0

9.6K 234 7
                                    

Xoom's Boutique. Ang nakapaskil na pangalan sa tindahang na sa aking harap. Kupas na ang kulay nito at halos matanggal na sa pagkakasabit sa taas ng pinto. Patay-sindi ang ilaw sa magkabilang gilid ng pinto. Ang salaming bintana ay maalikabok na parang hindi nalinisan sa loob ng mahabang panahon. Ang lumang pintura na ginamit sa pinto ay hulas na. Ang sahig ay bitak bitak.

Suot ang makapal na kapang itim ay marahan akong naglakad palapit sa lumang pinto. Parang kapag kumatok ako ay tuluyan na itong bibigay.

Madilim ang paligid ng tindahan, puro mga abandonadong tindahan ang katabi nitong boutique. Wala ring nagkakamaling dumaan sa madilim na kalsada sa harap. Mukhang pinaglipasan ng panahon ang parteng ito ng Vontage. Walang balak na buhayin at hinayan na lang na ganito hanggang sa bumigay ng kusa ang mga nakatayong tindahan.

'Matagal kitang hinanap. Hindi ko inaasahang dito ka nakatayo. Sa lugar kung saan hindi kailan man pumasok sa'king isip.'

Bago pa ako makakatok sa pinto ay marahang bumukas ang pinto. Sumalubong sa'kin ang madilim na kuwarto. Napahinga ako ng malalim bago humakbang papasok.

Matagal kong pinaghandaan ang araw na ito. Marami akong gustong malaman. Ang daming katanungan sa aking isip at tanging ang bagay lang na iyon ang makakasagot sa nag-uumapaw na tanong na walang makapagbigay ng kasagutan.

Ang mabagal na pagbukas kanina ng pinto ay kabaligtaran ng pagsara nito. Nilipad ang suot kong kapa sa sobrang bilis ng pagsara ng pinto.

Biglang bumukas ang isang gasera sa isang tabi. Naanig ko ang ilang mga gamit. Mga librong magkakahanay sa isang tabi, sa kabilang gilid naman ay mga antigong gamit. May mga sapot iyon ng gagamba. Bahagya akong napaatras. Naging alerto. Langya. Bakit may gagamba dito?!

Bahagyang nawala ang tapang ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang dahilan ng takot ko sa gagamba.

Sunod na bumukas ang isa pang gasera sa kabilang tabi. Doon naman nakalagay ang mga salamin. Maraming maraming salamin. Kitang kitang ko ang aking repleksyon. Para lang akong anino dahil sa ilaw ng gasera at sa suot kong kapa. Hindi kita ang aking mukha at tanging hugis ko lang ang nakikita ko.

Iba iba ang hugis at desinyo ng mga salamin. May ilang nakasandal lang at ang iba ay nakasabit.

Muling may bumukas na gasera, sa tapat ko naman ngayon. Na sa gilid ito ng pintong kulay kalawang. O dahil lang iyon sa ilaw?

Kasabay sa mabagal kong paglakad papunta sa pinto ang pagbukas nito. Madilim. Sobrang dilim sa likod ng pinto.

Napaatras ako nang biglang lumabas mula roon ang isang babae. Tingin ko ay hanggang dibdib ko lang siya. Wala siyang buhok. May nakapinta sa kaniyang ulo. Mga kakaibang letra, pabilog ito. Payat ang katawan. Kulubot ang balat at ang isang mata ay may takip. Nakasuot siya ng puting pistida na lumapat sa sahig sa sobrang haba.

Gumapang ang kilabot sa katawan ko nang bigla siyang ngumiti ng malawak. Buo pa ang kaniyang ngipin pero ang pangil niya ay kakaiba, tingin ko ay kulay ginto ito. Tumigil siya medyo malapit sa'kin. Nakatitig siya sa mukha kong nakatago sa kapang suot. Pakiramdam ko ay nakikita niya ako at kilala.

"Kumusta?" mabagal na tanong niya. Boses bata. Aakalin na hindi siya ang nagsalita. Napakainosente ng tono ng kaniyng boses kabaligtaran ng kaniyang mukha. Nakakakilabot ang kaniyang anyo.

"Kanina ka pa nakatayo sa labas. Akala ko ay wala ka nang balak pumasok." sobrang bagal niya talagang magsalita. Kakaiba. Mas lumawak ang kaniyang ngiti. Pinagdikit niya ang dalawang palad. "Alam ko ang kailangan mo. Nakikita ko sa iyong mga mata."

Kumabog ang aking dibdib. Totoo nga na nakikita niya ako kahit natatakpan ang aking mukha. Tulad ng mga nababalitaan ko tungkol sa kaniya. Kakaiba nga siya.

Newszealz Academy: Mirror of TruthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon