Kabanata 02: Tagpo sa Kadiliman

7.1K 157 5
                                    

[Kabanata 02: Tagpo sa Kadiliman]

November 2018, Dia de los Muertos

MALAPIT na sumapit ang alas-sais ng umaga. Naglalakad ako papunta sa malapit na bakery shop. Malamig pa ang simoy ng hangin na humahaplos sa'king balat habang tinatahak ang kahabaan ng daan. Ang buong lugar ay tahimik pa sa mga oras na 'to ng umaga. Papasikat na ang araw at ang dilim ay unti-unting naglalaho. Ang langit ay nagmistulang palamuti sa silong ng nagbabagong kulay ng kalangitan.

Sa tabi ng kalsada, napansin ko ang mga kalalakihang nagpapakain ng kanilang mga alagang manok. Ang mga aso ay naglalakad-lakad sa mga pintuan, may kakaibang antabayanan sa kanilang mga mata. Lumabas ang mga batang bibili sa magtatahong naglalako, dala-dala nila ang kanilang mga sariling baso. May matandang nagtitinda ng mga sariwang prutas at mayroong babaeng may hawak na malaking bilao, nag-aalok ng bagong lutong kakanin para sa agahan.

Nakahilera na rin sa labas ang mga kariton ng mga nagtitinda ng kandila, bulaklak, tsokolate, kape, mani, at maging ang mga agaw-pansin na mga makukulay na sisiw. May mga batang naglalaro ng habulan sa gitna ng kalsada, tumitigil lang sila kapag may dadaang sasakyan. Sa tapat naman ng tindahan, may mga kalalakihang nag-aayos ng mga tolda at upuan para sa inaasam na pag-aalay sa mga yumaong mahal sa buhay na magaganap mamayang gabi sa sementeryo ng Santa Crusiana.

Tumigil ako sa tapat ng isang lumang bahay na may dalawang palapag. Sa unang palapag matatagpuan ang bakery shop at sa ikalawang palapag naman ay bahay. Maraming tanim na bugambilia sa labas ng bahay. Pumasok ako sa loob ng tindahan at nadama ko agad ang mainit na simoy mula sa mga bagong lutong tinapay. May umiikot na ceiling fan pero walang hangin at painting na The Last Supper na nakasabit malapit sa hapag-kainan. At kagaya ng mga bakery sa Maynila, hindi rin nagpapahuli ang tindahang ito sa pagpapakita ng mga sagradong simbolo sa ibabaw ng lalagyan ng mga tinapay.

Punong-puno ng iba't ibang klase ng tinapay at kakanin ang bakery pero agaw-pansin talaga ang mga nakadikit na poster ng mga babaeng nakasuot ng bikini mula sa 1950s. Maraming tanim na bulaklak sa loob ng tindahan, karamihan sa mga 'yon ay bugambilia. Nakalagay ito sa porselanang plorera dahilan upang mas lalong umaliwalas ang ambiance sa loob ng tindahan. Isang tinig mula sa'king tabi ang nagtanong, "Manong, kailan kayo magkakaroon ng bagong poster?" Tumingin ako sa nagsalita, may hawak siyang isang balot ng pandesal at diyaryo habang nakatalikod sa'kin.

Hapit na puting sando, khaki shorts, at itim na tsinelas ang suot niya. May butas na sombrerong gawa sa buri na nakasabit sa hawak niyang bayong. Napaisip naman ang manong saka tumingin sa katabi ko. "Siguro ay sa susunod na buwan," Ang sagot niya habang nakaupo sa isang tumba-tumba. Sinusuklay niya ang kanyang malagong bigote gamit ang mga daliri niya. "Bumalik ka rito kapagkuwan." Tumango at nagpasalamat ang binata bago umalis ng tindahan.

Nang mapansin ako ni Mang Nestor na siyang may-ari ng bakery ay agad siyang sumenyas sa'kin. "Trenta pesos na pandesal at isang bote ng mantikilya." Saad ni Mang Nestor sabay ngiti. Halos araw-araw akong bumibili sa kaniya noon sa tuwing umuuwi kami ng Santa Crusiana at hanggang ngayon ay tandang-tanda pa rin niya ang palagi kong binibili sa tindahan niya.

Matanda na si manong, makintab din ang kaniyang bumbunan sa tuwing natatamaan ng ilaw dahil manipis na lang ang kaniyang mga puting buhok. Bilugan ang ulo at tiyan niya na madalas niyang patungan ng tasa ng mani habang nakikinig sa maliit niyang radyo. No'ng bata pa ako, walang araw na hindi ko nakita si Mang Nestor na suot ang paborito niyang puting sando na kupas at may mantsa ng kape.

Pinatay niya ang kaniyang maliit na radyo na may mataas na antenna bago siya nagsimulang magbalot ng mga pandesal. Kumuha ako ng isa sa mga diyaryo na nakapatong sa ibabaw ng lalagyan ng mga tinapay. "Mag-aalay ba kayo ng padasal mamaya para kay 'nay Niang?" Tanong ni Mang Nestor habang tinitingnan ang mga tinapay sa hurno.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 09 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

PagsamoWhere stories live. Discover now