SLIT [05]

3.4K 144 13
                                    

“GANITO ang gagawin natin. Simple lang, Pareng Erik. Dito ka sa loob ng van pupwesto habang si Berto ang hahablot sa bata. Kayong dalawa ni Ping ang aabot ng bata mula kay Berto. Pipiringan ninyo, bubusalan ang bibig at itatali ang kamay at paa. Si Fredo ang magda-drive at ibabalik kayo dito sa bahay ni Boss Madam. Dadalhin ninyo sa tinatawag naming slaughter room at doon ay ibibigay ninyo ang bata sa mga professional na doktor na mag-oopera sa bata. Sila ang kukuha ng mga organs o parte ng katawan na ino-order ng mga kliyente ni Boss Madam. Babantayan mo ang pag-oopera sa mga bata dahil isa iyon sa trabaho mo. Ngunit hindi palaging ikaw ang magbabantay. Salitan kayong apat nina Fredo, Berto at Ping. Isang bata ay bibigyan kayo ni Boss Madam ng one hundred thousand pesos at iyon ang paghahatian ninyong apat. Ikaw, bilang magbabantay ka sa pag-oopera ay may bukod kang bayad. Sampung libo ang ibabayad sa iyo doon. Kapag mas maraming bata kayong nakuha sa isang operasyon ay mas malaki ang kikitain ninyo…”

Hindi na alam ni Erik kung gaano na siya katagal na nakatulala simula nang sumakay siya sa puting van kasama sina Erik. Ngayon ay napatunayan niyang totoo nga ang mga puting van na nangunguha ng bata at kinukuha ang mga lamang-loob. Umaandar na iyon at ang alam niya ay sa Barangay Uno ang punta nila para sa operasyon na una niyang sasamahan.

Ani Mando ay manonood lang muna siya para mapag-aralan niya ang gagawin niya dahil siya ang papalit dito. Dapat siyang magmasid sa lahat ng galaw ni Mando dahil ngayon lang siya nito matuturuan. Ito na ang huling araw nito sa pagtatrabaho kay Boss Madam. Magkatabi silang nakaupo ni Mando sa may gitnang hanay ng van habang sina Berto at Ping ay nasa unahan nila.

“Bakit ako ang napili mong pumalit sa iyo, pare?” Mahinang tanong ni Erik sa kaibigan habang nakatingin sa kawala. Kinakabahan siya at tulala. Hindi pa rin siya makapaniwala na ganitong uri ng trabaho ang gagawin niya.

Sumagot si Mando nang hindi tumitingin sa kaniya. “Dahil gusto kitang tulungan. Nakikita ko ang sarili ko sa iyo noon. Gusto kong maiahon mo sa hirap ang sarili mo at ang pamilya mo, pare. At ito lang ang paraan na kaya kong ibigay sa iyo. Gusto kong makaipon ka. Gayahin mo ako. Kapag alam mong may sapat ka nang ipon ay pwede ka nang kumalas kay Boss Madam. Ang gagawin mo lang ay humanap ng magiging kapalit mo.”

“Ginamit mo lang pala ako para makawala sa trabahong ito?”

“Hindi, pare. Tinutulungan lang kita. Nakita mo naman, nabigyan ka agad ng pera ni Boss Madam kaya nasa ospital na ulit ang anak mo. Malaki ang kikitain mo dito basta sumunod ka lang palagi kay Boss Madam.”

“Palagi bang bata ang kinukuha ninyo? Hindi ba kayo natatakot na baka mahuli kayo ng pulis sa ginagawa ninyong ito?”

“Depende sa demand. Sa ngayon kasi ay puro bata ang gusto ng mga kliyente. Saka huwag kang matakot sa mga pulis. Mga pucha silang lahat! Protektado nila ang negosyong ito ni Boss Madam dahil malaki ang ibinabayad sa kanila. Wala kang dapat ikabahala, pare. Hindi ka mapapahamak sa trabahong ito. Pagtatakpan tayo ng mga pulis!”

Napangisi si Erik dahil naisip niyang kayang gawin lahat ng pera. Kahit ang mga taong nagpo-protekta dapat sa kanila ay handa silang ipahamak para lang sa pera. Sadya ngang makapangyarihan ang pera at marami sa tao ang ginagawa itong diyos. Bukod sa mga pulis ay isa na doon si Boss Madam. Bakit? Dahil gumagawa ito ng ilegat at pumapatay ng mga tao para lang magkamal ng malaking halaga ng pera.

Makalipas ang ilang minuto ay nasa Barangay Uno na sila. Nalampasan na nila ang eskwelahang pinapasukan ng anak niyang si Mayen. Mabuti na lang at nasa bahay ito. Hindi siya kakabahan na baka ito ang makuha nila. Ayaw niyang malaman ng pamilya niya ang trabaho niya. Walang dapat na makaalam nito dahil baka isuka ng mag-iina niya ang ibibigay niyang pagkain sa mga ito kapag nalaman na sa ganitong paraan siya kumikita.

Nagmamasid sa labas ang tatlong nasa likuran maliban kay Erik. Pinapanood lang niya ang mga ito. May mangilan-ngilang bata at teenager sa gilid ng kalsada. Karamihan ay nakasuot pa ng school uniform.

SICK: Part FourKde žijí příběhy. Začni objevovat