Ika-Anim na Kabanata: Isang Pagsubok (unedited)

3K 132 15
                                    

May mga bagay na nagkukubli sa kadiliman na madalas kinatatakutan. Hindi naiisip ng iba na ang kadiliman ay parte ng Kaniyang nilikha. Ang lahat ng bagay ay ginawa na may magkabilang mukha. Ligaya at lungkot; sarap at sakit; itim at puti; umaga at gabi. Bawat isa ay mahalaga.

Bawat isa ay parte ng sansinukob.

Ang mundo sa loob ng Talim ni Bathala ay sadyang nakakubli sa kadiliman. Walang hanging umiihip at pipi ang tunog na parang nasa loob ng libingan. Tanging patak ng tubig ang maririnig sa paligid na siyang umaalingawngaw sa bawat lagusan. Ang liwanag na galing sa boteng aking tangan ang nagisisilbing tanglaw namin sa aming paglalakbay. Ilang dipa lamang ang inaabot ng ilaw nito ngunit sapat na upang makita namin ang batuhang aming tinatapakan. Maraming beses na kinailangan na lumakad ng paisa-isa pagkat napakakipot ng mga lagusan at mga hagdang nakaukit sa mukha ng bundok. Malalim ang mga bangin at puro matatalas na bato ang makikitang nakaangat mula sa kailaliman nito. Makailang beses kaming nakabulabog ng nananahan na paniki at iba pang mga hayop na namumuhay sa loob ng mga kuweba.

Hindi ko alam kung ilang minuto, o oras naming tinahak ang daan patungo sa kuta ng mga rebelde. Hindi ko rin alam kung paano nila nakakabisado ang pasikot-sikot sa mga kuweba.

"Amari." Pinigil ni Sic ang aking braso bago ako makahakbang. Saglit siyang tumigil upang pakiramdaman ang mga pader. "Ilapit mo ang ilaw dito."

Tinanglawan ko ang parte ng makinis na itim na bato. Pumikit si Sic at pinagapang ang kanyang mga daliri sa mukha nito. Narinig ko ang mahinang tunog na parang may nagtagpong dalawang bato. Umurong ang bato at tumambad ang isang panibagong lagusan. Nauna akong pumasok at namangha ako sa aking nakita.

Ang panibagong kuwebang aming daraanan ay napalilibutan ng mga kumikinang na deposito ng mineral na iba't-ibang kulay. Grabe, ngayon lang ako nakakita ng ganito karaming mamahaling hiyas.

"Mag-ingat ka, matalas ang mga mineral," paalala niya. Ang bubong ng kweba ay puno ng matulis na stalactite. Kinailangan naming yumuko upang hindi matusok ang aming mga ulo. Nagkalat din ang stalagmites sa daraanan kaya't para kaming nakikipag-patintero sa isang malawak na labyrinth.

Sa wakas ay narating namin ang dulo ng lagusan. Maririnig ang malakas na lagaslas ng tubig. Isang higanteng talon ang sumalubong sa amin. Napalilibutan ng mga bulaklak na nagliliwanag ang paligid ng talon. Malakas ang presyon na nararamdaman kong tumatama sa aking mukha at may usok na nagmumula sa paligid ng bumabagsak na tubig.

"Tayo'y tatawid," pahayag ni Ilona.

"Paano?" Wala akong makitang bangka o balsa man lang. Sasakay ba kami sa mga sirena at siyokoy?

Ngumiti lamang ang lambana at nagsimulang lumakad papunta sa pampang ng tubig. "Hindi lahat ng nakikita ng mata ay katotohanan, may mga bagay na nakukubli, mga bagay sa liwanag na maaaring nakalilinlang."

Isang bulaklak ang pinulot ni Ilona mula sa tubig at hinila ang isang talulot nito.

Wow...

Hindi makapaniwala ang aking mga mata ng maging kumikinang na sedang panyo ang bulaklak. Kaniya itong ipiniring sa kaniyang mata bago humakbang sa tubig.

"Huwag mong isipin ang nakikita ng iyong mga mata, Amari," babala ni Sic. Siya man ay kumuha ng bulaklak mula sa tubig at hinila ang mga talulot nito. Ako man ay dumukwang upang makakuha nito.

T-teka... basa...

"P-pero may tubig..."

"Mayroon nga ba?" Tanong ng tikbalang sa akin. Inayos niya ang pagkanlong kay May-I bago sumunod na humakbang. Hinaplos ko ang tubig na humahalik sa pampang. Nakita ko ang aking repleksyon: marumi, takot, at pagod. Napakalayo ng aking mukha sa aking naaalala.

Amari [Tagalog]Där berättelser lever. Upptäck nu