BLACK [03]

4.2K 148 13
                                    

MAY duda man sa tunay na pakay ng taong tumawag sa napulot na cellphone ni Angel ay sinunod pa rin niya ang sinabi nito. Kumuha siya ng screwdriver at tinanggal ang apat na turnilyo sa loob ng attache case at doon ay isang ATM card ang nakita niya. May kasama pa iyong maliit na papel kung saan may nakasulat na anim na number.

6-6-6-0-1-3.

Nahinuha niyang iyon ang passcode ng ATM card na hawak niya ngayon. Agad naman niyang in-install ang application para sa banko ng ATM card at gumawa siya ng account doon para ma-check niya ang laman ng ATM card.

“T-ten thousand pesos!” gulat na bulalas niya. Kung tama ang passcode ay may posibilidad na seryoso nga ang tumawag kanina na bibigyan siya nito ng sampung milyong piso. Nanlamig siya nang maisip na baka nga ito na ang sagot para makaahon siya sa kahirapan. Ngunit bakit naman kaya siya bibigyan ng isang tao ng ganoong pera? Hindi nga niya ito kilala, e.

Nalipasan na ng gutom si Angel sa pag-iisip. Hindi na siya lumabas ng kwarto at nakikipagtitigan lang siya sa cellphone at ATM card. Iniisip niya kung dapat ba siyang maniwala sa tumawag sa kaniya.

“Walang taong magbibigay ng ganoong kalaking pera sa hindi niya kilala. Budol lang iyan, Angel. Matulog ka na lang!” Sa wakas ay nakumbinse na rin niya ang sarili na hindi totoo ang sinabi ng nakausap niya gamit ang itim na cellphone. Humiga na siya sa kama at ipinikit ang mata. Wala na siyang ganang kumain kaya itutulog na lang niya.


-----ooo-----


“GOOD morning! Breakfast na!” Ang maingay na bunganga ni Cecilla ang gumising kay Angel ng umagang iyon.

Ala-sais ng umaga talaga madalas umuuwi si Cecilla mula sa trabaho nito. Depende rin pala. Kapag minamalas ito ay maaga itong umuuwi dahil walang customer. Alam niya na may pera ito kapag tinanghali ito ng uwi dahil ibig sabihin niyon ay nagustuhan ng naging cutomer nito ang serbisyo ni Cecilla. Mas matagal ay mas malaki ang singil nito. Bumangon at tumayo na si Angel. Lumabas na rin siya ng kwarto. Naabutan niya ang kaibigan na nagtitimpla ng kape. Merong pancit na binili sa karinderya at pandesal sa lamesa.

“Friend, kain ka na! Libre ko na iyan dahil naka-jackpot ako kagabi! Ang rich ng naging customer ko kagabi! Ginalingan ko kaya binigyan ako ng bonus!” Tuwang pumalakpak si Cecilla.

Nagmumog muna siya at umupo na. Habang nagtitimpla siya ng kape ay nagpapalaman naman ng pancit si Cecilla sa pandesal. “'Buti ka pa, friend. Samantalang ako ay wala nang trabaho. Nalulugi na pala iyong karinderya na pinagtrabahuhan ko kaya nag-alis sila ng tao…” Malungkot niyang balita. “Kaya balik ulit ako sa paghahanap ng bagong trabaho. Nag-apply na ako sa kung saan-saan. Sana may tumawag na.”

“Aww… Ang sad naman, friend! Gusto mo bang manghiram sa akin ng pera? Para may panggastos ka habang naghahanap ka ng bago mong work.” Itinaas nito ang isang paa sa upuan at ipinagpatuloy ang pagkain.

“'Wag na. Meron naman akong nakuhang tatlong libo na huling sahod ko. Iyong wanpayb ay ibibigay ko na agad sa iyo para sa upa. Malapit nang maningil si Tita Azul. Alam mo naman iyon, ayaw ng late. Baka mabungangaan pa tayo!”

“Hay naku ka. Ako na muna ang magbabayad ngayong buwan, okay? Saka ka na magbayad kapag may trabaho ka na.”

“Sigurado ka? Baka ikaw naman ang mawalan. Ayos lang naman ako.”

Umiling ito. “Ako pa? Mawawalan?” Malakas itong tumawa. “Never! Hangga’t may mga lalaking malilibog na parang kuneho ay hindi ako mawawalan ng pera! Teka, ayaw mo bang mag-pokpok na lang? Maganda ka naman at sexy. Papahiramin kita ng mga damit ko. Ano? Bet?”

Tinawanan niya ang offer ng kaniyang kaibigan. “Iyan naman ang hindi pwede, friend. Kahit ano ay gagawin ko 'wag lang iyang trabaho mo. No offense, ha.”

SICK: Part FourWhere stories live. Discover now