CHAPTER 44

989 45 33
                                    

1986

Don Isong's POV

"Tatawagan ko sina Cosette at Renz para bumalik sila rito sa simula ng bakasyon ni Renz. Maghahanda tayo ng piging at iimbitahan natin ang buong Aguadulce, apo. Gusto ko na malaman nilang lahat na ikaw ay isang Peñalver."

"Lolo... maari po ba na... isikreto na lang po natin."

"Ano'ng ibig mong sabihin, Lena? Hindi natin ipapaalam sa kanila?"

"Lo, kung puwede sa atin na lang po munang dalawa ang tungkol sa bagay na ito."

"Bakit naman, hija? Ayaw mo ba na malaman nila kung sino ka talaga? Karapatan mo 'yon, apo."

"Lolo, pangarap po ni Renz na pangasiwaan ang Chocolateria. At... ngayon lang po naging maayos ang relasyon niya sa atin. Kung bi-biglain natin sila ng Mama niya, baka po maging magulo lang ang lahat. Baka magkaroon lang po ng hindi pagkakaunawaan."

Inisip ko ang mga sinabi ni Lena at nakita kung ano ang nais niyang ipunto.

"Papayag ako sa nais mo dahil hiniling mo, Lena. Pero balang-araw gusto ko na ipaalam sa buong Aguadulce kung sino ka."

"Opo, pero pakiusap po, 'wag na muna sana."

Nang sumunod na araw ay nag-usap kami ulit ni Lena at nasorpresa ako sa sinabi niyang gusto niyang mag-aral sa Europa kung hindi pa nagbabago ang isip ko.

"Natutuwa ako at pinag-isipan mo ang alok ko sa'yo, Lena. Kakausapin ko ang kumpare ko para maisaayos natin 'to."

"Salamat po, Lolo. At kung puwede... 'wag 'nyo na po sanang sabihin muna kay Renz. Ako na lang ang magbabalita sa kaniya."

🌿

Pagdating namin sa Ecully, France ay hindi na kami nagsayang ng oras upang bisitahin ang magiging eskuwelahan ni Lena.

Hindi ako nagkamali sa eskuwelahan na pinili para sa aking apo. Maganda ang mga istraktura at mas moderno ang mga pasilidad.

"Sa tingin mo ba, Lena, magiging masaya ka rito? Kaya mo na ba mag-isa, apo?"

Hindi maalis sa akin ang mangamba na mahihirapan si Lena na bumagay sa mga kapwa niya estudyante lalo na at lahat sa kanila ay taga-Europa o Amerika.

"Kakayanin ko po, Lolo. Dapat masanay na rin ako na may makasalamuhang ibang mga tao," nakangiti na sagot sa akin ni Lena.

Hindi na ako umimik pa kahit na hindi ako tuluyan na napanatag sa sagot niya. Hindi kaya mas maganda kung pasamahan ko siya kay Renz?

"Hindi na po, Lolo! Kaya ko na po! Isa pa ay maayos na ang kalagayan ni Renz sa Maynila. Kung lilipat pa po siya rito, baka makagulo lang 'yon sa pag-aaral niya," nagmamadaling sagot ni Lena sa mungkahi ko.

"Kung ganoon, lagi na lang kitang bibisitahin dito, apo. Kung pu-puwede, bawat taon ay pupuntahan kita para hindi ka malungkot. Magbabakasyon ka rin sa Aguadulce taon-taon kung gusto mo."

Nabigla ako dahil iba sa inaasahan ko ang naging tugon ni Lena.

"Uhhh... Lolo, kung hindi 'nyo po mamasamain, mas gusto ko po sana na kayo na lang ang bumisita rito. At, kung hindi naman po kayo makapunta dahil abala rin kayo sa plantasyon, gusto ko po sana magpaalam. Kung puwede po, gusto kong manatili rito sa loob ng apat na taon."

Tinitigan kong mabuti si Lena at hindi na siya tinanong pa. Maaring gusto niyang maranasan at matuto kung paano mabuhay nang mag-isa, ngunit may kutob ako na may mas malalim siyang kinikimkim na dahilan. Kung ano man ang bumabagabag sa kaniya, hihintayin ko na siya mismo ang magsabi sa akin.

Unlike Any OtherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon