[02] A Glimpse Beyond

27 3 10
                                    

I raised my hand horizontally and counted how many fingers can still fill the space between the sun and the horizon. Itinuro ito sa akin ni papa noong bata pa ako para alam ko kung gaano pa katagal bago dumilim at kung dapat na ba akong umuwi.

"Itatapat mo yung hintuturo mo sa ilalim ng araw." He raised a calloused hand to show me. "Tapos bibilangin mo kung ilang daliri ang magkakasya hanggang doon sa tapat ng bundok."

Itinaas ko ang maliit na kamay para gayahin ang ginagawa niya. Natatawa niyang sinulyapan ito bago ipakita ang pagbibilang.

"Bawat isang daliri, fifteen minutes ang katumbas. One, two, three, fifteen times three?"

Sumimangot ako at ibinaba muna ang kamay para subukang magbilang. Pero hindi naman kasya ang fifteen sa mga daliri ko.

Ten plus ten plus ten— thirty.

Tapos tatlong five

Thirty, fifteen

Forty five...

"We identified two shots from a caliber 45 pistol, both hitting the vital organs—

"Nope. Nope, no, hindi." I said loud and firm, for my own mind to hear.

Fuck you memory, shut up.

Nakababa na pala ang kamay ko at nakakapit na muli nang mahigpit sa tulay. Binitiwan ko na ito at humakbang paatras.

An hour, that's how much of the daylight was left.

Pinagpatuloy ko na ang paglalakad pauwi. Wala pang sampung minuto ay narating ko na ang lugar namin. Hindi gaanong maingay rito. Ang maririnig mo lang ay iyong mga nanay na nagkukwentuhan sa harap ng sari-sari store.

Rio and I already accepted them as part of the scenery, mas magugulat ka pa kapag wala sila roon dahil bibihira silang pumalya. Umaga't hapon, tuwing dumaraan kami ay naroon sila at may buhay na pinagpipiyestahan.

Nang dadaan na ako sa tapat nila ay nanatili akong nakayuko, pinapanood ang paghakbang ng mga paa na mas bumilis kumpara kanina.

Ang dumi na pala ng sapatos ko.

Ngunit kahit anong bilis ng mga hakbang, pakiramdam ko ay bumabagal talaga ang oras kapag may mga matang nakatingin sa akin. Tila ba binibigyan ako ng pagkakataong ipahiya muna ang sarili bago bumalik sa normal na daloy.

Nakakatawa dahil batid kong hindi naman ako espesyal para mapansin o pag-usapan. Pero palagi ko pa ring inaalala kung ano nga ba ang tingin nila sa akin. May sinasabi ba sila? Galit ba sila dahil hindi ako namamansin? Tingin ba nila hindi rin ako marunong makisama? O wala akong kwentang anak?

Nakakahinga lang ako nang maluwag kapag ganitong nasa tapat na ako ng bahay namin. Ngunit sa halip na dumiretso sa loob ay tumingala muna ako at pinagmasdan ang kabuuan nito. Hindi ko sigurado kung bakit.

Siguro ay umaasa pa rin ako na mag-iiba ang tingin ko rito, na baka isang hapon ay babalik ang mahika. Maybe I was hoping that one day the sunlight would wash the dull gray walls alive, that daffodils would suddenly grow in the bare flower boxes, that the shadows would be gone and it wouldn't be this dark.

Kinuha ko ang susing nakasabit sa ID ko at binuksan ang pinto. Dalawang palapag ang bahay ngunit maliit lang ang espasyo. Nasa baba ang sala, banyo, at kusina. Sa taas naman ay may dalawang kwarto para sa amin ni mama.

Una kong tinungo ang mga bintana upang mapapasok ang kakarampot na liwanag. Pagkatapos ay ibinaba ko lang ang bag sa isang silya at nagsimula nang maglinis. Pareho kaming nagmamadali ni mama sa umaga dahil bawal din siyang ma-late sa trabaho. Ngunit nauuna akong umuwi sa hapon kaya ako na ang naglilinis ng mga naiwan naming kalat.

Dusk and DownfallsWhere stories live. Discover now