Chapter 1: Biyahe

Začať od začiatku
                                    

Get some fresh air. Clear your mind. Heal your wounds.

FB message ng kanyang ate pag-alis niya ng Manila. Fresh air. Mataas ang kinatitirikan ng ancestral home ng kanyang 'Lo at 'La, malayo sa polusyon ng mga pampasaherong sasakyan. Makakalanghap siya ng sariwang hangin. Hangin na amoy pine trees. Although, iyon ang karaniwang paniniwala, pagka't ayon sa nabasa kamakailan ni Sam, mataas na rin ang polusyon sa Baguio dahil sa overcrowding at pagdami ng mga sasakyan. Well, better pa rin kesa sa Manila, naisip niya. Tungkol naman na clear your mind, hindi ata niya agad-agad makakalimutan ang nangyari. At lalo nang hindi agad-agad maghi-heal ang mga wounds.

Sinilip niyang muli ang mga FB messages sa phone. Mga messages ng malalapit na mga kaibigan.

Time to move on.
He doesn't deserve you.
You're young, smart and beautiful, you deserve better.
Here's to being single again!
Forget him! U deserve some1 better!
There r plenty of guys out there...
It's not meant to be, girl. You deserve someone...

Deserve. Ito ba ang operative word? Muni ni Sam. Ano ba talagang ibig sabihin nito? Ano ba'ng deserve ko?

Napatingin si Sam sa bintana, wala na ang ulan at unti-unti nang nagpapakita ang araw. Ang drinawing niyang happy face sa hamog ng salamin ay nabubura na at tila nagmumukha nang "sad face." At naisip niya:

Paano kung ito pala talaga ang deserve ko?

Binasa niyang muli ang mga FB messages sa cellphone.

Tangina niya, friend! Sana tubuan siya ng kulani sa patotoy! Bagay sila ng malandi niyang babaeng chaka! They deserve each other!

Napangiti si Sam. Message ni Viv, kanyang best friend.

At least ibang context ng "deserve" dito.

:) lol, reply ni Sam. Sana nakasama ka though...:(

Sa bintana may mahinang liwanag ng araw na hindi masakit sa balat, kaya't hinawi ni Sam ang kurtina, ipinikit ang mga mata at dinama ang init ng araw sa kanyang mukha. Habang nakapikit ay nawawala-wala ang liwanag tuwing matatakpan ng mga puno ang araw. Para kay Sam, para ba itong carousel.

Dumilat si Sam nang marinig ang masasayang mga boses ng mga pasahero. Nakarating na ang bus sa dulo ng Kennon Road at lumapag sa Baguio City. Buntong-hininga para sa mga sakay na taga-roon at natapos na ang mahabang lakbay. Excitement naman para sa unang makakarating sa tinaguriang Summer Capital ng bansa, tulad ng dalawang magkasintahan na animo'y ngayon lang nakakita ng pine trees at mga makukulay na bulaklak.

Nagising na rin ang katabi ni Sam na ale na ang unang ginawa ay tignan ang sarili sa maliit na face mirror. Ngumiti si Sam nang magkatinginan sila. Ngumiti naman ang ale pabalik.

Sa pagliko ng bus tungo sa terminal, natuwa lalo ang iba nang makita ang pamilyar na gusali.

"Uy! SM!" sambit ng babae sa nobyo niya.

"Yes! Diyan! Diyan tayo kakain! Sa Gerry's!"

Natuwa rin ang mga batang pasahero, at kinalabit ang kanilang mommy at daddy. Imbes na Baguio ang bukang-bibig ay Jollibee. Hindi tayo nagpunta dito, anak, para mag-Jollibee lang, ang sabi ng nanay sa anak. Nakangiting napailing si Sam.

Maraming beses naman nang nakarating si Sam sa Baguio. Noong maliit pa siya'y madalas sila rito para bisitahin ang kanyang 'Lo at 'La. Kasama ang kanyang nag-iisang kapatid na babae at kanilang mga magulang, noong hindi pa hiwalay ang mga ito. Mag-lalabing isang taon na pala ang nakaraan, muni ni Sam, pagka't iyon ang kanyang naisip, ang masasayang araw na buo pa sila. Dati'y hindi maintindihan ni Sam kung bakit kailangang maghiwalay ng kanyang mama at papa. Na hindi sapat na nagkaroon ng ibang babae ang kanyang papa para magiba ang pamilya nila. Ngayon, naiintindihan na niya kung bakit. Almost.

Nagpalakpakan ang grupo ng magbabarkadang lalaki nang pumasok ng terminal ang bus at narinig nila ang tunog hanging pagbukas ng pintuan ng bus. Agad na pumasok ang lamig Baguio at muling napangiti ang lahat. Nagsipagtayuan ang mga sakay at kinuhang mga bag nila sa taas na compartment, ang iba'y may malalaking maleta sa baggage compartment sa ilalim ng bus. Katamtamang laki ng maleta na may gulong ang kay Sam at sa pagsakay niya ng taxi ang huli niyang natanaw ay ang magkasintahang hip-hop na magkaakbay na naglalakad, dalang kanilang mga bag, masayang patungo sa kung saan. Well, malamang sa Gerry's. Nakaramdam ng konting pagkainggit si Sam. Na sana ganoon ang relasyon niya, hindi complicated.

Na tipong hindi lang nagpaalam sa mga magulang.

***

Medyo liblib ang kinatitirikan ng bahay ng kanyang 'Lo at 'La. Halos 40 minutes pa ang nilakbay ng taxi bago natunton ito. Paakyat pa na kalsada ang kanilang dinaanan na may matataas na puno sa magkabila. May hamog ang loob ng gubat. Basa ang damuhan. Huminto ang taxi sa tapat ng isang kulay berde na kahoy na gate na patungo sa pataas na hagdanang bato. Malago ang mga halaman sa paligid. Makulay ang mga bulaklak.

Binaba ng driver ang maleta mula sa back compartment. Hinatak ni Sam ang handle at hila-hila ang maleta na naglakad tungo sa gate.

"Miss, gusto n'yo bang tulungan ko kayo sa bag n'yo?" alok ng driver na nasa kanyang 40s, suot ay bonnet na kulay red, green at yellow. Reggae colors, although ang patugtog ng driver sa taxi ay Air Supply.

"Okay lang, Manong, kaya ko na 'to," nakangiting lumingon pabalik si Sam.

Tumango ang driver at sumakay ng kanyang taxi. May munting kaway na binitawan ito sa saradong bintana ng taxi bago pinaandar ang sasakyan. Kumaway pabalik si Sam. Mabait naman si manong, magalang sa kadahilanang hindi ito palakibo noong nasa biyahe sila, paminsan-minsan lang na napapa-lip synch sa Air Supply. Hindi usisero tulad ng iba. Pamilyado, pakiwari ni Sam.

Pumasok si Sam sa loob ng berdeng gate at kanyang isinara ito. Tumingala siya at pinagmasdan ang batong hagdan paakyat. Mga 30 steps ang taas na may tatlong mga landing. Hindi tanaw ang bahay ng kanyang 'Lo at 'La mula rito kung kaya't ang hagdan ay tila ba papunta ng langit, pagka't ang tanawin ay mga ulap. Noong maliit pa siya'y tinatakbo niya ito, nagpapaligsahan pa sila ng kanyang ate kung sino ang unang makakarating sa itaas. Ang premyo ay kung sino ang unang mamimili ng puwesto sa double deck na kama. In other words, sino ang sa top deck. Napangiti si Sam nang maalala ito.

Sumisilip na ang araw sa mga puno, matatalas na mga sinag na tumutusok sa mga dahon. Tinanaw ni Sam ang hagdan habang hinawakan ang handle ng kanyang maleta. May malamig na simoy ng hangin ang dumapo sa kanyang mukha at siya'y napabuntong-hininga.

"Okay, Sam...here we go..."


NEXT CHAPTER: "Ang Bahay ni 'Lo at 'La"

Ang Banga sa SilongWhere stories live. Discover now