#5 Pasalubong

30 1 0
                                    

DUMULAS sa kamay ko ang hawak kongcellphone. Unti-unti ay nanlambot ang mga tuhod ko, dahilan para mabitiwan ko ang kamay ni bunso. Nanghihina ako. Gusto kong ipikit ang nanlalaki kong mga mata para paniwalain ang sarili kong hindi totoo ang nakikita ko, pero alam kong lolokohin ko lang ang sarili ko kapag ginawa ko iyon. Kailanma'y hindi na mababago pa ang isang bagay na ngayo'y nasa harapanko na... May magagawa pa ba ako, e, nandiyan na?

***

"Anak, pasensya na kung maliit lang ang naipadala ko, ha? Madalas kasi akong hindi nakakapasok sa trabaho gawa ng sakit."

 

Inikot ko ang mga mata ko. "Kulang 'to, Ma. Due date na ng bayaran ng kuryente't tubig sa Biyernes; hindi pa kami nakakabayad."

 

Ilang segundo bago ka nakasagot. Malamang, nag-iisip ka na naman ng panibagong palusot mo. Palusot mong sa sobrang dami ay hindi ko na magawang mapaniwalaan. "O, sige, susubukan kong magpadala sa Miyerkules o Huwebes. Bilhan mo na rin pala ng bagong tsinelas si bunso. Baka pigtal na naman ang gamit niya."

 

Kita mo? Agad mong iniiba ang usapan. Paano ko mabibilhan si bunso ng tsinelas, e, pagkain pa lang ay kulang na ang ipinadala mo? Alam mo namang mahal na ang bilihin ngayon, 'tapos kung maka-utos ka, e, akala mo'y kaylaki-laki ng ipinadala mo. Diyos ko, wala pa yatang isang linggo, ubos na ang walang kuwenta mong pinagputahan.

 

"Sabi Mama?"

 

Napalingon ako sa likuran ko. Nakita ko si bunso, anak mo--baka sakaling kinalimutan mo na. Hinaplos ko ang manipis niyang buhok saka siya sinagot, "Lagi ka raw matutulog kapag tanghali para lumaki ka kaagad."

 

Ngumisi siya. Kumuyabit siya sa damit ko, hudyat na gusto niyang magpakarga. Hindi sa iyo.

 

Hindi ka ba naawa sa kanya? Lumaki siya na hindi ka man lang nasisilayan. Ano na? Limang taon na si bunso; limang taon na rin kaming ulila--inaasahan ang bawat tawag mo sa gabi, ang padala mong kakaunti. Hindi ka ba nakokonsensyang nariyan ka--nagpapakasarap--samantalang kami rito--naghihirap?

 

Kahit isang araw lang sana ay maisipan mong umuwi, pero wala... Namuti ang mga mata ko sa kahihintay sa iyo. Napagod. Nagsawa. Nawalan ng gana. Nasaan ka na?

 

Si Kuya, may asawa na at tatlong mga anak, pero gaya ko--hindi masaya. Bakit? Bakit nga ba? Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo? Ang tanong... may pakialam ka pa ba?

 

"Walang kuwenta! Magsilayas kayo!" Galit na galit na naman si Papa. Natalo sa sugal, nagpakalunod sa alak, nagpakasasa sa droga... para makalimutan ka.

 

Kasalanan mo itong lahat! Kasalanan mo kung bakit nagkandaletse-letse ang pamilya. Kasalanan mo kung bakit hindi na nagtino si Papa. Kasalanan mo kung bakit lumayas si Ate. Kasalanan mo kung bakit nag-asawa nang maaga si Kuya. Kasalanan mo kung bakit walang panggatas si bunso. Kasalanan mo... Kasalanan mo kung bakit natigil ako sa pag-aaral. Kasalanan mo kung bakit ngayo'y isa na lamang akong laruan ng mga hukluban. Ikaw ang may kagagawan ng lahat... pero nariyan ka sa lupa ng mga Hapon--pilit iniiwas ang sarili sa sinasapit naming pagdurusa.

EpifaniaKde žijí příběhy. Začni objevovat