Kabanata 2

61 14 13
                                    

"A-aray."

Napadaing ako dahil ang hapdi-hapdi ng mga mata ko. Ang sakit-sakit rin ng ulo ko na para bang binagsakan ng batingaw.

Batingaw. Sandali.

Bigla kong naalala ang pinagdaanan ko. Ang parada. Ang ikaapat na palapag. Ang mga pintuan...

Kaya kaagad kong idinilat ang aking mga mata nagbabasakaling panaginip lang ang lahat at nandito lang ako sa kama natutulog.

Pero binigo ako ng nakita ko.

Nakahandusay ako sa isang dalampasigan. Suot-suot pa rin ang bestidang puti na dapat ay para sa parada. Kaya pala ang hapdi-hapdi ng mga mata ko dahil sa mga alon na humahampas na sa mukha ko. Asan ba kasi ako?

Dahan-dahan akong tumayo pero agad lang akong natumba dahil parang umiikot ang paningin ko. Nangalumbaba na lang ako. Ano ba kasi ang nangyayari?

Hindi ko napigilan ang mga luha ko na kusang lumabas at dumausdos sa mga pisngi ko. Kahit na ang lamig-lamig ng pakiramdam ko dahil sa mga alon, hindi nito naikubli ang init na dala ng mga luha ko.

Noon, nangangarap ako na totoo ang mahika. At heto nga totoong-totoo ito. Pero bakit sa ganitong paraan?

Napatingin ako sa kalangitan na ngayo’y kulay lila na. Anong oras na kaya? Nagsimula na kaya ang parada? Hinahanap kaya ko nila mama? Nag-aalala na siguro sila. Kaya kailangan ko ng malutas ito sa lalong madaling panahon.

Umiikot man ang paningin, pasuray-suray akong naglakad-lakad sa buhangin hanggang nakarating ako sa isang maliit na kubo (cottage). May natutulog doon. Nagpatuloy pa ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa isang grupo ng mga taong nagtatawanan. Sinipat ko ang paligid at nakitang marami pang taong naririto.

Mabuti ito at marami akong mapagtatanungan. Kaya naman humakbang ako papalapit sa mga taong nagtatawanan.

“Ate!”

Natisod ako dahil biglang may humawak sa likuran ko.

“A-aray ko…”

Ayoko na! Masakit na nga mata ko, masakit pa ulo ko, pati ba naman paa ko sakitin rin? Mapapadpad na nga lang ako sa ibang mundo magiging sakitin pa ako. Naku naman oh!

“Hahaha ate ano ba naman yan? Lampa talaga neto kahit kelan oh.”

Nagulat na lang ako nang mapagtantong si Ria pala ito.

“O? Gulat na gulat ate? Halika na hinahanap ka na nila mama. Lagot ka kanina ka pa nila hinahagilap. Tsk tsk tsk.”

Tumalikod si “Ria” at nagsimulang lumakad papalayo.

“Sandali!”

Lumingon siya habang nakataas ang isang kilay.

“Kelangan mo ng wheelchair? Crutches? Ano?”

Hinawakan ko ang braso niya.

“Sandali, Ria, nasaan ba tayo? Bakit hindi ako pamilyar sa lugar na ‘to? Bakit ganyan ka magsalita?”

Pero kaagad siyang bumitiw sa akin habang nakatingin sa akin na para bang tinubuan ako ng limang mata sa noo.

“Ate ayos ka lang? Mukhang sabog na utak mo ah. Birthday party ni Tita Mely, andito tayo sa resort nila.”

“Tita Mely? Resort?”

Napasabunot si “Ria” sa buhok niya sabay hila sa ‘kin patayo.

“Alam mo ate, gutom lang yan. O baka naman dahil yan sa inihaw na palaka? Nako sabi ko na nga ba’t nakakasira ng bait yun eh! Halika ka na nga lang ate, may gamot si mama dun.”

“Sandali Ria, tapos na ba ang parada?”

Mas lalong kumunot ang noo ng kausap ko.

“What the? Sino si Ria? Tsaka anong parada baa ang pinagsasabi mo?”

“Ria, ikaw si Ria. Nakalimutan mo na ba ang pangalan mo?”

“Ate baka ikaw ang nakakalimot sa pangalan ko. Sia. S-I-A. Sia. Hay nako ano ba naman yan, ang weird weird naman nitong pag-uusap natin. Halika na nga ate.”

Ngayon, ako naman ang nangunot ang noo. Sa pagkakatanda ko, Ria ang pangalan ng kapatid ko. Eh bakit Sia ang sinabi niya? Ano na naman ba ito?

Dinala ako ni Ria na nagpakilalang si Sia sa isa pang kubo (cottage) na mas malaki sa mga nadaanan namin. Ang laki ng mesa sa gitna at napakaraming nga pagkain ang nakahanda. May nakasabit ring parang papel na ang nakalagay: Happy 54th Birthday Mama Mely. Ang lubos kong ipinagtaka ay ang litrato sa ibaba nito. Si tita Melia.

“Seri! Sa’n ka ba nanggaling bata ka? Kanina ka pa namin hinahanap!”

Napalingon ako sa nagsasalita at mas lalong naguluhan dahil si Mama ito. Katabi niya ang mga kamag-anak namin na sina tita Chieri at tita Melia. Nandoon rin ang kapatid kong si Kennedy, ang mga pinsan namin. Hinahanap ng mga mata ko ang isang taong alam kong makakatulong sa akin ngayon.

Pero wala. Wala si lolo Magnus.

Sa katunayan, wala na akong maintindihan sa mga pinagsasabi nila. Lumulutang ang isipan ko. Bakit ganito. Akala ko ba napadpad lang ako sa ibang lugar pero bakit andito ang pamilya ko? Pamilya kong hindi ko na kilala.

Hindi ko na namalayan na nakauwi na pala kami sa bahay “namin”. Lutang pa rin ako kaya hindi ko namalayan pa’no ako napunta sa loob ng banyong ito. Namalayan ko na lamang na hawak ko na pala ang isang tuwalya’t damit na pagpapalitan ko raw. Napatingin ako sa malaking salamin na nasa harapan ko. Tumitig sa akin ang repleksyon kong gulong-gulo. Gulo ang isip, pati na hitsura. Ang putla-putla ko na, tapos yung buhok ko pa andaming buhangin. Dumako ang tingin ko sa maliit rosas na nasa kaliwang dibdib ng bestidang suot ko. Sa mga nangyari ngayong araw, ito lang ang nanatiling kalmado. Nanatiling maganda. Napabuntong-hininga ulit ako. Ano ba namin kasi itong pinasok ko?

Natapos rin ako sa pagligo at narito ako napaupo sa kama. Pinagmamasdan ko ang kabuuan nitong silid na tinutuluyan ko. Modernong-moderno. At simpleng-simple. Maaliwalas itong tingnan at isa lang ang kama. Sa Varsena, dalawa ang kama sa silid namin dahil ayaw ni mama na mag-isa kaming matulog. Kaya ayun, palaging pareho kami ng silid ni Ria.

Napadako ang mata ko sa mga litratong nasa katabing mesa. Mga litrato ko ito kasama ang pamilya ko at mga taong hindi ko kilala. Mayroon ring litrato ko kasama ng isang lalaki habang nakangiti’t nakahalik siya sa pisngi ko. Napahiga na lang ako sa kama.

Pa’no ko ba haharapin ‘to? Kung andito lang si lolo Magnus.

Matutulog na ba ako? O sige matutulog na lang ako. Baka bukas maaayos na ang lahat. Baka paggising ko, nasa Varsena na ako ulit. At pagdating na pagdating ko dun, makikiisa na ako kay Ria na naniniwalang hindi totoo ang mahika. Hindi ito totoo. At ayokong magkatotoo ito.

Pero natigil ako sa pagmumuni-muni nang biglang may tumunog sa loob ng bag na dala ko mula sa resort kanina. Hinalungkat ko ang loob ng bag at natagpuan ang isang kakaibang bagay. Hugis kwadrado ito at umiilaw. May litrato rin sa harapan nito. Ano ba 'to? Ay. Oo, eto ata yung tinatawag na cellphone. Naaalala ko 'to, napag-aralan namin ang iba't-ibang imbensiyon at mga teknolohiya. Kaya nga lang, wala kaming ganito. Napakamahal naman kasi ng ganito sa amin. Yung mga mayayaman lang ang may ganito sa amin.

Teka nga, sinubukan kong pindutin ang litrato. Ayun. Sabi, swipe screen to open daw. Kaya naman sinunod ko ito. Kaso sabi enter password to open daw. Password? Patay di ko alam ano password nito. Hindi naman ako si Seri na taga-dito eh. Kaya naman itinabi ko na lang ang cellphone sa loob ng cabinet.

Isa pa na ipinagtaka ko, kung nasa kabilang mundo ako, at itong buhay na meron ako ngayon eh katumbas ng buhay namin doon, bakit parang ako lang yung parehang-pareha sa kung ano ako sa Varsena? Ang gulo naman. Ay teka, alam ko na ang gagawin ko. Kung nandito ang pamilya ko sa buhay na ‘to, siyempre andito rin si lolo Magnus diba? Kaso baka katulad lang rin siya kina mama na walang alam sa Varsena. Di bale na, ang importante makita ko siya.

Bukas na bukas rin, sisiguraduhin kong makakauwi na ako sa pinanggalingan ko.

ParallelWhere stories live. Discover now