"Manahimik ka Wahid!" sigaw sa akin ni Elise. "Kailanman ay hindi ako magkakagusto sa isang walang galang na mandirigma." Inirapan ulit nito si Flavio.

"Ako rin naman kahit kailan hindi mahuhulog ang puso ko sa isang babaeng nota." nakangising sumbat naman ni Flavio kay Elise. Natawa na lang kami ni Fatimah sa naging asta nila.

"Sabi ko nga hindi kayo magkakatuluyan."

Nagpatuloy na muli kami sa paglalakad. Tinanong muli namin ni Flavio si Fatimah kung paano niya nalaman na si Elise ang notang pinatamaan niya.

"Inutusan ko ang hangin na iparamdam sa akin ang presensya ni Elise." tugon nito sa amin.

"Talaga nagawa mo iyon?" Tumango lang ito sa tanong ko.

Ano pa kaya ang kayang gawin ni Fatimah na may kinalaman sa hangin? Nakapagtatago ito sa hangin at nakararamdam siya ng mga mangyayari sa tulong na rin ng kapangyarihan ng hangin. Tapos kanina nakalikha siya ng isang sandatang gawa sa hangin. Habang natutuklasan ni Fatimah ang mga kaya niyang gawin ay lalo naman ako nagdududa sa tunay na katauhan niya. Hindi kaya isa siyang Ardana? Pero imposible dahil isa siyang sirena. Wala rin naman naikwento ang hari at si Nuno Esma maging ang reyna tungkol sa katauhan ni Fatimah.

"Nandito na tayo!" deklara ni Elise kaya huminto na kami sa paglalakad. Sa wakas nakarating na rin kami sa Axem. Pero bakit walang kuweba rito.

"Ahmm... Elise sa pagkaaalam ko ang Axem ay isang kuweba sa gitna ng kagubatan dito sa Axum. Pero bakit nandito tayo sa isang kakahoyan?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.

"Tama ka isa ngang kuweba ang Axem, pero itinatago namin ito upang walang magtangkang pumasok sa kuweba at kuhanin ang simbolo." paliwanag nito. Naglabas ito ng kakaibang plawta na siyang pinagtaka namin. Balak ba niyang wasakin ang mga puno rito?

Sinimulan na niyang patugtugin ito, na naglikha naman ng isang napakagandang tunog. Pinapanood lang namin si Elise sa kaniyang pagtugtog nang maramdaman namin ang paggalaw ng lupa. Lumilindol ba? Ilang sandali lang ay unti-unting nabibiyak ang lupang tinatapakan namin nina Fatimah.

"Cumeph vacoh!" Sigaw ko. Gumawa ako ng isang bolang tubig kung saan kami naroroon ni Flavio. Sa pamamagitan nito ay nanatili kaming nakalutang sa ere. Samantalang si Fatimah ay bigla namang naglaho. Patuloy pa rin sa pagtugtog si Elise na hindi inaalintana ang pagkabiyak ng mga lupa.

Ilang sandali lang ay unti-unting tumataas ang isang kuweba mula sa nabiyak na lupa, kasabay nito ay ang pagtigil ni Elise sa pagtugtog. Kung ganon ay itinatago pala nila ang Axem sa ilalim ng lupa, kaya hindi ito nakikita ng iba. At ang plawtang pinatugtog ni Elise ang susi para makita ang kweba.

"Ayan na ang Axem. Sa loob niyan matatagpuan natin ang mahiwagang nota." wika nito habang tinuturo ang daan papasok sa kuweba. Bumaba na rin kami ni Flavio. Si Fatimah naman ay bigla na lang lumitaw sa tabi ni Elise.

"Hoy, babaeng nota! Bakit hindi mo sinabi sa amin na bibiyakin mo pala 'yung lupa?" inis na sigaw ni Flavio kay Elise.

"Nagrereklamo ka pa eh hindi ka naman nasaktan!" sigaw din sa kaniya ni Elise.

"Kahit na dapat sinabihan mo pa rin kami. Paano na lang kung hindi nakapaghanda si Wahid? E'di mahuhulog kami." sigaw ulet ni Flavio. Bakit ba nila kailangang sumigaw kapag nag-uusap sila, magkalapit lang naman sila. Ay nako kailan kaya magkakasundo ang dalawang 'to?

"Tama na sumbatan ninyong dalawa. Pumasok na tayo sa kuweba para makuha na rin natin ang ipinunta natin dito." Nagsalita na ako bago pa man maisip na magpatayan ang dalawa. Nauna na akong pumasok sa kuweba.

MAGWAYENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon