Ika-Sampung Kabanata: Ang Puso ng Tagapagtanggol (unedited)

2.4K 106 27
                                    

Natutupok ako.

Kakatwang hindi ito masakit, bagaman nakikita kong unti-unting nagiging gintong abo ang aking balat. Ang apoy ay dumidila sa bawat parte ng aking katawan, binabalot ako sa kakaibang init.

Ang apoy ni Bathala.

Sinasabing ang apoy ay may dalawang mukha; mainit, maalab, mapusok... ngunit ang apoy ay isa ring paraan upang linisin, linangin, at padalisayin ang isang bagay.

Mula sa mga gintong alabok na galing sa aking katawan ay may namumuo... maliwanag ang puso nito... walang sinabi ang liwanag na nagmumula sa apoy ng araw na nasa paligid sa umiikot sa aking harapan.

Ito na ba ang hiyas?

'May nawawala at may ipinanganganak. Lahat ng bagay ay nagbabalik sa alabok kung saan sila nilalang. Ang alabok ay babalik sa lupa, didiligin ang panibagong buhay na uusbong.'

Ang tinig sa parating nasa aking isip ay nasa aking harapan na. Naaalala ko ang kaniyang mga malamlam na mata. Hindi tulad noon na puno ito ng sakit at pighati, ngayo'y namumungay ang mga ito sa kagalakan.

Isa na lamang akong nilalang na lumulutang sa gitna ng nag-aalab na puso ng araw. Wala na ang aking katawang-lupa... Wala ng halaga ang oras, araw, panahon, sakit at pagdadalamhati.

"Binabati kita Adano."

Napalingon ako at nakita ko ang isang babaeng pamilyar ang mukha. Agad na may nagbara sa aking lalamunan at napuno ng luha ang aking mga mata. Akala ko sa larawan ko lamang siya makikita...

"Nanay..."

Napakatamis ng ngiti sa kaniyang labi. Lahat ng kalungkutan ko habang lumalaki at nangungulila sa kaniyang presensiya ay tila lumipad sa hangin. Ang aking ina, si Amaya...

"Mula sa alabok ay didiligin ang bagong anyo, anyo na siyang pinadalisay ng apoy ni Bathala."

Naramdaman ko ang unti-unting pagbabago ng aking anyo. May kung anong kapangyarihan ang lumukob sa akin. Iba't-ibang kulay na alabok ang tila hinihigop patungo sa aking kaibuturan. May isang buong kalawakan na siyang nakapaloob sa bawat nilalang... ang aking isip ay nagbukas sa kamalayan na siyang pinagkaloob sa sansinukob mula pa noong magsaboy si Bathala ng kanyang mapagpalang handog sa sanlibutan.

Ang bawat nilalang ay parte ng iisa, at ang isa ay binubuo ng marami.

Naramdaman ko ang mga bisig na siyang inaasam ko mula ng aking pagkamulat. Nilunod ko ang aking sarili sa kaniyang mga matang nakangiti sa akin at tila nangungusap.

"Salamat sa pagdala sa aking anak dito, Adano," narinig kong sabi ng Nanay. Hinigpitan ko ang aking yakap sa kaniya. Tunay ngang napakasarap ng yapos galing sa isang ina.

"Walang anuman mahal na Bathaluman," sagot ni Adano.

"Nanay na-miss ko po kayo." Alam kong katawa-tawang sabihin ko ito pagkat hindi ko naman talaga siya nakapiling kailanman. Pero yung pakiramdam na nahanap mo ang matagal mo nang pinaka-aasam... iyon ang pakiramdam ko ngayon.

"Nagagalak akong mayakap ka mahal ko," sabi ng Nanay. Napapikit ako habang ninanamnam ang kaniyang presensya. Buong buhay iniisip ko kung ano ang pakiramdam nang magkaroon ng isang ina. Kahit ginagampanan naman ni Tatay at Lola ang pagiging magulang sa akin, hinahanap-hanap ko pa rin ang nakikita ko sa aking mga kalarong bata habang sila ay lumalaki.

"Ngunit hindi pa ito ang tamang panahon upang magsama tayo, anak." Iniangat ko ang aking mukha at nakita ang bakas ng lungkot na dumaan sa mukha ni Nanay. "Mayroon ka pang tungkulin na kailangang tuparin. Tanggapin mo ang Hiyas at ang Apoy ni Bathala."

Amari [Tagalog]Where stories live. Discover now