mata ni Fate. Hanggang sa tuluyan na itong nilamon ng matinding galit. Hinigpitan pang lalo ng babae ang pagkakasakal kay Henry habang mabilis silang bumubulusok pababa. Nagpupumilit na kinalas ng lalaki ang mga daliring mahigpit na nakasakal sa kanya ngunit sadyang malakas ang mahikang lumulukob sa katauhan ni Fate.

"Gumising ka na, Fate!" Tinawag ni Henry ang tubig sa kanyang paligid. Lumutang ang mga iyon at pumaligid sa kanilang dalawa ng babae.

Nanlilisik ang mga matang itinaas ni Fate ang kaliwang kamay sa ere at nabalot iyon ng itim na liwanag. "Dapat ka nang mamatay!"

"Fate, makinig ka. Kahit na kailan ay hindi kita trinaydor! Mahal na mahal kita at hindi kita magagawang saktan, maniwala ka sa akin. Wala akong kinalaman sa pagkamatay ni Miguel!"

Huwag kang maniwala sa kanya. Nagsisinungaling siya. Alalahanin mo kung paano ka niya nilinlang nang paulit-ulit. Nagpanggap siyang tao upang mapalapit sa iyo. Hindi ka niya tunay na mahal sapagkat ang nais niya lang ay ang makuha ka. Ang mga diyos na tulad niya ay laruan lamang ang tingin sa mga taong tulad mo. Upang pasakitan ka ay inagaw niya ang pagmamahal ng iyong ama at kinuha ang posisyon mo bilang pinuno ng iyong tribu.

Lalong nanlisik sa matinding poot ang nangingitim na mga mata ng babae. Halos bumaon na sa leeg ni Henry ang mga kuko sa daliri ng kamay nito sa labis na galit.

Nagtagis ang mga bagang ni Henry. "Mayari! Alam kong ikaw ang may kagagawan kung bakit nagkakaganito ngayon si Fate! Wala akong pakialam kung bakit mo ito ginagawa. Pero kapag hindi ka tumigil ay magbabayad ka ng mahal sa akin!" nagbabantang sigaw niya.

Isang matinis na halakhak ang biglang umalingawngaw sa buong paligid. Lumitaw sa ibabaw ng higanteng ferris wheel ang nakabibighaning diyosa ng Buwan na si Mayari.

Naka-dekuwatro itong umupo sa ibabaw ng ferris wheel na tila ba nasisiyahan sa nangyayari. Nakapikit ang dalawang mata na tinapunan nito ng matamis na ngiti ang nagngangalit na lalaki.

Fated Lovers: Kaluwalhatian Chronicles Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon