Ikalabing-Isang Kabanata: Ang Simula ng Katapusan (unedited)

2.6K 108 26
                                    

Hindi, hindi, hindi...

Hindi ko sinasadya...

"Kailangan na nating umalis," anas ni Sic. Hindi ko halos maramdaman ang aking buong katawan. Sa gitna ng mga alab ay naaaninag ko pa si Aran. Hindi... hindi ito ang gusto kong mangyari. Gusto ko siyang iligtas.

Mahal na Bathala...

Nahihilam ng mga luha ang aking mga mata. Nang hindi ko na kinaya ay yumakap na lamang ako kay Sic. Nagsimula na siyang gumalaw. Palayo... pabalik sa mundo ng mga tao.

Manhid ang aking buong katawan. Paanong nangyari ito?

Hindi ko maalala ang aming paglalakbay pabalik. Naramdaman ko na lamang ang damuhan sa aking paanan at ang libo-libong naglilisik na mata nang iangat ko ang aking paningin. Malakas na itim na puwersa ang lumulukob sa paligid.

Pero hindi ko magawang kumilos. Masyado pang sariwa ang mga apoy na lumamon sa aking dalawang tagapagtanggol. Naririnig ko pa ang kanilang panaghoy sa hangin, ang kanilang anino sa aking balintataw... pakiramdam ko ay may naglahong kung ano sa aking puso.

"Haraya, kalasag." Nabuo ang tila ipo-ipong nagpaangat sa mga dahon sa lupa. Nagsilbi itong harang sa amin mula sa mga nababaliw na engkanto at aswang. Isa-isa nilang sinusubok na basagin ang kalasag ngunit itinutulak sila nito pabalik.

Ang hiyas.

Tila simpleng batong kulay puti lamang ito. Madiin ang aking pagkahawak... ramdam ko ang kapangyarihang nagsusumigaw mula rito. Mas lalo kong nakita ang pagnanasa sa mga mata ng nakapaligid sa akin.

"Haraya, kailangan nating makarating sa pinakamalapit na lagusan." Lumuhod sa lupa si Sic at umusal ng kapirasong dasal. Hawak niya ang kaniyang kuwintas at ang isa ay inabot ang aking kamay kung saan naroon ang hiyas.

"Mayroong lumang lagusan dito sa bundok ngunit mapanganib. Ang dulo nito ay direktang lalagos sa Tore ng mga Pantas." Napapikit si Sic at mariin na napamura.

"Wala na tayong oras," may pagkahapo sa kaniyang tinig. Hinigit niya ang aking kamay at ako'y napaupo sa kaniyang tabi. "Mapanganib ang Tore, napapalibutan ito ng mga aswang na tagapagbantay ni Sitan. Huwag kang bibitiw ulit." Napatango ako kahit na wala ako sa sarili. Tila wala akong lakas na mag-isip. Paulit-ulit sa utak ko ang nangyari kani-kanina lang. Napakalakas ng kapangyarihan ng hiyas... kaya ko bang kontrolin ang kapangyarihan nito?

Nawawalan ako ng kumpiyansa sa aking kakayahan. Ako ba'y sadyang sisidlan lamang na walang ibang silbi?

"Ngayon na!" Buong lakas na sinuntok ni Sic ng kaniyang kamao ang lupang aming kinatatayuan. Bolta-boltaheng enerhiya ang kumawala. Naramdaman ko ang malakas na pagdaloy ng kapangyarihan ng hiyas sa aming magkahawak na kamay at ang pagsabog nito sa palibot ng kalasag na ginawa ni Haraya. Nagliwanag ang parang na animo may tumamang bulalakaw sa lupa. Nabitak ang lupa at umangat ang malalaking tipak nito. Nilamon ng lupa ang mga engkanto at aswang habang ang iba naman ay tinamaan ng malalaking batong pumailanlang.

Habang nahihilo pa ang mga engkantong tinamaan ng magkahalong puwersa ng hiyas at ng elemento ng lupa ay gumalaw na si Sic. Hinablot niya ako at nagsimulang tahakin ang landas patungo sa lumang lagusan.

"Ang hiyasss...." Unti-unting nagsisimulang gumalaw ang mga natitirang kampon ni Sitan. Ang ilan ay umaahon mula sa pagkakalibing mula sa mga guho at malalaking bato. Ilang beses na tinadyakan ni Sic ang mga kamay na humahablot sa kaniyang mga binti. Nakakapanindig-balahibong alulong ang maririnig sa mga tinatamaan niya. Napakagat ako sa aking labi at kinulong ang aking mga hikbi sa kaniyang matipunong braso. Tikatik ang pawis sa kaniyang mainit na balat at may mga kalmot kung saan umaagos ang dugo at humahalo sa putik. Pagod na kaming lahat sa pagtakas.

Amari [Tagalog]Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu