Taking the Exam

1.2K 40 5
                                    

Buong araw akong tumambay sa simbahan kasama ang ibang kabataan. Parang pangalawang tahanan ko na rin ang simbahan. Pagkatapos ng simba, naghahanda kami agad ng pananghalian, kumakain kami kasabay ang aming pastor at mga kwentong nakakabusog ng puso habang nabubusog ang tiyan, at may kusa na rin pagdating sa ligpitan --- ang hindi  nagluto, sila ang magliligpit.

Wala akong problema sa pagkain kapag Sunday. Lagi akong busog.

Kinahapunan, kailangan na naming umuwi at kailangan ko na ring harapin ang problemang kanina pa kumakalabit sa akin.

Buong gabi kong inisip kung paano ako makakatipid. Syempre, kahit sabihin kong malaki ang pananampalataya, minsan mahirap din maniwala kapag ang nakikita mo lang ay ang problema. Tulala akong nakahiga sa kama habang nakatitig sa bubong. If a staring contest melts the losing opponent, kanina pa tunaw ang plywood na 'to. Di ko na namalayang nakatulog na pala ako. At hindi ko pa naiisip ang solusyon.

Alas singko ng umaga'y nag-iingay na ang cellphone ko. Habang nakapikit ay kinapa-kapa ko kung saan nanggagaling ang alarm. Tiningnan ko ang oras. Maaga pa, may 30 minutes pa ako, kaya pinatay ko ulit ang alarm. Hindi ako pauso, ganyan lang talaga ako. Kelangan ng paunang alarm bago yung totoong gising at bangon. Pagkatapos ng trenta minutos, nag-alburuto na naman ang aking cellphone at medyo nagbabanta na. Kung hindi ako babangon, sasabog na siya!

Well, bumangon din naman ako. Mahirap na din kung hindi ako bumangon, masakit pa sa break-up ang makaltasan ang sahod dahil sa ilang minutong late sa pag-bundy in.

Ligo, bihis, alis.

Nang magsimula na akong maghintay ng masasakyan sa may highway (syempre, sa tabi; di naman pwedeng sa gitna ako mag-aantay), bigla kong naalala ang dalahin ko. Kulang pala budget ko sa pera. Pero hindi pa masyadong tumatalab dahil Day 1 pa naman. May P72.75 pa ako. Kaya pa 'to ng dalawang araw.

Sa probinsya ng Cavite, may dalawang klaseng sasakyan ang pwede kong sakyan papunta ng eskwelahan - ang pinakasikat na baby bus at ang mahiwagang jeep na minsan ko lang natataymingan (kung hindi punó, ay punóng-punó). Sa'n ka lulugar niyan? Dalawa din ang klase ng pamasaheng pagkakagastusan ko --- ang bus na P9.00 at ang jeep na mas makakatipid ako ng piso.

Kung iko-compute ng napakabilis kong mental math ang gagastusin ko for this week, ito ay:

P9.00 x 2 (back and forth)= P18.00 x 5 (weekdays) = P90.00

P90.00 compared to P72.75? Di naman ata medyo malayo noh? Kaso walang kakain!

Monday. Masarap damhin ang rush hour ng Lunes pero mas pipiliin kong huwag sumabay dito kung ayaw kong masira ang buong araw ko. Yung normal na 10 minutes na byahe kasi, nagiging 15-20 minutes. Minsan napapahiling ako sa magic powers ng kalawakan na mag-The Flash ang bus at gawing 5 minutes lang ang byahe. Kalapit-lapit kasi e tapos male-late ka pa. Isang deretsong byahe lang, wala nang paliko-liko o kung ano pang patumpik-tumpik, liban na lang sa pahinto-hinto sa mga bus stop na ini-imagine ng mga driver. Imagination nga naman ang limit nila. Mag-aantay pa ng pasaherong ayaw namang sumakay, pwera pa yung ayaw lang talaga sa punó na bus, yung tipong isa na lang kulang lalarga na. Ayaw pang makonsensya, siya na nga tong ininvite, siya pa tong tumatanggi. Pakipot lang ang peg?

Ako? Mas gusto ko yung marami nang nakasakay, kasi paniguradong nagiging The Flash si Manong Drayber at nagiging bullet bus ang sasakyan. Nasubukan ko na ngang makasakay sa ganyang bus. Aakalain mong may lakad si Manong o kaya'y natatae ang peg sa bilis ng sasakyan, nakarating agad ako sa school.

Nag-abang ako ng masasakyan nang mapansin kong may pumaparada na puting van sa harap ko. Nagsalita ang maldita kong konsensya, "Bakit kaya sa dami ng pwedeng pagparkingan ay naisipan pang sa harap ko talaga?"

Bago ako masagot ng mabait kong konsensya ay biglang bumukas pinto ng van to reveal a familiar face ---yung estudyante kong nangangarap maging DJ. Nagulat ako pero bago pa makapagreact ay nagsalita na ang lalaking nakahawak sa manebela, "Teach, sabay ka na po sa amin." Nakangiti lamang siya bago ako nagising sa pagkagulat. Na-realize ko na siya pala ang daddy ng estudyante ko.

Nang magising ay nakapagreact din ako at nagsalita habang papasok sa van, "Ay hello po, good morning! Naku, thank you po."

Aba, unang araw ng unang worry pero hindi ko man lang nagalaw ang natatanging budget ko.

Nakarating ako ng school ng walang kabá. Syempre, naiwasan ko ang mga pagtigil ng bus para makakuha ng pasahero at airconditioned pa ang sinakyan ko. Walang kapawis-pawis! Sosyal ka, Lord ah!

Nagsimula na rin ang araw ko. Kapag teacher ka at nasa loob ka na ng classroom, nakakalimutan mo na talaga ang personal mong isyu sa buhay at nakapokus ka na sa mga estudyante. Sa ayaw mo't hindi. It just happens, like reflexes.

Pagkatapos ng unang klase ko, break time na agad! Ang sarap noh? At dahil hindi ako nakakapag-breakfast, pinagsasama ko ang umagahan at pananghalian o mas pinauso sa tawag na brunch.

Minus na rin sa aalahanin kong budget ang pagkain sa umaga dahil sa mahabaging puso ng canteen owner na nagpapalista ng mga inoorder ng mga teachers (kasi nakakaligtaan na naming magdala ng pera lalo na't galing ka ng klase) at sa payday na din ang mahiwagang kaltas na parang SSS, Pag-ibig, at PhilHealth lang ang peg. Pero ok na rin at maabswelto na ang food sa worries ko, except sa dinner. Pwede namang walang kakain, di ba? Talo FEU e. Ayh never mind. Baka ma-ospital pa ako.

Sa hirap ng buhay ngayon, kailangan na din nating doblehin ang kayod kaya naman doble din ang identity ko. Teacher sa umaga, tutor sa gabi. Doble din ang tinuturuan ko. Dalawang magkapatid na doble din ang kakulitan ngunit dobleng saya din ang hatid sa akin. Yun nga lang, doble din gastos ko 'pag pumupunta sa kanila.

So sa Monday na yun, nakatipid man ako sa umaga, kakainin din yun lahat kinagabihan. At wala na akong choice kundi galawin na ang perang iniingat-ingatan ko.

Twelve pesos ang pamasahe ko sa tricycle. So, twenty-four pesos agad-agad kaltas sa P72.75 kong tanging kayamanan sa isang araw lang.

Let's do the Math:

P72.75 - P24.00 = P48.75

Monday pa lang, parang mauubusan na ako ng pera pati din ata pag-asa. Para hindi ma-late, nag-tricycle ako papunta sa kanila. Habang bumabyahe, biglang sumagi sa isip ko ang dinner. Sa pera kong ito na may malaking probabilidad pang mabawasan nang mabawasan hanggang sa  maubos at ma-zero ang score ko sa exam na ito, naisip ko paano ko maisasali sa budget ang dinner ko kahit sa araw lang na iyon. Maliit lang naman ang kain ko. Salamat sa Diyos at madali lang akong nabubusog. Kaya naisip kong mag-tinapay at magkape na lang.

Naudlot ang aking iniisip nang tumigil ang traysikel sa kung saan ako bababa. Nagbayad ako habang may konting kurot sa dibdib. Naisip kong ang sakit ng letting go moments ng buhay. Yung tipong ayaw mong bitawan ang isang bagay pero kinakailangan, kasi dapat, o kaysa naman makulong ako dahil di lang nakapagbayad ng traysikel. Baka ma-instant celebrity ako sa pagkaka-headline sa newspaper dahil...

"TEACHER, DI NAKAPAGBAYAD NG TRICYCLE, KULONG!"

Pumasok ako sa bahay at nang makapagsimula agad ng session. Sa kalagitnaan ng pagtuturo, amoy na amoy ko naman ang ulam na niluluto ng kasambahay nila. Buti na lang, bago pa ako di makapagpigil at sumugod sa kusina, natapos na ang session namin at dali-dali na din akong naghanda para umuwi. Tiningnan ko ang babaeng tutee ko habang nakapwesto na sa dining table.

Medyo malungkot tingnan na wala siyang kasabay. Ningitian ko siya para magpaalam na. Pero tiningnan niya ako at nadama ko ang lungkot ng walang kasabay sa pagkain. Naisip ko, ang hirap maging mayaman. Pero ang mas mahirap yung wala akong pangdinner.

Kinawayan niya ako, "Cher, kain tayo!"

At nasalba na naman ang inaalala ko kanina. Iba talaga ang Diyos! Pumaparaan! Isang matamis na kilig-smile naman dyan!

How God Does the Math!Where stories live. Discover now