Kabanata 5

54 13 13
                                    

Patay na si lolo Magnus.

Muli na namang pumatak ang napakaraming butil ng luha galing sa mga namumugto kong mata. Hindi pa rin ako makapaniwala sa narinig ko. Patay na ang taong pinakapaborito ko sa lahat. Ang taong mahal na mahal ko. Ang taong makakatulong sa akin na makabalik sa mundo ko. Wala na siya. Saan na ako pupunta nito?

May kumakatok sa pintuan ko pero wala na akong lakas para tumayo pa at pagbuksan pa ito. Namalayan ko na lang si mama na umupo sa gilid ng kama ko.

“Anak, Seri, tahan ka na. Bukas na bukas rin dadalaw tayo kina lolo Magnus mo. Matulog ka na anak. Malulungkot ang lolo Magnus mo pag nakita ka niyang ganyan. Ayaw na ayaw pa naman nu’n na umiiyak ang maganda niyang apo.”

Naramdaman ko ang pagdampi ng halik ni mama sa buhok ko pagkatapos nu’n ay tumahimik nang muli ang silid ko. Lumabas na siya. Nag-iisa na naman ako.

Malalim na malalim na ang gabi. Sa katunayan nga ay halos mag-uumaga na pero wala pa ring humpay ang pag-agos ng mga luha ko. Napuno ang buo kong silid ng mga hikbi ko. Patuloy na naglalaro sa isipan ko ang walang hanggang katanungan ngayong wala na si lolo. Paano na ako? Paano na ‘ko makakabalik pa?

Hindi ko maiwaglit ang takot na baka patay na ngang tunay si lolo Magnus doon sa Varsena. Diba nga salamin ng buhay namin ang buhay namin dito sa mundong ito? Paano nga kaya kung wala na akong babalikan pang lolo Magnus sa Varsena?

Kasalanan kong lahat ng ito. Kung hindi ko lang pinairal ang kuryosidad ko, hindi ako mapupunta dito, mananatili ako sa tabi ni lolo Magnus. Mababantayan ko siya. Pero wala, gulong-gulo na ang lahat dahil sa kamaliang ginawa ko.

Alas nuwebe ng umaga. Naghanda ang lahat dahil pupunta kami sa lalawigan nila lolo Magnus. Mananatili kami doon ng mga dalawang araw para na rin tumulong sa paghahanda sa burol at kung anu-ano pa.

Lutang na lutang ang isipan ko kaya naman wala akong maintindihan sa mga nangyayari. Basta namalayan ko na lang na nakarating na kami sa isang tahimik na lugar. Layo-layo ang mga bahay at kapansin-pansin rin ang mga lumang ilaw sa daan. Malapit ng mag-takipsilim kaya medyo madilim-dilim na.

Pumasok kami sa isang bahay na hindi naman masyadong kalakihan. Ngunit halatang-halata ang katandaan ng naturang bahay. Pagpasok namin sa bahay, binati kami ng mga iyak at mga hikbi. At sa harapan nakita ko ngang pinapaligiran ng mga bulaklak, ang isang kumikintab na himlayan.

“Lolo…”

Hindi na naman naawat sa pag-agos ang mga luha ko. Tila ba hindi sila nauubos at kusang dumarami. Nakahiga na siya ng payapa. May nawawari pa akong mga ngiti sa labi niya. Ang ngiti na yan. Ang paborito kong ngiti. Lolo, namimiss na po kita. Oo nga’t nakita ko na siyang muli, subalit hindi ko akalain na hindi ko na pala makikita pa ang bughaw niyang mga mata. Hindi ko na rin siya mayayakap. Hanggang iyak at tingin na lamang ako.

“Ate, wala na si lolo…”

Naramdaman ko ang pagyakap ng dalawa kong kapatid sa akin. Tulad ko, namumugto na rin ang kanilang mga mata. Kaya naman wala na akong nagawa kundi ang sumabay sa hikbi nila.

“Alam mo, noong mga bata pa tayo, paboritong-paborito ko ang niluluto niyang puto. Tsaka pagkatapos nu’n, magku-kuwento siya ng mga kamagha-manghang bagay. Namimiss ko na siya…”

“Dinadalhan niya nga rin tayo ng mga kasoy nu’n pag dumadalaw siya sa atin. Pero, wala na, wala ng kasoy, wala ng mga kwento. Lolo…”

Damang-dama ko ang sinasabi ng mga kapatid ko dahil ginagawa rin ang mga ‘yon ni lolo Magnus sa Varsena. Bakit ganun lolo? Ba’t ka nang-iiwan?

Gabi na. May mga taong nagbabantay sa lamay habang eto ako nakatulala sa may mga rosas. Langhap ko ang halimuyak nito kaya kahit papaano eh gumaan ang loob ko. Maraming ganito sa Varsena. Sa katunayan, paborito ko ang rosas. Napakaganda kasi nito. At sa kabila ng ganda nito, kaya pa nitong protektahan ang sarili laban sa sinumang maglalapastangan dito. Kaso, hindi ako isang rosas. Isa lamang akong hamak na ligaw na talulot.

“Hija? Seri hija?”

Lumapit sa akin ang isang matandang babae. Sa pagkakatanda ko, siya ang tagapangalaga kay lolo Magnus, si Aling Nenita. Matagal-tagal na rin siyang nanininilbihan sa lolo. Umupo ito sa tabi ko kaya umusod ako ng konti.

“Ho? Bakit ho?”

Ngumiti ito sa akin pero halata sa mata nito ang lungkot at pagod.

“Alam mo, napakabuting tao ng lolo Magnus mo. Sa buong buhay ko, siya lamang ang tumingin sa akin na may halaga ako sa buhay, na hindi lamang ako isang hamak na dukha.”

“Ganun po talaga si lolo, nakikita niya ang ganda sa bawat bagay at tao sa mundo. Sana nga ganoon rin ako.”

“Nako siyang tunay hija. Ah nga pala, may ibinilin sa akin ang lolo Magnus mo nung gabi bago siya binawian ng buhay. Halika ipaipakita ko sa iyo.”

Pumasok kami sa isang silid na puno ng mga lumang kagamitan at mga lumang aklatan. Subalit, sa kabila ng kalumaan ng mga gamit sa loob, wala ni isang agiw o alikabok man lang ang makikita mo. Halatang inaalagaan nga itong silid na ito.

Kinuha ni Aling Nenita ang isang kahong gawa sa kahoy. Maliit lamang ito, kasinglaki ng isang baunan.

“Nung gabi bago pumanaw ang lolo Magnus mo, pinapunta niya ako rito. Sinabi niya na baka raw bukas hindi na siya uli makapunta rito kaya ibinilin niya sa akin na ibigay ko sa iyo ang kahong ito. Hindi ko alam na iyon na pala ang huling pag-uusap namin.”

Binuksan ko ang kahon. Dalawang bagay lang ang laman nito. Isang kwintas at isang liham. Nagpaalam ako kay Aling Nenita na aakyat na ako sa aking silid. Pareho kami ng silid ni Ria/Sia, parang sa Varsena lang. Pero pag-akyat ko, tulog na si Ria/Sia. Kaya naman dahan-dahan kong inilapag ang kahon sa aking kama. Binuksan ko ang liham.

At ito ang nakasulat:

Mahal kong Seri,

          Kumusta ka na apo? Sa pagkakataong ito, kung nababasa mo nga itong liham eh tiyak na wala na ako. Bata ka pa, alam ko ng malayo ang mararating mo. At kita mo nga naman ngayon, napakalayo nga nang narating mo. Napadpad ka sa kabilang mundo. Pero, seryoso, apo, taglay mo ang paniniwalang hindi matutumba ninuman. May kakayahan kang nakakapagbukod-tangi sa iyo. Isa kang rosas Seri. Tandaan mo iyan. Kalakip ng liham na ito ang isang kwintas. Suotin mo ito habang nandirito ka pa sa ibang mundo. Balang araw, mahahanap mo rin ang daan pabalik. Tandaan mo, narito lang ako palagi apo. Hindi kita pababayaan.

             Lolo Magnus

Pinagmasdan ko ang kwintas na kalakip ng liham. Hugis buwan (crescent moon) ang pendant ng kwintas. Mayroon ding kulay lila na bato sa gitna ng buwan. May nakasulat sa buwan pero napakaliit nito at di ko mabasa. Isa lang ang masasabi ko, napakaganda ng kwintas.

At gaya nga ng sabi ni lolo, isinuot ko ang kwintas.

Hindi ko mapigilang maguluhan sa mga nakasulat sa liham ni lolo Magnus. Bakit ganoon ang nakasulat? Alam niya ba na mapupunta ako rito o alam na niya na napunta ako rito. Isa pa, nagtataka ako bakit di na lang ako binigyan ni lolo ng susi o paraan para makabalik sa Varsena. Kawawa naman ako dito.

Kinabukasan, nagising na lang ako dahil sa isang kakaibang ingay. Ang tinis ng boses tsaka ang liit-liit pa. Kaya naman hinanap ko saan ito galing. Wala naman na si Ria/Sia ah. Walang ibang tao sa silid bukod sa ‘kin. Imposible, sa loob ng silid ko ito narinig. Di bale, makabangon na nga.

“Malinis na hangin, mainit na sikat ng araw, ooh, gusto ko itoo~”

May boses nga! Galing ito sa bintana. Kay dahan-dahan akong humakbang papalapit dito.

“Aaaahhhh!!!”

Nagsasalita ang halaman sa paso!

ParallelWhere stories live. Discover now