SLIT [01]

4.6K 151 12
                                    

SABON, shampoo, tatlong itlog at isang noodles.

Iyan lang ang nagawang bilhin ni Erik sa sinahod niya para sa araw na iyon. Maghapon siyang nagtrabaho sa isang construction ng itinatayong building ngunit isang daan na lang ang natira sa sahod niya dahil panay ang bale niya noong mga nakaraang araw. Paano ay isang linggo nang may lagnat ang bunso niyang anak na si Biboy at hanggang ngayon ay hindi pa rin magaling. Nag-aalala na nga siya dahil tataas-bababa ang lagnat nito. Paulit-ulit lang.

Ang sukli sa isandaang piso ay pambaon pa ng panganay niyang anak na second year high school na si Mayen. Mabuti nga at ito pa lang ang nag-aaral sa apat niyang anak. Sumunod dito ay kambal na lalaki at babae na ang pangalan ay Boy at Girlie. Ang asawa naman niyang si Maya ay walang trabaho dahil ito ang nag-aasikaso ng mga anak nila pati na ng mga gawaing-bahay.

Nakatira sila sa isang maliit na barung-barong sa malawak na squatter's area sa siyudad. Yari ang bahay nila sa pinagtagpi-tagping plywood, sako at tarpulin. Ang bubong nila ay yerong pinagtagpi-tagpi din kaya kapag umuulan ay tumutulo.

Mahirap ang buhay para kay Erik. Napakahirap! Sa edad niyang bente otso ay matanda na siyang tingnan dahil subsob siya sa mabibigat na trabaho. Bilad sa araw kaya umitim na ang balat niya. Simula nang magsama sila ni Maya ay sa squatter na sila nakatira at hanggang ngayon ay naroon pa rin sila.

Paalis na sana siya ng sari-sari store na pinagbilhan niya nang maalala niya na wala pa pala silang bigas. Binilang niya ang sukli sa kaniya. Sixty pesos na lang. Treinta pesos ang isang kilo ng bigas at sampung piso ang baon ng anak niya sa school. Bente nga dapat iyon dahil sumasakay pa ito ng tricycle papasok kaya lang ay wala na talaga siyang pambigay na pamasahe nito. Magbibigay pa siya sa asawa niya ng pambili ng gamot ng bunso nila.

Napailing si Erik sabay sapo sa noo. Parang sumasakit ang ulo niya kung paano niya pagkakasyahin ang isandaang piso para maka-survive sila ng pamilya niya sa isang araw.

Sa totoo lang ay awang-awa na siya sa asawa at mga anak niya dahil kahit kailan ay hindi niya nabigyan ang mga ito ng kaginhawaan ng buhay. Paano ay hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. First year high school lang ang naabot niya at ganoon din si Maya.

Magkaklase kasi sila noon ni Maya at naging kasintahan niya ito noong unang taon nila sa highschool. Naging mapusok sila at nabuntis niya si Maya. Galit na galit ang mga magulang ni Maya sa kanila at nagbantang paghihiwalayin sila. Kaya nagtanan sila nito pero hindi naging maganda ang resulta ng ginawa nila. Sa ika-anim na buwan ng pagbubuntis ni Maya ay nakunan ito. Bigla na lang itong dinugo. Sa takot niya na baka mawala sa kaniya nang tuluyan si Maya ay bumalik na sila sa kani-kanilang pamilya.

Hindi na nag-aral si Maya dahil sa kahihiyan na baka pagtawanan lang ito ng mga nakakakilala dito dahil sa nabuntis ito ng maaga. Maging siya ay nawalan na rin ng ganang mag-aral kaya tumambay na lang siya. Ngunit talagang hindi kayang pigilan ng kahit na sino ang nag-aalab na pagmamahalan nilang dalawa. Palihim pa rin silang nagkikita hanggang sa mabuntis niya ulit si Maya sa edad na kinse. Naglayas sila ulit at tumira sa siyudad kung saan na sila naninirahan sa kasalukuyan. Ligtas naman na nailuwal ni Maya ang ipinagbubuntis nito at si Mayen na nga iyon na ngayon ay trese anyos na.

Pakiramdam nila noon ay kaya na nilang mabuhay kaya hindi na sila bumalik pa sa kanilang pamilya. At sa ngayon ay labingtatlong taon na silang nagsasama at merong apat na anak.

Ngunit sa kabila ng kahirapan ng buhay ay walang pinagsisisihan si Erik sa ginawa nila noon ni Maya na pagtatanan. Iba pa rin sa pakiramdam na makikita mong buo ang pamilya mo at magkakasama kayong natutulog sa gabi.

Bumalik si Erik sa tindahan. "Aling Cora, pwede bang pautang ako ng isang kilo ng bigas?" Uutang na lang siya para may pambigay siya ng pamasahe kay Mayen.

SICK: Part FourWhere stories live. Discover now