Collab #1: Hilahan Lubid

20 2 0
                                    

"HILAHAN LUBID"
By: Llej Enil & Cloud_Castle134

Hindi ko inasahang isang umaga,
Na ikaw pala ang hahanap-hanapin ng mga mata,
Sa iyo titibok ang pusong nangungulila sa kapareha,
Ikaw na ang gusto kong maging tadhana.

Hindi ba tila nagmamadali ka?
Padalos-dalos sa iyong pagpapasya,
Bakit 'di muna pag-isipan ang pinasok?
Baka ikaw ay Kaniya lang sinusubok?

Bago pa man kita makilala
Ikaw ay akin nang hiniling kay Bathala;
Kaya akin nang ikakabit sa iyo ang kabilang dulo ng lubid,
Tanggapin mo sana ang inaalok kong pag-ibig.

Kung ako nga ay hiniling mo sa Kanya,
Natanong mo ba kung hiniling din kita?
Maaari bang huwag kang makasarili?
Pag-ibig mo'y masyadong nagmamadali.

Hindi ko lang kayang palagpasin pa,
Dahil natatakot akong magmahal ka ng iba.
Kaya pipilitin kong hilahin ka palapit,
Titiisin ko ang pinapadama mong sakit.

Pakiusap, huwag kang ganyan,
Natatakot din akong ikaw ay masaktan,
Gaya kong ang sakit ay di makalimutan,
Nitong pag-ibig kong nagdaan.

Huli ka na upang ako'y balaan,
Na huwag kang mahalin nang lubusan;
Sa nakaraan mo'y wala akong pakialam,
Hayaan mo akong maging iyong kasalukuyan.

Hindi pa nga ako handa, baby,
Hindi ko pa nakikitang ikaw na ang aking katabi,
Ang pag-ibig niya'y akin pang inaasam-asam lagi,
Mapait pa ang nagdaan dito sa aking labi.

Totoo ba talaga ang dahilan mo, mahal?
Dahil kung Oo— titigilan na maging hangal.
Kapit ko sa lubid ay unti-unting luluwagan,
Pagbitaw mo sa dulo— sana'y 'di biglaan.

Ilang beses ko bang dapat ipagsigawan?
Kahit kailan, lubid mo'y 'di ko hinawakan,
Paano mo ba naman kasi mamamalayan iyan?
Hindi mo kasi hinihila ang iyong hinahawakan,
Di mo tuloy alam, maluwag ang iyong kinakapitan!

Ako nga lang pala ang nagpupumilit,
Patawad, pangakong 'di na mauulit.
Gigising na sa kahibangang tayo'y itinadhana,
Salamat sa saya't sakit na iyong naipadama.

Tama! Maigi ngang bumitiw ka na,
Kasi sa akin wala ka namang mapapala,
Paalam na lang sa ating alaala,
Sana mahanap mo ang sa iyo'y magpapaligaya.

Subalit bakit ganito kasakit?
Ang palayain ka ang dapat na isambit,
Pero alam ko sa loob ng aking dibdib,
May puwang ka na't iniibig.

Sana lang hindi kita mabakasan ng pagsisisi,
Na ako'y hinayang bumitaw at huwag manatili.
Sa oras na matagpuan kong muli,
Ang pagmamahal na hinahangad para sa sarili.

Ngunit kahit ganito ang ating katapusan,
Masaya ako sa iyong ipinaalam;
Na nagkaroon ako na kahit katiting na puwang,
Sa puso mong titigilan ko nang maasam.

Pluma At Papel: Ikaw at AkoWhere stories live. Discover now