"Hay salamat.." bulong ni Tristan. Habang sya ay papalabas ng kanyang limousine. Binutones niya ang kanyang tuxedo at inunat niya ang kasuotang desente. May pulang rosas narin na nakasabit sa kanyang bulsa. Halos kapantay lang sa puso niya.
Kinuha na ng kanyang alalay ang kanyang maleta at iniabot kay Tristan.
"Ayos na ba ako?" Tanong ni Tristan.
"Mukhang handa nang tumira, sir." Pabirong sagot ng driver nya.
"Ingat ka." Pangiting sinabi sabay tapik sa driver.
"Pangalan?" Tanong ng nakaupo sa front desk habang abala ang kanyang mga mata sa computer na tila ba'y mahigpit magpapasok ng tao sa hotel.
"Tristan." Malamig at tuyong sagot ni Tristan.
"Apelyido?" Medyo maldita ang dating habang hinahanap ang mga Tristan sa visitor's register niya.
"Red Rose" Biglang nabaling ang tingin ng babae at napatingin ito kay Tristan. Sinigurado niya na tama ang kanyang narinig at bigla itong nataranta nung nakita ang cufflink ni Tristan na may "R.R" na tatak at naka ukit na rosas.
Red rose syndicate nga. Wala nang kuskos balungos at tinawag niya ang dalawang staff para umalalay kay Tristan. At nag iba ang tono nung babae naging maamo na.
"VIP room, sir. Enjoy your stay!"
Nang makarating si Tristan sa kanyang kwarto, ay dumeretso ito sa banyo para manalamin.
Maayos na ang suot niya, at nakapagsuklay narin sya na tila ba'y dinilaan ng baka ang kanyang buhok sa pagka-kintab nito.
Ang tanging nagawa nalang niya ay maghugas ng kamay at manalamin ng ilang minuto, habang naaalala niya ang nakaraang gusto na niyang ibaon sa hukay.
Biglang tumunog ang kanyang phone at pagsagot niya sa tawag ay narinig niya ang pamilyar na boses.
"Pahinga ka muna, Tristan. Mag-enjoy ka. Alam mo namang malaki ang utang na loob ko sayo. Malaking bagay narin siguro ang bigyan kita ng kalayaan. Pag kailangan mo ako, tumawag ka lang. "
"Salamat, boss" sabay buntong hininga nito dahil hindi naman talaga siya malaya.
Sa mundo ng sindikato, kapag pumasok ka sa isang grupo ay di ka na basta-bastang makaka-alis. Hindi niya ginusto ang buhay na ganito. Pakiramdam niya siya'y nakagapos sa pugad ng mga demonyo.
Lalo na kung ikaw ay isang propesyonal na tirador para sa amo mo. Hindi nila hahayaang mabayaran ka ng ibang sindikato at bumaliktad sa kanila.
Di uso ang kontrata dito, ang tapos ng kontrata dito ay ang paglagot ng hininga mo.
Tumunog ang telepono at nawala sa kanyang isipan ang iniindang problema, "Sir, the event is about to start po."
"Sige, salamat."
------
