Iniangat niya ang ulo ko at pinunasan ang magkabilang pisnge na puno ng luha. Nahihiya ako na nakita niya akong ganito. Mahina. Ang sakit rin ng dibdib ko dahil sa malakas na tibok nito.

"Tahan na." Aniya at ako na mismo ang nagpunas ng mga mata nang may tumulo pang luha mula rito. Inayos ko din ang buhok ko dahil magulo at nang mapatingin ako sa damit niya ay kitang kita ang basa.

"Pasensya na." Mahinang paumanhin ko st iniwas ang paningin sa kanya. Nakakahiyang talaga.

"Magpahinga ka na." Pahayag niya at dinala ang tray paalis ng silid ko. Bago siya makaalis ng tuluyan ay nagpasalamat ako. At nang mawala na siya sa paningin ko ay natulog na rin ako.

Kinaumagahan ay maaga akong nagising at nag-asikaso para sa unang araw ng Fire Festival. Sinuot ko ang kulay pulang dress na walang manggas at pinarisan ng sandalyas na may puntas (lace) na pula na hanggang tuhod. Itinali ko rin ang buhok ng buo at mataas.

Pagkalabas ko ng silid ay tahimik na pasilyo ang bumungad sa akin. Pagkalabas ko naman ng Parte de Azul ay bumungad sa akin ang mga kapwa ko estudyante. Nalalaman agad ang mga angkan nila dahil sa kulay ng suot.

Pumunta ako sa angkan namin ng may seryosong mukha. Madadaanan ko ang angkan ng dilaw at lila pero ang atensyon ko ay di naalis sa mga ka-angkan ko. Lahat sila nakatingin sa akin na inaasahan na kasama talaga ako. Tinarayan pa ako nung nagbigay sa akin ng sulat kahapon.

"Ang ganda talaga ni Daverson." Napalingon ako sa grupo ng mga lalaki sa dilaw na angkan at mabilis ring iniwas ang tingin nang ibang mga mata ang nakasalubong ng tingin ko. Sa likod nila ang angkan ng asul at si Prinsipe Alixid ay nakatingin sa akin.

Nang makalapit na ako sa angkan namin ay tahimik lang akong nakatayo sa tabi nila. Di rin naman nila ako pinapansin kaya ayos lang.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Inaasahan na namin na nakahanda na kayo sa pagbubukas ng Fire Festival maging ang inyong mga kinatawan sa gaganaping paligsahan. Tulad ng laging nakasanayan, gaganapin ang ating paligsahan sa Azul Battleground sa ibabang bahagi na kinalalagyan ng Palasyo, tapat ng malawak na kagubatan ng Fiore."

Kahit sa labas ng Palasyo ginaganap ang laban ay hindi ako nakakatakas upang pumuslit lamang dahil pinapabantayan ako ni lola sa mga tauhan namin. Kaya wala rin akong ideya kung anong itsura ng Azul Battleground na lumalabas lamang tuwing araw ng festival.

"Ang lahat ng kinatawan ng bawat angkan ay maiiwan at ang hindi naman ay maaring pumunta na sa Azul Battleground."

Bawat angkan ang paglabas sa tarangkahan ng Parte De Azul at nang mawala na sila ay 30 na lamang kaming nandito (5 bawat angkan - asul, lila, pula, dilaw, berde, kahel).

Napatingin ako sa angkan ng asul at nakasalubong ko ng tingin sina Zack at Nathe na ngumiti sa akin. Ngumiti rin ako. Natuon ang paningin ko sa isa pang nakatingin sa akin at mabilis kong inalis ang ngiti dahil sa kabang umuusbong sa dibdib ko. Ewan ko kung kailan nagsimulang maging ganito ang reaksyon ng dibdib ko kay Prinsipe Alixid.

Umikot ang tingin ko at napunta sa angkan ng lila. Nakasalubong ko rin ng tingin si Vesiana. Nakangisi siya at may isinenyas sa kamay. Ang isang hintuturo ay tumuro kay Prinsipe Alixid at yung kabila ay tumuro sa akin at bumuo ng hugis puso gamit ang dalawang hintuturo. Inikutan ko lang siya ng mata at tinalikuran. Nang-aasar na naman e.

"Magsihanda na ang lahat para sa pagpapakilala sa bawat angkan sa Azul Battleground."

Sa harap namin ay may lumabas na bilog na asul na apoy at sa gitna ay lagusan. Maaring konektado sa gaganapan ng festival.

Nagsimula ring marinig namin ang ingay ng mga tao mula dito at ang anunsyo ng tagapagsalita.

"Bago ang ganap na pagbubukas ng Fire Festival, ipapakita muna natin sa lahat ang napiling kinatawan ng bawat angkan. Ang una ay mula sa angkan ng berdeng apoy."

Pumasok na sila sa lagusan at sumunod na tinawag ay ang angkan ng kahel na apoy at pangatlo ang angkan ng dilaw na apoy. 

"Sa huling Fire Festival, ang tatlong huling tatawagin na angkan ay ang mga malalakas sa ginanap na paligsahan. Ang nasa ikatlong pwesto ay ang angkan ng Lilang apoy."

"Pumangalawa ang angkan ng pulang apoy."

Pumasok na kami sa lagusan at bumungad sa amin ang maraming manonood. Umikot ang paningin ko sa Azul Battleground at ganun na lamang ang pag-usbong ng tuwa sa isip ko. Pangarap ko ito. Ang maging parte nito. Sa gitna ay ang malawak na espasyo para sa mga gaganaping paligsahan at sa gilid ay ang mga upuan ng manonood at ng mahal na hari, mahal na reyna at ang mahal na prinsepe kasama si Yumina.

"At ang itinanghal na pinakamalakas ay ang angkan ng Asul na apoy."

Pagpasok nila Prinsepe Alixid ay matinding hiyawan ang nangyari kahit na mula ang iba sa ibang angkan. Huminto sila sa tabi namin. Nasa likuran ako ng pila kaya di ko kapantay sila Zack at Nathe na nasa ikalawa at pangatlong pila. Ang kapantay ko ay ang isa sa dalawang babae nilang ka-grupo.

Nilingon ako ng babaeng nasa ikaapat na pila at tinarayan. Napangiwi naman ako sa kaniya. Wala naman akong ginagawa pero ganyan siya. At dahil ginanyan niya ako siya ngayon ang target ko sa kanilang lima. Napangisi ako sa naisip at ibinalik ang tingin sa harap.

Pagtayo ng mahal na hari ay saktong pag-angat ng tingin ko sa taong nakaitim na kasuotan at natatakpan ang mukha ng maskara. Tumagal ang titig ko sa kaniya at nang mapansin ako ay umalis syang bigla.

Nakaramdam ako ng kaba pero nanahimik lang ako. Hindi kaya galing siya sa angkan ng itim na apoy? Anong ginagawa niya rito? Espiya?

*****
-btgkoorin

Scarlet PrincessWhere stories live. Discover now