Kabanata 01: Ang Kapalaran ng Nakaraan

3.2K 108 5
                                    

[Kabanata 01: Ang Kapalaran ng Nakaraan]

TUMIGIL ang tricycle sa tapat ng isang lumang bahay sa Dimaculangan Street, Santa Crusiana. Alas-onse na ng umaga, maraming naglalarong bata sa labas at nag-iihaw. May mga kalalakihang nag-aayos din ng tolda para mamayang gabi. Sa tapat naman ng tindahan ay may mga nag-iinuman.

Sandali kong pinagmasdan ang lumang bahay na may dalawang palapag. Matagal na rin nang huli akong makapunta sa bahay ni lola. Kapansin-pansin na ilang beses na ito inayos. Nagkalat ang mga iba't ibang gamit tulad ng basag na paso, sirang salamin, bote ng alak, at gulong ng bisikleta.

May mga sinampay na damit na nakasabit sa bintana. Kupas na rin ang pintura sa labas ng bahay at kinakalawang na rin ang gate. Ang ilaw ng poste sa harap ng tarangkahan ay madilaw at kumukurap na. Maraming tuyot na dahon ang nagkalat sa lupa mula sa tanim na puno ng mangga.

Maingat kong binuksan ang tarangkahan, lumikha ito ng tunog na madalas kong naririnig sa mga horror movies. Umakyat ako sa hagdan na nasa gilid patungo sa ikalawang palapag. May mga antigong salamin, painting, at lumang litrato na nakasabit sa batong pader. Sa kisame naman ay matatagpuan ang unang antigong aranya sa bahay, kumukurap na rin ang ilaw mula rito.

Lima ang kuwarto ng lumang bahay. Halos mahirapan akong makadaan sa pasilyo patungo sa sala dahil maraming kahon at basag na bote ang nagkalat. Dagdag pa rito ang mga alikabok at sapot na nakasabit sa kisame. Nagkalat din sa sahig ang mga tuyot na puting bulaklak, balat ng candy at mani, at mga styrofoam cups na may marka ng kape.

Noong nakaraang linggo lang namatay si Lola Apolinia o mas kilala namin sa palayaw niyang "Niang" dahil sa sakit na leukemia. Dito siya binurol ng mahigit isang linggo sa kaniyang lumang bahay, ang hacienda ng mga Seguismundo. Hiniling niya rin na malibing sa sementeryo ng Santa Crusiana kasama ang labi ng aking namayapang lolo.

Ang katuwang sa bahay ang nagpadala ng mensahe sa'min na patay na si lola. Hindi nagdalawang isip si mama na umuwi ng Santa Crusiana at ang kapatid ko naman ang gumawa ng anunsyo kung saan ibuburol at ililibing ang aming Lola Niang. Samantala, noong panahong 'yon ay kasama ko si Aries na nagpapatila ng ulan.

Binaba ko ang labit kong bag sa antigong lamesa subalit agad ko rin kinuha. Maalikabok at puro mani kasi ang ibabaw nito, may bakas pa ng natapon na tubig at mga langgam na sinisimot ang candy wrappers. Para bang ginawa lang tambayan at kainan ang lumang bahay ng mga nakilamay. Kahit sa sahig ay may gamit na diaper, hindi man lang nilagay sa supot at tamang basurahan.

"Alma, anak!" Natauhan ako nang marinig ang boses ni mama. Lumapit siya sa akin, may labit siyang walis tambo at dustpan. Hindi na rin siguro maatim ni mama ang basura at alikabok. "Kumain ka na ba? Nagluto si Pia ng picadillo, kumain ka na muna roon. Wala si Alex ngayon para magluto, inutusan ko mamalengke." Ngiti niya. Si Alex ang binatilyo na katuwang ni lola sa bahay noon at siya ring nagpadala ng mensahe sa'min.

Umiling ako. "Hindi pa, ma'. Ngayon pa lang ako kakain." Tugon ko bago ibalik ang tingin sa loob ng bahay. Ang totoo ay kanina pa ako kumain bago pumunta rito, hindi lang ako makatanggi kasi mahilig magluto si Pia at pangarap niyang maging chef. Paborito niya akong paghainan ng mga pagkain at hingin ang opinyon ko sa niluto niya.

Bumuntong hininga si mama. "Pasensya ka na anak ha? Ngayon lang ako makapaglilinis ng bahay. Hindi ako makapagwalis noong burol pa ng lola mo. Bukod dito ay maraming nakilamay at panay din ang kain." Saad niya. Hindi naman ganoon kakilala si lola. Tiyak ang mga nakilamay ay ilan sa mga naging kausap niya at mga saling-pusa na nakikain noong lamay. Biglang may tumalon na ligaw na pusa sa antigong piano dahilan lumikha ito ng tunog.

Hindi ako nakadalo sa burol at libing ni lola. Nang sumunod na linggo matapos ang anunsyo ay exam week namin, karamihan sa mga asignatura ay practical exam. Bukod pa roon, may pasok kami ni Aries sa part-time job namin. Bata pa lang kami ni Pia noong iwan kami ni papa at sumama sa ibang babae. Gayon pa man, si mama na rin ang nagsilbing ama't ina sa'ming dalawa.

PagsamoWhere stories live. Discover now