CHAPTER 38

928 46 72
                                    

1962

Lorena Olivia Andrada's POV

"Iyan ang problema sa'yo, Roberto! Lagi mong kinakampihan 'yang batang 'yan kaya lumalaki ang ulo!" sigaw ni Nanay kay Tatay sa sala na dinig namin nina Sandra at Marites hanggang sa kwarto namin na nasa ikalawang palapag.

"Ate bakit naman kasi sinagot-sagot mo pa si Nanay. Tingnan mo, nagtatalo na naman sila," saad ng kapatid ko. Inis na malungkot ang ekspresyon sa mukha ni Marites pero wala akong pakialam.

"Ipinahiya niya ako sa harap ng mga kaklase ko, Tes. Ano naman ang inaasahan niya? Sana kung hinintay niya man lang na makauwi kami rito sa bahay eh di sana hindi rin ako magagalit," katuwiran ko habang nagsusuklay ako ng buhok.

"Pero totoo naman ang sabi ni Nanay, Ate. Ikaw na lang lagi ang kinakampihan ni Tatay. Kahit kasalanan mo pa."

Isa pa itong si Sandra eh. Inggit lang silang pareho dahil ako ang pinapaboran ni Tatay. Hindi man kami magkasundo ng aming ina ay hindi ko na alintana 'yon. Kung ano man ang pagkukulang ni Nanay sa'kin, sobra-sobra naman ang pagmamahal ni Itay. Sa aming tatlong magkakapatid, ako ang prinsesa ng aming ama.

"Kayong dalawa, kung gagatong pa kayo sa init ng ulo ko, lumabas na lang kayo at magsimula na kayong maglinis sa baba. Alam 'nyo naman si Nanay kapag galit, nagbabasag ng pinggan. Kaya kung ako sa inyo, magsimula na kayong magwalis."

Pagkasabi ko ay nagpatuloy na ako sa pagsusuklay ng buhok. Inirapan pa ako ni Sandra bago sila lumabas. Kahit lumuwa pa ang mata niya sa kakairap, wala akong pakialam.

Ang sabi ni Tatay sa'kin ay sa Maynila niya ako pag-aaralin. Mabuti naman naisip nila 'yon. Kung dito lang sa Carles ay wala talagang mangyayari sa buhay ko.

Nais ko na maging sikat na mang-aawit. Baka sa Maynila ang kasagutan sa mga pangarap ko. Isa pa, mas masaya do'n dahil walang Nanay na nagmamatyag sa bawat maling galaw ko.

🌿

"Nay, next year, sa Maynila rin po ba ako mag-aaral tulad ni Ate Lorena?"

Pare-pareho kaming tumingin sa mga magulang namin nang narinig ang tanong ni Marites.

"Hindi, sa Iloilo City ka mag-aaral at hindi sa Maynila," tipid na sagot ng aming ina. Napaluha na lang si Marites. Siguradong inggit na inggit siya sa'kin.

Hindi naman kasi sila matalino kagaya ko kaya hindi rin masyadong praktikal kung sa Maynila pa sila pag-aaralin ni Sandra.

"Bakit po si Ate sa Maynila?" matapang na tanong naman ng mas nakababatang kapatid namin na si Sandra.

"May nakuhang scholarship ang Ate Lorena 'nyo," sagot ni Tatay.

"Ayaw mo ba no'n, Tes, puwede kang umuwi rito sa Carles kahit kailan mo gusto," alo ni Nanay.

Hindi na 'ko sumagot. Iinggitin ko na lang ang mga kapatid ko kapag kaming tatlo na lang.


1965

"Lorena, anak, bakit mo naman ginawa ito?"

Parehong mugto ang mga mata namin ni Tatay nang kinausap ko sila ni Nanay para sabihin na nabuntis ako ni Isagani.

"Nagtataka ka pa ba, Roberto? Pinabayaan mo na lumaki itong anak mo na nakukuha ang lahat ng gusto!" bulyaw ni Nanay kay Tatay pero sa akin siya nakatingin. Hindi siya nakatiis at lumapit din para gawaran ako ng malakas na sampal.

"Tama na, Sela! 'Wag mo na sasaktan si Lorena. Nangyari na rin ang nangyari. Ang tanging solusyon ay ipakasal sila."

Pagkatapos naming ikasal ay nagdesisyon si Isagani na bumalik kami sa Maynila. Ayaw pa sana akong payagan ni Tatay pero may asawa na ako kaya ang sabi ni Nanay mas mabuting sumama ako kay Isagani.

Nang nakunan ako ay iminungkahi ni Tatay na ipagpatuloy ko ang naudlot na pag-aaral pero hinarangan 'yon ni Nanay. Ninais ko raw na mag-asawa kaya nararapat lang na panindigan ko. Magsasayang lang daw ng pera si Tatay sa'kin.

🌿


1969

"Uwi ba 'to ng matinong asawa, Isagani?" bulyaw ko sa magaling na lalaki na alas dos na ng umaga dumating sa bahay.

"Ayan na naman eh. Sabi ko naman sa'yo! Hindi ako puwedeng umalis hangga't hindi ako na-nanalo! Sayang ang pusta!"

"Hoy! Tanga ka ba talaga? Naiintindihan mo ba kung bakit ako nagagalit? Nilulustay mo ang kakarampot na kita mo sa pagsusugal! Malapit na akong manganak. Ano? Hihingi na naman tayo ng pera sa mga magulang ko?"

Ang tanga ko! Dapat hindi ako nakipag-nobyo sa isang 'to! Sa ganda ko, makakabinguwit pa sana ako ng mas maayos na lalaki. Mukhang masasayang ang buhay ko.

Mahirap pa sa daga at sugarol. Bakit kaya nangyari sa'kin 'to?

"Pangga (beloved in Hiligaynon), 'wag ka nang mainis. Panalo naman ako eh. Kaya na-triple ang puhunan ko."

"Tanga ka ba talaga, Isagani? Eh kung natalo ka?"

Tumigil na lang ako dahil wala rin namang maitutulong ang pagsigaw ko sa kaniya. Babalik at babalik pa rin siya sa bisyo.

"'Wag ka nang magalit sa'kin, Pangga, baka makasama sa pinagbubuntis mo."

"Hoy! Kung ayaw 'nyo matulog, magpatulog kayo!" sigaw ng Nanay ni Isagani na katabi namin ang kuwarto.

🌿


1970

Ang sabi ko sa mga magulang ko ay pinili ko na umuwi sa Carles dahil hindi na maayos ang pagsasama namin ni Isagani. Pero ang totoo, pagod na ako sa buhay mahirap. Ilang taon na rin akong nagtitiis na makisama sa bahay nila pero ayoko na.

Dito sa Carles, buhay- prinsensa ako. Doon sa Paranaque, inuutos-utusan lang ako ng nanay niyang masahol pa ang bunganga sa sarili kong ina.

Dito ako manganganak. Pag nag-isang taon na ang anak ko ay sisikapin ko na makahanap ng trabaho para hindi naman kami maging pabigat dito. Tama na ang lahat ng pasakit na dinulot ko kay Tatay. Sa pagkakataong ito ay gusto ko naman makabawi sa kanila ni Nanay.

Mahal ko si Isagani pero puwede ko bang kainin ang pagmamahal? Mabubuhay niya ba kami ng magiging anak namin sa pag-ibig?

Unlike Any OtherWo Geschichten leben. Entdecke jetzt