Chapter 2: Ang Bahay ni 'Lo at 'La

3.6K 232 6
                                    

DAY 1

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

DAY 1

Hiningal si Sam akyatin ang matarik na batong hagdan. Dati rati'y madali lang ito para sa kanya, pero ngayo'y pinagpawisan na siya't nakaramdam ng pananakit sa binti't tuhod gawa pa na dala niya ang kanyang maleta. Tumatanda ka na, Sam, muni niya sa sarili.

Nang marating niya ang itaas ng hagdan ay bumulaga sa kanya ang malawak na bakuran at natanaw ang bahay ng kanyang 'Lo at 'La. Tanawin na tila ba walang ipinagbago.

"Lo! La!" sigaw ni Sam hatak ang kanyang di-gulong na maleta patungo ng bahay.

May kalumaan ang bahay, dekada 70s, gawa sa kahoy, bato, at bricks, at may dalawang palapag. May pagka-American ang style tulad ng ibang mga lodge houses sa Baguio. Kulay mahogany brown ang kahoy na sidings ng mga pader at puti naman sa mga bintana. May tsimenea o chimney na gawa sa bricks. Sa harapan, may maikling hagdan paakyat ng porch tungo ng entrance ng bahay, sa ilalim nito ay silong.

"Lo! La!" sigaw muli si Sam. "Nandito na po ako!"

Maya-maya'y narinig ang kahol ng aso at mula sa gilid ng bahay ay lumabas ang isang malaking Labrador. Kulay light brown o biege, sa klasipikasyon ito'y considered yellow. Nang makita si Sam ay sabik itong tumakbo tungo sa kanya.

"Misty!" masayang salubong ni Sam.

Niyakap niyang aso na walang humpay ang wagayway ng buntot. Dinilaan pa niya si Sam sa pisngi at natawa ang dalaga.

"Sam, ikaw na ba 'yan?"

Bumukas ang pintuang may screen sa taas ng balcony at dumungaw pababa ang lola ni Sam. Suot ay t-shirt na may long sleeves sa loob at paldang brown.

"Lola!" nagliwanag ang mukha ni Sam at nagmamadaling umakyat ng balcony, si Misty kabuntot niya. Niyakap ni Sam ang kanyang lola at bumeso. Ganoon na lang ang tuwa ng matanda na makita si Sam. Puti na ang shoulder length na buhok ni Lola Edna at may maamong mukha na nakakagaan ng loob.

"Kanina ka pa ba?" tanong ng lola. "Pasensya na apo at hindi kita narinig agad."

"Okay lang po."

"Halika, pasok ka."

Sinundan ni Sam ang kanyang lola papasok sa loob. Binuksan ng lola ang pintuan at tumunog ang door chimes na nasa itaas nito. Napangiti si Sam. Naalala niya ang door chimes.

"Nasa likuran ang lolo mo't nagsisibak ng kahoy," sabi ni Lola Edna.

"Kaya pa ba niyang magsibak ng kahoy?" biro ni Sam.

"Alam mo naman 'yon, 83 na'y pakiramdam niya'y 53 lang siya."

Natawa sila. Mas matanda ng dalawang taon si lolo kay lola. Nagiisang anak nila ang ina ni Sam.

Inikutan ng tingin ni Sam ang loob ng bahay. Walang gaanong nagbago noong huli siyang naririto. Barnisadong pader, puting kisame at dark mahogany na sahig. Natatandaan niya noong bata pa siya'y lagi silang nagpapadulas ng kanyang ate sa sahig matapos nila itong lagyan ng floor wax at bunutin hanggang sa sobrang kintab ay aninag na nilang kanilang mga mukha. Sa kanyang surprise, ay makintab pa rin ang sahig ngayon. Na-aliw siyang isipin kung ang lolo at lola niya'ng nagbubunot nito.

Ang Banga sa SilongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon