#3 Bersyon ni Matsing

59 2 1
                                    

PASABIT, ha?

Gusto ko kasi ang hangin dine sa itaas. Malakas. Tila hinihilamos ang mukha ko sa tuwing hahampas. Huwag kang masyadong gagalaw at baka ako mahulog. Iyan. Tama iyan.

Aba't malago na pala ireng bunga mong saging. Puwede bang makahingi kahit isa? Hindi mo kasi naitatanong, paborito ko talaga ang saging, lalo na kung mahaba, malaki at matigas. Ano? Bibigyan mo ako ng tatlo? Aba't pagpalain ka nawa! Salamat! Natutuwa ako't hindi mo ako pinagdamutan.

Alam mo kasi, nagkalat na ang mararamot ngayon. A, hindi, noon pa man, e, nagkalat na talaga ang mararamot. Gayunpaman, katulad mo, e, meron pa ring naiiba.

Sino? Heto't ikukuwento ko sa 'yo.

Matagal na noon nang minsang nagliwaliw ako sa gubat para mangalap ng makakain. Kayrami kong nakitang katakam-takam na mga prutas at gulay roon. Iyon nga lang, e, hindi man lang ako nakapitas ni isa. Alam mo ba kung bakit? Aba't ayaw akong bigyan ng mga puno roon. Kayraramot! Ubod ng damot! Magtanim daw ako't nang meron akong madukot. Kaya hayun at nasura ako nang todo.

Gayunpaman, e, naglaho ang sura ko nang makarating ako sa harap ng isang batis. Akalain mo't naroon pala ang grasya? May nakita ako roong tulad mo. Puno ng saging ba, iyon nga lang, e, hati sa dalawa.

Ano? Parang alam mo na ang kuwento ko? Naku! Maling bersyon iyang nalalaman mo. Si Aso ba ang nagkuwento sa 'yo? Sinasabi na nga ba! Huwag kang maniwala sa gagong iyon. Itong akin ang totoong bersyon. Makinig ka.

Dinampot ko iyong hating puno na nakita ko roon sa batis. Aba siyempre't alam kong mapakikinabangan ko iyon, ano. Kaya hayun at habang pauwi ako, e, bitbit ko iyon sa balikat. Nang malapit na ako sa bungad ng gubat, e, may nakasalubong akong pagong. Binati ko siya.

"Magandang umaga, Pagong!"

Bahagya pa siyang napatalon nang makita ako. "O, ikaw pala iyan, Matsing. Magandang umaga rin. Mukhang mabigat iyang bitbit mo, a?"

"Ito ba? Hindi naman."

"Hindi. Akin na iyang isa't tutulungan kita. Hindi mo naitatanong, malakas itong likod ko."

Kaya hayun at ibinigay ko sa kanya iyong ibabang parte ng puno 'pagkat iyon ang mas magaang. Nakatutuwa nga siya, e. Alam mo bang sa kabila ng mabagal niyang paglalakad, e, talaga nga palang malakas ang katawan niya. Akalain mong nabitbit niya iyon nang walang kahirap-hirap? Aba'y napabilib talaga niya ako.

Kaya naman nang matapos naming mailapag sa labas ng bahay ko iyong hating puno, e, pinakain ko siya. Mula sa itaas na parte ng puno ng saging, pinagpuputol ko ang mga dahon niyon at ginawang sapin para mapaglagyan ng tinapay na inihanda ko sa kanya. Lubos ang kanyang pasasalamat noon. Sinabi pa niya na kapag nagawi ako roon sa bayan nila, e, pakakainin niya rin ako.

Katanghalian ng araw na iyon, e, sinimulan naming itanim iyong ibabang parte ng puno. Aniya'y tutulungan niya raw ako nang sa gayo'y mapadali ang trabaho. At iyon nga ang nangyari. Wala pang isang oras, e, matatag na ang tayo niyong puno sa may bakuran ko. Siya ang nagdilig sa huli.

Sabi niya: "Kaibigang Matsing, siguradong tutubo ireng tanim natin. Gusto kong makita ang paglaki niyan subalit kailangan ko nang umuwi sa amin."

"Maraming salamat sa tulong, kaibigang Pagong. Ipagdarasal ko ang ligtas mong pag-uwi sa bayan ninyo," sagot ko at tuluyan na siyang nagpaalam.

Teka. Pupuwede bang makahingi ulit ako ng saging mo? Tila kumalam yata ang tiyan ko sa kakukuwento. Isa lang. Oo, iyan, salamat. Napakabait mo talaga kaya heto't ipagpapatuloy ko na.

Hayun na nga. Matapos ang ilang araw, e, tumubo na ang puno ng saging. Aba'y nagtatalon ako sa tuwa! Kaylago niyong bunga! Kaydilaw! Kaylaki! Kayhaba't kaytigas! Noong araw ring iyon, dumating ang kaibigan kong pagong. Aba't akalain mong sa sobrang tuwa, e, naghubo siya ng damit? Oo! Naku, kung nakita mo lang, e, talagang mapahahagalpak ka sa lupa sa katatawa.

EpifaniaWhere stories live. Discover now