Prologo

9.2K 252 41
                                    


Malamig ang simoy ng hanging umiihip mula sa Silangan. Maliwanag ang paligid sa sinag ng buwang tumatagos sa pagitan ng mga dahong nakalukob sa madawag na kagubatan, ngunit nakapangingilabot ang dugong tila bumabalot dito. Isang masamang pangitain?

'Huwag kang lilingon.'

Iyon ang mga katagang huli kong narinig mula sa aking pinakamamahal. Saglit akong tumigil upang mahabol ang aking hininga. Malayo na ang aking nilakbay upang maisakatuparan ang aking huling misyon. Dala-dala ko sa aking mga kamay ang kapangyarihang maaaring magsalba sa aming lahi; kapangyarihang maari ring magwakas nito kung gagamitin sa mali.

Nakararamdam na ako nang pagkahapo. Walang duda na ito na ang epekto nang pagkawala ng Hiyas sa Tore ng mga Pantas.

Hindi ko nais na lumisan sa aking sinilangang bayan, ngunit kailangan kong tumakas bago pa ako matunton ng mga kawal ni Haring Sitan. Alam kong matindi ang kaparusahan kung ako'y mahuhuli.

Huli na ang aming pagsisisisi. Huli na nang mapansin namin ang unti-unting paglakas ng kaniyang pwersa, hanggang sa mapatalsik niya ang hari at okupahin ang kaharian. Kung paanong siya ay nakatakas sa kaniyang kulungan sa Kasanaan ay walang nakaaalam. Ang itago ang Hiyas na lamang ang naisip naming paraan upang hindi maging ganap ang kaniyang kapangyarihan.

'Huwag kang lilingon.'

Narinig ko ang matitinding pagsabog. Tila mga kidlat na gumuguhit sa langit ang mga ningas na siyang galing sa hukbo ng hari. Nagsimula na ang aming kinatatakutan. Nararamdaman ko ang init na nagmumula sa Hiyas na ipinagkatiwala sa akin. Ang Hiyas ang daluyan ng enerhiya mula sa mundong ibabaw ng mga katulad kong elemental. Ang negatibong enerhiyang naiipon mula sa mundo ng mga tao ang dumadaan sa hiyas at ibinabahagi sa mga daluyan patungo sa mundo ng mga engkanto. Napakabigat na bagay ang aking dala-dala bagamat ito'y mukhang ordinaryong bato lamang kung titingnan.

Narinig ko ang iyak ng isang bata sa pagsapit ng bukang-liwayway. May humiwa sa aking puso dahil sa pagtangis na iyon. Sumagi sa aking isip ang aking anak na si Adriel. Ni hindi ako nakapagpaalam sa kanya. Ganitong oras malimit kaming sabay maghapunan ng kaniyang ina. Makikita ko pa kaya sila? Napakadaling maging maramot at tumalima sa aking misyon, pero ang kinabukasan ng aming mundo ang nakataya.

Patawad, ngunit hindi ko napigilang lumingon.

Nabasag ang mahikang bumabalot sa akin. Wala na ang mahikang tagabulag na hinabi ng aking kabiyak. Naririnig ko ang malalakas na yabag ng mga paa.

Malapit na sila.

Muli kong inipon ang natitira kong lakas upang magpalit ng anyo. Mas mabilis akong matutunton sa paggamit ko ng mahika, ngunit kailangan ko ito para makalagpas sa portal.

Nabalot ako ng kakaibang init na hudyat ng aking pagpapalit-anyo. Unti-unting umiksi ang aking mga braso at paa. Napalitan ng apoy ang aking hininga. Naririnig ko ang hiyawan ng mga tumutugis sa akin. Agad kong sinambit ang orasyon na magdadala sa akin sa kabilang mundo nang marating ko ang punong lagusan. Pinagigting ko ang aking dasal, nagsusumamo na may tumugon mula sa kabilang dimensiyon. Ramdam ko ang unang tama ng palaso sa aking dibdib.

Isa.

Apoy ng diwa, ako'y dalhin,

Sa pagitan nitong langit at lupa,

Init ng iyong halik, ako'y linisin

Sa dulo ng kalawakan, ako'y ihatid...

Dalawa.

Ikaw ay umihip sagradong hangin,

Kanlungin ako sa daloy ng panahon,

Sa iyong bisig, ako'y iuugoy,

Marating yaong tamang destinasyon...

Tila pangangapusan ako ng hininga at lumalabo na ang aking paningin sabay nang mabilis na pagkaubos ng aking natitirang lakas. Ramdam ko ang masaganang dugong umaagos sa mga tama ng aking katawan. Dama ko ang pait ng lason na unti-unting kumakalat sa aking dugo.

Tatlo...

Mapagpalang lupa na siyang umaruga,

Ako'y nilalang sa iyo'y sumasamo,

Aking katawa'y magindapatin,

Masilayan siyang ninanais na marating...

May humihiyaw.

Hindi ko agad nabatid na galing sa akin ang hiyaw na iyon. Hiyaw na siyang nanggagaling sa kaibuturan ng aking puso. Hiyaw ng pagdadalamhati sa henerasyong susunod na walang Hiyas upang pagkunan ng kapangyarihan. Bahagyang sumagi sa aking isip: tama bang nakawin ko ang pagkakataong ito sa kanila?

Ngunit hindi na ako makapag-aalinlangan. Tuluyan nang nabuo ang portal at nilamon ako ng liwanag.

Adriel, anak... patawarin mo ako.

Magkahalong init at lamig ang dumadaloy sa aking katawan. Ipinikit ko ang aking mga mata sa nakasisilaw na liwanag na tumatarak sa aking kaibuturan. Pakiramdam ko ay pinira-piraso ang aking pagkatao. Ang bawat hibla nito ay lumalangoy sa agos ng makapangyarihang portal—ang portal na may kakaniyahang tumawid sa pagitan ng oras at panahon. Ang portal na binuo mula sa kasuluksulukang daluyan ng kamalayan ng sansinukob. Ang paglalakbay sa portal ay isang paglalakbay sa daloy ng panahon, sa mga nakaw na oras at alaalang nakalimutan na.

Pasubsob akong iniluwa ng portal sa kabilang mundo. Malamig ang hangin at maliwanag ang paligid sa mga alagad ng aking elemento—ang mga alitaptap. Agad silang sumagot sa aking tawag at pumalumpon upang ibigay sa akin ang kanilang naipong lakas.

"Salamat, mga mahal ko," usal ko. Iniligid ko ang aking mga mata dahil baka nasundan ako ng mga tumutugis sa akin. Kakaunti lamang ang aking lakas pero nadarama kong malapit lamang ang aking pagsasalinan. Binigkas ko ang pangalan niya gamit ang aking mahika.

Amari...

"Popcorn!" Tinig ng isang binibini. Narito na siya. "Nasaan ka bang pusa ka?" Pinilit kong tumayo sa aking kinasasadlakan upang makita ang tagapagligtas.

"Popcorn?" Nakita ko ang gulat... at takot sa kaniyang mga mata.

"Amari Ellis..." Tila gusto niyang umalis sa pagkakapako ng kaniyang mga paa kaya sinunggaban ko siya. Nanigas siya sa aking mga braso.

Patawad, Amari.

Ang lakas ko, ang buhay ko ay para sa aking huling misyon.

Narinig ko ang kaniyang panaghoy nang simulan kong ilipat sa kaniyang kaibuturan ang hiyas. Napakaliwanag... ang apoy sa aking puso ay aking pinag-alab. Ang hiyas ay nagdingas at nabalot ng init. Hinawakan ko ang kaniyang magkabilang pisngi upang mapatitig siya sa akin. Ang hiyas sa aming pagitan ay dahan-dahang nagbabago ng anyo. Daan-daang hibla ng kapangyarihan ang nabuo mula sa hiyas patungo kay Amari... bumabaon sa kaniyang kaibuturan... unti-unting humahabi ang bawat hibla sa kaniyang kaluluwa upang manatili roon habang naghihintay sa araw na muli itong kailanganin ng aming mundo.

Batid ko ang sakit sa namumuong luha sa kaniyang mga mata. Kaunti na lang, Amari.

Unti-unting tumatakas ang aking ulirat.

Patawarin mo ako.

Ako'y nauupos. Nalampasan ko na ang hangganan ng aking kapangyarihan. Ang aking katawan ay magbabalik sa alabok kung saan ako nilalang, ngunit kapayapaan ang namamayani sa aking puso. Nagagalak akong matagumpay ako sa aking misyon bagama't malayo ako sa aking mga pinakamamahal sa mga huling sandali ng aking buhay.

Adriel, mahal na mahal kita, anak...

Iniangat ko ang aking mga mata sa langit sa huling pagkakataon. Naroon ang buwan na siyang tangi kong saksi sa aking huling pamamaalam. 



Amari [Tagalog]Where stories live. Discover now